OPISYAL NA KASUUTAN
Inilalarawan ng salitang Hebreo na ʼad·deʹreth ang isang bagay na “maringal” (Eze 17:8; Zac 11:3) at, sa mga pagtukoy nito sa isang kasuutan, maliwanag na ang tinutukoy nito ay isang malapad na balabal o mahabang damit, marahil ay ipinapatong sa mga balikat at gawa sa mga balat o sa telang hinabi mula sa balahibo o lana.
Ang katibayan na isang mabalahibong kasuutan ang inilalarawan ng terminong ito ay makikita sa paglalarawan sa panganay ni Isaac na si Esau. Noong kapanganakan niya, siya ay “lumabas na mapula ang buong katawan tulad ng opisyal na kasuutang balahibo; kaya tinawag nilang Esau ang pangalan nito.” (Gen 25:25) Malamang na ang pagkakahawig niya sa isang opisyal na kasuutan ay hindi dahil sa kaniyang mamula-mulang kulay kundi dahil sa pagiging mabalahibo niya.
Bilang salin ng ʼad·deʹreth, para sa opisyal na kasuutang ginamit nina Elias at Eliseo, ginamit ng Septuagint ang salitang Griego na me·lo·teʹ (nangangahulugang balat ng tupa o anumang magaspang at tulad-lanang balat). (1Ha 19:13) Ipinahihiwatig nito na ang kasuutang iyon ay gawa sa mga balat na hindi inalisan ng balahibo, katulad ng kagayakang isinusuot ng ilang Bedouin. Ang damit ng gayong mga propeta ni Jehova ang maaaring tinutukoy ni Pablo nang ilarawan niya ang pinag-usig na mga lingkod ng Diyos bilang “nagpagala-gala na nakabalat-tupa, na nakabalat-kambing.” (Heb 11:37) Nagsuot si Juan na Tagapagbautismo ng damit na yari sa balahibo ng kamelyo, bagaman hindi binanggit na iyon ang kaniyang opisyal na kasuutan bilang isang propeta.—Mar 1:6.
Anuman ang disenyo ng mga ito, waring ang mga opisyal na kasuutang ito na yari sa balahibo ang naging pagkakakilanlan ng ilang propeta. Nang marinig ni Haring Ahazias ang paglalarawan sa “isang lalaki na may kasuutang balahibo, na may sinturong katad na nakabigkis sa kaniyang mga balakang,” kaagad niyang nakilala na iyon ang propetang si Elias. (2Ha 1:8) Ang opisyal na kasuutang ito ang nagsilbing pamahid na instrumento na inihagis kay Eliseo nang ‘tawagin’ siya upang iwan ang araro at sumunod kay Elias. (1Ha 19:19-21) Nang maglaon, noong pumailanlang si Elias sa buhawi, iniwan niya ang kasuutang ito para sa kaniyang kahalili, anupat di-kalaunan ay ginamit nito ang kasuutan upang hatiin ang Ilog Jordan, gaya ng ginawa ng kaniyang panginoon. (2Ha 2:3, 8, 13, 14) Lumilitaw na kung minsan ay nagsusuot ang mga bulaang propeta ng kahawig na mga kasuutang yari sa balahibo upang linlangin ang mga tao para tanggapin sila ng mga ito bilang kinikilalang mga propeta ni Jehova, sa gayon ay nagiging waring higit na kapani-paniwala ang kanilang mga mensahe.—Zac 13:4.
Ang terminong ʼad·deʹreth ay ginamit din upang tumukoy sa mamahalin at maharlikang mga kasuutan, tulad niyaong ninakaw ni Acan, “isang opisyal na kasuutan mula sa Sinar, isa nga na maganda.” (Jos 7:21, 24) Kilala ang sinaunang Babilonya, o Sinar, sa magaganda at mahahabang damit nito. Ang hari ng Nineve ay “naghubad ng kaniyang opisyal na kasuutan,” walang alinlangan na isang marangya at mahabang damit, at nagdamit ng telang-sako upang ipakita ang kaniyang pagsisisi.—Jon 3:6.