Nasisiyahan Ka ba sa Espirituwal na mga Paglalaan ni Jehova?
“‘Pakisuyong subukin ninyo ako sa bagay na ito,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan ng langit at aktuwal na ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala na walang sapat na silid na kalagyan.’ ”—MALAKIAS 3:10.
1. Sa anong mga paglalaan nasisiyahan na ang karamihan ng may buhay na mga nilalang?
KUNG ikaw ay hihinto ng paglanghap ng hangin, hindi lalampas ang mga ilang minuto at ikaw ay mamamatay. Kung hihinto ka ng pag-inom ng tubig, mga ilang araw lamang at ikaw ay mamamatay. Kung hihinto ka ng pagkain, mga ilang linggo lamang at ikaw ay mamamatay. Kung hihinto ka ng pagkain ng espirituwal na pagkaing inilaan ni Jehova, kung mamatay ka’y patay ka na magpakailanman. Si Jehova ang naglalaan ng hangin, tubig, at pagkain na kailangan ng lahat ng mga nilalang na may buhay. Kaya naman, kay Jehova’y sinasabi ng salmista: “Iyong binubuksan ang iyong kamay at sinasapatan mo ang nasà ng bawat bagay na may buhay.” (Awit 145:16) Ang nasà ng karamihan ng mga bagay na may buhay ay natutupad sa pamamagitan ng materyal na mga paglalaan. Subalit ito’y hindi totoo kung tungkol sa mga nilalang na tao.
2. Ano ang nasà ng puso ng tao, at anong mga paglalaan ang kailangan para sa katuparan nito?
2 Ito’y itinawag-pansin ni Jesus nang kaniyang sabihin: “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mateo 4:4) Ang nakabababang mga paglalang ay walang kaisipan tungkol sa kawalang-hanggan, subalit ang tao ay mayroon, gaya ng sinasabi ng Eclesiastes 3:11: “Maging ang panahong walang takda ay kaniyang inilagay sa kanilang puso.” O gaya ng pagkasalin ng Revised Standard Version: “Kaniyang inilagay ang kawalang-hanggan sa isip ng tao.” Kung gayon, ang taos-pusong nasà ng tao ay ang mabuhay hanggang sa panahong walang takda, samakatuwid nga’y magpakailanman. Ang hangin, tubig, at tinapay ay hindi sapat para riyan. Upang mabuhay magpakailanman ay kailangan ang espirituwal na mga paglalaan na nakasalig sa “bawat salitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” Sa ngayon, ito’y masusumpungan sa iisang aklat, ang Bibliya, at kaydami kung kaya’t walang pagkaubos—lahat ng kailangan mo, higit kaysa maaari mong taglayin. Ang lalagyan nito na pinaka-paminggalan ay hindi kailanman nauubusan.
3. Ano ang itinangi ni Jesus bilang pinakamahalaga, at anong lihim ang natutuhan ni Pablo?
3 Tayo’y tinuruan ni Jesus na manalanging bigyan tayo ng kinakailangang materyal na pagkain: “Ibigay mo sa amin sa araw na ito ang aming kakainin para sa araw na ito.” Subalit hindi nagtagal pagkatapos ay kaniya namang inilagay sa unang dako ang espirituwal na mga bagay nang kaniyang sabihin: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.” (Mateo 6:11, 33) Sa pamamagitan ng materyal na pagkain ay nananatili tayong buháy sa maghapon sa araw-araw; ang patuloy na pagkain ng espirituwal na mga pagkain ay magbibigay sa atin ng buhay na panghabang panahon, at hanggang sa walang-hanggan. Kaya’t huwag mabalisa tungkol sa materyal na mga bagay. Si Pablo ay hindi nabalisa. Binanggit niya ang espirituwal na mga bagay na nagpapangyari na siya’y maging kontento anuman ang mga kalagayan na kinalagyan niya, na ang sabi: “Natutuhan ko ang lihim kapuwa kung paano magiging nasa kabusugan at kung paano magiging nasa kagutuman, kapuwa kung paano kung nasa kasaganaan at kung paano kung nasa paghihikahos. Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagpapalakas sa akin.”—Filipos 4:12, 13.
Kapahamakan ang Dumarating sa mga Walang Kasiyahan
4. Anong mga paglalaan ang hindi pa nagkasiya sa unang mag-asawa, at ano pa ang ibig nila?
4 Gayunman, marami ang hindi nasisiyahan sa mga paglalaan ni Jehova. Ang ating mga unang magulang ay kabilang na rito. Sila’y naninirahan noon sa isang paraisong halamanan—ang magandang tanawin ay nakalugod sa kanilang mga mata, ang mababangong bulaklak ay nagsaboy ng halimuyak sa hangin na kanilang nilalanghap, ang masasarap na pagkain ay naging katakam-takam sa kanilang mga panlasa, ang awitin ng mga ibon ay nagsilbing harana sa kanilang mga pandinig. Isa pa, taglay nila ang kawili-wiling gawain na pangangalaga sa halamanang ito, kasali na ang biyaya na punuin ang lupa ng sakdal na mga supling nila. Subalit sila’y mapag-imbot. Hindi pa nagkasiya sa kanila ang ibinigay ng Diyos. Ibig nila ng higit pa. Ibig nila na sila ang magpasiya para sa kanilang sarili kung ano ang tama at kung ano ang mali. Kaya’t ganoon nga ang ginawa nila, at ang mismong unang pasiya na ginawa nila ay kapaha-pahamak, at ang resulta’y ang pagkawala ng lahat ng bagay, para sa kanilang sarili at para sa kanilang supling.—Genesis 3:1-7, 16-19.
5. Ano ang ipinagkaloob ni Jehova na mga pagpapala sa mga Israelita, at ano ang kanilang iginanti?
5 Ang mga Israelita ay tumulad sa kanilang masamang halimbawa. Sila’y tinubos ng Diyos sa pagkaalipin sa Ehipto, kaniyang ginawa sila na isang bansa, binigyan sila ng isang sakdal na Batas, inakay sila sa kanilang paglalakbay sa iláng, pinaglaanan sila ng pananamit na hindi kailanman nasira, at makahimalang tinustusan sila ng manna na nahulog buhat sa langit at ng tubig na bumukal sa isang batuhan. Subalit sila’y hindi nasiyahan sa mga paglalaan ni Jehova. (1 Corinto 10:1-5) Sa kanilang paglalakbay sa iláng, sila’y nagreklamo nang paulit-ulit.—Exodo 13:21, 22; Bilang 11:1-6; Deuteronomio 29:5.
6. Ano ang ikinilos ng mga Israelita na nagdala ng kapahamakan sa kanila bilang isang bansa?
6 Sila’y nagreklamo pa rin pagkatapos na sila’y mapatatag sa Lupang Pangako—sa isang mataba, may saganang tubig na lupain na “inaagusan ng gatas at pulot.” Sila’y walang utang na loob, hindi nasisiyahan sa mga paglalaan ni Jehova, iniwan nila ang pagsamba sa kaniya, bumaling sa idolatrosong pagsamba sa sekso, inihandog ang kanilang mga anak kay Moloch, at nagdala ng kapahamakan sa kanilang sarili bilang isang bansa. Pagkatapos na sila’y makapagbalik-bayan galing sa pagkabihag sa Babilonya, sila’y sumunod naman sa mga oral na tradisyon na nagwalang-kabuluhan sa Salita ng Diyos. Sa katapus-tapusan ay pinatay nila ang ipinangakong Mesiyas nila, si Kristo Jesus.—Deuteronomio 6:3; 8:7-9; Hukom 10:6; 1 Hari 14:22-24; 2 Hari 21:1-16; Isaias 24:1-6; Mateo 15:3-9; 27:17-26.
7. Paanong ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay nagpatuloy sa ganoon ding landas na nilakaran ng di-tapat na mga saserdote noong panahon ni Malakias?
7 Magpahanggang sa araw na ito ang karamihan ng mga tao ay nagpatuloy na sumunod sa walang katotohanang mga turong relihiyoso. Hinahamak ng klero ang pangalan ni Jehova, hindi man lamang nila ginagamit ito. Siya’y nilalapastangan nila sa pamamagitan ng di maka-Kasulatang mga turo na gaya ng Trinidad, ng walang kamatayang kaluluwa, at ng walang-hanggang pagpaparusa sa apoy ng impierno. Ang kanilang mga doktrina ay hindi lamang nahaluan ng mga kasinungalingan na kinuha sa sinaunang Babilonya at Ehipto kundi rin naman, sa maraming kaso, nilason ng pagtatatwa sa pantubos na inihandog ni Kristo at ng pagtanggap sa ebolusyon. Kanilang ninanakawan si Jehova ng kapurihan na karapat-dapat sa kaniya, gaya rin ng ginawa ng mga saserdote noong kaarawan ni Malakias.—Malakias 1:6-8; 3:7-9.
8. (a) Anong paanyaya ang tinanggihan ng mga saserdote noong kaarawan ni Malakias at gayundin ng mga pinunong relihiyoso sa ngayon? (b) Sino naman ang tumugon sa paanyaya, at ano ang resulta?
8 Ang mga Israelita noon ay hinimok na maglinis ng kanilang sarili at manumbalik kay Jehova. “Manumbalik kayo sa akin, at ako’y manunumbalik sa inyo,” ang sabi ni Jehova. Siya pa rin ay nag-aanyaya sa kanila: “‘Pakisuyong subukin ninyo ako sa bagay na ito,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan ng langit at aktuwal na ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalagyan.’” (Malakias 3:7, 10) Tanging isang nalabi ng bansang Judio ang nanumbalik; sa ngayon, isang tapat na nalabi ng espirituwal na Israel ang nagsilabas sa mga huwad na relihiyon ng sanlibutang ito. Sila, kasama ang isang lumalagong malaking pulutong ng mga ibang tulad-tupang mga mananamba, ay pumupuri kay Jehova bilang kaniyang mga Saksi. (Juan 10:16) Sa kanila, tinupad ni Jehova ang kaniyang pangako at kaniyang ‘binuksan sa kanila ang mga dungawan ng langit at inihulog sa kanila ang mga pagpapala na walang sapat na silid na kalagyan’—isang mistulang bangkete ng espirituwal na pagkain!—Isaias 25:6.
Sagana ang Espirituwal na Pagkain
9. Anong espirituwal na mga paglalaan ang ipinamamahagi sa ngayon, sa pamamagitan ng anong paraan, at ano ang resulta?
9 “Ang tapat at maingat na alipin” na inihula ni Jesus para sa ating kaarawan ay abala sa paglalaan ng saganang espirituwal na pagkain. (Mateo 24:45) Noong nakalipas na taon lamang, sa 208 mga bansa at mga isla ng karagatan at sa mga 200 wika, mahigit na tatlong milyong mga Saksi ni Jehova ang namahagi ng espirituwal na mga paglalaang ito sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay at pamamahagi ng daan-daang milyong mga aklat, magasin, at Bibliya. Marami ang nakisalo sa pagkain ng espirituwal na pagkaing ito at nangasiyahan: Mahigit na 225,000 mga baguhan ang nabautismuhan sa loob ng isang taon!
10. Anong mga paglalaan ang ipinamamahagi para makasunod sa payo ni Pablo na magtipong sama-sama?
10 Ang espirituwal na mga paglalaan ni Jehova ay ipinamahagi rin sa pamamagitan ng mga pandistritong kombensiyon, ng pansirkitong mga asamblea, at ng limang lingguhang mga pulong na regular na ginaganap sa humigit-kumulang 52,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova—bilang pagsunod sa payo ni Pablo sa Hebreo 10:25 na ‘huwag kaligtaan ang ating pagkakatipong sama-sama.’
11. Paano ipinaghahalimbawa ang kanais-nais na paraan ng paghahanda ng espirituwal na pagkain?
11 Pagka ang isang babae’y nag-aanyaya ng mga panauhin sa isang pananghalian, hindi siya naglalaga lamang ng kapirasong karne at basta ibubunton iyon sa isang plato. Siya’y gumagamit ng mga rekado at mga sarsa upang sumarap ang lasa at ginagayakan pa man din iyon upang makaakit. Kahit na lamang ang hitsura at katakam-takam na amoy niyaon ay sapat na upang tayo’y maglaway at umagos ang mga katas na pantunaw natin. Ganiyan ang paghahanda sa espirituwal na mga paglalaan ni Jehova—hindi sa isang paraan na tuyot at tulad sa paraan na ginagamit sa paghahanda ng isang ensayklopedia, kundi sa isang katakam-takam na paraan na nakalulugod sa isip at pumupukaw ng puso. Bawat isa sa mga Kristiyano ay dapat sumunod sa halimbawang iyan. “Hindi ba ang pakinig ay sumusuri ng mga salita gaya ng ngalangala na lumalasa ng pagkain niya?”—Job 12:11.
12. Ano ang mga halimbawa ng katakam-takam na paghahanda ng espirituwal na pagkain?
12 Ang Giya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro sa unang aralin nito ay nagdiriin ng paggamit ng kalugud-lugod na mga salita. Hindi lamang tamang mga salita ang ginamit ni Solomon kundi rin naman mga salitang kalugud-lugod. (Eclesiastes 12:10) Sa Awit 45:2 ay inihula ang tungkol sa Mesiyas, si Jesu-Kristo: “Kahali-halina ang bumubuhos sa iyong mga labi.” At ganoon nga ang nangyari. Ang kaniyang mga tagapakinig ay nanggilalas “sa kahali-halinang mga salita na nanggagaling sa kaniyang bibig.” Sila’y patuloy na nagsisunod sa kaniya upang makinig sa kaniya, maagang nagpupunta sila sa templo upang makinig sa kaniya, sila’y nakikinig sa kaniya nang may pagkalugod, nanggilalas sila sa kaniyang paraan ng pagtuturo. Ang mga punong kawal na pinapunta upang umaresto sa kaniya ay nagsabi: “Kailanma’y walang ibang taong nagsalita nang gayon.” (Lucas 4:22; 19:48; 21:38; Marcos 12:37; Mateo 7:28; Juan 7:46) Ang Giya ay inilaan upang tumulong sa atin na magsalita ng kalugud-lugod na mga salita ng katotohanan. Ginagamit mo ba ito nang lubusan?
13. Gaano kariin ang payo ng Efeso 5:15-17 na ‘lubusang samantalahin ang panahon,’ at bakit ito idiniriin?
13 Ang Efeso 5:15-17 ay nagpapayo sa atin: “Mag-ingat nga kayong lubos kung paano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang kundi gaya ng marurunong, na lubusang sinasamantala ang tamang-tamang panahon para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay masasama. Kaya nga iwanan na ninyo ang pagkawalang katuwiran, kundi patuloy na unawain kung ano ang kalooban ni Jehova.” Ang salitang Griego rito na isinaling “panahon” ay hindi nangangahulugan ng panahon ayon sa karaniwang kahulugan kundi tumutukoy sa isang takdang panahon, isang tiyak na panahon para sa isang espisipikong layunin. Ang pandiwang Griego na isinaling “lubusang sinasamantala” ay nasa anyong masidhi, at “sa kontekstong ito marahil ay nangangahulugan iyon na ‘lubusang masidhing sinasamantala iyon’; s.b., sinusunggaban ang bawat pagkakataon na napapaharap.”a Iyo bang sinasamantala ang panahon buhat sa iyong iskedyul upang maging pantas ka sa pamamagitan ng pakikibahagi sa espirituwal na mga paglalaan ni Jehova? Dapat nga. Lahat tayo ay dapat gumawa niyan. Bakit? “Sapagkat ang mga araw ay masasama.”
Mula sa Espirituwal na Disyerto Tungo sa Espirituwal na Paraiso
14. Anong talata sa Bibliya ang nagsisilbing isang halimbawa ng anong katangian ng ating New World Translation Reference Bible sa wikang Ingles?
14 Ang isang mahalagang espirituwal na paglalaan ay ang ating New World Translation of the Holy Scriptures—With References, na inilabas noong 1984. Ito’y maraming katangian na tutulong upang ang ‘lubusang sinamantalang panahon’ ay magamit para maragdagan ang ating kaalaman.b Ang isang halimbawa nito ay nasa cross-references. Kuning halimbawa ang Awit 1:3, tungkol sa kalagayan ng tao na nagbubulaybulay sa kautusan ng Diyos araw at gabi. Ganito ang sinasabi ng talatang iyan: “Siya’y magiging parang punungkahoy na itinanim sa siping ng mga agos ng tubig, na nagbubunga sa kaniyang kapanahunan at ang kaniyang dahon ay hindi malalanta, at lahat niyang gawin ay magtatagumpay.” Mayroong higit, at higit pa, na kahulugan ang talatang ito kaysa makikita rito ng mambabasa na mabilisang bumabasa nito at saka magpapatuloy ng pagbabasa.
15. Anong mga tanong ang bumabangon tungkol sa punungkahoy na tinutukoy sa Awit 1:3, at anong paliwanag ang ibinibigay ng Isaias 44:4?
15 Pakisuyong pansinin: Ang punungkahoy ay itinatanim. Sinong nagtatanim nito? Ito’y itinatanim sa siping ng mga agos ng tubig, pangmaramihan. Ang isa bang punungkahoy ay tumutubo sa mga dalampasigan ng maraming mga ilog? Hindi. Kaya maging mausisa ka. Ano ba ang punungkahoy na ito? Ang kaugnay na mga reperensiya ang nagbubukas ng mga mata ng ating isip. Ito’y ang Isaias 44:4, 61:3, at Jeremias 17:8. Ang Isaias 44:4 ay nagsasabi na ang kaniyang bayan ay magiging gaya ng mga punungkahoy “sa siping ng mga kanal ng tubig.” Maraming mga kanal ng tubig? Aba, oo! Ang mga agos ay mga kanal ng patubig na dumidilig sa mga punungkahoy sa isang halamanan!
16. Ano pang paliwanag ang ibinibigay ng Isaias 61:3 at Jeremias 17:8?
16 Sa Isaias 61:3 ay tinatawag ang ilan sa mga punungkahoy na ito na “malalaking punungkahoy ng katuwiran, na itinanim ni Jehova upang siya’y luwalhatiin.” Si Jehova ang siyang nagtatanim at nagdidilig nito, at siya ang naluluwalhati sa pamamagitan ng pamumunga ng mga punungkahoy! Sa Jeremias 17:8 ang taong nagbubulaybulay sa kautusan ng Diyos araw at gabi ay “isang punungkahoy na itinanim sa tabi ng tubigan, na nag-uugat sa tabi ng ilog; at hindi matatakot pagka dumating ang init, kundi ang kaniyang dahon ay tunay na mananariwa. At sa taon ng tagtuyot ay hindi siya mababalisa, ni maglilikat man ng pamumunga.” Ang mga dahon niyaon ay hindi malalanta; lahat ng gawin niyaon ay magtatagumpay!
17. Anong larawan ngayon ang nabubuo tungkol sa Awit 1:3, at anong bahagi ang ginagampanan natin dito?
17 Ngayon ay nagliliwanag ang ating paningin! Ang Awit 1:3 ay nagpipinta ng isang magandang larawan. Yaong mga nagbubulaybulay sa mga kautusan ni Jehova araw at gabi ay gaya ng mga punungkahoy na itinanim sa siping ng isang walang pagkatuyong agos ng tubig. Sila ay hindi na bahagi ng tigang-sa-espirituwal na makasanlibutang mga organisasyon kundi ngayon ay kaugnay na sila ng organisasyon ng Diyos na saganang pinagkakalooban ng nakarirepreskong tubig ng katotohanan. Oo, sila’y nasa isang espirituwal na paraiso, narepreskuhan sa espirituwal, at nagsisibol ng espirituwal na mga bunga sa ikapupuri ni Jehova. At isip-isipin lamang! Ginagamit ng Diyos ang kaniyang mga Saksi upang akayin ang mga tao upang umalis sa tigang, tuyot, na makasanlibutang mga organisasyon at magtungo sa nakarirepresko, sagana ang tubig na espirituwal na paraisong ito.
18. Paano naaapektuhan ang iba pagka kanilang nakita na ang iba’y nakahihigit sa kanila sa pagpapatotoo, at bakit kaya sila mahina sa bagay na ito?
18 Upang magampanang mabisa ang gawaing ito, kailangang disiplinahin natin ang ating mga isip at puso upang magamit ang lahat ng espirituwal na mga paglalaan ni Jehova. May mga nakakarinig sa mga iba na nagpapaliwanag ng mga teksto sa Bibliya at pagkatapos ay sasabihin nila: “Sana nga ang kaalaman ko sa Bibliya ay kagaya ng sa kaniya!” Subalit kung ang gayong mga tao ay magdidisiplina ng kanilang sarili upang pag-aralan ang Bibliya, sila man ay makapagpapasulong ng kanilang kaalaman sa Bibliya. May mga iba na nakakarinig sa iba na nagpapatotoo sa mga bahay-bahay at sa gayo’y sasabihin nila: “Sana’y nakapagpapatotoo rin ako sa mga bahay-bahay na gaya ng paraan niya!” Subalit kung kanilang didisiplinahin ang kanilang sarili upang makibahaging malimit sa paglilingkod sa larangan, na ginagamit ang aklat na Nangangatuwiran mula sa Kasulatan, sila man ay maaaring maging lalong bihasang mga Saksi. Mayroon namang iba na nakakarinig ng mga ibang nagpapahayag buhat sa Bibliya at kanilang sinasabi: “Sana’y makapagpahayag din ako na gaya ng kaniyang paraan ng pagpapahayag.” Subalit, kung ang mga taong ito ay magdidisiplina ng kanilang sarili upang maihandang mainam ang kanilang mga pahayag, na anupa’t ikinakapit ang mga araling natutuhan sa Giya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, sila man ay makapagpapahusay rin ng kanilang kakayahang magsalita.
19. Ano ang susi para mapaunlad ang ating mga posibilidad na mapasulong ang ating pagpapatotoo?
19 Bueno, ang paghahangad ay mabuti, subalit ang paghahangad nang walang kalakip na gawa ay hindi nakagagawa ng anuman upang matapos ang trabaho. Sa paggawa natutupad ang hangarin. Disiplinahin mo ang iyong sarili na lubusang samantalahin ang panahon, at gawin ang gawain na tutupad ng iyong hangarin. Kung hindi mo gagamitin ang isa mong kalamnan, iyon ay maninigas. Kung hindi mo gagamitin ang kasanayan mo sa isang trabaho, iyon ay malalaos. Kung hindi mo gagamitin ang iyong isip, malalaos ang iyong kakayahang mag-isip. Kung hindi mo gagamitin ang kaalaman, iwawala mo ang taglay mong kaalaman. Sa lahat ng kasong ito, ang alituntunin ay, “Gamitin mo iyon o kung hindi ay mawawala iyon.” Sa ‘pamamagitan ng kagagamit nasasanay ang pang-unawa.’ Kung magkagayon “ang kakayahang umisip mismo ay magbabantay sa iyo, ang pagkaunawa mismo ay mag-iingat sa iyo.”—Hebreo 5:14; Kawikaan 2:11.
20. Sa pamamagitan ng pagsasamantala sa espirituwal na mga paglalaan ni Jehova, ano ang ating maiiwasan, at ano naman ang ating tatamuhin?
20 Kaya gamitin ang espirituwal na mga paglalaan ni Jehova. Makigalak sa kaniyang mga lingkod na mga nasisiyahan na. Iwasan ang taggutom na inihula ni Amos: “ ‘Narito! Dumarating ang mga araw,’ sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘na ako’y magpapasapit ng taggutom sa lupain, hindi kagutom sa tinapay, at kauhawan sa tubig, kundi sa pakikinig sa mga salita ni Jehova.’ ” (Amos 8:11) Makisalo ka sa mga taong kumakain at nangagagalak, hindi sa mga taong tumatanggi sa pagkain at napapahiya: “Ganito ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova: ‘Narito! Ang aking mga lingkod ay magsisikain, ngunit kayo’y magugutom. Narito! Ang aking mga lingkod ay magsisiinom, ngunit kayo’y mauuhaw. Narito! Ang aking mga lingkod ay magagalak, ngunit kayo ay mapapahiya.’”—Isaias 65:13.
[Mga talababa]
a Tingnan ang The New International Dictionary of New Testament Theology, Tomo 1, pahina 268, ni Colin Brown.
b Baka wala pa kayo nito sa inyong wika ngunit tiyak na magiging interesado kayo sa binanggit na halimbawa ng paggamit nito.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Paano ipinakita ng bansang Israel ang kaniyang di-kasiyahan sa mga paglalaan ni Jehova?
◻ Kailan natupad ang Malakias 3:10 sa mga Saksi ni Jehova?
◻ Ano ang saligang kahulugan ng Awit 1:3?
◻ Bakit kailangan na gamitin ang mga bagay na natutuhan sa pamamagitan ng espirituwal na mga paglalaan ni Jehova?
[Larawan sa pahina 15]
Yaong mga nagbubulaybulay sa kautusan ni Jehova ay tulad sa mga punungkahoy na itinanim sa tabi ng saganang bukal ng tubig