KABANATA 14
“Isang Pagpapala Hanggang sa Wala Nang Kakulangan”
1, 2. (a) Anong pagpili ang magiging kapaki-pakinabang para sa bawat isa sa atin? (b) Ang katuparan ng anong hula ang may kaugnayan sa mga pagpapalang matatamasa natin?
NABUBUHAY tayo sa panahon ng paghatol at ng pagpapala. Panahon ito ng pagkabulok ng relihiyon at ng pagsasauli ng tunay na pagsamba. Tiyak na gusto mong matamasa ang pagpapala gayundin ang kalugud-lugod na mga epekto ng pagsasauli ng tunay na pagsamba sa kasalukuyan at sa hinaharap! Subalit paano ka makatitiyak na matatamasa mo ang mga ito? Ang sagot ay may kaugnayan sa isang hula na nagkaroon ng malaking katuparan pagkatapos magsimula ang “mga huling araw” noong 1914. (2 Timoteo 3:1) Inihula ni Malakias: “‘Darating sa Kaniyang templo ang tunay na Panginoon[g Jehova], na hinahanap ninyo, at ang mensahero ng tipan na siyang kinalulugdan ninyo. Narito! Siya ay tiyak na darating,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.”—Malakias 3:1.
2 Ang hulang ito na may napakahalagang kahulugan sa iyong buhay ay masusumpungan sa huling aklat ng 12 makahulang aklat. Sa pagtatapos ng ating pagtalakay sa mga aklat na ito, lalo nang mahalaga ang mensaheng isinulat ni Malakias. Kalakip sa kaniyang aklat ang napakahalagang tagubilin upang ikaw at ang iba pang mga lingkod ni Jehova ay tumanggap ng “isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.” (Malakias 3:10) Masusi nating suriin ang kabanata 3 ng aklat ng Malakias.
ANG PANAHON PARA SA ESPIRITUWAL NA PAGLILINIS
3. Anong pangyayari sa sinaunang bayan ng Diyos ang humantong sa pagpili ng “Israel ng Diyos”?
3 Mga limang dantaon pagkatapos ng panahon ni Malakias, si Jehova, na kinakatawan ni Kristo (ang “mensahero ng [Diyos sa Abrahamikong] tipan”), ay dumating sa literal na templo sa Jerusalem upang hatulan ang Kaniyang katipang bayan. Ipinakita ng bansang iyon sa pangkalahatan na hindi na ito karapat-dapat tumanggap ng lingap, kaya itinakwil ito ni Jehova. (Mateo 23:37, 38) Makikita mo ang katibayan niyan sa nangyari noong 70 C.E. Makatitiyak ka rin na pinili ng Diyos ang “Israel ng Diyos,” isang espirituwal na bansa na binubuo ng 144,000 na kinuha mula sa lahat ng mga bansa. (Galacia 6:16; Roma 3:25, 26) Gayunman, hindi iyan ang sukdulang katuparan ng hula ni Malakias. Tumutukoy rin ito sa makabagong panahon at may tuwirang kaugnayan ito sa iyong mga pag-asa sa hinaharap para sa “isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.”
4. Ano ang kailangang sagutin pagkatapos mailuklok si Jesus sa trono noong 1914?
4 Pinatutunayan ng katuparan ng hula sa Bibliya na noong 1914, si Jesu-Kristo ay iniluklok bilang Hari sa makalangit na Kaharian ni Jehova. Pagkatapos, dumating ang panahon upang kilalanin ni Jesus ang isang grupo ng mga Kristiyano na karapat-dapat sa pagsang-ayon ng Diyos. Sino ang makapapasa sa pagsubok sa espirituwal na kadalisayan? Masusumpungan mo ang kasagutan sa ipinahihiwatig ng mga salita ni Malakias: “Sino ang makatatagal sa araw ng kaniyang pagdating, at sino ang tatayo kapag nagpakita siya? Sapagkat siya ay magiging gaya ng apoy ng tagapagdalisay.” (Malakias 3:2) Kailan at paano dumating si Jehova sa kaniyang “templo” para sa paghatol?
5, 6. (a) Nang dumating si Jehova sa kaniyang espirituwal na templo upang magsiyasat, ano ang nasumpungan niya sa gitna ng karamihan sa nag-aangking mga mananamba? (b) Ano ang kailangan ng pinahiran-ng-espiritung mga lingkod ng Diyos?
5 Maliwanag, hindi dumating ang Diyos sa isang templong yari sa bato at argamasa. Ang huling literal na templo para sa tunay na pagsamba ay nawasak noong 70 C.E. Sa halip, dumating si Jehova sa isang espirituwal na templo, ang kaayusan na doo’y makalalapit ang mga tao at makasasamba sa kaniya salig sa haing pantubos ni Jesus. (Hebreo 9:2-10, 23-28) Tiyak na hindi bahagi ng espirituwal na templong iyon ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, sapagkat sila’y bahagi ng isang relihiyosong sistema na nagkasala ng pagbububo ng dugo at espirituwal na pagpapatutot, isa na nagtataguyod ng huwad na mga turo sa halip ng dalisay na pagsamba. Si Jehova ay naging isang “mabilis na saksi laban” sa ginawa ng Sangkakristiyanuhan, at alam mong makatarungan ang kaniyang hatol laban sa kanila. (Malakias 3:5) Gayunman, pagkatapos maitatag ang Kaharian ng Diyos, may isang grupo ng tunay na mga Kristiyanong naglilingkod sa looban ng espirituwal na templo ng Diyos na nananatiling tapat sa Kaniya sa kabila ng matitinding pagsubok. Gayunpaman, kinailangan ding dalisayin ang mga pinahirang iyon. Binabanggit ng mga akda ng 12 propeta ang gayong pagdadalisay, sapagkat ang mga akdang iyon ay naglalaman ng nakapagpapasiglang mga pangako ng espirituwal at pisikal na pagsasauli sa gitna ng mga lingkod ng Diyos. Inihula ni Malakias na magkakaroon ng isang bayan na ‘dadalisayin ni Jehova na parang ginto at parang pilak.’ “Kay Jehova sila ay magiging bayan na nagdadala ng isang handog na kaloob sa katuwiran.”—Malakias 3:3.
6 Ipinakikita ng maraming katibayan na mula noong 1918 patuloy, isinagawa ni Jehova ang kinakailangang paglilinis para sa pinahirang mga Kristiyano, anupat dinadalisay ang kanilang pagsamba, gawain, at mga doktrina.a Sila at ang “malaking pulutong” na sumama sa kanila nang maglaon ay lubhang nakinabang. (Apocalipsis 7:9) Bilang isang nagkakaisang grupo, patuloy silang nagdadala ng “isang handog na kaloob sa katuwiran” na “kasiya-siya kay Jehova.”—Malakias 3:3, 4.
7. Ano ang angkop na maitatanong natin sa ating sarili tungkol sa katayuan natin sa Diyos?
7 Totoo iyan sa bayan ng Diyos sa kabuuan, subalit kumusta naman ang bawat isa sa atin? Maitatanong mo: ‘May mga aspekto ba sa aking saloobin at mga pagkilos na kailangan pang dalisayin? Kailangan ko bang dalisayin ang aking paggawi, kung paanong dinalisay ni Jehova ang kaniyang pinahiran?’ Nakita natin sa naunang mga kabanata na itinampok ng 12 propeta ang di-wastong mga saloobin at paggawi gayundin ang kanais-nais na mga katangian at gawa. Dahil dito, naging posible na malaman mo kung ano ang “hinihingi sa iyo” ni Jehova. (Mikas 6:8) Pansinin ang pananalitang “sa iyo.” Idiniriin niyan kung bakit dapat nating suriin ang ating sarili upang malaman kung kinakailangan ba natin ng higit pang pagdadalisay o paglilinis.
‘SUBUKIN NINYO AKO, PAKISUYO’
8. Ano ang paanyaya ni Jehova sa kaniyang bayan?
8 Isaalang-alang ang sinabi pa ni Jehova sa pamamagitan ni Malakias sa kabanata 3, talata 10. Masusumpungan mo roon ang magiliw na paanyayang ito: “‘Dalhin ninyo sa kamalig ang lahat ng ikasampung bahagi, upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay; at subukin ninyo ako sa bagay na ito, pakisuyo,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga pintuan ng tubig sa langit at ibubuhos sa inyo ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.’” Ang paanyayang iyan ay para sa bayan ng Diyos sa kabuuan. Nadarama mo bang ito rin ang personal na paanyaya sa iyo?
9. Anong uri ng mga handog at ikapu ang maaari mong dalhin kay Jehova?
9 Paano mo maibibigay kay Jehova ang “ikasampung bahagi”? Sabihin pa, hindi ka obligadong magdala ng literal na mga handog at mga ikapu, gaya ng itinakda sa ilalim ng Kautusan. Espirituwal na mga handog ang hinihiling ngayon ng Diyos. Gaya ng tinalakay natin sa naunang kabanata, inilarawan ni Pablo ang iyong gawaing pagpapatotoo bilang isang handog. (Oseas 14:2) Pagkatapos, binanggit ng apostol ang isa pang uri ng hain: “Huwag ninyong kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng [materyal na] mga bagay-bagay sa iba, sapagkat sa gayong mga hain ay lubos na nalulugod ang Diyos.” (Hebreo 13:15, 16) Kaya maliwanag na ang “ikasampung bahagi” na binabanggit sa Malakias 3:10 ay lumalarawan sa espirituwal at materyal na mga handog. Bilang isang bautisadong Kristiyano, lubusan kang nakaalay kay Jehova, subalit ang iyong ikapu ay lumalarawan sa bahagi ng tinataglay mo na dinadala mo kay Jehova, o ginagamit mo sa paglilingkod sa kaniya. Kasama riyan ang panahon, lakas, mga kakayahan, at materyal na mga kaloob na ginagamit mo sa paglilingkod kay Jehova.
10. Sa anong diwa wasto mong ‘sinusubok si Jehova’?
10 Talagang angkop nga na ihandog mo ang gayong makasagisag na ikapu kay Jehova taglay ang debosyon at pag-ibig! Kailangan din ang pagkadama ng pagkaapurahan. Batid mong ang dakilang araw ni Jehova ay mabilis na dumarating at iyon ay “lubhang kakila-kilabot.” (Joel 2:1, 2, 11) Buhay ang nakataya. Personal kang inaanyayahan ng Diyos. Hinihiling sa iyo ni Jehova na ‘subukin siya.’ Siyempre pa, hindi dapat subukin ng hamak na tao si Jehova na para bang ang Diyos ay hindi mapagkakatiwalaan. (Hebreo 3:8-10) Ngunit maaari mo siyang may-kapakumbabaang subukin sa wastong paraan. Paano? Nangako siya ng isang pagpapala. Kapag sinusunod mo siya, sinusubok mo ang Diyos, na parang itinatanong mo, ‘Pagpapalain niya kaya ako?’ Bilang tugon, inoobliga niya ang kaniyang sarili na gawin iyon upang tupdin ang kaniyang pangako. Kaya ang pagpapahintulot sa iyo ng Diyos na ‘subukin siya’ ay nagpapatibay sa iyong pananalig na pagpapalain ka niya nang sagana.
11, 12. Anu-anong pagpapala ni Jehova sa kaniyang bayan ang personal mong nasaksihan?
11 Nakikita mo na ang bayan ni Jehova ay bukas-palad na nagbibigay ng materyal na mga handog at espirituwal na mga hain. At ibinuhos ni Jehova ang “isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.” Maaaring napansin mo ang gayong pagpapalang ipinagkaloob sa bayan ng Diyos, gaya ng ipinakikita ng mabilis na pagtaas ng bilang ng mga Saksi ni Jehova mula noong unang bahagi ng ika-20 siglo hanggang sa ating panahon. Nakita mo rin ang kapansin-pansing pagsulong sa pagkaunawa ng “malalalim na bagay ng Diyos.” (1 Corinto 2:10; Kawikaan 4:18) Gayunman, pag-isipan ito mula sa ibang anggulo: Ano ang personal na epekto nito sa iyo?
12 Marahil isa kang miyembro ng simbahan noon, o maaaring nagsisimula ka pa lamang dumalo sa mga pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova. Noong panahong iyon, gaano karaming saligang katotohanan sa Bibliya ang nauunawaan mo? Ngayon, ihambing mo iyan sa iyong natutuhan mula noon at sa mga katotohanang mapatutunayan mo nang tuwiran mula sa Kasulatan. O pag-isipan ang malalalim na bagay na naunawaan mo na, kabilang na ang mga hula na natutupad sa ngayon. At isaalang-alang ang iyong pagsulong sa praktikal na pagkakapit ng ilang teksto sa Bibliya sa iyong pamumuhay. Kaylaki na ng nagawa mong pagsulong! Sa iyo mismong kalagayan, masasabi mo ang gaya ng sinabi ni apostol Pedro: “Taglay namin ang makahulang salita na ginawang higit na tiyak.” (2 Pedro 1:19) Ito ang punto: Ikaw ay personal na “naturuan ni Jehova” at kabilang ka sa bayan na nagsasagawa ng tunay na Kristiyanismo at nagnanais maglingkod kay Jehova magpakailanman. (Isaias 54:13) Ngayon pa lamang ay masasabi mo nang lubha ka niyang pinagpala.
ANG IYONG PANGALAN SA AKLAT NG BUHAY
13. Paano posibleng mapasulat ang pangalan ng isa sa aklat ng alaala ng Diyos?
13 Masusumpungan mo ang higit pang pagpapala mula kay Jehova na binabanggit sa Malakias 3:16: “Nang panahong iyon ay nagsalita sa isa’t isa yaong mga natatakot kay Jehova, bawat isa ay sa kaniyang kasamahan, at si Jehova ay patuloy na nagbigay-pansin at nakinig. At isang aklat ng alaala ang pinasimulang isulat sa harap niya para sa mga natatakot kay Jehova at para sa mga palaisip sa kaniyang pangalan.” Ipinakikita kapuwa ng pinahiran at ng malaking pulutong ang ganitong mapagpitagang ‘pagkatakot kay Jehova.’ Hindi ba isang pribilehiyo na maging isang Saksi ni Jehova, na bahagi ng isang maligayang bayan na palaisip sa pangalan ni Jehova at lumuluwalhati rito sa buong globo? Talagang masisiyahan kang malaman na natatandaan ni Jehova ang iyong katapatan!—Hebreo 6:10.
14. Paano ka natulungan ng 12 propeta na maunawaan kung anong mga saloobin at gawain ang kinasusuklaman ni Jehova?
14 Subalit bilang indibiduwal, paano mapapasama ang iyong pangalan sa “aklat ng alaala” na iyon, na sa ngayon ay isinusulat na sa harap ni Jehova? Alalahanin ang ilang matatalinong payo na nasumpungan natin sa mga aklat ng 12 propeta. Nalaman natin kung anong mga paggawi, katangian, at mga saloobin ang hindi nakalulugod kay Jehova. Halimbawa, itinawag-pansin sa atin ng mga propeta ang mga gawain na sinasabi ng Diyos na salungat sa kaniyang matuwid na mga pamantayan at makasisira sa ating buhay, gaya ng “mahalay na paggawi” at ng “espiritu ng pakikiapid.” (Oseas 4:12; 6:9) Kinasusuklaman ng Diyos ang may-kataksilang nakikitungo sa asawa o, kung palalawakin pa natin ang pagkakapit ng simulaing iyan, sa iba pang miyembro ng pamilya. (Malakias 2:15, 16) Kinasihan ni Jehova ang mga propeta na idiin na hindi siya nalulugod sa anumang anyo ng karahasan. (Amos 3:10) Itinawag-pansin din niya sa kanila ang pangangailangang iwasan ang kawalang-katarungan o kawalang-katapatan sa negosyo at mga bagay na may kaugnayan sa pera. (Amos 5:24; Malakias 3:5) At idiniin ng 12 aklat na napakahalagang huwag hayaan ng mga lalaking pinagkatiwalaan ng awtoridad na mapilipit ang kanilang paghatol dahil sa pagtatangi o sakim na interes.—Mikas 7:3, 4.
15. Anu-ano ang ilang kapakinabangang matatanggap mo sa pagsunod sa mga payo ng 12 propeta?
15 Subalit itinuon ng mga propeta ang ating pansin hindi lamang sa mga bagay na dapat nating iwasan. Itinuon din nila ang ating pansin sa mga kapakinabangang matatamasa natin kung manghahawakan tayo sa mga pamantayan ng Diyos. Mas mapapalapít tayo kay Jehova. (Mikas 4:5) Magiging mas matatag at aktibo ang ating kongregasyon kapag sumasagana ang katuwiran. Magiging mas matibay ang ating pag-aasawa, at magiging mas nagkakaisa ang ating pamilya, na higit na nakasentro sa espirituwal na mga bagay. (Oseas 2:19; 11:4) Sa pagiging makatarungan at matapat, makakamit natin ang paggalang ng iba. Sa pagtulad sa awa ni Jehova, maipakikita natin ang habag at maibiging-kabaitan sa iba at mararanasan natin ang gayundin mula sa ating mga kapatid. (Mikas 7:18, 19) Oo, makakasama natin ang mga taong interesado sa espirituwal na mga bagay, mga kapatid na umiibig sa katotohanan at kapayapaan, at higit sa lahat, magiging kaibigan natin si Jehova. (Zacarias 8:16, 19) Hindi ka ba sumasang-ayon na nararanasan mo na ang mga pagpapalang ito?
16. Anong pagkakaiba ang kitang-kita sa ngayon, at ano ang kahihinatnan nito sa araw ng pagtutuos ni Jehova?
16 Gaya ng natalakay na natin, kitang-kita ngayon “ang pagkakaiba sa pagitan ng matuwid at ng balakyot”—sa pagitan ng tunay at huwad na mga Kristiyano. (Malakias 3:18) Sinisikap nating makatugon sa mga pamantayan ni Jehova samantalang ang daigdig sa pangkalahatan ay palubog nang palubog sa lusak ng kasamaan. At alam mong hindi biro ang kahihinatnan ng pagkakaibang ito pagdating ng “dakilang araw ni Jehova.”—Zefanias 1:14; Mateo 25:46.
17. Sa hinaharap, paano mo magagamit ang impormasyong nasa aklat na ito?
17 Maliwanag kung gayon na ang payo ng 12 propeta ay laging napapanahon. Habang napapaharap ka sa espesipikong mga problema o mga desisyon, hinihimok ka naming repasuhin ang praktikal na impormasyong iniharap sa mga kabanata ng aklat na ito. Sa gayon ay maipakikita mo ang iyong patuloy na pagnanais na maturuan sa mga daan ni Jehova at ‘lumakad sa kaniyang mga landas.’ (Mikas 4:2) Gayunman, ang paglakad sa daang iyon ay dapat gawin hindi lamang sa ngayon. Ang iyong marubdob na hangarin ay na permanenteng mapasulat ang iyong pangalan sa aklat ng alaala ni Jehova, hindi ba? Matutulungan ka ng mga aklat ng 12 propeta na matamo iyan.
PANANAMPALATAYANG UMAAKAY SA KALIGTASAN
18. Anong napakahalagang kahilingan ang masusumpungan mo sa Joel 2:32, at ano ang idinagdag ni apostol Pablo sa kahilingang iyon?
18 Sa pagtatampok ng isang mahalagang salik na magdudulot sa iyo ng walang-hanggang pagsang-ayon ng Diyos, sinabi ni Joel: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay makaliligtas.” (Joel 2:32) Sinipi ng dalawang apostol, sina Pedro at Pablo, ang napakahalagang kahilingan na ito. (Gawa 2:21; Roma 10:13) Idinagdag ni Pablo ang isa pang aspekto ng payong iyon nang magtanong siya: “Paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila sinampalatayanan?” (Roma 10:14) Tiyak na nais mong tumawag sa pangalan ni Jehova at manampalataya sa kaniya ngayon at magpakailanman!
19. Ano ang kahulugan ng pagtawag sa pangalan ni Jehova?
19 Ang pagtawag sa pangalan ni Jehova ay nangangahulugan ng higit pa sa basta pagkaalam at paggamit sa personal na pangalan ng Diyos. (Isaias 1:15) Idiniriin ng konteksto ng Joel 2:32 ang tunay na pagsisisi at pagtitiwala sa kapatawaran ni Jehova. (Joel 2:12, 13) Ang pagtawag sa pangalan ng Diyos ay nagpapahiwatig na talagang nakikilala natin siya, nagtitiwala tayo sa kaniya, sumusunod tayo sa kaniya, at inuuna natin siya sa ating buhay. Oo, nagiging pangunahin sa ating buhay ang paglilingkod kay Jehova. Iyan naman ay lubhang umaakay sa isang kasiya-siya at namamalaging buhay, na isang pagpapala mula sa Diyos.—Mateo 6:33.
20. Habang nananampalataya ka, anong kamangha-manghang gantimpala ang naging posible?
20 Sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Habakuk: “Kung tungkol sa matuwid, sa pamamagitan ng kaniyang katapatan ay mananatili siyang buháy.” (Habakuk 2:4) Tiyakin mong ikintal iyan sa iyong isip at puso. Isa iyan sa mahahalagang katotohanan ng Bibliya. Tatlong ulit na tinukoy ni Pablo ang kasulatang iyan sa kaniyang kinasihang mga akda.b (Roma 1:16, 17; Galacia 3:11, 14; Hebreo 10:38) Hinihiling sa iyo ng katotohanang ito na manampalataya ka sa haing inihandog ni Jesu-Kristo para sa ating mga kasalanan. Ipinaliwanag ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay . . . magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Pagkatapos ay sinabi pa ni Jesus: “Siya na nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16, 36) Sa pamamagitan ng haing iyon, naging posible para sa atin na tanggapin ang pagpapagaling na maibibigay lamang ng ating Manunubos. Pagkatapos iulat ang pananalita ni Jehova tungkol sa gagawin ng Kaniyang dakilang araw sa balakyot na sanlibutan ni Satanas, nagpatuloy si Malakias: “Sa inyo na natatakot sa aking pangalan ay sisikat ang araw ng katuwiran, na may kagalingan sa mga pakpak nito.” Oo, sisikat si Jesus na may kagalingan. Nangangahulugan iyan ng espirituwal na pagpapagaling na nararanasan natin sa ngayon. Gayunman, kapana-panabik ngang isipin na gagawin din niya ang lubusang pisikal na pagpapagaling sa bagong sanlibutan!—Malakias 4:2.
21. Bakit ka makapagtitiwala sa kakayahan ni Jehova na isakatuparan ang kaniyang kalooban?
21 Napakahalaga ring manampalataya sa kakayahan ng Diyos na isakatuparan ang kaniyang kalooban. Noong panahon ni Mikas, mahirap magtiwala sa mga kapuwa tao. Sinabi ng propeta: “Huwag kayong manampalataya sa isang kasamahan. Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa isang matalik na kaibigan.” Gayunman, hindi nawalan ng tiwala si Mikas kay Jehova; gayundin ang dapat mong gawin. Sinabi ni Mikas: “Sa ganang akin, si Jehova ang patuloy kong hihintayin.” (Mikas 7:5, 7) Di-tulad ng hindi mapananaligang mga tao, determinado si Jehova at mayroon siyang kapangyarihan upang tuparin ang kaniyang layunin para sa pagbabangong-puri ng kaniyang soberanya at para sa namamalaging kapakanan ng mga taong nananampalataya sa kaniya.
22. Ano ang mararanasan ng may-pananampalatayang tumatawag sa pangalan ni Jehova?
22 May-pagtitiwala mong masasabi ang gaya ng sinabi ni Habakuk: “Magbubunyi ako kay Jehova; magagalak ako sa Diyos ng aking kaligtasan.” (Habakuk 3:18) Niliwanag ni propeta Joel ang dahilan ng kagalakan sa bahagi ng mga may-pananampalatayang tumatawag sa pangalan ni Jehova: Sila ay “makaliligtas” o, gaya ng pagkakasabi rito ni Pablo, “maliligtas.” (Joel 2:32; Roma 10:13) Ligtas sa anong diwa? Dahil nananampalataya ka, naligtas ka mula sa tusong mga gawa ni Satanas at sa maraming masasaklap na karanasan na tiyak na pagdurusahan ng balakyot. (1 Pedro 1:18) Subalit bukod pa riyan, makapagtitiwala kang maliligtas ka sa kapaha-pahamak na wakas ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Magbubukas iyan ng daan para matamasa mo ang maraming pagpapala na inihula ng 12 propeta.
MGA PAGLALARAWAN HINGGIL SA PARAISO
23, 24. (a) Ano ang ilang paglalarawan ng 12 propeta hinggil sa Paraiso? (b) Paano naapektuhan ng isinulat ng 12 propeta ang pananaw mo tungkol sa hinaharap?
23 May namamalaging mga pagpapalang naghihintay para sa mga “natatakot kay Jehova.” (Malakias 3:16) Ang ilan sa 12 propeta ay nagbigay ng malinaw na mga paglalarawan hinggil sa makalupang Paraiso na napakalapit na, mga paglalarawan na maaaring lumipos sa iyo ng kagalakan at pananabik. Halimbawa, sumulat si Mikas: “Uupo sila, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.” (Mikas 4:4) Tunay, sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, makadarama ka ng katiwasayan at aanihin mo ang kasiya-siyang mga bunga ng iyong pagpapagal!
24 Hindi lamang isang panaginip ang lubusang pagkawala ng sakit, pamimighati, at kamatayan pa nga. Gunigunihin ang kagalakan ng mga bubuhaying muli taglay ang pag-asang makamit ang kasakdalan ng tao! Mararanasan nila ang ganap na katuparan sa lupa ng hulang binabanggit sa Oseas 13:14: “Mula sa kamay ng Sheol ay tutubusin ko sila; mula sa kamatayan ay babawiin ko sila. Nasaan ang iyong mga tibo, O Kamatayan? Nasaan ang iyong pagiging mapamuksa, O Sheol?” Ikinapit ni Pablo ang talatang iyan sa makalangit na pagkabuhay-muli.—1 Corinto 15:55-57.
25. Ano ang madarama mo sa bagong sanlibutan?
25 Bagaman waring napakahirap paniwalaan na mangyayari ang pagkabuhay-muli sa lupa, tiyak na matutupad ito. (Zacarias 8:6) Nang ihula nina Amos at Mikas na babalik mula sa pagkatapon ang bayan ng Diyos, waring mahirap paniwalaan iyon. Ngunit alam mo na talagang nangyari ito. (Amos 9:14, 15; Mikas 2:12; 4:1-7) Ang mga nagsibalik ay tumugon: “Tayo ay naging tulad niyaong mga nananaginip. Nang panahong iyon ay napuno ng pagtawa ang ating bibig, at ng hiyaw ng kagalakan ang ating dila. . . . Si Jehova ay gumawa ng dakilang bagay sa ginawa niya sa atin. Tayo ay nagalak.” (Awit 126:1-3) Iyan ang madarama mo sa bagong sanlibutan kapag naranasan mo ang “isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.”
Kasama ng mga lingkod ni Jehova ang mga umiibig sa katotohanan at katarungan
26. Ano ang naghihintay sa mga namumuhay na isinasaisip ang araw ni Jehova?
26 Pagkatapos alisin ng “araw ni Jehova” ang kabalakyutan mula sa lupa, “ang paghahari ay magiging kay Jehova” sa ganap na diwa. (Obadias 15, 21) Hindi ba iyan isang kamangha-manghang pagpapala para sa lahat ng kaniyang makalupang sakop? At maaari kang mapabilang sa mga taong inilalarawan sa Malakias kabanata 3: “‘Sila ay tiyak na magiging akin,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, . . . ‘At mahahabag ako sa kanila, gaya ng pagkahabag ng isang tao sa kaniyang anak na naglilingkod sa kaniya.’” (Malakias 3:17) Maliwanag, ang iyong katapatan, na naglalagay ngayon sa iyo sa hanay ng maliligtas, ay magbubukas sa iyo ng “isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.” Isa ngang kamangha-manghang pag-asa!
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan Ang Bantayan ng Hunyo 15, 1987, pahina 14-20.
b Sumipi si Pablo sa Griegong Septuagint, kung saan bahagyang naiiba ang pananalita mula sa tekstong Hebreo.