ARALING ARTIKULO 39
Nakasulat Ba sa “Aklat ng Buhay” ang Pangalan Mo?
“Isang aklat ng alaala ang isinulat sa harap niya para sa mga natatakot kay Jehova.”—MAL. 3:16.
AWIT 61 Sulong, mga Saksi!
NILALAMANa
1. Ayon sa Malakias 3:16, anong aklat ang isinulat ni Jehova, at ano ang inilalagay niya rito?
LIBO-LIBONG taon nang may isinusulat na isang espesyal na aklat si Jehova. Listahan ito ng mga pangalan, at ang unang nakasulat dito ay ang pangalan ng tapat na saksing si Abel.b (Luc. 11:50, 51) Mula noon, naglalagay na si Jehova ng mga pangalan sa aklat na ito, at sa ngayon, milyon-milyon na ang nakasulat dito. Ang aklat na iyan ay tinatawag ng Bibliya na “aklat ng alaala,” “aklat ng buhay,” at “balumbon ng buhay.” Sa artikulong ito, tutukuyin natin iyan bilang “aklat ng buhay.”—Basahin ang Malakias 3:16; Apoc. 3:5; 17:8.
2. Kaninong mga pangalan ang nakasulat sa aklat ng buhay, at paano mapapasulat dito ang pangalan natin?
2 Nakasulat sa espesyal na aklat na ito ang pangalan ng lahat ng sumasamba kay Jehova nang may takot, o matinding paggalang, at nagpapahalaga sa pangalan niya. May pagkakataon silang mabuhay nang walang hanggan. Puwedeng mapasulat ang pangalan natin sa aklat na iyan kung magkakaroon tayo ng malapít na kaugnayan kay Jehova salig sa haing pantubos ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (Juan 3:16, 36) Gusto nating lahat na mapasulat ang pangalan natin sa aklat na iyan—sa langit man o sa lupa ang pag-asa natin.
3-4. (a) Mabubuhay na ba tayo magpakailanman kapag napasulat ang pangalan natin sa aklat ng buhay? Ipaliwanag. (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito at sa susunod na artikulo?
3 Ibig bang sabihin, sigurado nang may buhay na walang hanggan ang lahat ng nakasulat na pangalan sa aklat na iyan? Makikita ang sagot sa tanong na iyan sa sinabi ni Jehova kay Moises sa Exodo 32:33: “Buburahin ko sa aking aklat kung sino ang nagkasala sa akin.” Kaya puwedeng alisin o burahin ang pangalan na nakasulat sa aklat na iyan. Para bang lapis muna ang ipinansulat ni Jehova sa mga pangalang iyon. (Apoc. 3:5) Dapat nating tiyakin na manatiling nakasulat ang pangalan natin sa aklat na iyon hanggang sa isulat ito ni Jehova nang permanente gamit ang tinta, wika nga.
4 Pero baka may mga tanong na bumangon. Halimbawa, ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga pangalan na nakasulat sa aklat ng buhay at sa mga pangalan na wala roon? Kailan tatanggap ng buhay na walang hanggan ang mga nananatiling nakasulat ang pangalan sa aklat na ito? Paano naman ang mga namatay na hindi nagkaroon ng pagkakataong makilala si Jehova? Posible bang mapasulat ang mga pangalan nila sa aklat? Sasagutin ang mga tanong na iyan sa artikulong ito at sa susunod na artikulo.
KANINONG MGA PANGALAN ANG NAKASULAT SA AKLAT?
5-6. (a) Gaya ng sinasabi ng Filipos 4:3, kaninong mga pangalan ang nakasulat na sa aklat ng buhay? (b) Kailan permanenteng mapapasulat ang mga pangalan nila sa aklat ng buhay?
5 Kaninong mga pangalan ang nakasulat sa aklat ng buhay? Para masagot iyan, talakayin natin ang limang grupo ng mga tao. Kasama rito ang pangalan ng ilan na nakasulat sa aklat ng buhay, at ang iba ay hindi.
6 Ang unang grupo ay binubuo ng mga napiling mamahala kasama ni Jesus sa langit. Nakasulat pa rin ba ang pangalan nila sa aklat ng buhay? Oo. Sinabi ni apostol Pablo sa mga “kamanggagawa” niya sa Filipos na ang pangalan ng mga pinahiran, na inanyayahang mamahala kasama ni Jesus, ay nakasulat na sa aklat ng buhay. (Basahin ang Filipos 4:3.) Pero para manatiling nakasulat ang pangalan nila sa aklat na iyon, dapat silang maging tapat. Pagkatapos, kapag natanggap na nila ang pangwakas na pagtatatak, bago man sila mamatay o bago magsimula ang malaking kapighatian, permanente nang mapapasulat ang pangalan nila sa aklat ng buhay.—Apoc. 7:3.
7. Kailan permanenteng mapapasulat sa aklat ng buhay ang pangalan ng malaking pulutong ng ibang mga tupa base sa pagkaunawa natin sa Apocalipsis 7:16, 17?
7 Ang ikalawang grupo ay binubuo ng malaking pulutong ng ibang mga tupa. Nakasulat na ba ang pangalan nila sa aklat ng buhay? Oo. Mananatili ba ang kanilang pangalan sa aklat pagkatapos nilang makaligtas sa Armagedon? Oo. (Apoc. 7:14) Sinabi ni Jesus na ang mga tulad-tupang ito ay “tatanggap ng buhay na walang hanggan.” (Mat. 25:46) Pero hindi nila agad tatanggapin ang buhay na walang hanggan pagkatapos ng Armagedon. Mananatili pa ring nakasulat sa aklat ng buhay gamit ang lapis, wika nga, ang mga pangalan nila. Sa panahon ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Jesus, “magpapastol [siya] sa kanila at aakay sa kanila sa mga bukal ng tubig ng buhay.” Mapapasulat nang permanente sa aklat ng buhay ang pangalan ng mga susunod sa patnubay ni Kristo at mapapatunayang tapat kay Jehova.—Basahin ang Apocalipsis 7:16, 17.
8. Kaninong mga pangalan ang hindi nakasulat sa aklat ng buhay, at ano ang mangyayari sa kanila?
8 Ang ikatlong grupo naman ay binubuo ng mga kambing na pupuksain sa Armagedon. Wala sa aklat ng buhay ang mga pangalan nila. Sinabi ni Jesus na sila ay “paparusahan ng walang-hanggang kamatayan.” (Mat. 25:46) Sa patnubay ng Diyos, sinabi ni Pablo na “ang mga ito ay hahatulan ng parusang walang-hanggang pagkapuksa.” (2 Tes. 1:9; 2 Ped. 2:9) Lahat din ng sadyang gumagawa ng kasalanan laban sa banal na espiritu hanggang sa ngayon ay hindi tatanggap ng buhay na walang hanggan, kundi mapupuksa sila magpakailanman. Kaya hindi sila bubuhaying muli. (Mat. 12:32; Mar. 3:28, 29; Heb. 6:4-6) Tingnan naman natin ang dalawang grupo ng mga tao na bubuhaying muli dito sa lupa.
ANG MGA BUBUHAYING MULI
9. Ayon sa Gawa 24:15, anong dalawang grupo ng mga tao ang bubuhaying muli sa lupa, at ano ang pagkakaiba ng dalawang grupong ito?
9 Sinasabi ng Bibliya na may dalawang grupo ng mga tao na bubuhaying muli para bigyan ng pagkakataong mabuhay magpakailanman sa lupa—ang mga “matuwid” at “di-matuwid.” (Basahin ang Gawa 24:15.) Ang mga “matuwid” ay ang mga tapat na naglingkod kay Jehova noong nabubuhay pa sila. Ang mga “di-matuwid” naman ay ang mga hindi naglingkod kay Jehova bago sila namatay. Ang totoo, ang paraan ng pamumuhay nila ay malayong-malayo sa pagiging matuwid. Dahil bubuhaying muli ang dalawang grupong ito, masasabi bang nasa aklat ng buhay ang mga pangalan nila? Para masagot iyan, talakayin natin ang bawat grupo.
10. Bakit bubuhaying muli ang mga “matuwid,” at anong pribilehiyo ang tatanggapin ng ilan sa kanila? (Tingnan din ang tungkol sa pagkabuhay-muli sa lupa sa “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” na nasa isyung ito.)
10 Ang ikaapat na grupo ay ang mga “matuwid.” Nakasulat na sa aklat ng buhay ang mga pangalan nila bago sila namatay. Inalis ba sa aklat ang mga pangalan nila nang mamatay sila? Hindi, kasi “buháy” pa rin sila sa alaala ni Jehova. Si Jehova ay “Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy, dahil silang lahat ay buháy sa kaniya.” (Luc. 20:38) Ibig sabihin, kapag binuhay-muli sa lupa ang mga matuwid, makikita ang pangalan nila sa aklat ng buhay, pero hindi pa permanente. (Luc. 14:14) Malamang na ang ilan sa mga bubuhaying muling ito ay magkakaroon ng pribilehiyong maglingkod bilang “matataas na opisyal sa buong lupa.”—Awit 45:16.
11. Ano ang kailangang matutuhan ng mga “di-matuwid” bago mapasulat ang pangalan nila sa aklat ng buhay?
11 Panghuli, talakayin natin ang ikalimang grupo, ang mga “di-matuwid.” Posibleng dahil hindi nila alam ang mga batas ni Jehova, hindi sila nakapamuhay nang matuwid bago sila namatay. Kaya hindi nakasulat ang mga pangalan nila sa aklat ng buhay. Pero bubuhayin silang muli ng Diyos para bigyan ng pagkakataong mapasulat ang pangalan nila sa aklat ng buhay. Kailangan ng tulong ng mga “di-matuwid” na ito. Bago sila namatay, ang ilan sa kanila ay gumawa ng napakasamang mga bagay. Kaya kailangan silang maturuan kung paano mamumuhay ayon sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova. Para magawa iyan, pangungunahan ng Kaharian ng Diyos ang pinakamalawak na programa ng pagtuturo sa buong kasaysayan.
12. (a) Sino ang magtuturo sa mga di-matuwid? (b) Ano ang mangyayari sa mga tatangging sumunod sa mga natutuhan nila?
12 Sino ang magtuturo sa mga di-matuwid? Ang malaking pulutong at ang mga matuwid na bubuhaying muli. Para mapasulat ang pangalan ng mga di-matuwid sa aklat ng buhay, kailangan nilang magkaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova at ialay ang buhay nila sa kaniya. Susubaybayang mabuti ni Jesu-Kristo at ng mga pinahiran ang pagsulong ng lahat ng di-matuwid na ito. (Apoc. 20:4) Ang sinumang tatangging sumunod ay pupuksain kahit 100 taóng gulang na sila. (Isa. 65:20) Nakakabasa ng puso si Jehova at si Jesus kaya sisiguraduhin nilang walang manggugulo sa bagong sanlibutan.—Isa. 11:9; 60:18; 65:25; Juan 2:25.
PAGKABUHAY-MULI SA BUHAY AT SA PAGHATOL
13-14. (a) Ano ang pagkaunawa natin noon sa mga sinabi ni Jesus sa Juan 5:29? (b) Ano ang dapat nating tandaan tungkol sa mga salitang ito?
13 Binanggit din ni Jesus ang tungkol sa mga bubuhaying muli dito sa lupa. Halimbawa, sinabi niya: “Darating ang panahon na ang lahat ng nasa mga libingan ay makaririnig sa tinig niya at mabubuhay silang muli—ang mga gumawa ng mabubuting bagay, tungo sa pagkabuhay-muli sa buhay, pero ang mga gumawa ng masasamang bagay, tungo sa paghatol.” (Juan 5:28, 29) Ano ang ibig sabihin ni Jesus?
14 Noon, ang pagkaunawa natin sa mga sinabi ni Jesus tungkol sa mga gawa ng mga bubuhaying muli ay tumutukoy sa mga gagawin nila pagkatapos nilang buhaying muli. Ibig sabihin, may iba na bubuhaying muli na gagawa ng mabubuting bagay pero may iba naman na bubuhaying muli na gagawa ng masasamang bagay. Pero pansinin na hindi sinasabi ni Jesus na ang mga lalabas mula sa libingan ay gagawa ng mabubuting bagay o gagawa ng masasamang bagay. Ang ginamit niyang pandiwa rito ay nasa anyong panahunang pangnagdaan o past tense. Sinabi niya na ang mga ito ay “gumawa ng mabubuting bagay” at “gumawa ng masasamang bagay.” Kaya ang mga gawa na binanggit dito ay ang mga ginawa nila bago sila namatay. Makatuwiran namang isipin iyan. Wala naman kasing papayagang gumawa ng masasamang bagay sa bagong sanlibutan. Ang masasamang bagay na ginawa ng mga di-matuwid ay ginawa nila bago sila namatay. Kaya ano ang ibig sabihin ni Jesus nang banggitin niya ang “pagkabuhay-muli sa buhay” at pagkabuhay-muli “sa paghatol”?
15. Sino ang mga tatanggap ng “pagkabuhay-muli sa buhay,” at bakit?
15 Ang mga matuwid, na gumawa ng mabubuting bagay bago sila namatay, ay tatanggap ng “pagkabuhay-muli sa buhay” dahil nakasulat na ang mga pangalan nila sa aklat ng buhay. Ibig sabihin, ang pagkabuhay-muli ng “mga gumawa ng mabubuting bagay” na inilarawan sa Juan 5:29 ay katulad ng pagkabuhay-muli ng mga “matuwid” na binanggit sa Gawa 24:15. Ang pagkaunawang ito ay kaayon ng sinabi sa Roma 6:7: “Ang taong namatay ay napawalang-sala na.” Kinansela na ni Jehova ang mga kasalanang nagawa ng mga matuwid noong mamatay sila, pero nasa alaala pa rin niya ang mga gawa ng katapatan nila noong nabubuhay pa sila. (Heb. 6:10) Pero siyempre, kailangang manatiling tapat ng mga matuwid na bubuhaying muli para permanenteng mapasulat ang pangalan nila sa aklat ng buhay.
16. Ano ang ibig sabihin ng pagkabuhay-muli “sa paghatol?”
16 Paano naman ang gumawa ng masasamang bagay bago sila namatay? Kahit kinansela na ang mga kasalanan nila noong namatay sila, hindi pa sila nakapagpakita ng katapatan kay Jehova noong nabubuhay sila. Hindi nakasulat ang mga pangalan nila sa aklat ng buhay. Kaya ang pagkabuhay-muli ng “mga gumawa ng masasamang bagay” ay katulad ng pagkabuhay-muli ng mga “di-matuwid” na tinutukoy sa Gawa 24:15. Tatanggap sila ng pagkabuhay-muli “sa paghatol.”c Ibig sabihin, oobserbahan at susubukin ni Jesus ang mga di-matuwid. (Luc. 22:30) Paglipas ng ilang panahon, makikita ni Jesus kung karapat-dapat mapasulat ang pangalan nila sa aklat ng buhay. Mapapasulat lang ang pangalan ng mga di-matuwid sa aklat ng buhay kung tatalikuran nila ang dating masamang pamumuhay nila at iaalay ang buhay nila kay Jehova.
17-18. Ano ang kailangang gawin ng lahat ng bubuhaying muli sa lupa, at anong ‘mga gawa’ ang tinutukoy sa Apocalipsis 20:12, 13?
17 Dati man silang matuwid o di-matuwid, kailangang sumunod ng mga bubuhaying muli sa mga kautusan na nasa bagong mga balumbon na bubuksan sa panahon ng 1,000 taon. Inilarawan ni apostol Juan ang nakita niya sa pangitain: “Nakita ko ang mga patay, ang mga dakila at ang mga hamak, na nakatayo sa harap ng trono, at binuksan ang mga balumbon. Pero may isa pang balumbon na binuksan; ito ang balumbon ng buhay. Ang mga patay ay hinatulan sa mga ginawa nila batay sa mga nakasulat sa mga balumbon.”—Apoc. 20:12, 13.
18 Hahatulan ang mga bubuhaying muli batay sa anong ‘mga gawa’? Ito ba ay batay sa mga ginawa nila bago sila namatay? Hindi! Tandaan, napawalang-sala na ang mga kasalanan nila noong namatay sila. Kaya ang “mga ginawa” nila ay hindi tumutukoy sa mga ginawa nila bago sila namatay kundi sa mga gagawin nila bilang pagtugon sa pagtuturo sa kanila sa bagong sanlibutan. Kahit nga ang mga tapat na sina Noe, Samuel, David, at Daniel ay kailangang matuto tungkol kay Jesu-Kristo at manampalataya sa sakripisyo niya. Lalo nang kailangang matuto ng mga di-matuwid!
19. Ano ang kahihinatnan ng mga tatanggi sa napakagandang pribilehiyong ito?
19 Ano ang kahihinatnan ng mga tatanggi sa napakagandang pribilehiyong ito? Sinasabi sa atin sa Apocalipsis 20:15: “Ang sinumang hindi nakasulat sa aklat ng buhay ay inihagis sa lawa ng apoy.” Oo, lubusan silang mapupuksa. Napakahalaga nga na tiyakin natin na nakasulat sa aklat ng buhay ang pangalan natin at manatili itong nakasulat doon!
20. Anong kapana-panabik na gawain ang gagawin sa panahon ng Sanlibong-Taóng Paghahari? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
20 Kapana-panabik ngang panahon ang Sanlibong-Taóng Paghahari! Sa panahong iyon, isasagawa ang pinakamalawak na programa ng pagtuturo sa buong lupa. Panahon din ito kung kailan oobserbahan at susubukin ang mga matuwid at di-matuwid. (Isa. 26:9; Gawa 17:31) Paano gagawin ang programang ito ng pagtuturo? Tutulungan tayo ng susunod na artikulo na maunawaan at pahalagahan ang napakagandang paglalaang ito.
AWIT 147 Buhay na Walang Hanggan—Isang Pangako
a Ipapakita sa artikulong ito ang pagbabago sa pagkaunawa natin sa mga sinabi ni Jesus sa Juan 5:28, 29 tungkol sa “pagkabuhay-muli sa buhay” at pagkabuhay-muli “sa paghatol.” Malalaman natin kung saan tumutukoy ang dalawang pagkabuhay-muling ito at kung sino ang kasama sa mga ito.
b Isinulat ang aklat na ito “mula pa nang itatag ang sanlibutan,” o ang mga tao na binigyan ng pagkakataong makinabang sa haing pantubos ni Jesus. (Mat. 25:34; Apoc. 17:8) Kaya lumilitaw na ang matuwid na si Abel ang kauna-unahang napasulat sa aklat ng buhay.
c Dati, ang paliwanag natin sa salitang “paghatol” na ginamit dito ay nangangahulugan ng pagpapataw ng parusa. Ang totoo, puwedeng maging ganiyan ang kahulugan ng salitang “paghatol.” Pero sa kontekstong ito, lumilitaw na mas malawak ang kahulugan ng salitang “paghatol” na ginamit ni Jesus. Posibleng tumukoy ito sa panahong kailangan para maobserbahan at masubok ang isang tao, o gaya ng sinasabi ng isang leksikong Griego, “pagsusuri sa paggawi ng isa.”