“Dalhin Ninyo sa Kamalig ang Buong Ikasampung Bahagi”
“Pakisuyong subukin ninyo ako, sa bagay na ito, . . . kung hindi ko bubuksan sa inyo na mga tao ang mga dungawan ng langit.”—MALAKIAS 3:10.
1. (a) Noong ikalimang siglo B.C.E., ano ang paanyaya ni Jehova sa kaniyang bayan? (b) Noong unang siglo C.E., ano ang resulta ng pagdating ni Jehova sa templo upang maghukom?
NOONG ikalimang siglo B.C.E., ang mga Israelita ay naging di-tapat kay Jehova. Sila’y nagkait ng mga ikapu at nagdala sa templo ng di-karapat-dapat na mga hayop bilang mga handog. Gayumpaman, ipinangako ni Jehova na kung kanilang dadalhin sa kamalig ang buong ikapu, siya’y magbubuhos ng isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan. (Malakias 3:8-10) Mga 500 taon ang nakalipas, si Jehova, na kinakatawan ni Jesus bilang Kaniyang sugo ng tipan, ay dumating sa templo sa Jerusalem upang maghukom. (Malakias 3:1) Bilang isang bansa ang Israel ay nasumpungang nagkukulang, subalit yaong mga taong nanumbalik kay Jehova ay saganang pinagpala. (Malakias 3:7) Sila’y pinahiran upang maging espirituwal na mga anak ni Jehova, isang bagong paglalang, “ang Israel ng Diyos.”—Galacia 6:16; Roma 3:25, 26.
2. Kailan itinakdang magkaroon ng ikalawang katuparan ang Malakias 3:1-10, at ano ang ipinag-aanyaya sa atin na gawin may kaugnayan dito?
2 Halos 1,900 taon ang lumipas, noong 1914, si Jesus ay iniluklok bilang Hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos, at ang kinasihan ng Diyos na mga salita sa Malakias 3:1-10 ay nakatakdang magkaroon ng ikalawang katuparan. May kaugnayan sa nakagagalak na pangyayaring ito, ang mga Kristiyano sa ngayon ay inaanyayahan na dalhin sa kamalig ang buong ikapu. Kung gagawin natin iyan, tayo man ay magtatamasa ng mga pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.
3. Sino ba ang sugong naghanda ng daan sa harap ni Jehova (a) noong unang siglo? (b) bago ng unang digmaang pandaigdig?
3 Tungkol sa kaniyang pagdating sa templo, sinabi ni Jehova: “Narito! Aking isinusugo ang aking sugo, at siya ang maghahanda ng daan sa harap ko.” (Malakias 3:1) Bilang katuparan nito noong unang siglo, si Juan Bautista ay dumating sa Israel na nangangaral ng pagsisisi sa mga kasalanan. (Marcos 1:2, 3) Mayroon bang isang gawaing paghahanda may kaugnayan sa ikalawang pagdating ni Jehova sa kaniyang templo? Oo. Sa mga dekada bago naganap ang unang digmaang pandaigdig, ang mga Estudyante ng Bibliya ay lumitaw sa tanawin ng daigdig na nagtuturo ng dalisay na doktrina ng Bibliya at inilalantad ang mga kasinungalingang lumalapastangan sa Diyos, tulad halimbawa ng mga doktrina ng Trinidad at ng apoy ng impiyerno. Sila’y nagbabala rin naman tungkol sa dumarating na kawakasan ng mga Panahong Gentil noong 1914. Marami ang tumugon sa mga tagapagdalang ito ng liwanag ng katotohanan.—Awit 43:3; Mateo 5:14, 16.
4. Anong tanong ang kailangang masagot sa araw ng Panginoon?
4 Ang taóng 1914 ay nagsimula sa tinatawag ng Bibliya na “ang araw ng Panginoon.” (Apocalipsis 1:10) Mahahalagang pangyayari ang nakatakdang maganap sa araw na iyon, kasali na ang pagkakilala kung sino “ang tapat at maingat na alipin” at ang paghirang sa isang mamamanihala “sa lahat ng ari-arian [ng Panginoon].” (Mateo 24:45-47) Kung babalikan ang 1914, libu-libong relihiyon ang nag-angking Kristiyano. Aling grupo ang kikilalanin ng Panginoon, si Jesu-Kristo, bilang kaniyang tapat at maingat na alipin? Ang tanong na iyan ay sasagutin pagdating ni Jehova sa templo.
Pagdating sa Espirituwal na Templo
5, 6. (a) Sa anong templo naparoon si Jehova upang maghukom? (b) Anong hatol buhat kay Jehova ang tinanggap ng Sangkakristiyanuhan?
5 Sa aling templo nga siya dumating? Maliwanag na hindi sa isang literal na templo sa Jerusalem. Ang huli sa mga templong ito ay napuksa noon pang 70 C.E. Gayunman, si Jehova ay may isang lalong dakilang templo na inilarawan niyaong nasa Jerusalem. Binanggit ni Pablo ang tungkol sa lalong dakilang templong ito at ipinakita kung gaano nga kadakila ito, na may isang banal na dako sa langit at isang looban dito sa lupa. (Hebreo 9:11, 12, 24; 10:19, 20) Dito sa dakilang espirituwal na templong ito naparoon si Jehova upang maghukom.—Ihambing ang Apocalipsis 11:1; 15:8.
6 Kailan ba nangyari ito? Sang-ayon sa sapat na ebidensiya na makukuha, ito’y noong 1918.a Ano ba ang resulta? Kung tungkol sa Sangkakristiyanuhan, nakita ni Jehova ang isang organisasyon na ang mga kamay ay punô ng dugo, isang likong sistema ng relihiyon na gaya ng isang patutot na pumatol sa sanlibutang ito, nakipanig sa mayayaman at nang-api ng mga dukha, nagturo ng mga doktrinang pagano imbes na sumunod sa dalisay na pagsamba. (Santiago 1:27; 4:4) Sa pamamagitan ni Malakias, si Jehova ay nagbabala: “Ako’y magiging maliksing saksi laban sa mga manghuhula, at laban sa mga mangangalunya, at laban sa sinungaling na mga manunumpa, at laban sa mga nandaraya sa kaupahan ng isang manggagawa, ng babaing balo at ng batang ulila.” (Malakias 3:5) Lahat na ito ay nagawa ng Sangkakristiyanuhan at nang lalong masama. Pagsapit nang 1919 ay malinaw na nakita na siya’y hinatulan ni Jehova ng pagkapuksa kasama ang natitirang bahagi ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Mula noon at patuloy, sa mga taong nakahilig sa matuwid ay nanawagan: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko.”—Apocalipsis 18:1, 4.
7. Sino ang kinilala ni Jesus bilang kaniyang tapat at maingat na alipin?
7 Sino, kung gayon, ang tapat at maingat na alipin? Noong unang siglo, iyon ay nagsimula sa maliit na grupo na tumugon sa gawaing pagpapatotoo ni Juan Bautista at ni Jesus, ang sugo ng tipan. Sa siglo natin, iyon ay ang ilang libong mga nagsitugon sa gawaing paghahanda na ginanap ng mga Estudyante ng Bibliya sa loob ng mga taon bago noong 1914. Ang mga ito ay nagtiis ng malulupit na pagsubok noong panahon ng unang digmaang pandaigdig, subalit kanilang ipinakikita na ang kanilang puso ay nasa panig ni Jehova.
Isang Gawaing Paglilinis
8, 9. Noong 1918, sa anu-anong paraan nangailangan ng paglilinis ang tapat at maingat na alipin, at ano ang ipinangako ni Jehova tungkol dito?
8 Gayunman, maging ang grupong ito ay nangangailangan din ng paglilinis. Ang ilan na nakiugnay sa kanila ay lumabas na mga kaaway ng pananampalataya at kinailangan na alisin. (Filipos 3:18) Ang iba naman ay umayaw ng pagbalikat ng mga pananagutan sa paglilingkod kay Jehova at natangay ng agos. (Hebreo 2:1) Bukod diyan, may natitira pang maka-Babilonyang mga gawain na kinailangang alisin. Bilang isang organisasyon ang tapat at maingat na alipin ay kinailangan na linisin. Ang tumpak na paninindigang walang kinikilingan sa sanlibutang ito ay kinailangang matutuhan at ikapit. At habang patuloy na sumasamâ ang sanlibutan, sila ay kailangang puspusang makipagbaka upang huwag makapasok sa mga kongregasyon ang moral at espirituwal na karumihan.—Ihambing ang Judas 3, 4.
9 Oo, kinailangan ang paglilinis, subalit maibiging nangako si Jehova tungkol sa nakaluklok na si Jesus: “Siya’y uupong gaya ng mandadalisay at tagapaglinis ng pilak at kaniyang lilinisin ang mga anak ni Levi; at kaniyang pakikinisin na parang ginto at parang pilak, at tunay na sila’y magiging isang bayan kay Jehova na naghahandog ng handog sa katuwiran.” (Malakias 3:3) Pasimula noong 1918, sa pamamagitan ng kaniyang sugo ng tipan, tinupad ni Jehova ang kaniyang pangako at nilinis ang kaniyang bayan.
10. Anong uri ng handog ang dinala ng bayan ng Diyos, at ano ang paanyaya sa kanila ni Jehova?
10 Ang pinahirang mga kapatid ni Kristo at ang malaking pulutong na noong malaunan ay kasama na nila sa paglilingkuran kay Jehova ay pawang nakinabang nang si Jehova ay kumilos na gaya ng isang mandadalisay at tagapaglinis ng pilak. (Apocalipsis 7:9, 14, 15) Bilang isang organisasyon sila ay naparoon, at naparoroon pa rin, naghahandog ng handog sa katuwiran. At ang kanilang handog ay “kalugud-lugod kay Jehova, gaya ng mga araw noong una at gaya ng mga taon noong sinauna.” (Malakias 3:4) Ang mga ito ang inanyayahan ni Jehova ayon sa diwa ng hula: “ ‘Dalhin ninyo sa kamalig ang buong ikasampung bahagi, upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay; at pakisuyong subukin ninyo ako sa bagay na ito,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘kung hindi ko bubuksan sa inyo na mga tao ang mga dungawan ng langit at aktuwal na ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.’ ”—Malakias 3:10.
Mga Handog at mga Ikapu
11. Bakit ang mga paghahandog ayon sa sistema ng Kautusang Mosaiko ay hindi na isang kahilingan?
11 Noong kaarawan ni Malakias ang bayan ng Diyos ay nagdala ng literal na mga handog at mga ikapu, tulad halimbawa ng mga binutil, prutas, at mga hayop. Maging noong kaarawan ni Jesus, ang tapat na mga Israelita ay gumawa ng literal na paghahandog sa templo. Subalit, pagkamatay ni Jesus, lahat na iyan ay nagbago. Pinawi ang Kautusan, kasali na ang utos na maghandog ng espesipikong materyal na mga handog at mga ikapu. (Efeso 2:15) Tinupad ni Jesus ang makahulang tipo ng mga paghahandog sa ilalim ng Kautusan. (Efeso 5:2; Hebreo 10:1, 2, 10) Sa anong paraan, kung gayon, makapagdadala ang mga Kristiyano ng mga handog at mga ikapu?
12. Anong uri ng espirituwal na paghahandog at paghahain ang ginagawa ng mga Kristiyano?
12 Para sa kanila, ang mga handog sa kalakhang bahagi ay isang uring espirituwal. (Ihambing ang Filipos 2:17; 2 Timoteo 4:6.) Halimbawa, binanggit ni Pablo ang gawaing pangangaral bilang isang handog nang kaniyang sabihin: “Sa pamamagitan niya tayo’y palaging maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, samakatuwid nga, ang bunga ng mga labi na nagpapahayag sa madla ng kaniyang pangalan.” May binanggit siyang isa pang uri ng espirituwal na hain nang kaniyang ipayo: “Huwag kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang bahaginan ang iba ng mga bagay-bagay, sapagkat lugod na lugod ang Diyos sa gayong mga hain.” (Hebreo 13:15, 16) Pagka hinihimok ng mga magulang na magpayunir ang kanilang mga anak, masasabing kanilang inihahandog ang mga ito kay Jehova, katulad din ni Jepte na naghandog ng kaniyang anak na dalaga bilang “isang handog na susunugin” sa Diyos, na nagbigay sa kaniya ng tagumpay.—Hukom 11:30, 31, 39.
13. Bakit ang mga Kristiyano ay hindi hinihilingan na magbigay ng literal na ikasampung bahagi ng kanilang kita?
13 Kumusta naman ang mga ikapu? Ang mga Kristiyano ba ay obligado na magtabi ng ikasampung bahagi ng kanilang materyal na kita at ibigay iyon sa organisasyon ni Jehova, kahawig ng ginagawa sa ilang relihiyon ng Sangkakristiyanuhan? Hindi, hindi kailangan iyan. Walang anumang talata na nagsasabi ng gayong alituntunin para sa mga Kristiyano. Nang si Pablo ay nangungulekta ng abuloy para sa mga dukha sa Judea, hindi niya binanggit ang isang espesipikong porsiyento na dapat ibigay. Bagkus, sinabi niya: “Magbigay ang bawat isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso, huwag magbigat sa loob o parang pinipilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang masaya.” (2 Corinto 9:7) Sa pagbanggit tungkol sa mga nasa pantanging ministeryo, nakita ni Pablo na bagaman ang ilan ay wasto naman na sinusuportahan ng kusang-loob na abuluyan, siya’y handang magtrabaho at suportahan ang kaniyang sarili. (Gawa 18:3, 4; 1 Corinto 9:13-15) Walang mga ikapu na iniuukol para sa ganitong layunin.
14. (a) Bakit ang pagdadala ng ikapu ay hindi sumasagisag sa ating pagbibigay kay Jehova ng lahat ng taglay natin? (b) Ano ang isinasagisag ng ikapu?
14 Maliwanag, para sa mga Kristiyano ang ikapu ay sumasagisag, o kumakatawan, sa isang bagay. Yamang ito ay isang ikasampu at sa Bibliya ang bilang na sampu ay kalimitang sumasagisag sa makalupang pagkakumpleto, ang ikapu ba ay sumasagisag sa pagbibigay kay Jehova ng lahat ng taglay natin? Hindi. Nang ating ialay ang ating sarili kay Jehova at sagisagan ito ng bautismo sa tubig, sa sandaling iyan ibinigay na natin sa kaniya ang lahat ng taglay natin. Mula sa sandali ng ating pag-aalay, wala tayong taglay na anuman na hindi pag-aari ni Jehova. Gayunman, pinapayagan ni Jehova na ang mga indibiduwal ang bahala sa kanilang tinatangkilik. Samakatuwid ang ikapu ay kumakatawan sa bahagi niyaong dinadala natin kay Jehova, o ginagamit sa paglilingkuran kay Jehova, bilang isang tanda ng ating pag-ibig sa kaniya at ng ating pagkilala sa bagay na siya ang may-ari sa atin. Ang modernong ikapu ay hindi naman kailangang maging basta ikasampung bahagi. Sa ilang kaso maaaring iyon ay mas kakaunti. Sa mga iba naman ay maaaring higit pa roon. Bawat isa ay nagdadala ng udyok ng kaniyang puso na dalhin niya at yaong ipinahihintulot ng kaniyang kalagayan.
15, 16. Ano ang kasali sa ating espirituwal na ikapu?
15 Ano ang kasali sa espirituwal na ikapung ito? Unang-una, si Jehova ay ginugugulan natin ng ating panahon at lakas. Ang panahon na ating ginugugol sa mga pulong, sa pagdalo sa mga asamblea at mga kombensiyon, sa paglilingkod sa larangan, lahat na ito ay ipinagkakaloob natin kay Jehova—isang bahagi ng ating ikapu. Ang panahon at lakas na ating ginugugol sa pagdalaw sa maysakit at sa pagtulong sa iba—muli, ang mga ito ay bahagi ng ating ikapu. Ang pagboboluntaryo sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall at pakikibahagi sa pangangalaga at paglilinis ng bulwagan ay isa ring bahagi nito.
16 Kasali rin sa ating ikapu ang ating mga abuloy na salapi. Dahilan sa pambihirang paglawak ng organisasyon ni Jehova noong nakaraang mga taon, dumami ang mga obligasyon may kinalaman sa pananalapi. Kailangan ang mga bagong Kingdom Hall, pati na rin ang bagong mga pasilidad sa sangay at bagong mga Assembly Hall, kasali na rin ang pangangalaga sa mga naitayo na. Ang pagtatakip sa mga gastos niyaong mga naghandog ng kanilang sarili para sa natatanging paglilingkod—kalimitan kasabay ang malaking personal na pagsasakripisyo sa paggawa ng gayon—ay isa ring mabigat na hamon. Noong 1991 ang naitustos sa mga misyonero, naglalakbay na mga tagapangasiwa, at mga special pioneer lamang ay umabot sa mahigit na 40 milyong dolyar, na pawang nanggaling sa kusang-loob na mga abuluyan.
17. Ano nga ba ang dapat nating ibigay bilang ating espirituwal na ikapu?
17 Ano nga ba ang dapat nating ibigay bilang ating espirituwal na ikapu? Si Jehova ay hindi humihingi ng porsiyentuhan. Gayumpaman, ang pagpapahalaga sa pag-aalay, ang tunay na pag-ibig kay Jehova at sa mga kapatid, pati na rin ang pagkapalaisip sa pagkaapurahang pagkilos yamang may mga buhay na dapat iligtas, ay nagpapalakas-loob sa atin na dalhin ang ating buong espirituwal na ikapu. Nadarama natin na tayo’y kailangang maglingkod kay Jehova sa pinakamalawak na paraang abot-kaya natin. Kung tayo ay magtitipid o magmamaramot ng ating sarili o ng ating tinatangkilik, para na ring ninanakawan natin ang Diyos.—Ihambing ang Lucas 21:1-4.
Pinagpala Hanggang sa Wala Nang Kakulangan
18, 19. Papaano pinagpala ang bayan ni Jehova dahil sa pagdadala ng kanilang buong ikapu?
18 Buhat noong 1919, ang bayan ni Jehova ay buong kagandahang-loob na tumugon sa pagbibigay ng kanilang panahon, lakas, at tinatangkilik na kailangan sa gawaing pangangaral. Tunay na kanilang dinala sa kamalig ang buong ikapu. Kaya naman, tinupad ni Jehova ang kaniyang pangako at naghulog ng isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan. Ito’y nasaksihan sa pinakapambihirang paraan sa pagdami nila. Buhat sa iilan-ilang libong pinahiran na naglilingkod kay Jehova nang siya’y dumating sa kaniyang templo noong 1918, sila’y mabilis na dumami hanggang sa ngayon ang mga pinahiran kasama ang kanilang mga kasamahan, ang mga ibang tupa, ay may bilang na higit pa sa apat na milyon sa 211 iba’t ibang lupain. (Isaias 60:22) Ang mga ito ay pinagpala rin sa patuloy na paglago ng unawa sa katotohanan. Ang makahulang salita ay naging lalong may katiyakan sa kanila. Ang kanilang pagtitiwala sa katuparan ng mga layunin ni Jehova ay naging lalong matatag. (2 Pedro 1:19) Sila’y tunay na isang bayang ‘tinuruan ni Jehova.’—Isaias 54:13.
19 Sa pamamagitan ni Malakias, si Jehova ay humula ng higit pang pagpapala: “Nang panahong iyon silang natatakot kay Jehova ay nagsang-usapan sa isa’t isa, bawat isa sa kaniyang kasama, at si Jehova ay patuloy na nagbigay-pansin at nakinig. At isang aklat ng alaala ang sinimulang isulat sa harap niya para sa mga natatakot kay Jehova at para sa mga palaisip sa kaniyang pangalan.” (Malakias 3:16) Sa lahat ng mga organisasyong nag-aangking Kristiyano, tanging ang mga Saksi ni Jehova lamang ang kapwa nag-iisip sa kaniyang pangalan at kanilang dinarakila ito sa gitna ng mga bansa. (Awit 34:3) Anong ligaya nila na tumanggap ng kasiguruhan na hindi makakalimutan ni Jehova ang kanilang katapatan!
20, 21. (a) Anong pinagpalang ugnayan ang tinatamasa ng tunay na mga Kristiyano? (b) Tungkol sa pagka-Kristiyano, anong pagkakaiba ang higit at higit na nahahayag?
20 Ang pinahirang nalabi ay siyang natatanging bayan ni Jehova, at ang malaking pulutong, na humuhugos ng pakikisama sa kanila, ay umaaning kasama nila ng mga pagpapala ng dalisay na pagsamba. (Zacarias 8:23) Sa pamamagitan ni Malakias, ipinangangako ni Jehova: “ ‘Sila nga’y magiging akin,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘sa araw na gawin ko silang pantanging pag-aari. At sila’y aking kaaawaan, gaya ng isang tao na naaawa sa kaniyang anak na naglilingkod sa kaniya.’ ” (Malakias 3:17) Anong laking pagpapala na may ganiyang malumanay na pagtingin sa kanila si Jehova!
21 Oo, ang pagkakaiba ng tunay at di-tunay na mga Kristiyano ay higit at higit na nahahayag. Habang ang bayan ni Jehova ay nagsisikap na patuloy na makaabot sa kaniyang mga pamantayan, ang Sangkakristiyanuhan naman ay patuloy na lumulubog sa lusak ng karumihan ng sanlibutang ito. Tunay, napatunayang totoo ang mga salita ni Jehova: “Muli nga ninyong makikita na mga tao ang pagkakaiba ng matuwid at ng balakyot, ng isang naglilingkod sa Diyos at ng isang hindi naglilingkod sa kaniya.”—Malakias 3:18.
22. Anong mga pagpapala ang makapagtitiwala tayo na tatamasahin kung tayo ay magpapatuloy ng pagdadala ng buong ikapu?
22 Hindi na magtatagal, ang araw ng pagtutuos ay sasapit sa di-tunay na mga Kristiyano. “ ‘Narito! ang araw ay dumarating na nagniningas na parang hurno, at ang lahat ng palalo at ang lahat ng nagsisigawa ng kasamaan ay magiging parang dayami. At ang araw na dumarating ay tunay na susunog sa kanila,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo.” (Malakias 4:1) Batid ng bayan ni Jehova na kaniyang ililigtas sila sa panahong iyan, gaya ng kaniyang pagliligtas sa kaniyang espirituwal na bansa noong 70 C.E. (Malakias 4:2) Anong tuwa nila sa pagkakaroon ng ganiyang kasiguruhan! Kaya naman, hanggang sa pagsapit ng panahong iyan bawat isa sa atin ay magpakita ng ating pagpapahalaga at pag-ibig kay Jehova sa pamamagitan ng pagdadala sa kamalig ng buong ikapu. Kung magkagayon tayo’y makapagtitiwala na tayo’y kaniyang patuloy na pagpapalain hanggang sa wala nang kakulangan.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Hunyo 15, 1987, Bantayan, pahina 14-20.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Sa modernong panahon, kailan dumating sa templo si Jehova kasama ang kaniyang sugo ng tipan?
◻ Sino ang tapat at maingat na alipin, at anong paglilinis ang kinailangan nila pagkatapos ng 1918?
◻ Anong uri ng espirituwal na mga handog ang dinadala kay Jehova ng tunay na mga Kristiyano?
◻ Ano ang ikapu na ipinag-aanyaya sa mga Kristiyano na dalhin sa kamalig?
◻ Anong mga pagpapala ang tinatamasa ng bayan ng Diyos sa pamamagitan ng paghahandog ng espirituwal na mga ikapu?
[Larawan sa pahina 15]
Kasali sa ating espirituwal na mga ikapu ang paghahandog ng ating lakas at mga tinatangkilik upang magtayo ng mga Kingdom Hall
[Larawan sa pahina 16]
Dahil sa pagpapala ni Jehova sa kaniyang bayan, kinakailangan ang higit pang pagtatayo, kasali na ang mga Kingdom Hall at mga Assembly Hall