-
Sino ang Makaliligtas sa Araw ni Jehova?Ang Bantayan—2002 | Mayo 1
-
-
Sino ang Makaliligtas sa Araw ni Jehova?
“Ang araw ay dumarating na nagniningas na parang hurno.”—MALAKIAS 4:1.
1. Paano inilalarawan ni Malakias ang wakas ng balakyot na sistemang ito?
ANG propetang si Malakias ay kinasihan ng Diyos upang iulat ang mga hula tungkol sa kasindak-sindak na mga pangyayari na magaganap sa napakalapit na hinaharap. Ang mga pangyayaring ito ay makaaapekto sa lahat ng tao sa lupa. Ganito ang inihula ng Malakias 4:1: “ ‘Narito! ang araw ay dumarating na nagniningas na parang hurno, at ang lahat ng pangahas at ang lahat ng gumagawa ng kabalakyutan ay magiging tulad ng pinaggapasan. At lalamunin nga sila niyaong araw na dumarating,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘anupat hindi iyon mag-iiwan sa kanila ng ugat man o sanga.’ ” Gaano kalubos ang pagkawasak na mangyayari sa balakyot na sistemang ito ng mga bagay? Ito ay maihahalintulad sa pagkasira ng mga ugat ng isang punungkahoy anupat hindi na ito maaaring tumubo kailanman.
2. Paano inilalarawan ng ilang kasulatan ang araw ni Jehova?
2 Maaaring itanong mo, ‘Anong “araw” ang inihuhula ni propeta Malakias?’ Ito rin ang araw na tinutukoy sa Isaias 13:9, na nagsasabi: “Narito! Ang araw ni Jehova ay dumarating, malupit kapuwa sa pagkapoot at sa pag-aapoy ng galit, upang ang lupain ay gawing isang bagay na panggigilalasan, at upang malipol nito mula roon ang mga makasalanan sa lupain.” Ganito ang paglalarawan ng Zefanias 1:15: “Ang araw na iyon ay araw ng poot, araw ng kabagabagan at ng panggigipuspos, araw ng bagyo at ng pagkatiwangwang, araw ng kadiliman at ng karimlan, araw ng mga ulap at ng makapal na karimlan.”
‘Ang Malaking Kapighatian’
3. Ano ang “araw ni Jehova”?
3 Sa malaking katuparan ng hula ni Malakias, ang “araw ni Jehova” ay isang yugto ng panahon na doo’y magaganap ang “malaking kapighatian.” Inihula ni Jesus: “Kung magkagayon ay magkakaroon ng malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.” (Mateo 24:21) Isipin ang kabagabagan na naranasan na ng daigdig, lalo na mula noong 1914. (Mateo 24:7-12) Aba, ang Digmaang Pandaigdig II lamang ay kumitil na ng mahigit sa 50 milyong buhay! Gayunman, ang ganitong mga kaligaligan ay totoong napakaliit lamang kung ihahambing sa mangyayari sa “malaking kapighatian.” Ang pangyayaring iyon, na siya ring araw ni Jehova, ay magtatapos sa Armagedon, anupat wawakasan ang mga huling araw ng balakyot na sistemang ito.—2 Timoteo 3:1-5, 13; Apocalipsis 7:14; 16:14, 16.
4. Kapag nagwakas na ang araw ni Jehova, ano na ang mga naganap?
4 Sa katapusan ng araw na iyon ni Jehova, ang sanlibutan ni Satanas at ang mga tagapagtaguyod nito ay nalipol na. Unang lilipulin ang lahat ng huwad na relihiyon. Pagkatapos, ang hatol ni Jehova ay isasagawa laban sa komersiyal at pulitikal na mga sistema ni Satanas. (Apocalipsis 17:12-14; 19:17, 18) Inihuhula ni Ezekiel: “Sa mga lansangan ay itatapon nila ang kanilang pilak, at magiging nakamumuhing bagay ang kanilang ginto. Maging ang kanilang pilak man o ang kanilang ginto ay hindi makapagliligtas sa kanila sa araw ng poot ni Jehova.” (Ezekiel 7:19) Hinggil sa araw na iyon, sinasabi ng Zefanias 1:14: “Ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na. Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang minamadali.” Kung isasaalang-alang ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa araw ni Jehova, dapat na maging determinado tayong kumilos kasuwato ng matuwid na mga kahilingan ng Diyos.
-
-
Sino ang Makaliligtas sa Araw ni Jehova?Ang Bantayan—2002 | Mayo 1
-
-
9. Paano nagkaroon ng unang katuparan ang mga hula ni Malakias?
9 Ang mga salitang iyon ay nagkaroon din ng katuparan noong unang siglo C.E. Isang nalabi ng mga Judio ang naglingkod kay Jehova at naging bahagi ng isang bagong “bansa” ng pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano, na nang maglaon ay napabilang din doon ang mga Gentil. Subalit si Jesus ay itinakwil ng karamihan sa likas na Israel. Kaya sinabi ni Jesus sa bansang iyon ng Israel: “Narito! Ang inyong bahay ay pinababayaan sa inyo.” (Mateo 23:38; 1 Corinto 16:22) Noong 70 C.E., gaya ng inihula sa Malakias 4:1, isang “araw . . . na nagniningas na parang hurno” ang sumapit sa likas na Israel. Ang Jerusalem at ang templo nito ay winasak, at iniulat na mahigit sa isang milyon katao ang namatay dahil sa taggutom, mga pag-aagawan sa kapangyarihan, at mga pagsalakay ng mga hukbong Romano. Gayunman, yaong mga naglingkod kay Jehova ay nakaligtas sa kapighatiang iyon.—Marcos 13:14-20.
-