Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Malakias
MAHIGIT 70 taon na ang nakalipas mula nang maitayong muli ang templo sa Jerusalem. Ngunit sa paglipas ng panahon, naging napakahina ng espirituwalidad ng mga Judio. Maging ang mga saserdote ay naging tiwali. Sino ang tutulong sa kanila para matauhan sila sa kanilang tunay na kalagayan at muling mapalapit sa Diyos? Ibinigay ni Jehova ang atas na ito kay propeta Malakias.
Ang huling aklat na ito ng Hebreong Kasulatan, na isinulat ni Malakias gamit ang mapuwersang mga pananalita, ay naglalaman ng mga hulang kinasihan ng Diyos. Ang pagbibigay-pansin sa makahulang salita ni Malakias ay tutulong sa atin na maghanda para sa “dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova,” kapag nagwakas na ang kasalukuyang masamang sistema ng mga bagay.—Malakias 4:5.
‘PINANGYARI NG MGA SASERDOTE NA MATISOD ANG MARAMI’
Ipinahayag ni Jehova ang kaniyang nadarama hinggil sa Israel nang sabihin niya: “Inibig ko kayo.” Ngunit hinamak ng mga saserdote ang pangalan ng Diyos. Paano? “Sa pamamagitan ng paghahandog ng narumhang tinapay sa ibabaw ng [kaniyang] altar” at ng “hayop na pilay o ng isang may sakit” bilang hain.—Malakias 1:2, 6-8.
‘Pinangyari ng mga saserdote na matisod sa kautusan ang marami.’ Ang bayan ay “nakikitungo sa isa’t isa nang may kataksilan.” Nag-asawa ng mga di-Judio ang ilan sa kanila. Pinakitunguhan naman ng iba nang may kataksilan ang “asawa ng [kanilang] kabataan.”—Malakias 2:8, 10, 11, 14-16.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
2:2—Sa anong paraan ‘isinumpa ni Jehova ang mga pagpapala’ ng suwail na mga saserdote? Ginawa ito ng Diyos sa diwa na ang mga pagpapalang binibigkas ng gayong mga saserdote ay nauuwi sa sumpa.
2:3—Ano ang ibig sabihin ng ‘kakalatan ng dumi’ ang mga mukha ng mga saserdote? Ayon sa Kautusan, dapat dalhin at sunugin sa labas ng kampo ang dumi ng haing hayop. (Levitico 16:27) Ang pagkakalat ng dumi sa mga mukha ng mga saserdote ay nangangahulugang hindi tinanggap ni Jehova ang mga hain at kasuklam-suklam sa paningin niya ang mga naghandog nito.
2:13—Kaninong mga luha ang tumakip sa altar ni Jehova? Mga luha ito ng mga asawang babae na pumunta sa santuwaryo ng templo upang ihinga kay Jehova ang kanilang mga hinaing. Bakit gayon na lamang ang kanilang kalungkutan? Sapagkat labag sa batas silang diniborsiyo at iniwan ng kanilang mga asawang lalaking Judio, malamang upang makapag-asawa ang mga ito ng banyagang mga babae na mas bata.
Mga Aral Para sa Atin:
1:10. Hindi nalugod si Jehova sa mga handog ng sakim na mga saserdote, na nagpapabayad kahit sa mga simpleng serbisyo na gaya ng pagsasara ng pinto o pagsisindi ng apoy sa altar. Napakahalaga nga na ang ating pagsamba, pati na ang ating ginagawa sa Kristiyanong ministeryo, ay udyok ng walang pag-iimbot na pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa, at hindi ng paghahangad na kumita ng pera!—Mateo 22:37-39; 2 Corinto 11:7.
1:14; 2:17. Hindi kinukunsinti ni Jehova ang pagpapaimbabaw.
2:7-9. Dapat tiyakin ng mga may pribilehiyong magturo sa kongregasyon na ang kanilang itinuturo ay kasuwato ng Salita ng Diyos, ang Banal na Kasulatan, at ng salig-Bibliyang mga publikasyon ng “tapat na katiwala.”—Lucas 12:42; Santiago 3:11.
2:10, 11. Inaasahan ni Jehova na didibdibin ng kaniyang mga mananamba ang payo na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.”—1 Corinto 7:39.
2:15, 16. Dapat igalang ng tunay na mga mananamba ang tipan sa pag-aasawa na sinumpaan nila sa asawa ng kanilang kabataan.
“DARATING SA KANIYANG TEMPLO ANG TUNAY NA PANGINOON”
“Biglang darating sa Kaniyang templo ang tunay na Panginoon [ang Diyos na Jehova]” kasama “ang mensahero ng tipan [si Jesu-Kristo].” ‘Lalapit ang Diyos sa kaniyang bayan ukol sa paghatol’ at siya ay magiging isang mabilis na saksi laban sa lahat ng uri ng manggagawa ng kamalian. Karagdagan pa, “isang aklat ng alaala” ang isusulat para sa mga natatakot kay Jehova.—Malakias 3:1, 3, 5, 16.
Darating ang araw na “nagniningas na parang hurno” upang lamunin ang lahat ng masama. Bago sumapit ang araw na iyon, isusugo ang isang propeta upang ‘ang puso ng mga ama ay ipanumbalik niya sa mga anak, at ang puso naman ng mga anak sa mga ama.’—Malakias 4:1, 5, 6.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
3:1-3—Kailan dumating sa templo “ang tunay na Panginoon” at “ang mensahero ng tipan,” at sino ang isinugo na una sa kanila? Dumating si Jehova sa kaniyang templo at nilinis ito noong Nisan 10, 33 C.E. sa pamamagitan ng isang kinatawan. Naganap ito nang pumasok si Jesus sa templo at palayasin ang mga nagtitinda at bumibili roon. (Marcos 11:15) Nangyari ito tatlo at kalahating taon matapos hirangin si Jesus bilang Haring Itinalaga. Sa katulad na paraan, lumilitaw na tatlo at kalahating taon pagkaraang mailuklok si Jesus bilang Hari sa langit, sinamahan niya si Jehova sa espirituwal na templo at nakitang kailangang linisin ang bayan ng Diyos. Noong unang siglo, isinugo si Juan na Tagapagbautismo upang ihanda ang mga Judio sa pagdating ni Jesu-Kristo. Sa makabagong panahon, isang mensahero ang isinugo nang patiuna upang ihanda ang daan sa pagdating ni Jehova sa kaniyang espirituwal na templo. Noon pa mang dekada ng 1880, pinasimulan na ng isang grupo ng mga estudyante ng Bibliya ang pagtuturo ng saligang mga katotohanan ng Bibliya sa taimtim na mga indibiduwal.
3:10—Ang pagdadala ba ng “lahat ng ikasampung bahagi,” o pagbibigay ng ikapu, ay lumalarawan sa pagbibigay kay Jehova ng lahat ng ating tinataglay? Pinawalang-bisa na ang Kautusang Mosaiko salig sa kamatayan ni Jesus, kaya hindi na ngayon kahilingan ang pagbibigay ng ikapu ng kinitang pera. Ngunit ang pagbibigay ng ikapu ay may makasagisag na kahulugan. (Efeso 2:15) Hindi ito lumalarawan sa pagbibigay ng lahat ng ating tinataglay. Bagaman dinadala taun-taon ang ikasampung bahagi, dinadala natin kay Jehova ang lahat ng ating tinataglay nang minsanan lamang—kapag iniaalay natin ang ating mga sarili at sinasagisagan ng bautismo sa tubig ang ating pag-aalay. Mula noon, lahat ng ating tinataglay ay pag-aari na ni Jehova. Gayunman, binibigyan niya tayo ng kalayaan na piliin kung anong bahagi ng ating tinataglay—isang makasagisag na ikapu—ang gagamitin natin sa paglilingkod sa kaniya. Ito ang anumang ipinahihintulot ng ating kalagayan at udyok ng ating puso na gamitin sa paglilingkod. Kasama sa mga handog na dinadala natin kay Jehova ang ating panahon, lakas, at mga tinatangkilik na ginagamit natin sa pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad. Kabilang din dito ang pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, pagdalaw sa may sakit at may-edad nang mga kapananampalataya, at pagbibigay ng pinansiyal na tulong para sa tunay pagsamba.
4:3—Sa anong diwa “yayapakan [ng mga mananamba ni Jehova] ang mga balakyot”? Ang bayan ng Diyos sa lupa ay hindi literal na ‘yayapak sa mga balakyot,’ o sa ibang salita, hindi sila kasama sa pagsasagawa ng hatol sa mga ito. Sa halip, ipinahihiwatig nito na gagawin ito ng mga lingkod ni Jehova sa makasagisag na diwa sa pamamagitan ng buong-pusong pakikibahagi sa pagdiriwang ng tagumpay na magaganap pagkatapos magwakas ang sanlibutan ni Satanas.—Awit 145:20; Apocalipsis 20:1-3.
4:4—Bakit dapat nating “alalahanin . . . ang kautusan ni Moises”? Ang mga Kristiyano ay hindi na hinihilingang sumunod sa Kautusan. Gayunman, nagsisilbi itong “anino ng mabubuting bagay na darating.” (Hebreo 10:1) Kaya ang pagbibigay-pansin sa Kautusang Mosaiko ay tutulong sa atin na makita kung paano natutupad ang mga bagay na nakasulat dito. (Lucas 24:44, 45) Karagdagan pa, naglalaman ang Kautusan ng “makasagisag na mga paglalarawan ng mga bagay sa langit.” Mahalaga ang pag-aaral sa mga ito kung nais nating maunawaan ang mga turong Kristiyano at paggawi.—Hebreo 9:23.
4:5, 6—Kanino lumalarawan si “Elias na propeta”? Inihula na gagawa si “Elias” ng pagsasauli o paghahanda sa puso ng mga tao. Noong unang siglo C.E., tinukoy ni Jesu-Kristo si Juan na Tagapagbautismo bilang si “Elias.” (Mateo 11:12-14; Marcos 9:11-13) Ang katumbas ni “Elias” sa makabagong-panahon ay isinugo “bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.” Siya ngayon ay walang iba kundi “ang tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45) Masikap na tumutulong ang uring ito ng pinahirang mga Kristiyano sa mga tao upang mapanumbalik ang kanilang kaugnayan sa Diyos.
Mga Aral Para sa Atin:
3:10. Kung hindi natin ginagawa ang ating buong makakaya para kay Jehova, pinagkakaitan natin ang ating mga sarili ng kaniyang pagpapala.
3:14, 15. Dahil sa di-mabuting halimbawa ng mga saserdote, inisip ng mga Judio na hindi na mahalaga ang paglilingkod sa Diyos. Yaong mga may pananagutan sa Kristiyanong kongregasyon ay dapat na maging huwaran.—1 Pedro 5:1-3.
3:16. Nag-iingat si Jehova ng rekord ng mga natatakot at nagtatapat sa kaniya. Inaalaala niya sila at ililigtas kapag winakasan na niya ang balakyot na sistema ni Satanas. Kung gayon, huwag nating hayaang humina ang ating determinasyon na manatiling tapat sa Diyos.—Job 27:5.
4:1. Kapag dumating ang araw ng pagsusulit kay Jehova, iisa ang kahihinatnan ng “sanga” at “ugat”—pareho ang magiging hatol sa maliliit na anak at mga magulang. Kay laki nga ng responsibilidad ng mga magulang sa kanilang maliliit na anak! Dapat magsikap ang Kristiyanong mga magulang na makuha ang pagsang-ayon ng Diyos at maingatan ang isang mabuting katayuan sa harap niya.—1 Corinto 7:14.
“Matakot Ka sa Tunay na Diyos”
Sino ang makaliligtas sa “dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova”? (Malakias 4:5) “Sa inyo na natatakot sa aking pangalan,” ang sabi ni Jehova, “ay sisikat ang araw ng katuwiran, na may kagalingan sa mga pakpak nito; at kayo ay lalabas at dadamba sa lupa na parang mga pinatabang guya.”—Malakias 4:2.
“Ang araw ng katuwiran,” si Jesu-Kristo, ay sumisikat sa mga mapitagang natatakot sa pangalan ng Diyos, at nililingap sila ni Jehova. (Juan 8:12) Para sa kanila, may nakalaan ding “kagalingan sa mga pakpak nito”—espirituwal na pagpapagaling sa ngayon at ganap na pagpapagaling sa pisikal, mental, at emosyonal na paraan sa bagong sanlibutan ng Diyos. (Apocalipsis 22:1, 2) Kaya tuwang-tuwa sila na “parang mga pinatabang guya.” Habang naghihintay sa mga pagpapalang iyon, dibdibin nawa natin ang payo ni Haring Solomon: “Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”—Eclesiastes 12:13.
[Larawan sa pahina 26]
Si propeta Malakias ay isang masigasig at tapat na lingkod ng Diyos
[Larawan sa pahina 29]
Dapat na kasuwato ng Bibliya ang ating itinuturo
[Larawan sa pahina 29]
Iginagalang ng mga lingkod ni Jehova ang kanilang tipan sa pag-aasawa