Ang Pangmalas ng Bibliya
Ano ba Talaga ang Kahulugan ng Pagkaulo ng Asawang Lalaki?
KARANIWAN na sa mga seremonya sa kasal sa maraming lupain ang sumpaan ng mag-asawa kung saan nangangako ang babae na susundin niya ang kaniyang asawang lalaki. Gayunman, tinututulan ng maraming babae ang ideya ng pagkaulo ng asawang lalaki sa pag-aasawa. Pansinin kung ano ang itinuturo ng Bibliya hinggil sa paksang ito. Makikita mong makatuwiran at praktikal ito.
Ang Pagkaulo Ayon sa Diyos
Masusumpungan mo ang paglalarawan ng Bibliya hinggil sa pagkaulo sa Efeso 5:22-24: “Ang mga asawang babae ay magpasakop sa kani-kanilang asawang lalaki gaya ng sa Panginoon, sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae kung paanong ang Kristo rin ay ulo ng kongregasyon . . . Sa katunayan, kung paanong ang kongregasyon ay nagpapasakop sa Kristo, maging gayundin ang mga asawang babae sa kani-kanilang asawang lalaki sa bawat bagay.” Bilang “ulo ng kaniyang asawang babae,” ang asawang lalaki ang mangunguna sa pamilya at susundin naman ng asawang babae ang kaniyang pangunguna at igagalang ang kaniyang pagkaulo.—Efeso 5:33.
Limitado ang awtoridad ng asawang lalaki dahil siya mismo ay nasa ilalim ng awtoridad ng Diyos at ni Kristo. Wala siyang karapatang utusan ang kaniyang asawa na labagin ang mga kautusan ng Diyos o ikompromiso ang kaniyang budhing sinanay na sumunod sa mga simulain ng Bibliya. Pero kahit na may ganitong limitasyon ang awtoridad ng asawang lalaki, binigyan siya ng Diyos ng responsibilidad na gumawa ng mahahalagang pasiya para sa pamilya.—Roma 7:2; 1 Corinto 11:3.
Inuutusan ng Bibliya ang asawang lalaki na gampanan ang kaniyang pagkaulo nang walang pag-iimbot, na inuuna ang kapakanan ng kaniyang asawang babae. Ang Efeso 5:25 ay nagsasabi: “Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito.” Hindi gagamitin ng isang asawang lalaki ang pagkaulo niya upang unahin ang kaniyang sariling kapakanan kung tumutulad siya sa napakahusay na halimbawa ni Kristo sa pagpapakita ng pag-ibig.
Karagdagan pa, tinatagubilinan ng Bibliya ang lalaki na manahanang kasama ng kaniyang asawang babae “ayon sa kaalaman.” (1 Pedro 3:7) Nangangahulugan ito na hindi sapat na alam niya ang pisikal at emosyonal na pagkakaiba ng mga lalaki at babae. Dapat na nauunawaan din niya ang mga pangangailangan ng kaniyang asawang babae.
“Siya ang Iyong Kapareha”
Ang pagpapasakop ba ng asawang babae ay nangangahulugang dapat siyang maging sunud-sunuran? Isaalang-alang si Sara na binabanggit sa Bibliya bilang isang huwaran sa pagiging masunurin sa kaniyang asawang si Abraham. (1 Pedro 3:5, 6) Nagpasakop siya sa kaniyang asawa sa malaki at maliit mang bagay—gaya ng pag-alis mula sa komportableng tahanan upang magpagala-gala at manirahan sa mga tolda, hanggang sa biglaang paghahanda ng pagkain. (Genesis 12:5-9; 18:6) Pero may kinalaman sa isang seryosong bagay, paulit-ulit niyang ipinahayag ang kaniyang pananaw kahit na salungat ito sa pananaw ni Abraham. Nangyari ito nang gusto niyang paalisin ni Abraham ang kaniyang babae, si Hagar, at ang panganay na anak na lalaki nito, si Ismael, mula sa kanilang sambahayan. Sa halip na sawayin si Sara, sinabi ng Diyos kay Abraham, “pakinggan mo ang kaniyang tinig.” Samantala, patuloy na nagpasakop si Sara kay Abraham at hinintay niyang si Abraham ang kumilos sa halip na siya mismo ang magpalayas kina Hagar at Ismael.—Genesis 21:8-14.
Ipinakikita ng halimbawa ni Sara na hindi basta tau-tauhan lamang ang asawang babae, kundi siya ay “kapareha” ng kaniyang asawa at may marangal na papel. (Malakias 2:14) Bilang kapareha, ang asawang babae ay nagbibigay ng mahahalagang ideya, komento, o mungkahi may kaugnayan sa mga desisyon ng pamilya at mayroon din naman siyang awtoridad sa pamilya, kadalasan na sa pag-aasikaso ng maraming bagay sa pamilya at sa pagbabadyet pa nga. Sabihin pa, bilang ulo ng pamilya, ang asawang lalaki ang may pananagutan na gumawa ng huling desisyon.—Kawikaan 31:10-31; 1 Timoteo 5:14.
Paggalang sa Tagapagpasimula ng Pag-aasawa
Nilalang ng Diyos na Jehova ang lalaki at babae, at pinasimulan niya ang pag-aasawa bilang isang sagradong buklod ng mag-asawa. (Genesis 2:18-24) Binigyan din ng Diyos ng espesipikong papel ang asawang lalaki at babae na magdudulot sa kanila ng malaking kagalakan.—Deuteronomio 24:5; Kawikaan 5:18.
Bilang ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa, may karapatan at kakayahan si Jehova na magtakda ng mga pamantayan sa kaayusan ng pag-aasawa. Ang mga mag-asawang gumaganap sa kani-kanilang papel at sumusunod sa kaayusan ng Diyos hinggil sa pagkaulo, hindi lamang dahil praktikal ito kundi dahil din sa paggalang sa awtoridad ng Diyos, ay sinasang-ayunan at tinutulungan niya.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
◼ Sino ang sakdal na halimbawa ng pagkaulo?—Efeso 5:25.
◼ May limitasyon bang itinakda ang Diyos sa awtoridad ng asawang lalaki?—1 Corinto 11:3.
◼ Ano ang layunin ng pag-aasawa at ng kaayusan hinggil sa pagkaulo?—Kawikaan 5:18.
[Larawan sa pahina 28]
Ang pagtulad sa halimbawa ni Kristo hinggil sa pagkaulo ay nagdudulot ng kagalakan at kasiyahan sa mag-asawa