Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Ano “ang binhi ng Diyos” na binabanggit sa Malakias 2:15?
Ang mahirap intindihing talatang ito ay ganito ang sinasabi ng isang bahagi: “At may isa na hindi gumawa niyaon, palibhasa siya’y mayroong natitira pang espiritu. At ano ang hinahanap ng isang iyan? Ang binhi ng Diyos.” “Ang binhi” ay malinaw na tumutukoy sa bansa ng sinaunang Israel, na noong panahon na isulat ang talatang ito ay nasa panganib na mahawa sa karumihan ng relihiyon.
Si Malakias ay humula sa isang yugto ng panahon na gumuguho ang pambansang asal. May mga lalaking Israelita na hindi lamang ang kinukuha’y ‘mga anak na babae ng isang banyagang diyos bilang asawa’ kundi kanilang hinihiwalayan din ang kanilang unang mga asawang Judio, ang ‘asawa ng kanilang kabataan,’ upang mag-asawa marahil ng mga babaing pagano. Subalit, hindi lahat ng mga lalaking Israelita ay gumagawa ng ganitong “kasuklam-suklam na bagay.” (Malakias 2:11, 13, 14; Deuteronomio 7:3, 4) Maliwanag na sa pagtukoy sa mga taong tumatangging sirain ang kanilang tipan sa pag-aasawa sa isang kapuwa sumasamba kay Jehova, si Malakias ay sumulat: “At may isa na hindi gumawa niyaon, palibhasa siya’y mayroong natitira pang espiritu.”
Ang “espiritu” ay yaong banal na espiritu ng Diyos, na kaniyang ibinuhos sa bansa. Subalit, ang masuwaying mga Israelita ay lumalaban, at sa gayo’y pumipighati, sa espiritung iyon. (Isaias 63:10; Gawa 7:51-53; ihambing ang Efeso 4:30.) May indibiduwal na mga Judiong tapat sa mga kautusan ng Diyos, at sa kanilang pagsunod ay tinaglay nila ang “natitira pang espiritu.” Ang tapat na mga mananambang ito ay hindi naghanap ng kanilang sariling mapag-imbot na kalayawan. Tungkol sa gayong tao, si Malakias ay sumulat: “Ano ang hinahanap ng isang iyan? Ang binhi ng Diyos.” Ang “binhi” na ito ay ang bansa ng sinaunang Israel, na ang sabi ni Malakias ay ‘nilikha ng Diyos.’ Ang ‘paglikhang’ ito ay naganap nang tanggapin ni Jehova ang mga Israelita sa isang pakikipagtipan sa kaniya sa Bundok Sinai, at ginawa sila na kaniyang “pantanging pag-aari” at “isang bansang banal.” Ang tunay na “binhi” ni Abraham na magpapala sa mga tao sa buong lupa ay darating sa pamamagitan ng bansang ito.—Malakias 2:10; Exodo 19:5, 6; Genesis 22:18.
Gayunman, kailangan na ang Israelita ay manatili sa dalisay na relihiyon sa pamamagitan ng hindi pakikipag-asawa sa mga tao ng mga bansa na hindi sumasamba kay Jehova. Ang kasamaan ng gayong mga tao ay makakahawa, gaya ng makikita buhat sa kalagayan noong panahon ni Ezra. Ang mga Israelita noon ay “kumuha ng ilan sa mga anak na babae [ng nakapalibot na mga bansa] para maging asawa nila at ang kanilang mga anak na lalaki; at sila, ang banal na binhi, ay [naging] kahalo ng mga bayan ng mga bansa.” (Ezra 9:2) Ang ganito ring “malaking kasamaan” ay umiral noong mga kaarawan ni Nehemias, isang kontemporaryo ni Malakias. Natalos ng mga lalaking Judio na tapat sa Diyos ang malinaw na espirituwal na panganib na idudulot nito sa kanilang sarili at sa mga anak na magiging supling ng gayong pagsasama. Nariyan ang panganib na ang isa’y mapahiwalay sa pagsamba kay Jehova dahil sa isang asawang babae na hindi sa Kaniya sumasamba. Iniulat pa mandin ni Nehemias na sa mga Judiong nagsipag-asawa ng mga banyaga, ‘walang isa man sa kanilang mga anak ang maalam magsalita ng wikang Judio.’—Nehemias 13:23-27.
Ang masuwaying mga Judio ay naghahanap ng kanilang sariling kalayawan anuman ang kapinsalaang idudulot niyaon sa kanilang bansa, “ang binhi ng Diyos.” Hindi kataka-takang ipayo ni Malakias: “At kayong mga tao ay mag-iingat ng inyong sarili sa inyong espiritu, at sa asawa ng inyong kabataan ay huwag sanang magtataksil ang sinuman”! (Malakias 2:15) Iningatan ng tapat na mga Judio ang kanilang espiritu, o niloloob, upang manatiling tapat sa kani-kanilang mga asawang babaing Judio. Lubhang pinahalagahan ng mga lalaking ito ang dalisay na relihiyon ng kanilang “banal na bansa.” Nais nila na ang kanilang mga anak ay magbasa ng Salita ng Diyos at lumaki nang may pag-ibig kay Jehova, anupa’t tumutulong iyon sa relihiyosong lakas ng bansa.
Ang nag-alay na mga Kristiyano sa ngayon ay kailangang magkaroon ng ganoon ding sikap sa pag-iingat sa kanilang espiritu, o dominanteng kalooban. Kung sila’y may asawa, iiwasan ng mga indibiduwal na ito ang pagtataksil at paghiwalay sa kani-kanilang kabiyak. At ang isang Kristiyanong wala pang asawa ay nararapat na makinig sa payo ni apostol Pablo na mag-asawa “ng nasa Panginoon lamang,” mag-asawa tangi lamang sa isang nag-alay, bautismadong saksi ni Jehova.—1 Corinto 7:39.