-
Ang Pagpapala ni Jehova ay NagpapayamanAng Bantayan—1992 | Disyembre 1
-
-
Hinatulan ng “Tunay na Panginoon”
18. (a) Sino ang darating na ibinabala ni Jehova? (b) Kailan naganap ang pagdating sa templo, sino ang kasangkot, at ano ang resulta para sa Israel?
18 Sa pamamagitan ni Malakias si Jehova ay nagbabala rin na siya’y paparito upang hatulan ang kaniyang bayan. “Narito! Aking isinusugo ang aking sugo, at siya ang maghahanda ng daan sa harap ko. At biglang darating sa Kaniyang templo ang tunay na Panginoon, na inyong hinahanap, at ang sugo ng tipan na inyong kinalulugdan. Narito! Siya’y tiyak na darating.” (Malakias 3:1) Kailan naganap ang ipinangakong pagdating sa templo? Sa Mateo 11:10, sinipi ni Jesus ang hula ni Malakias tungkol sa isang sugo na maghahanda ng daan at ikinapit iyon kay Juan Bautista. (Malakias 4:5; Mateo 11:14) Kaya naman noong 29 C.E., ang panahon para sa paghatol ay sumapit! Sino ba ang ikalawang sugo, ang sugo ng tipan na kasama ni Jehova, “ang tunay na Panginoon,” sa templo? Si Jesus mismo, at sa dalawang pagkakataon siya’y dumating sa templo sa Jerusalem at sa dramatikong paraan ay nilinis niya iyon, pinalayas ang magdarayang mga mamamalit ng salapi. (Marcos 11:15-17; Juan 2:14-17) Tungkol sa panahong ito ng paghatol noong unang siglo, makahulang itinanong ni Jehova: “Sino ang makatatagal sa araw ng kaniyang pagparito, at sino ang makatatayo pagka siya’y nagpakita na?” (Malakias 3:2) Ang totoo, ang Israel ay hindi nakatayo. Sila’y siniyasat, nasumpungang may pagkukulang, at noong 33 C.E., sila’y itinakwil bilang piniling bansa ni Jehova.—Mateo 23:37-39.
19. Sa papaano nanumbalik kay Jehova ang isang nalabi noong unang siglo, at anong pagpapala ang kanilang tinanggap?
19 Gayunman, isinulat din ni Malakias: “[Si Jehova] ay uupong gaya ng mga mandadalisay at tagapaglinis ng pilak at kaniyang lilinisin ang mga anak ni Levi; at kaniyang pakikinisin na parang ginto at parang pilak, at tunay na sila’y magiging isang bayan kay Jehova na naghahandog ng handog sa katuwiran.” (Malakias 3:3) Kasuwato nito, bagaman karamihan ng mga nag-aangking naglilingkod kay Jehova noong unang siglo ay itinakwil, ang ilan ay nilinis at naparoon kay Jehova, naghandog ng kaaya-ayang mga hain. Sino? Yaong mga tumugon kay Jesus, ang sugo ng tipan. Noong Pentecostes 33 C.E., 120 ng mga nagsitugong ito ang tinipong sama-sama sa isang silid sa itaas sa Jerusalem. Palibhasa’y pinatibay ng banal na espiritu, sila’y nagsimulang maghandog ng handog sa katuwiran, at sila’y mabilis na dumami. Hindi nagtagal, sila’y lumaganap sa buong Imperyong Romano. (Gawa 2:41; 4:4; 5:14) Sa gayon, isang nalabi ang bumalik kay Jehova.—Malakias 3:7.
20. Nang mapuksa ang Jerusalem at ang templo, ano ang nangyari sa bagong Israel ng Diyos?
20 Ang nalabing ito ng Israel, na masasabing nahaluan ng mga Gentil na ikinatnig, wika nga, sa likas na Israel, ay isang bagong “Israel ng Diyos,” isang bansang binubuo ng pinahiran ng espiritung mga Kristiyano. (Galacia 6:16; Roma 11:17) Noong 70 C.E., isang “araw . . . na nagniningas na gaya ng hurno” ang sumapit sa Israel sa laman nang ang Jerusalem at ang kaniyang templo ay puksain ng mga hukbong Romano. (Malakias 4:1; Lucas 19:41-44) Ano ang nangyari sa espirituwal na Israel ng Diyos? Si Jehova ay “naawa sa kanila, gaya ng isang tao na naaawa sa kaniyang anak na naglilingkod sa kaniya.” (Malakias 3:17) Ang pinahirang kongregasyong Kristiyano ay nakinig sa makahulang babala ni Jesus. (Mateo 24:15, 16) Sila’y nakaligtas, at ang pagpapala ni Jehova ay patuloy na nagpayaman sa kanila sa espirituwal.
21. Anong mga tanong ang natitira pa tungkol sa Malakias 3:1 at 10?
21 Anong lubusang pagbabangong-puri kay Jehova! Subalit, papaano natutupad sa ngayon ang Malakias 3:1? At papaano dapat tumugon ang isang Kristiyano sa pampatibay-loob na ibinibigay ng Malakias 3:10 na dalhin sa kamalig ang buong ikapu? Ito’y tatalakayin sa susunod na artikulo.
-
-
“Dalhin Ninyo sa Kamalig ang Buong Ikasampung Bahagi”Ang Bantayan—1992 | Disyembre 1
-
-
1. (a) Noong ikalimang siglo B.C.E., ano ang paanyaya ni Jehova sa kaniyang bayan? (b) Noong unang siglo C.E., ano ang resulta ng pagdating ni Jehova sa templo upang maghukom?
NOONG ikalimang siglo B.C.E., ang mga Israelita ay naging di-tapat kay Jehova. Sila’y nagkait ng mga ikapu at nagdala sa templo ng di-karapat-dapat na mga hayop bilang mga handog. Gayumpaman, ipinangako ni Jehova na kung kanilang dadalhin sa kamalig ang buong ikapu, siya’y magbubuhos ng isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan. (Malakias 3:8-10) Mga 500 taon ang nakalipas, si Jehova, na kinakatawan ni Jesus bilang Kaniyang sugo ng tipan, ay dumating sa templo sa Jerusalem upang maghukom. (Malakias 3:1) Bilang isang bansa ang Israel ay nasumpungang nagkukulang, subalit yaong mga taong nanumbalik kay Jehova ay saganang pinagpala. (Malakias 3:7) Sila’y pinahiran upang maging espirituwal na mga anak ni Jehova, isang bagong paglalang, “ang Israel ng Diyos.”—Galacia 6:16; Roma 3:25, 26.
2. Kailan itinakdang magkaroon ng ikalawang katuparan ang Malakias 3:1-10, at ano ang ipinag-aanyaya sa atin na gawin may kaugnayan dito?
2 Halos 1,900 taon ang lumipas, noong 1914, si Jesus ay iniluklok bilang Hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos, at ang kinasihan ng Diyos na mga salita sa Malakias 3:1-10 ay nakatakdang magkaroon ng ikalawang katuparan. May kaugnayan sa nakagagalak na pangyayaring ito, ang mga Kristiyano sa ngayon ay inaanyayahan na dalhin sa kamalig ang buong ikapu. Kung gagawin natin iyan, tayo man ay magtatamasa ng mga pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.
3. Sino ba ang sugong naghanda ng daan sa harap ni Jehova (a) noong unang siglo? (b) bago ng unang digmaang pandaigdig?
3 Tungkol sa kaniyang pagdating sa templo, sinabi ni Jehova: “Narito! Aking isinusugo ang aking sugo, at siya ang maghahanda ng daan sa harap ko.” (Malakias 3:1) Bilang katuparan nito noong unang siglo, si Juan Bautista ay dumating sa Israel na nangangaral ng pagsisisi sa mga kasalanan. (Marcos 1:2, 3) Mayroon bang isang gawaing paghahanda may kaugnayan sa ikalawang pagdating ni Jehova sa kaniyang templo? Oo. Sa mga dekada bago naganap ang unang digmaang pandaigdig, ang mga Estudyante ng Bibliya ay lumitaw sa tanawin ng daigdig na nagtuturo ng dalisay na doktrina ng Bibliya at inilalantad ang mga kasinungalingang lumalapastangan sa Diyos, tulad halimbawa ng mga doktrina ng Trinidad at ng apoy ng impiyerno. Sila’y nagbabala rin naman tungkol sa dumarating na kawakasan ng mga Panahong Gentil noong 1914. Marami ang tumugon sa mga tagapagdalang ito ng liwanag ng katotohanan.—Awit 43:3; Mateo 5:14, 16.
4. Anong tanong ang kailangang masagot sa araw ng Panginoon?
4 Ang taóng 1914 ay nagsimula sa tinatawag ng Bibliya na “ang araw ng Panginoon.” (Apocalipsis 1:10) Mahahalagang pangyayari ang nakatakdang maganap sa araw na iyon, kasali na ang pagkakilala kung sino “ang tapat at maingat na alipin” at ang paghirang sa isang mamamanihala “sa lahat ng ari-arian [ng Panginoon].” (Mateo 24:45-47) Kung babalikan ang 1914, libu-libong relihiyon ang nag-angking Kristiyano. Aling grupo ang kikilalanin ng Panginoon, si Jesu-Kristo, bilang kaniyang tapat at maingat na alipin? Ang tanong na iyan ay sasagutin pagdating ni Jehova sa templo.
Pagdating sa Espirituwal na Templo
5, 6. (a) Sa anong templo naparoon si Jehova upang maghukom? (b) Anong hatol buhat kay Jehova ang tinanggap ng Sangkakristiyanuhan?
5 Sa aling templo nga siya dumating? Maliwanag na hindi sa isang literal na templo sa Jerusalem. Ang huli sa mga templong ito ay napuksa noon pang 70 C.E. Gayunman, si Jehova ay may isang lalong dakilang templo na inilarawan niyaong nasa Jerusalem. Binanggit ni Pablo ang tungkol sa lalong dakilang templong ito at ipinakita kung gaano nga kadakila ito, na may isang banal na dako sa langit at isang looban dito sa lupa. (Hebreo 9:11, 12, 24; 10:19, 20) Dito sa dakilang espirituwal na templong ito naparoon si Jehova upang maghukom.—Ihambing ang Apocalipsis 11:1; 15:8.
6 Kailan ba nangyari ito? Sang-ayon sa sapat na ebidensiya na makukuha, ito’y noong 1918.a Ano ba ang resulta? Kung tungkol sa Sangkakristiyanuhan, nakita ni Jehova ang isang organisasyon na ang mga kamay ay punô ng dugo, isang likong sistema ng relihiyon na gaya ng isang patutot na pumatol sa sanlibutang ito, nakipanig sa mayayaman at nang-api ng mga dukha, nagturo ng mga doktrinang pagano imbes na sumunod sa dalisay na pagsamba. (Santiago 1:27; 4:4) Sa pamamagitan ni Malakias, si Jehova ay nagbabala: “Ako’y magiging maliksing saksi laban sa mga manghuhula, at laban sa mga mangangalunya, at laban sa sinungaling na mga manunumpa, at laban sa mga nandaraya sa kaupahan ng isang manggagawa, ng babaing balo at ng batang ulila.” (Malakias 3:5) Lahat na ito ay nagawa ng Sangkakristiyanuhan at nang lalong masama. Pagsapit nang 1919 ay malinaw na nakita na siya’y hinatulan ni Jehova ng pagkapuksa kasama ang natitirang bahagi ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Mula noon at patuloy, sa mga taong nakahilig sa matuwid ay nanawagan: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko.”—Apocalipsis 18:1, 4.
-