Ang Tunay na Pagka-Kristiyano ba’y Nagbubunga ng mga Panatiko?
ANG Sangkakristiyanuhan ay nagkaroon na ng kaniyang mga panatiko—mula sa mga tao na nagsusunog ng kanilang sarili sa politikal na pagpuprotesta hanggang sa mga indibiduwal na walang pagbibigay sa mga taong may ibang mga paniwala sa relihiyon. Halimbawa, ang unang Krusada ay udyok ng hangarin ng Iglesia Katolika na palayain ang Jerusalem buhat sa kamay ng mga tao na itinuturing na mga hindi naniniwala sa Diyos. Ito’y nagsimula sa tatlong walang patumanggang pangkat ng mga mang-uumog na sa mararahas na pagmamalabis ay kasali ang paglipol sa mga Judio sa Rhineland. Nang ang mga puwersa militar ng Krusadang ito ay nagtagumpay sa pagsakop sa Jerusalem, ang umano’y mga sundalong Kristiyanong ito ay namaslang hanggang sa ang mga kalye ay maging mga ilug-ilogan ng dugo.
Sa kaniyang aklat na The Outline of History, si H. G Wells ay nagsabi tungkol sa unang Krusada: “Kakila-kilabot ang pamamaslang; ang dugo ng mga nabihag ay umagos sa mga kalye, hanggang sa tilamsikan ng dugo ang mga lalaki habang sila’y nangangabayo. Sa kinagabihan, ‘humihibik dahil sa labis na kagalakan,’ ang mga krusadero ay pumaroon sa Sepulchre galing sa kanilang pagyurak sa alilisan, at ang kanilang tigmak-dugong kamay ay kapit-kapit pa sa pananalangin.”
Sa isang huling Krusada na si Papa Innocent III ang tumawag, ang mapayapang Albigenses at Waldenses, na tumutol sa mga doktrina ng Roma at sa mga pagmamalabis ng klero ay pinagpapatay. Tungkol sa panatisismo na ipinahayag laban sa kanila, sumulat si Wells: “Ito’y sapat na para sa Laterano, at sa gayo’y nasaksihan natin ang pambihirang ginawa ni Innocent III na nangaral ng isang krusada laban sa kapus-palad na nasa sektang ito, at pinapayagan naman ang pagpapalista ng bawat gumagalang mga salbahe . . . at gumagawa ng bawat maisip na pagtampalasan sa pinakamatatahimik na sakop ng Hari ng Pransiya. Ang ulat ng mga kalupitan at mga kasuklam-suklam sa krusadang ito ay lalong higit na kakila-kilabot na basahin kaysa anumang ulat ng mga Kristiyanong martir na nagmartir sa kamay ng mga pagano.”
Ang kasaysayan ng Sangkakristiyanuhan ay puno ng mga ulat ng mga panatiko, at karaniwan nang ang bunga nito’y karahasan. Kaya masasabi natin na ang panatisismo ay hindi nagbubunga ng mabuti. Sang-ayon sa Funk and Wagnalls New Standard Dictionary of the English Language (1929 na edisyon) ganito ang katuturan ng panatisismo: “Labis-labis o matinding sigasig.” At ipinaghahalimbawa naman niyaon ito sa ganitong pananalita: “Walang yugto ng kasaysayan ang makikitaan ng lalong malaking kalupitan, kawalang-patumangga, at panatisismo kaysa mga Krusada.”
Kapansin-pansin din ang katuturang ibinibigay sa salitang “panatiko” ng Webster’s Third New International Dictionary, 1961 na edisyon. Sinasabi niyaon: ‘Panatiko—Latin, kinasihan ng isang diyus-diyosan. 1. inaalihan ng o tulad ng isang demonyo; malawakan: nababaliw, hibang, haling. 2. sinusupil, likha, o taglay ang totoong malaking sigasig: labis-labis, walang katuwiran; sobra ang kasiglahan, lalo na kung tungkol sa relihiyosong mga paksa.’ Taglay ang kaisipang ito, masasabi ba na ang tunay na mga Kristiyano ay mga panatiko?
Nakikilala sa Pamamagitan ng Bunga
Kung paanong sa bunga ay makikilala ang isang punungkahoy, gayundin na ang mga resulta ng ikinikilos ng tao ang nagpapakilala kung anong uri ng mga tao ang nagbubunga ng gayon. Si Jesu-Kristo, ang Pundador ng Kristiyanismo, ay bumanggit tungkol dito. Sinabi niya: “Hindi maaari na ang mabuting punungkahoy ay magbunga ng masama, ni ang masamang punungkahoy man ay magbunga ng mabuti. Kaya’t sa kanilang mga bunga ay mangakikilala ninyo ang mga taong iyon.”—Mateo 7:18, 20.
Ang tunay na Kristiyanismo ay itinatag ni Jesus bilang isang mabuting punungkahoy. Kung gayon, hindi maaaring magbunga ito ng masasamang bunga ng panatisismo. Kailanman ay hindi hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na pinsalain sa pisikal na paraan ang kanilang sarili o ang iba. Sa halip, sa pagsipi sa isa sa dalawang dakilang mga utos, sinabi niya: “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:39) Ang kaniyang mga tagasunod ay kailangang maging mabait kahit na sa kanilang mga kaaway. Sinabi ni Jesus: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway, gawan ng mabuti yaong mga napopoot sa inyo, pagpalain yaong mga sumusumpa sa inyo, ipanalangin yaong mga umiinsulto sa inyo.”—Lucas 6:27, 28.
Ang mga tunay na tagasunod ni Jesus ay naparoon sa mga tao ng maraming iba’t ibang bansa, hindi nila taglay ang apoy at tabak, kundi ang nasusulat na Salita ng Diyos at gumamit sila ng mapayapang panghihikayat. Walang mga hukbong militar na kasama sila sa mga ibang lupain upang mamuksa, magpahirap, at manggahasa ng mga tatanggi sa bautismong Kristiyano. Sa halip, sinunod ng mga alagad ni Jesus ang kaniyang mapayapang halimbawa na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa lahat, na tinuturuan sila na mangatuwiran batay sa impormasyong iniharap sa kanila buhat sa Kasulatan. Sa mga bunga ng kanilang gawain ay kasali ang bunga ng espiritu ng Diyos—“pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili.”—Galacia 5:22, 23.
Walang ipinagkakaiba sa ngayon. Ang tunay na Kristiyanismo ay nagbubunga pa rin ng mabuti. Ang punungkahoy, ang organisasyong Kristiyano, na itinayo ni Jesus mahigit na 1,900 taon na ngayon ay mabuti, at mabuti pa rin hanggang ngayon. Kaya hindi maaaring magbunga ito ng masama, walang pakundangan, na mararahas na bunga ng panatisismo. Kung gayon, bakit nga ba ang panatisismo ay karaniwang-karaniwan sa Sangkakristiyanuhan?
Ipinakita ni apostol Pablo na darating ang panahon na may lilitaw na mga imitasyong Kristiyano. Sila’y magtataglay ng pangalang Kristiyano ngunit hindi naman sila mamumuhay ayon doon o magbubunga ng mabubuting bunga niyaon. Sinabi niya sa mga matatanda sa Efeso: “Talastas ko na pag-alis ko ay magsisipasok sa inyo ang mga ganid na mga lobo at hindi nila pakikitunguhan nang may kabaitan ang kawan, at sa mga kasamahan din ninyo lilitaw ang mga taong magsasalita ng mga bagay na pinilipit upang makaakit ng mga alagad.” (Gawa 20:29, 30) Sa mga apostatang ito nanggaling ang Sangkakristiyanuhan na may daan-daang nagkakasalu-salungatang mga organisasyon ng relihiyon na nagtuturo ng mga bagay na sinasabi lamang na umano’y mga Kristiyano. Sa totoo, ang mga ito ay “mga bagay na pinilipit,” mga kuru-kuro ng mga tao at hindi katotohanan ng Salita ng Diyos. Sa gitna ng mga huwad na Kristiyanong ito makikita ang masasamang bunga ng panatisismo.
Panatisismo ba ang Sigasig Kristiyano?
Totoo naman na ang panatisismo ay isang anyo ng sigasig. Subalit ang ang panatisismo ay isang “labis-labis o matinding sigasig,” isang “walang katuwiran” na sigasig. Hindi masasabi ito kung tungkol sa tunay na Kristiyanismo.
Paulit-ulit, ipinapayo ng Bibliya sa mga Kristiyano na maging makatuwiran. Halimbawa, ang Filipos 4:5 ay nagsasabi: “Hayaang ang inyong pagkamakatuwiran ay makilala ng lahat ng tao.” At ang mga Kristiyano ay pinapayuhan na “huwag magsalita ng masama tungkol sa kaninuman, na huwag maging palaaway, kundi maging makatuwiran, at magpakahinahon sa pakikitungo sa lahat ng tao.”—Tito 3:2.
Dahilan sa dinadalaw ng mga Saksi ni Jehova ang mga tao sa kanilang mga tahanan upang makipag-usap sila tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, sila ay naiiba sa karamihan na nag-aangkin na mga Kristiyano. Ang sigasig na ito sa ministeryong Kristiyano ay hindi batayan ng pagtuturing na sila’y mga panatiko. Ito’y isang makatuwirang sigasig sa isang gawain na ginawa ni Jesus at iniutos niya na gawin din ng kaniyang mga tagasunod. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Ang isang tao na nagtatabi ng maraming gumugugol-panahong personal na mga aktibidades upang makapag-ukol ng pinakamalaking panahon hangga’t maaari sa pangangaral ng Kaharian ay hindi isang panatiko. Sa halip, kaniyang ipinakikita ang kaniyang pagpapahalaga sa apurahang pangangailangan na tulungan ang iba upang matuto ng nagbibigay-buhay na mga katotohanan ng Salita ng Diyos sa maikling panahong natitira pa para sa gawaing ito. Ito ay makatuwiran at kapaki-pakinabang.
Sa halip na isang gawaing panatiko na pumipinsala sa iba, ang aktibidad na ito ay nagtatayo ng pananampalataya sa Diyos at sa kaniyang Salita. Ito’y nagbibigay ng pag-asa sa mga walang pag-asa, nagdadala ng kalayaan buhat sa relihiyosong mga pamahiin at kawalang-alam, at ang maraming imoral at mararahas na tao ay binabago upang sila’y maging malilinis sa moral at mapayapang mga Kristiyano. Ang mabubuting bungang ito ay nagpapakilala ng isang mabuting organisasyon.
Sa mahigit na 200 bansa, ang mga Saksi ni Jehova ay nananatili sa kanilang katapatan sa Kaharian ng Diyos, kahit na sila’y binabawalan ng mga maykapangyarihan na magpatuloy sa kanilang gawain sa maraming lugar. Ang kanilang katapatan sa Diyos, ang Kataas-taasang Soberano, ay hindi masasabing panatisismo. Siya ang pinakamataas na Awtoridad, at kung may pagkakasalungatan ang kaniyang mga batas at yaong sa gobyerno ng tao, ang tunay na Kristiyano ay obligado na tumalima sa kaniya. Sa ilalim ng mga gobyerno ng tao, ang lokal na mga batas ay kung minsan pinawawalang-kabuluhan dahil sa labag sa pederal na mga batas. Gayundin naman, para sa mga tunay na Kristiyano ang mga batas ng tao ay pinawawalang-kabuluhan pagka laban sa mga batas ng Pansansinukob na Soberano, si Jehovang Diyos. Yamang ang isang tunay na Kristiyano ay hindi maaaring sumunod sa dalawang nagkakasalungatang mga batas, kaniyang ginagawa ang ginawa ng mga apostol. Kanilang sinabi: “Susundin muna namin ang Diyos bilang pinuno bago ang mga tao.” (Gawa 5:29) Ito ay makatuwiran.
Ang ganiyan ding pagkamakatuwiran ay ipinakikita ng mga Saksi ni Jehova kung tungkol sa pambansa at relihiyoso na mga pagdiriwang na salungat sa Salita ng Diyos. Hindi panatisismo na tumangging makibahagi sa mga pagdiriwang na ginaganap ng karamihan ng mga tao sa isang bansa. Dahilan sa pagiging naiiba ng dahil sa kanilang relihiyosong budhi ang mga Saksi ay nasa ganoon ding katayuan na gaya ng mga sinaunang Kristiyano, na hindi nakibahagi sa mga popular na pagdiriwang noong kanilang kaarawan. At ang mga Saksi ni Jehova ay nalulugod na magbigay ng maka-Kasulatang dahilan ng hindi nila pagsali.—1 Pedro 3:15.
May mga taong marahil magsasabing ang mga Saksi ay panatiko dahilan sa ayaw nilang pasalin ng dugo, isang pamamaraan na popular sa karamihan ng mga doktor. Dito na naman ay kasangkot ang pagtalima sa kautusan ng Diyos. Sa mga tunay na tagasunod ni Jesu-Kristo ay iniutos na “patuloy na lumayo . . . sa dugo.”—Gawa 15:28, 29.
Ang isang tao ba ay panatiko dahilan sa alang-alang sa budhi, kaniyang tinatanggihan ang isang paraan ng paggamot na popular sa kasalukuyan? May mga taong hindi naman mga Saksi ni Jehova na tumatanggi sa pagsasalin ng dugo dahilan sa nangangamba silang mahawa sila sa AIDS o iba pang mga sakit. Kung gayon ay hindi ba makatuwiran na humiling ang mga Saksi na ang sunding paraan ng paggamot sa kanila ay yaong hindi lumalabag sa kanilang budhi?
Ano, kung gayon, ang dapat na mahinuha buhat dito? Na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi mga panatiko dahil sa sila’y naiiba sa karamihan ng mga tao at kanilang iginigiit ang pagiging masunurin sa Diyos. Bagama’t sila’y may sigasig sa Diyos, sila’y wala namang “labis-labis o matinding sigasig,” na para bagang sila’y inaalihan ng isang demonyo; ni hindi rin naman sila mistulang “nababaliw, hibang,” o “haling.” Kailanman sila ay hindi pinakikilos ng relihiyosong sigasig upang gumawa ng marahas na pinsala sa iba o sa kanilang sarili. Bagkus, kasuwato ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa tunay na mga Kristiyano, sila ay may “pakikipagpayapaan sa lahat ng tao.”—Roma 12:18.
Samakatuwid ang organisasyong Kristiyano na pinasimulan ni Jesu-Kristo noong unang siglo ay isang mabuting punungkahoy at nagpapatuloy sa ngayon na ang isinisibol lamang ay mabuting bunga. Kung gayon, hindi maaaring ang tunay na Kristiyanismo ay magbunga ng mga panatiko.
[Blurb sa pahina 30]
Walang dahilan na ang mga Saksi ni Jehova ay ituring na mga panatiko dahilan sa kanilang sigasig sa ministeryong Kristiyano