Ika-123 Gradwasyon ng Gilead
Hinimok ang mga Nagsipagtapos sa Gilead na “Magsimulang Maghukay” sa Kanilang Atas
NOONG Sabado, Setyembre 8, 2007, dumalo sa gradwasyon ng ika-123 klase ng Watchtower Bible School of Gilead ang 6,352 katao mula sa 41 lupain. Sa ganap na 10:00 n.u., ang lahat ng naroroon ay malugod na tinanggap ng tsirman ng programa na si Anthony Morris, miyembro ng Lupong Tagapamahala. Matapos ang ilang pambungad na pananalita, ipinakilala niya ang unang tagapagsalita, si Gary Breaux, miyembro ng Komite ng Sangay sa Estados Unidos.
Tiniyak ni Brother Breaux sa mga estudyante na anuman ang kanilang hitsura, maganda sila sa paningin ni Jehova dahil ginagawa nila ang Kaniyang kalooban. (Jer. 13:11) Hinimok niya sila na panatilihin ang gayong uri ng kagandahan. Sumunod, idiniin ni Gerrit Lösch, miyembro ng Lupong Tagapamahala, na wastong umasa sa gantimpala kapag naglilingkod tayo kay Jehova. (Heb. 11:6) Gayunman, ang pag-ibig sa Diyos ang dapat maging pangunahin nating dahilan sa paglilingkod sa kaniya.
Pagkaraan, ang mga nagsipagtapos ay pinasigla ni William Samuelson, tagapangasiwa ng Theocratic Schools Department, na manatiling tapat sa kanilang marangal na atas ng pag-aanunsiyo hinggil sa nagpupuno nang Hari at ipakita ang kanilang dignidad sa pamamagitan ng kanilang mainam na paggawi.a Hinimok naman ni Sam Roberson, katulong na tagapangasiwa ng Theocratic Schools Department, ang mga nagsipagtapos na laging tingnan ang mabubuting katangian ng iba upang maging mas madali para sa kanila na “magkaroon ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid.”—1 Ped. 2:17.
Matapos ang nakapagpapasiglang mga pahayag na iyon, kinapanayam ng instruktor ng Gilead na si Mark Noumair ang ilan sa nagsipagtapos para ilahad ang kanilang mga karanasan sa paglilingkod sa larangan habang nag-aaral sila sa Gilead. Kitang-kita ng mga tagapakinig ang pagmamahal nila sa ministeryo at ang pagnanais nila na makatulong sa iba. Pagkaraan nito, kinapanayam ng isang miyembro ng Patterson Bethel Office na si Kent Fischer ang mga miyembro ng Komite ng Sangay mula sa tatlong lupain kung saan may naglilingkod na mga misyonero. Tiniyak ng mahuhusay na kapatid na ito sa mga tagapakinig, karamihan ay mga magulang ng nagsipagtapos, na naaalagaang mabuti ang mga bagong misyonero sa mga lugar kung saan sila inatasan. Sumunod, kinapanayam naman ni Izak Marais, miyembro ng Translation Services Department, ang ilang matatagal nang misyonero hinggil sa kanilang mga karanasan. Nagbigay ito ng ideya sa mga nagsipagtapos kung gaano kalaking kagalakan ang madarama nila pagdating nila sa kanilang atas.
Ang pangunahing pahayag ng programa na may temang “Matapos Ninyong Marinig ang Lahat ng Ito—Ano Ngayon ang Gagawin Ninyo?” ay binigkas ni Geoffrey Jackson, miyembro ng Lupong Tagapamahala at naging misyonero sa Timog Pasipiko sa loob ng halos 25 taon. Tinalakay niya ang konklusyon ng Sermon sa Bundok. Sa sermong iyon, inilahad ni Jesus ang tungkol sa dalawang lalaki, isang maingat at isang mangmang na kapuwa nagtayo ng bahay. Binanggit ng tagapagsalita na maaaring itinayo ang dalawang bahay na iyon sa magkalapit na lokasyon. Pero nagtayo ang mangmang na lalaki sa mababaw na pundasyon, sa buhanginan. Samantalang naghukay ang maingat na lalaki at nagtayo sa matibay na batong pundasyon. Nang dumating ang malakas na bagyo, hindi gumuho ang bahay na itinayo sa bato pero ang bahay na itinayo sa buhanginan ay nagiba.—Mat. 7:24-27; Luc. 6:48.
Ipinaliwanag ni Jesus na ang mangmang na lalaki ay lumalarawan sa mga basta nakinig lamang sa sinabi niya. Pero ang matalinong lalaki naman ay tulad ng mga taong nakinig kay Jesus at ginawa ang narinig nila. Sinabi ni Brother Jackson sa mga nagsipagtapos, “Kapag ikinapit ninyo sa inyong pagmimisyonero ang inyong natutuhan sa pag-aaral ng Bibliya, magiging gaya kayo ng maingat na lalaki.” Kaya sa kaniyang konklusyon, hinimok niya ang mga nagsipagtapos na “magsimulang maghukay” sa kanilang atas bilang misyonero.
Bilang pangwakas, tinanggap ng mga nagsipagtapos ang kanilang diploma at atas. Nagbigay si Brother Morris ng ilang payo sa kanila bilang konklusyon. Hinimok niya ang mga nagsipagtapos na laging tularan si Jesus at huwag na huwag kalilimutang umasa kay Jehova para sa lakas. Pagkaraan nito, nagtapos ang programa ng gradwasyon.
[Talababa]
a Ang Theocratic Schools Department, na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Teaching Committee, ang nangangasiwa sa Gilead, paaralan para sa mga miyembro ng Komite ng Sangay, at paaralan para sa mga naglalakbay na tagapangasiwa.
[Kahon sa pahina 31]
ESTADISTIKA NG KLASE
Bilang ng mga bansang may kinatawan: 10
Bilang ng mga bansang magiging atas: 24
Bilang ng mga estudyante: 56
Katamtamang edad: 33.5
Katamtamang taon sa katotohanan: 17.9
Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 13.8
[Larawan sa pahina 32]
Ang Ika-123 Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan patungo sa likuran, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Esparza, E.; Papaya, S.; Bilal, A.; Suárez, M.; Evers, E.; Dimichino, K. (2) Rosa, M.; Fujii, R.; Ratey, O.; Leveton, J.; Van Leemputten, M. (3) Boscaino, A.; Beck, K.; Budanov, H.; Braz, C.; Peltz, K.; Siaw, A. (4) Leveton, S.; Santikko, H.; Conte, S.; Wilson, J.; Rylatt, J.; Pierce, S.; Fujii, K. (5) Rosa, D.; Boscaino, M.; Austin, V.; Rodiel, P.; Bilal, P.; Dimichino, P. (6) Ratey, B.; Czyzyk, D.; Clarke, C.; Riedel, A.; Esparza, F.; Siaw, P.; Van Leemputten, T. (7) Rodiel, J.; Evers, J.; Green, J.; Czyzyk, J.; Santikko, M.; Rylatt, M. (8) Peltz, L.; Austin, D.; Riedel, T.; Beck, M.; Pierce, W.; Conte, S.; Green, S. (9) Suárez, J.; Clarke, J.; Papaya, S.; Budanov, M.; Wilson, R.; Braz, R.