Maging Tagatupad ng Salita, Huwag Tagapakinig Lamang
“Hindi bawat nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.”—MATEO 7:21.
1. Ano ang kailangang patuloy na gawin ng mga tagasunod ni Jesus?
PATULOY na humingi. Patuloy na humanap. Patuloy na tumuktok. Magtiyaga sa pananalangin, pag-aaral, at paggawa sa mga sinalita ni Jesus na nakasulat sa Sermon sa Bundok. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na sila ang asin ng lupa, na may taglay na pangpreserbang pabalita na tinimplahan ng asin na hindi nila dapat payagang tumabang, anupa’t naiwawala ang katangiang maging panimpla o magamit iyon na pampreserba. Sila ay ilaw ng sanlibutan, anupa’t mga tagapagpasikat ng liwanag na nanggagaling kay Kristo Jesus at sa Diyos na Jehova hindi lamang sa pamamagitan ng kanilang sinasabi kundi rin sa pamamagitan ng kanilang ginagawa. Ang kanilang mabubuting gawa ay sumisikat na gaya rin ng kanilang nagbibigay-liwanag na mga salita—at maaari pa ngang mas malakas magsalita sa isang sanlibutan na nahirati sa maka-Fariseong pagpapaimbabaw ng kapuwa mga pinunong relihiyoso at makapulitika, na marami ang nasasabi at kakaunti naman ang nagagawa.—Mateo 5:13-16.
2. Ano ang payo na ibinibigay ni Santiago, ngunit anong maginhawang paniniwala ang maling sinusunod ng iba?
2 Si Santiago ay nagpapayo: “Maging tagatupad ng salita, at huwag tagapakinig lamang, na dinadaya ang inyong sarili ng maling pangangatuwiran.” (Santiago 1:22) Marami ang dumadaya sa kanilang sarili sa doktrinang ‘minsang ligtas laging ligtas,’ na para bagang sila’y maaari na ngayong magretiro at maghintay ng ipinagpapalagay na gantimpalang makalangit. Ito ay isang maling doktrina at isang walang-kabuluhang pag-asa. “Ang magtiis hanggang wakas,” ang sabi ni Jesus, “ay siyang maliligtas.” (Mateo 24:13) Upang magtamo ng buhay na walang-hanggan, “patunayan mong tapat ka hanggang kamatayan.”—Apocalipsis 2:10; Hebreo 6:4-6; 10:26, 27.
3. Anong tagubilin tungkol sa paghatol ang susunod na ibinigay ni Jesus sa Sermon sa Bundok?
3 Habang nagpapatuloy si Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok, patuloy na lumilitaw ang higit pang mga tagubilin na kailangang pagsikapan ng mga Kristiyano na sundin. Narito ang isa na waring simple, ngunit hinahatulan nito ang isa sa pinakamahirap na mga kahinaang dapat iwaksi: “Huwag kayong humatol upang huwag kayong hatulan; sapagkat sa hatol na inyong ihahatol, doon kayo hahatulan; at sa panukat na inyong isusukat, doon kayo susukatin. Bakit mo nga tinitingnan ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang tahilan na nasa iyong sariling mata? O papaanong masasabi mo sa iyong kapatid, ‘Bayaan mong alisin ko ang puwing na nasa mata mo’; gayong hayan! may tahilan ka sa iyong sariling mata? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang tahilan sa iyong sariling mata, at saka mo lamang makikitang malinaw ang pag-aalis mo ng puwing sa mata ng iyong kapatid.”—Mateo 7:1-5.
4. Anong karagdagang tagubilin ang ibinibigay ng ulat ni Lucas, at ano ang resulta ng pagkakapit nito?
4 Sa ulat ni Lucas ng Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig na huwag mamintas sa iba. Bagkus, sila’y “patuloy na magpalaya,” na ang ibig sabihin, magpatawad ng mga kahinaan ng kanilang kapuwa-tao. Ito’y aakay rin sa iba na gumanti nang ganoon, gaya ng sinabi ni Jesus: “Ugaliin ninyo ang pagbibigay, at kayo’y bibigyan ng mga tao. Takal na mabuti, pikpik, liglig at umaapaw ang ibubuhos nila sa inyong kandungan. Sapagkat sa panukat na inyong isinusukat, doon din kayo susukatin.”—Lucas 6:37, 38.
5. Bakit lalong madali na makita ang mga kahinaan sa iba kaysa sa ating sariling kahinaan?
5 Noong unang siglo C.E., dahilan sa mga sali’t saling sabi, ang mga Fariseo sa pangkalahatan ay humahatol sa iba nang may kabagsikan. Sinuman sa mga tagapakinig ni Jesus na may ugaling gawin iyan ay kailangang huminto sa ganoong ugali. Mas madaling makita ang puwing sa mata ng iba kaysa tahilan sa ating sarili—at lalo man ding nagbibigay-kompiyansa sa maka-akong pagpapahalaga sa sarili! Gaya ng sabi ng isang lalaki, “Mahilig akong mamintas sa iba sapagkat napakainam ang nararamdaman ko!” Ang ugaling mamintas sa iba ay maaaring magpadama sa atin na tayo’y magaling at waring natatakpan ang ating sariling kahinaan na ibig nating ikubli. Ngunit kung kinakailangang gumawa ng pagtutuwid, ito’y dapat gawin na may espiritu ng kahinahunan. Ang isang gumagawa ng pagtutuwid ay dapat na laging palaisip ng kaniyang sariling mga kahinaan.—Galacia 6:1.
Bago Humatol, Subukin na Maging Maunawain
6. Sa ano dapat isalig ang ating mga paghatol kung kailangan, at anong tulong ang dapat nating hingin upang tayo’y huwag maging labis na mapintasin?
6 Hindi naparito si Jesus upang hatulan ang sanlibutan kundi upang iligtas ito. Ano mang paghatol na kaniyang ginawa ay hindi kaniya kundi nakasalig sa mga salita ng Diyos na ibinigay sa kaniya upang salitain. (Juan 12:47-50) Ano mang mga paghatol na ginagawa natin ay dapat ding kasuwato ng Salita ni Jehova. Dapat nating sugpuin ang hilig ng tao na humatol sa iba. Sa paggawa nito, tayo’y dapat patuloy na manalangin na tulungan tayo ni Jehova: “Patuloy na humingi, at kayo’y bibigyan; patuloy na humanap, at kayo’y makasusumpong; patuloy na tumuktok, at sa inyo’y bubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap, at ang bawat humahanap ay nakasusumpong at ang bawat tumutuktok ay binubuksan.” (Mateo 7:7, 8) Maging si Jesus man ay nagsabi: “Hindi ako makagagawa ng anuman kung sa ganang aking sarili; humahatol ako ayon sa aking narinig; at ang paghatol ko’y matuwid, sapagkat pinaghahanap ko, hindi ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.”—Juan 5:30.
7. Anong ugali ang dapat nating pasulungin na tutulong sa atin sa pagkakapit ng Gintong Alituntunin?
7 Pasulungin natin ang ugali, hindi ang paghatol sa mga tao, kundi ang pagsisikap na maunawaan sila sa pamamagitan ng paglalagay ng ating sarili sa lugar nila—hindi madaling gawin ngunit kailangang gawin kung nais nating makasunod sa Gintong Alituntunin, na sumunod na ipinahayag ni Jesus: “Lahat ng bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayundin ang gawin ninyo sa kanila; ito, sa katunayan, ang kahulugan ng Kautusan at ng mga Propeta.” (Mateo 7:12) Kaya ang mga tagasunod ni Jesus ay kailangan na madaling makaramdam at makaunawa ng kaisipan, damdamin, at espirituwal na kalagayan ng iba. Kailangang mahalata at maunawaan nila ang pangangailangan ng iba at magkaroon ng personal na interes sa pagtulong sa kanila. (Filipos 2:2-4) Makalipas ang mga taon si Pablo ay sumulat: “Sapagkat ang buong Kautusan ay natutupad sa isang salita, samakatuwid nga: ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.’ ”—Galacia 5:14.
8. Anong dalawang daan ang tinalakay ni Jesus, at bakit ang isa riyan ang pinipili ng karamihan ng mga tao?
8 “Kayo’y magsipasok sa makipot na pintuan,” ang sumunod na sinabi ni Jesus, “sapagkat maluwang at malapad ang daang patungo sa kapahamakan, at marami ang nagsisipasok doon; samantalang makipot ang pintuan at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nakasusumpong niyaon.” (Mateo 7:13, 14) Ang daan na patungo sa kapahamakan ang pinili ng marami noong mga araw na iyon at marami ang iyon din ang pinipili. Ang malapad na daan ay nagpapahintulot sa mga tao na mag-isip nang gusto nila at mamuhay nang gusto nila: walang mga alituntunin, walang mga dapat isakatuparan, basta isang maluwag na istilo ng pamumuhay, lahat ay madali. Wala nitong “puspusang magsumikap kayo na pumasok sa pintuang makipot” kung para sa kanila!—Lucas 13:24.
9. Ano ang kailangan upang makalakad sa makitid na daan, at anong babala ang ibinibigay ni Jesus sa mga lumalakad doon?
9 Ngunit ang makipot na pintuan ang bumubukas tungo sa daang patungo sa buhay na walang-hanggan. Ito ang landasin na humihingi ng pagpipigil sa sarili. Marahil ito’y nangangailangan ng disiplina na magsusuri ng iyong mga motibo at susubok sa iyong kagitingan tungkol sa iyong pag-aalay. Pagsapit ng mga pag-uusig, ang daan ay mahirap lakaran at nangangailangan ng pagtitiis. Sa mga lumalakad sa daang ito ay may babala si Jesus: “Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta na nagsisilapit sa inyo na may damit-tupa, datapuwat sa loob ay mga lobong maninila.” (Mateo 7:15) Ang paglalarawang ito ay angkup na angkop sa mga Fariseo. (Mateo 23:27, 28) Sila’y “nagsisiupo sa upuan ni Moises,” nag-aangkin na nagsasalita para sa Diyos bagaman ang sinusunod nila ay mga sali’t saling sabi ng mga tao.—Mateo 23:2.
Kung Papaano “Sinasarhan [ng mga Fariseo] ang Kaharian”
10. Sa anong espesipikong paraan pinagsikapan ng mga eskriba at mga Fariseo na ‘sarhan ang kaharian laban sa mga tao’?
10 Isa pa, sinikap ng klerong Judio na hadlangan yaong nagsisikap na makapasok sa makipot na pintuan. “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagkat sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao; sapagkat kayo’y hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok naman ay ayaw ninyong hayaang makapasok.” (Mateo 23:13) Ang paraan ng mga Fariseo ay iyon mismong ibinabala ni Jesus. Kanilang “itatakuwil ang pangalan ng [kaniyang mga alagad] na tila masasama dahil sa Anak ng tao.” (Lucas 6:22) Sapagkat ang taong isinilang na bulag at pinagaling ni Kristo ay may paniwalang si Jesus ang Mesiyas, kanilang pinalayas siya sa sinagoga. Ang kaniyang mga magulang ay hindi sumagot sa mga katanungan sapagkat sila’y natatakot na mapalayas sa sinagoga. Sa katulad na dahilan, ang mga ibang naniniwalang si Jesus ang Mesiyas ay tumangging aminin iyon sa harap ng madla.—Juan 9:22, 34; 12:42; 16:2.
11. Anong nagpapakilalang mga bunga ang makikita sa klero ng Sangkakristiyanuhan?
11 “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila,” ang sabi ni Jesus. “Ang bawat mabuting punungkahoy ay nagbubunga ng mabuti, datapuwat ang masamang punungkahoy ay nagbubunga ng masama.” (Mateo 7:16-20) Ang ganiyan ding alituntunin ang kumakapit sa ngayon. Marami sa klero ng Sangkakristiyanuhan ang nagsasabi ng isang bagay at iba naman ang ginagawa. Bagaman nag-aangking nagtuturo ng Bibliya, sila’y naniniwala sa mga pamumusong na tulad baga ng Trinidad at apoy ng impiyerno. Ang iba’y nagtatatuwa sa pantubos, nagtuturo ng ebolusyon sa halip na paglalang, at nangangaral ng pop psychology (popular na sikolohiya) upang kilitiin ang mga pandinig. Tulad ng mga Fariseo, marami sa mga klerigo sa ngayon ang mga maibigin sa salapi, ang kanilang mga kawan ay ninanakawan ng angaw-angaw na dolyar. (Lucas 16:14) Lahat sila ay sumisigaw, “Panginoon, Panginoon,” ngunit ang tugon sa kanila ni Jesus ay: “Hindi ko kayo nakikilala kailanman! Magsilayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.”—Mateo 7:21-23.
12. Bakit ang iba na dati’y lumalakad sa makitid na daan ay hindi na ngayon gumagawa ng gayon, at ano ang resulta?
12 Sa ngayon, ang iba na dati’y lumalakad sa makipot na daan ay hindi na ngayon gumagawa ng gayon. Kanilang sinasabi na iniibig nila si Jehova, ngunit hindi nila sinusunod ang kaniyang utos na mangaral. Kanilang sinasabi na iniibig nila si Jesus, ngunit hindi naman nila pinakakain ang kaniyang tupa. (Mateo 24:14; 28:19, 20; Juan 21:15-17; 1 Juan 5:3) Hindi nila ibig na mapasailalim ng pamatok kasama niyaong mga lumalakad sa yapak ni Jesus. Kanilang nasumpungan na ang makipot na daan ay totoong napakakipot. Sila’y nagsawa ng paggawa ng mabuti, kaya sila ay “nagsihiwalay sa atin, ngunit sila’y hindi natin kauri; sapagkat kung sila’y kauri natin, sana’y nanatili silang kasama natin.” (1 Juan 2:19) Sila’y nagbalik sa kadiliman at “anong laki ng kadilimang iyon!” (Mateo 6:23) Hindi nila pinansin ang panawagan ni Juan: “Mumunting mga anak, ang pag-ibig natin ay huwag sanang sa salita o sa dila lamang, kundi sa gawa at sa katotohanan.”—1 Juan 3:18.
13, 14. Anong ilustrasyon ang ibinigay ni Jesus tungkol sa pagkakapit sa ating buhay ng kaniyang mga salita, at bakit lubhang angkup na angkop ito para doon sa mga nasa Palestina?
13 Ang kaniyang Sermon sa Bundok ay tinapos ni Jesus sa dramatikong ilustrasyon: “Sinumang nakakapakinig ng mga salita kong ito at ginagawa ay maihahalintulad sa isang taong pantas, na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng batong-bundok. At lumagpak ang ulan at bumaha at humihip ang hangin at hinampas ang bahay na iyon, subalit hindi bumagsak, sapagkat nakatayo sa ibabaw ng batong-bundok.”—Mateo 7:24, 25.
14 Sa Palestina mapangwasak na mga biglaang baha ang dala ng malalakas na ulan na mabilis na naghuhuho ng tubig sa tigang na mga libis. Upang ang mga bahay ay huwag madala ng agos, kailangan na ang kanilang mga pundasyon ay nakapatong sa taganas na bato. Ipinakikita ng ulat ni Lucas na ang tao ay “humukay at lumusong nang malalim at naglatag ng pundasyon sa bunton ng malalaking bato.” (Lucas 6:48) Iyon ay mahirap na trabaho, ngunit sulit naman nang dumating ang bagyo. Samakatuwid ang pagtatayo ng mga katangiang Kristiyano sa ibabaw ng mga salita ni Jesus ay magdudulot ng pakinabang pagka ang biglaang baha ng kahirapan ay dumating.
15. Ano ang magiging resulta para sa mga sumusunod sa mga sali’t saling sabi ng mga tao imbis na tumalima sa mga salita ni Jesus?
15 Yaon namang isang bahay ay itinayo sa ibabaw ng buhangin: “Bawat nakakapakinig ng aking mga salitang ito at hindi ginagawa ay maihahalintulad sa isang taong mangmang, na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng buhanginan. At lumagpak ang ulan at bumaha at humihip ang hangin at bumayo sa bahay na iyon at bumagsak iyon, at kakila-kilabot ang pagbagsak.” Ganiyan din kung para sa mga taong nagsasabing “Panginoon, Panginoon” ngunit hindi naman gumagawa ng mga sinabi ni Jesus.—Mateo 7:26, 27.
“Hindi Gaya ng Kanilang mga Eskriba”
16. Ano ang epekto sa mga nakapakinig sa Sermon sa Bundok?
16 Ano ba ang epekto ng Sermon sa Bundok? “Ngayon nang matapos na ni Jesus ang mga pananalitang ito, ang karamihan ay nagsipanggilalas sa kaniyang paraan ng pagtuturo; sapagkat kaniyang tinuturuan sila na gaya ng isang taong may kapamahalaan, at hindi gaya ng kanilang mga eskriba.” (Mateo 7:28, 29) Sila’y napukaw nang husto niyaong isa na nangusap na taglay ang autoridad na noon lamang nila nasaksihan.
17. Ano ang kinailangang gawin ng mga eskriba upang magkabisa ang kanilang turo, at ano ang kanilang pag-aangkin tungkol sa nangamatay nang mga pantas na sinipi?
17 Walang eskriba na kailanman ay nagsalita salig sa kaniyang sariling autoridad, gaya ng ipinakikita ng ulat na ito ng kasaysayan: “Ang mga eskriba ay humiram ng kredito sa kanilang doktrina buhat sa mga sali’t saling sabi, at sa mga ama nila: at walang sermon ng sinumang eskriba ang may anumang autoridad o halaga, walang [pagbanggit] . . . Ang mga Rabbins ay may isang sali’t saling sabi, o . . . Ang mga pantas ay nagsasabi; o ang ilang tradisyonal na orakulo na gayong uri. Si Hillel na dakila ay nagturong totoo, at gaya ng sali’t saling sabi na tungkol sa isang bagay; ‘Ngunit, bagaman siya’y nagdiskurso tungkol sa bagay na iyan nang buong maghapon, . . . hindi nila tinanggap ang kaniyang doktrina, hanggang sa kaniyang sabihin sa wakas, Kaya’t narinig ko buhat kay Shemaia at Abtalion [mga autoridad na nauna kay Hillel].’ ” (A Commentary on the New Testament From the Talmud and Hebraica, ni John Lightfoot) Ang mga Fariseo ay nag-angkin pa rin ng tungkol sa mga pantas na malaon nang nangamatay: “Ang mga labì ng matuwid, pagka ang sinuman ay bumanggit ng isang turo ng batas sa kanilang mga pangalan—ang kanilang mga labì ay bumubulong kasama nila sa libingan.”—Torah—From Scroll to Symbol in Formative Judaism.
18. (a) Ano ang pagkakaiba ng turo ng mga eskriba at ng turo ni Jesus? (b) Sa anu-anong paraan totoong katangi-tangi ang turo ni Jesus?
18 Ang mga eskriba ay sumipi sa mga taong nangamatay na bilang mga autoridad; si Jesus ay nagsalita na may autoridad buhat sa Diyos na buháy (Juan 12:49, 50; 14:10) Ang mga rabbi ay kumukuha ng tubig na laon buhat sa saradong mga balon; si Jesus ay doon kumukuha sa mga bukal ng sariwang tubig na pumapawi ng isang panloob na pagkauhaw. Siya’y nanalangin at nagbulay-bulay sa buong magdamag, at sa kaniyang pagsasalita, kaniyang pinukaw ang kalooban ng mga tao sa mga bagay na dati-rati ay hindi nila napag-iisipan. Siya’y nagsalita na taglay ang lakas na kanilang nadarama, isang autoridad na maging ang mga eskriba, Fariseo, at mga Saduceo ay sa wakas natatakot na hamunin ngayon. (Mateo 22:46; Marcos 12:34; Lucas 20:40) Kailanman ay walang sinumang tao ang nagsalita na katulad nito! Nang matapos ang sermon, ang karamihan ay naiwang nanggigilalas!
19. Papaanong ang ibang mga paraan ng pagtuturo na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay nakakatulad niyaong ginamit ni Jesus na Sermon sa Bundok?
19 Kumusta naman sa ngayon? Bilang mga ministro sa bahay-bahay, ang mga Saksi ni Jehova ay gumagamit ng nakakatulad na mga paraan. Ang isang maybahay ay magsasabi sa iyo: “Sinasabi ng aking relihiyon na ang lupa ay susunugin.” Ikaw naman ay tutugon: “Ang inyong sariling Bibliya na King James ay nagsasabi ng ganito sa Eclesiastes 1:4: ‘Ang lupa ay mananatili magpakailanman.’ ” Ang tao ay namamangha. “Aba, hindi ko alam na iyon pala ay nasa aking Bibliya!” Ang isa naman ay nagsasabi: “Ang lagi kong naririnig ay na susunugin sa apoy ng impiyerno ang mga makasalanan.” “Ngunit ang inyong sariling Bibliya ay nagsasabi sa Roma 6:23: ‘Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.’ ” O tungkol sa Trinidad: “Sinasabi ng aking predikador na si Jesus at ang kaniyang Ama ay magkapantay.” “Ngunit sa Juan 14:28 ang inyong Bibliya ay sumisipi sa sinabi ni Jesus: ‘Ang aking Ama ay lalong dakila kaysa akin.’ ” Ang isa namang tao ay magsasabi sa iyo: “Narinig kong sinabi na ang Kaharian ng Diyos ay nasa loob mo.” Ang tugon mo naman: “Sa Daniel 2:44 ang inyong Bibliya ay nagsasabi: ‘Sa kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatatag ng isang kaharian, na hindi kailanman mapupuksa . . . Pagdudurugdurugin nito at lilipulin ang lahat ng mga kahariang ito, at ito ay tatayo magpakailanman.’ Papaano nga mangyayaring iyan ay nasa loob mo?”
20. (a) Ano ang pagkakaiba ng paraan ng pagtuturo ng mga Saksi at ng klero ng Sangkakristiyanuhan? (b) Ngayon na ang panahon para sa ano?
20 Si Jesus ay nangusap nang may autoridad na galing sa Diyos. Ang mga Saksi ni Jehova ay nagsasalita na taglay ang autoridad ng Salita ng Diyos. Ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay nagsasalita ng mga sali’t saling sabi ng relihiyon na pinarungis ng pagkakasalin-salin buhat sa Babilonya at Ehipto. Pagka narinig ng taimtim na mga tao na pinabulaanan ng Bibliya ang kanilang mga paniwala, sila’y nanggigilalas at bumubulalas: ‘Hindi ko alam na iyan pala’y nasa aking Bibliya!’ Ngunit naroroon nga. Ngayon na ang panahon para lahat ng mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan ay makinig sa mga sinabi ni Jesus sa Sermon sa Bundok at sa ganoo’y magtayo ng matibay na pundasyon sa bato.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Imbis na tayo’y humatol sa iba, ano ba ang dapat nating gawin, at bakit?
◻ Bakit napakarami sa ngayon ang doon lumalakad sa malapad na daan?
◻ Bakit ang paraan ni Jesus ng pagtuturo ay lubhang ibang-iba sa paraan ng pagtuturo ng mga eskriba?
◻ Ano ba ang naging epekto sa mga tagapakinig ng Sermon sa Bundok?