Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Isang Lihim na Paglalakbay sa Jerusalem
NOON ay taglagas ng 32 C.E., at malapit na ang Kapistahan ng mga Tabernakulo. Ang karamihan ng aktibidad ni Jesus ay doon sa Galilea sapol noong Paskua ng 31 C.E. nang pagtangkaan ng mga Judio na patayin siya. Marahil, ang tanging panahon na dinalaw ni Jesus ang Jerusalem sapol noon ay upang dumalo sa tatlong taunang kapistahan ng mga Judio.
Ngayon ay hinimok si Jesus ng mga kapatid niya: “Umalis ka rito at pumaroon ka sa Judea.” Ang Jerusalem ang pangunahing siyudad ng Judea at siyang sentrong relihiyoso ng buong bansa. Ganito ang katuwiran ng kaniyang mga kapatid: “Walang taong gumagawa ng anumang bagay sa lihim samantalang sa ganang sarili niya’y naghahangad na makilala sa madla.”
Bagaman sina Santiago, Simon, Jose, at Judas ay hindi naniniwala na ang kanilang nakatatandang kapatid, si Jesus, ay talagang ang Mesiyas, ibig nila na ipakita niya ang kaniyang kapangyarihang maghimala sa lahat ng mga naroroon sa kapistahan. Gayunman, batid ni Jesus ang panganib na idudulot nito. “Hindi mangyayari na kayo’y kapootan ng sanlibutan,” aniya, “ngunit ako’y kinapopootan, sapagkat ako’y nagpapatotoo na masasama ang kaniyang mga gawa.” Kaya sinabi ni Jesus sa kaniyang mga kapatid: “Magsiahon kayo sa pista; ako’y hindi aahon sa pistang ito.”
Ang Kapistahan ng mga Tabernakulo ay isang pitong-araw na pagdiriwang, na tinatapos ng mahahalagang aktibidades sa ikawalong araw. Ang kapistahang ito ang siyang katapusan ng taon ng pagsasaka at isang panahon ng malaking pagsasayá at pagpapasalamat. Mga ilang araw pagkatapos na ang mga kapatid ni Jesus ay lumisan upang dumalo kasama ng karamihan ng mga manlalakbay, siya at ang kaniyang mga alagad ay naparoon naman nang lihim, na hindi humahantad sa mata ng madla. Ang dinaanan nila ay ang ruta na dumaraan sa Samaria, imbis na yaong isa na dinaraanan ng karamihan ng mga tao na malapit sa Ilog Jordan.
Yamang si Jesus at ang kaniyang kasama ay nangangailangan ng matutuluyan sa isang nayong Samaritano, patiunang nagsugo siya ng mga mensahero upang gumawa ng mga paghahanda. Subalit, ang mga tao ay tumangging gumawa ng anuman para kay Jesus pagkatapos na mapag-alaman nila na siya ay patungo sa Jerusalem. Galit na nagtanong si Santiago at si Juan: “Panginoon, ibig mo bang magpababa tayo ng apoy mula sa langit at sila’y pugnawin?” Sila’y pinagwikaan ni Jesus sa pagmumungkahi ng gayon, at sila’y naparoon sa ibang nayon.
Samantalang sila’y naglalakad sa daan, isang eskriba ang nagsabi kay Jesus: “Guro, ako’y susunod sa iyo saan ka man pumaroon.”
“May mga lungga ang mga sora at ang mga ibon sa langit ay may mga pugad,” ang tugon ni Jesus, “ngunit ang Anak ng tao ay wala man lamang mapaglapagan ng kaniyang ulo.” Ipinakikita ni Jesus na ang eskriba ay makakaranas ng hirap kung siya’y magiging Kaniyang tagasunod. At waring ipinahihiwatig nito na ang eskriba ay totoong mapagmataas upang tanggapin ang ganitong uri ng pamumuhay.
Sa isa pang lalaki, sinabi ni Jesus: “Sumunod ka sa akin.”
“Payagan mo muna akong umalis at ilibing ang aking ama,” ang sagot ng lalaki.
“Pabayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling mga patay,” ang tugon ni Jesus, “subalit humayo ka at ibalita mo nang malawakan ang Kaharian ng Diyos.” Maliwanag na ang ama ng lalaking iyon ay hindi pa namamatay, sapagkat kung iyon ay patay na, malayo ang posibilidad na ang kaniyang anak ay naririto at nakikinig kay Jesus. Malinaw na ang anak ay humihingi ng panahon para hintayin ang kamatayan ng kaniyang ama. Siya’y hindi handa na ang Kaharian ng Diyos ang unahin muna sa kaniyang buhay.
Samantalang sila’y naglalakad sa daan na patungo sa Jerusalem, isa pang lalaki ang nagsabi kay Jesus: “Susunod ako sa iyo, Panginoon; ngunit payagan mo muna akong magpaalam sa aking mga kasambahay.”
Bilang sagot ay sinabi ni Jesus: “Walang taong pagkahawak sa araro at lumingon sa likod ang karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.” Yaong magiging mga alagad ni Jesus ay kailangang nakatutok ang mga mata sa paglilingkod sa Kaharian. Malamang na ang tudling ay magiging baluktot kung ang nag-aararo ay hindi titingin nang diretso sa unahan, katulad din nito ang sinumang lumilingon sa matandang sistemang ito ng mga bagay ay maaaring matisod sa daan na patungo sa buhay. Juan 7:2-10; Lucas 9:51-62; Mateo 8:19-22.
◆ Sino ang mga kapatid ni Jesus, at ano ang kanilang saloobin tungkol sa kaniya?
◆ Bakit totoong magagaspang ang mga Samaritano, at ano ang ibig gawin ni Santiago at ni Juan?
◆ Ano ang tatlong pakikipag-usap ni Jesus nang sila’y nasa daan, at paano niya idiniriin ang pangangailangan ng paglilingkod nang may pagsasakripisyo-sa-sarili?