Mga Tanawin Buhat sa Lupang Pangako
Nazaret—Bayan ng Propeta
“ANG karamihan ay patuloy na nagsasabi: ‘Ito ang propetang si Jesus, taga-Nazaret ng Galilea!’ ” Oo, kahit na noong panahon ng ministeryo ni Jesus, kahit na lamang ang pagbanggit sa kaniya ay nagpagunita ng ngayo’y bantog na siyudad ng Nazaret. Kaya naman, yaong mga aaresto sa kaniya ay hindi nagsabing ang kanilang hinahanap ay si Jesus kundi “si Jesus na taga-Nazaret.”—Mateo 21:11; 26:71; Juan 18:3-5; Gawa 26:9.
Ang larawan sa itaas ay nagpapakita kung ano ang matatagpuan mo kung ikaw ay dadalaw sa Nazaret sa ngayon. Ito ay lalong malaki kaysa nang isang anghel ang naparoon “sa isang siyudad ng Galilea na tinatawag na Nazaret” upang sabihin kay Maria na siya ay magiging ina ng Anak ng Diyos. (Lucas 1:26-33) Noong panahong iyon, ang Nazaret ay lalong katulad ng bayan na makikita sa susunod na pahina, mga bahay na kuwadrado na nakagrupo sa tagiliran ng isang burol. Si Jose at si Maria marahil ay dito sa isang tahanang nahahawig sa mga ito naninirahan. Subalit sa mismong sandali bago manganak si Maria, sila’y kailangang pumaroon sa Bethlehem sa gawing timog, at doon nga ipinanganak si Jesus. Nang maglaon ay tumakas sila sa Ehipto upang mailigtas ang bata sa hangarin ni Herodes na ito’y paslangin. Pagkatapos, “sila’y bumalik sa Galilea sa kanilang sariling siyudad ng Nazaret.”—Lucas 2:4, 39; Mateo 2:13-23.
Samakatuwid si Jesus ay lumaki, hindi sa isang lunsod ng pagmamadalian katulad ng Jerusalem o Tiberias, kundi sa isang tahimik na dako. Ang Nazaret ay nasa lunas na napalilibutan ng mga burol ng Lower Galilee, na kung saan mga binutil, ubas, olibo, at mga igos ay sagana. Ito’y may kaaya-ayang nakagiginhawang tag-araw, gayunman ang mga taglamig ay hindi kasintindi na gaya sa Upper Galilee.
Sinuportahan ni Jose ang kaniyang asawa, mga anak na mga lalaki’t babae sa pamamagitan ng pagkakarpintero, marahil mayroon siyang isang talyer na katulad nito sa modernong Nazaret. Marahil siya ay naghanda ng mga sepo ng bubong at mga pintong kahoy para sa mga bahay sa bayang iyon, o mga lamesa, upuan, at iba pang mga muwebles na kahoy. Batid natin na si Jesus ay nagmasid at natuto sapagkat siya man ay tinawag din na “ang karpintero.” (Marcos 6:3; Mateo 13:55) Ang trabahong paghahalaman sa palibot ng Nazaret ay malamang na nagbigay-daan sa iba pang mga trabaho. Baka si Jesus ay humugis ng isang pamatok na katulad ng nakikita sa mga hayop na ito. Samantala, marahil si Jose ay gumagamit ng kaniyang mga kasangkapan upang gumawa ng araro o mga kareta upang hilahin ng mga hayop na may sakbat na pamatok.—2 Samuel 24:22; Isaias 44:13.
Bilang isang binatilyo, si Jesus ay marahil naglakad-lakad sa lugar na nasa palibot ng Nazaret, tulad baga ng “Cana ng Galilea,” labintatlong kilometro sa gawing norte, na doon nang may dakong huli ay ginawa niya ang kaniyang unang himala. (Juan 2:1-12) Siya’y naglakad mga sampung kilometro sa gawing timog-silangan patungo sa Libis ng Jezreel at ng Burol ng Moreb, anupa’t darating si Jesus sa siyudad ng Nain, makikita sa pahina 17.a (Hukom 6:33; 7:1) Alalahanin na noong kaniyang unang paglalakad sa pangangaral, si Jesus ay may nakasalubong na isang libing malapit sa Nain. Palibhasa’y napuspos siya ng pagkahabag, kaniyang binuhay ang anak na binata ng isang babaing balo.—Lucas 7:11-16.
Ang Nazaret ay wala sa anumang malaking daanan na naglalagusan sa lupain, gayunman ay madaling mararating iyon sa pamamagitan ng gayong mga daan. Ito’y makikita mo buhat sa mapang nasa takip ng 1990 Calendar of Jehovah’s Witnesses, na mayroon ding isang malaki-laking larawan ng Nazaret sa ngayon. Ang silangang-kanlurang ruta na dumaraan sa Libis ng Jezreel ang nagkakatnig sa puwerto ng Acre, o Ptolemais, sa Dagat ng Galilea at ng Libis ng Jordan. Bumabagtas diyan ang isang ruta na nanggagaling sa gawing timog sa Damasco at bumabagtas sa Samaria patungong Jerusalem.
Ang Nazaret ay may kaniyang sariling sinagoga, at maaga sa kaniyang ministeryo, si Jesus ay naparoon doon “ayon sa kaniyang kinaugalian.” Kaniyang binasa ang Isaias 61:1, 2, at ikinapit iyon sa kaniyang sarili. Papaano nga tuturuan ang mga mamamayan, na ang ilan sa kanila’y nakasaksi ng kaniyang paglaki at marahil binayaran pa siya bilang isang karpintero? Sila’y nangagalit at kanila sanang ihahagis siya buhat sa itaas ng isang matarik na dalisdis, ngunit nakatakas si Jesus. (Lucas 4:16-30) Marahil, nabalitaan ang ginawa niya noong bandang huli sa Nain at sa iba pang lugar at nakarating iyon sa Nazaret, sapagkat nang siya’y bumalik at magturo sa sinagoga roon, walang sinumang bumanggit ng pagpatay sa kaniya. Gayunman, “siya’y hindi gumawa ng maraming makapangyarihang gawa roon,” sapagkat ang mga kakilala niya sa Nazaret ay hindi sumampalataya sa kaniya bilang isang propeta.—Mateo 13:53-58.
Iniulat ni Marcos ang reaksiyon ni Jesus: “Ang propeta ay iginagalang maliban sa kaniyang sariling lupain at sa gitna ng kaniyang mga kamag-anak at ng kaniyang sariling sambahayan.” Sayang at ito’y naging totoo sa maraming taga-Nazaret. Gayunman, maaari nating isipin ang siyudad na iyon bilang bayan ng Propeta na ating iginagalang.—Marcos 6:4.
[Talababa]
a Ang Nazaret ay #2 sa pabalat na mapa ng 1990 Calendar of Jehovah’s Witnesses. Ang Burol ng Moreh ay makikita sa gawing ibaba lamang ng #3.
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Larawan sa pahina 17]
[Larawan sa pahina 17]
[Larawan sa pahina 17]