Ano ang Pangmalas ng Diyos at ni Kristo sa Kababaihan?
PAANO natin lubos na mauunawaan kung ano ang pangmalas ng Diyos na Jehova sa kababaihan? Ang isang paraan ay ang suriin ang saloobin at paggawi ni Jesu-Kristo, ang “larawan ng di-nakikitang Diyos” at siyang sakdal na nagpapaaninaw ng pangmalas ng Diyos sa mga bagay-bagay. (Colosas 1:15) Ipinakikita ng pakikitungo ni Jesus sa kababaihan noong narito siya sa lupa na iginagalang niya at ni Jehova ang mga babae. Tiyak na hindi nila sinasang-ayunan ang mapaniil na pagtrato sa kababaihan, na karaniwan sa maraming lugar ngayon.
Halimbawa, pansinin ang pagkakataon nang kausapin ni Jesus ang isang babae sa tabi ng balon. “Isang babaing taga-Samaria ang dumating upang sumalok ng tubig,” ang ulat sa Ebanghelyo ni Juan, at “sinabi ni Jesus sa kaniya: ‘Bigyan mo ako ng maiinom.’” Kusang nakipag-usap si Jesus sa Samaritana sa isang pampublikong lugar, kahit na karamihan sa mga Judio ay hindi nakikipag-ugnayan sa mga Samaritano. Ayon sa The International Standard Bible Encyclopedia, “ang pakikipag-usap sa babae sa pampublikong lugar ay isang kahiya-hiyang bagay” para sa mga Judio. Pero nakitungo si Jesus sa mga babae nang may paggalang at konsiderasyon, at hindi siya nagtangi dahil sa lahi o kasarian. Sa katunayan, sa Samaritana unang sinabi ni Jesus na siya ang Mesiyas.—Juan 4:7-9, 25, 26.
Sa isa pang pagkakataon, nilapitan si Jesus ng isang babae na 12 taon nang inaagasan ng dugo, isang nakahihiya at nakapanghihinang sakit. Nang hipuin niya si Jesus, karaka-raka siyang gumaling. “Si Jesus ay lumingon at nang mapansin siya ay nagsabi: ‘Lakasan mo ang iyong loob, anak; pinagaling ka ng iyong pananampalataya.’” (Mateo 9:22) Ayon sa Kautusang Mosaiko, hindi dapat makihalubilo sa mga tao ang babae, at lalong hindi siya dapat humipo sa iba dahil sa kaniyang kalagayan. Pero hindi siya kinagalitan ni Jesus. Sa halip, buong-habag na inaliw siya ni Jesus at tinawag siyang “anak.” Tiyak na napawi ng salitang ito ang kaba niya sa dibdib! At tiyak na nalugod si Jesus na pagalingin siya!
Nang buhaying muli si Jesus, una siyang nagpakita kay Maria Magdalena at sa isa pa niyang alagad, na tinatawag sa Bibliya na “isa pang Maria.” Puwede namang magpakita si Jesus kay Pedro, Juan, o sa isa sa mga lalaking alagad. Pero binigyang-dangal niya ang kababaihan nang sa kanila siya unang magpakita pagkatapos siyang buhaying muli. Inutusan sila ng anghel na ipaalam sa mga lalaking alagad ni Jesus ang tungkol sa kagila-gilalas na pangyayaring iyon. Sinabi ni Jesus sa mga babae: “Humayo kayo, iulat ninyo sa aking mga kapatid.” (Mateo 28:1, 5-10) Tiyak na hindi naimpluwensiyahan si Jesus ng pagtatangi—na ang mga babae ay walang kakayahang magpatotoo sa hukuman—na karaniwan sa mga Judio noong panahon niya.
Kaya sa halip na magtangi laban sa kababaihan o kunsintihin ang saloobing mas nakatataas ang kalalakihan, iginalang at pinahalagahan ni Jesus ang mga babae. Ang karahasan laban sa kanila ay malayung-malayo sa itinuro at saloobin ni Jesus. Tiyak na gayung-gayon din ang saloobin ng kaniyang Ama, si Jehova.
Pinangangalagaan ng Diyos ang Kababaihan
“Hindi makikita saanman sa sinaunang Mediteraneo o Gitnang Silangan na ang mga babae ay may kalayaan na gaya ng sa modernong lipunan sa Kanluran. Sa pangkalahatan, ang kalakaran ay na mas nakabababa ang mga babae sa lalaki, gaya ng mga alipin sa mga taong laya, at mga bata sa matatanda. . . . Mas pinahahalagahan ang mga anak na lalaki kaysa sa babae, at ang mga sanggol na babae kung minsan ay pinababayaang mamatay.” Ganiyan inilarawan ng isang diksyunaryo ng Bibliya ang karaniwang pakikitungo sa mga babae noong sinaunang panahon. Kadalasan nang halos kapantay lamang sila ng alipin.
Ganiyan ang saloobin ng mga tao noong panahong isinusulat ang Bibliya. Magkagayunman, ang kautusan ng Diyos na nasa Bibliya ay may mataas na pagtingin sa kababaihan, na ibang-iba sa saloobin ng maraming sinaunang kultura.
Makikita ang pagkabahala ni Jehova sa kapakanan ng kababaihan. Sa ilang pagkakataon, kumilos siya para tulungan ang mga babaing sumasamba sa kaniya. Dalawang ulit siyang namagitan para ingatan ang magandang asawa ni Abraham na si Sara kung kaya hindi ito nahalay. (Genesis 12:14-20; 20:1-7) Nagpakita ng lingap ang Diyos sa di-gaanong minahal na asawa ni Jacob, si Lea, nang ‘buksan [Niya] ang bahay-bata nito,’ kaya nagkaanak ito ng lalaki. (Genesis 29:31, 32) Nang isapanganib ng dalawang may-takot sa Diyos na komadronang Israelita ang kanilang buhay upang iligtas ang mga Hebreong batang lalaki sa Ehipto, ‘pinagkalooban sila ni Jehova ng mga pamilya’ dahil sa kanilang ginawa. (Exodo 1:17, 20, 21) Sinagot din ni Jehova ang taimtim na panalangin ni Hana. (1 Samuel 1:10, 20) At nang dumating ang pinagkakautangan ng balo, na asawa ng isang propeta, para kunin ang mga anak nito bilang kabayaran sa kaniyang utang, hindi siya pinabayaan ni Jehova. May-kabaitang pinangyari ng Diyos na maparami ni propeta Eliseo ang panustos na langis ng babae upang mabayaran nito ang kaniyang utang at magkaroon pa ng sapat na langis para sa kaniyang pamilya. Sa gayon, naingatan ang kaniyang dangal at ang kaniyang pamilya.—Exodo 22:22, 23; 2 Hari 4:1-7.
Paulit-ulit na tinuligsa ng mga propeta ang pagsasamantala o pananakit sa kababaihan. Sa pangalan ni Jehova, ganito ang sinabi ni propeta Jeremias sa mga Israelita: “Maglapat kayo ng katarungan at katuwiran, at iligtas ninyo ang ninanakawan mula sa kamay ng mandaraya; at huwag ninyong pagmalupitan ang naninirahang dayuhan, ang batang lalaking walang ama o ang babaing balo. Huwag ninyo silang gawan ng karahasan. At huwag kayong magbubo ng dugong walang-sala sa dakong ito.” (Jeremias 22:2, 3) Mas maaga rito, hinatulan ang mayayaman at makapangyarihan sa Israel dahil pinalayas nila ang mga babae sa bahay ng mga ito at pinagmalupitan ang mga anak nito. (Mikas 2:9) Nakikita ng Diyos ng katarungan ang gayong pagdurusa ng kababaihan at mga bata, at napakasama nito para sa kaniya.
“Asawang Babae na May Kakayahan”
Ipinakikita ng sinaunang manunulat ng Kawikaan ang tamang pangmalas sa may-kakayahang asawang babae. Yamang napaulat sa Salita ni Jehova ang magandang paglalarawang ito sa papel at katayuan ng asawang babae, tiyak na sinasang-ayunan Niya ito. Sa halip na siilin at ituring na nakabababa ang gayong babae, dapat siyang pahalagahan, igalang, at pagkatiwalaan.
Ang “asawang babae na may kakayahan” sa Kawikaan kabanata 31 ay isang masigla at masipag na manggagawa. Masikap niyang ginagawa ang ‘kinalulugdan ng kaniyang mga kamay.’ Nangangalakal siya at bumibili rin ng lupa. Tumitingin siya ng bukid at binibili iyon. Gumagawa siya ng pang-ilalim na kasuutan at ipinagbibili ang mga iyon. Nagbibigay siya ng mga sinturon sa mga negosyante. Masigla siyang nagtatrabaho. Karagdagan pa, lubhang pinahahalagahan ang kaniyang mga payo at maibiging-kabaitan. Dahil dito, lubos siyang iginagalang ng kaniyang asawa, mga anak at, higit sa lahat, ni Jehova.
Ang kababaihan ay hindi dapat maging biktima ng mga lalaking nananakit, mapagsamantala, mapaniil, o mapang-abuso. Sa halip, ang asawang babae ay dapat na maging maligaya at may-kakayahang “kapupunan” ng kaniyang asawa.—Genesis 2:18.
Pag-ukulan Sila ng Karangalan
Nang sulatan ng kinasihang manunulat na si Pedro ang mga Kristiyanong asawang lalaki kung paano nila dapat pakitunguhan ang kanilang asawa, pinayuhan niya sila na tularan ang saloobin ni Jehova at ni Jesu-Kristo. Isinulat niya, ‘Kayong mga asawang lalaki, patuloy na pag-ukulan sila ng karangalan.’ (1 Pedro 3:7) Ang pag-uukol ng karangalan sa isang tao ay nagpapahiwatig na lubhang pinahahalagahan at iginagalang siya. Kaya kung pinararangalan ng isang lalaki ang kaniyang asawa, hindi niya ito hinihiya, minamaliit, o sinasaktan. Sa halip, ipinakikita niya sa kaniyang salita at paggawi—kahit silang dalawa lamang o sa harap ng maraming tao—na iniibig niya ang kaniyang asawang babae.
Tiyak na magiging maligaya ang pagsasama ng mag-asawa kung pararangalan ang asawang babae. Pansinin ang halimbawa nina Carlos at Cecilia. Dumating ang panahon sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa na madalas silang magtalo na wala namang napagkakasunduan. Kung minsan, hindi na sila nag-uusap. Hindi nila alam kung paano lulutasin ang kanilang problema. Magagalitin si Carlos; si Cecilia naman ay mapaghanap at palalo. Pero nang mag-aral sila ng Bibliya at magkapit ng kanilang natututuhan, gumanda ang kanilang pagsasama. Sinabi ni Cecilia: “Napansin kong nagbago ang ugali ko at ng aking asawa dahil sa halimbawa at turo ni Jesus. Dahil sa halimbawa ni Jesus, naging mas mapagpakumbaba at maunawain ako. Natutuhan ko ring manalangin kay Jehova upang humingi ng tulong, gaya ng ginawa ni Jesus. Natutuhan naman ni Carlos na maging mapagpasensiya at matiisin—upang maparangalan ang kaniyang asawa gaya ng nais ni Jehova.”
Hindi naman sakdal ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa, pero tumagal ito nang maraming taon. Nitong nakalipas na mga taon, nagkaroon sila ng mahihirap na problema—nawalan ng trabaho si Carlos at kailangan pa siyang operahan dahil sa kanser. Pero hindi nito natinag ang kanilang pagsasama, sa halip lalo itong tumibay.
Mula nang mawala ang kasakdalan sa mga tao, ang kababaihan ay tinatrato nang walang pakundangan sa maraming kultura. Sila ay sinasaktan, tinatakot, at seksuwal na inaabuso. Pero hindi ganiyan ang nais ni Jehova. Malinaw na iniulat sa Bibliya na anuman ang kultura, ang kababaihan ay dapat na parangalan at igalang. Iyan ang kanilang bigay-Diyos na karapatan.
[Larawan sa pahina 4, 5]
Isang Samaritana
[Larawan sa pahina 4, 5]
Isang may-sakit na babae
[Larawan sa pahina 4, 5]
Maria Magdalena
[Larawan sa pahina 6]
Dalawang ulit na iningatan ni Jehova si Sara
[Larawan sa pahina 7]
Nanganib ang pagsasama nina Carlos at Cecilia
[Larawan sa pahina 7]
Sina Carlos at Cecilia ngayon