Huwag Magsawa sa Paggawa ng Mabuti
“Huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti, sapagkat sa takdang panahon ay mag-aani tayo kung tayo’y hindi kailanman manghihimagod.”—GALACIA 6:9.
1. Anong utos ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod?
ANONG inam na gawain ang isinasagawa ng mga Kristiyano bilang bahagi ng kanilang pagsamba! Ito’y napapaloob sa malinaw na utos: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila . . . , turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo. At, narito! Ako’y sumasa-inyo lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:19, 20) Si Jesu-Kristo mismo ang nagbigay sa kaniyang mga alagad ng utos na gawin ang pambuong-daigdig na gawaing pagtuturong iyan.
2. (a) Bakit natin masasabi na ang paggawa ng mga alagad ay isang mahalaga at isang mabuting gawa? (b) Sa anong layunin nagsisilbi ang gawaing paggawa ng mga alagad?
2 Yamang ang utos na paggawa ng alagad ay isa sa huling mga pangungusap sa sinalita ni Jesus sa kaniyang mga unang alagad bago umakyat sa langit, hindi ba ito ay isang napakamahalagang atas? Oo, sapagkat ang pagganap nito ay magliligtas ng buhay. (1 Timoteo 4:16) Kaya naman ito ay isang mabuting gawain. Ito’y nagbibigay ng matatag na edukasyon sa Bibliya para sa mga taong nakikinig sa mensahe ng Kaharian, at sa pamamagitan ng gawaing pangangaral ay nabibigyang-babala ang sinumang hindi nakikinig. (Lucas 10:10, 11) Samakatuwid, ang kanilang paggawa ng gawaing ito ang nagpapakilala sa mga tunay na Kristiyano gaya rin ng nagagawa ng kanilang pagsunod sa anumang mga ibang turo pa ni Jesus.—Juan 8:31
3. (a) Paano tumugon ang mga alagad ni Jesus sa kaniyang personal na halimbawa at utos? (b) Anong saloobin ang pinaunlad ni Jesus sa kaniyang mga alagad?
3 Bilang ang Dakilang Guro, si Jesus ay nagpakita ng isang napakahusay na halimbawa para sa kaniyang mga tagasunod. Siya’y nagturo sa publiko at gumawa ng mga alagad sa pamamagitan ng “pangangaral ng mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 9:35) Bilang pagtulad sa kaniya, ang mga bagong tagasunod mismo ay naging mga manggagawa ng alagad, sapagkat ang isang tunay na alagad ay “isa na tumatanggap at tumutulong sa pagpapalaganap ng mga aral ng iba.” Sa pasimula, sila’y doon lamang muna gumagawa ng mga alagad sa mga Judio at mga proselita. Gayunman, sa kabila ng hindi mabuting pagtanggap sa kanila sa larangang iyon, ginanap ba ng mga tagasunod ni Jesus ang utos na “humayo nang patuluyan” “walang lubay”? Aba, sila’y humayo “sa mga tupang nangawaglit sa sambahayan ni Israel” hanggang sa ang mga unang Gentil ay naging mga mananampalataya noong 36 C.E. (Mateo 10:5, 6; Gawa 5:42) Iniulat na “pinunô [ng mga alagad] ang Jerusalem ng [kanilang] aral.” (Gawa 5:28) Hindi sila nagsawa sa kanilang mabuting gawa. Sa halip, kanilang may katapatang tinapos iyon.
“Ang Bukid ay ang Sanlibutan”
4. Taglay ang anong saloobin isinagawa ng mga tagasunod ni Jesus ang pinalawak na atas sa kanila?
4 Ipinakita ni Jesus na kasali sa bukid ang “mga tao ng lahat ng bansa.” (Mateo 28:19) Sa isang talinghaga tungkol sa paghahasik ng binhi ng Kaharian, sinabi niya: “Ang bukid ay ang sanlibutan.” (Mateo 13:38) Sa gayon, ang mga Kristiyano ay magiging “mga saksi” niya sa Kaharian sa lahat ng dako. Muli na naman silang ‘hahayo nang patuluyan,’ sa panahong ito “sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Si apostol Pablo ay “labis-labis na naging abala sa salita,” (Gawa 1:8) Si apostol Pablo ay “labis-labis na naging abala sa salita,” at matitiyak natin na ganoon din ang mga ibang Kristiyano.—Gawa 18:5.
5. Paano ipinakita ni Jesus na kaniyang inaasahan na ang kaniyang mga alagad ay puspusang magiging abala sa gawaing pagpapatotoo hanggang sa katapusan ng kasalukuyang sistema?
5 Inasahan ni Jesus na ang gawaing pagpapatotoo ay puspusang isasagawa ng mga Kristiyano hanggang sa katapusan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. Ito’y ipinakikita sa kaniyang inihula tungkol sa ministeryong Kristiyano at sa teritoryo na sasaklawin nito. Sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14.
6. Hanggang kailan isasagawa ang gawaing pangangaral ng Kaharian, at paano ito dapat makaapekto sa ating saloobin tungkol dito?
6 Nang iutos ni Jesus na magsagawa ng pangangaral ng kaharian at paggawa ng mga alagad sa buong-lupa, batid niya na ang gayong mabuting gawa ay sasapit sa sukdulan balang araw, gaya ng nangyari rito sa larangang Judio. Subalit matagumpay na magaganap nito ang layunin nito. “Kung magkagayon,” gaya ng sinabi niya, “ay darating ang wakas.” Sa gayon, hanggang sa wakas, ang mga Saksi ni Jehova ay may pagtitiwala at may kagalakan na magpapatuloy sa gawaing iniatas sa kanila. Iyan ay tumutulong sa kanila na magpatuloy sa gawain sa ating kaarawan hanggang sa ito’y matapos.
Kung Paano Gagawin ang Gawain
7. Anong tema ang taglay ng ministeryo ni Jesus at pati ng sa kaniyang mga alagad?
7 Itinuro ni Jesus sa kaniyang mga unang alagad kung paano gaganapin ang kanilang pangmadlang ministeryo. Sila’y masigasig na tumugon sa kaniyang utos na “humayo.” Nang sinasanay sila para sa kanilang gawaing pagpapatotoo, sinabi ni Jesus: “Samantalang kayo’y naglalakad, magsipangaral kayo, na sabihin: ‘Ang kaharian ng langit ay malapit na.’” (Mateo 10:7) Iyan ang nagbigay sa kanilang mensahe ng ganoon ding tema ng Kaharian na naging tema ng kaniyang ministeryo. Iyon ay mabuting balita para sa mga taong tapat-puso. Minsang sinimulan ng mga tagasunod ni Jesus ang kanilang gawain, siya ba’y huminto? Hindi, hindi nga, sapagkat “nang matapos na ni Jesus ang pagbibigay ng mga tagubilin sa kaniyang labindalawang alagad, mula roon ay humayo siya upang magturo at mangaral sa kanilang mga lunsod.”—Mateo 11:1.
8. (a) Saan at paano lalapit ang mga tagapagbalita ng Kaharian? (b) Bakit angkop na dalhin sa bahay ng isang tao ang mabuting balita? (c) Ano ang mga kabutihan sa wastong pagbati sa isang maybahay?
8 Saan at paano lalapit ang mga tagapagbalitang ito ng Kaharian? Itinagubilin sa kanila ni Jesus: “Pagpasok ninyo sa bahay, batiin ninyo ang sambahayan.” (Mateo 10:12) Ang pagdadala ng mabuting balita sa bahay ng isang tao ay pagbibigay-dangal sa maybahay, at nagbibigay ito sa kaniya ng isang pagkakataon na makitungo sa mensahe ng Kaharian sa kaniyang sariling tahanan. Hindi lamang ang kinaugalian at tinatanggap na mga anyo ng pagbati ang magalang at makonsiderasyon na paraan ng pagpapasimula ng isang usapan kundi may bentaha rin na makukuha pagka sa pamamagitan ng isang palakaibigan at masayang pagbati ay napauwi sa mabuting pagtanggap sa iyo ang isang di-kaaya-ayang pakikiharap ng maybahay. (Ihambing ang Mateo 28:9; Lucas 1:28.) Ang tono ng boses at ang tugon ng taong nagbukas ng pinto ay malaki rin ang ipinahihiwatig sa iyo tungkol sa kaniyang niloloob. Kailangang pansinin mo iyan bago ka magpatuloy ng pagsasalita sapagkat dahil sa gayong pagkaalam ay mas madaling ibagay mo ang iyong mga sasabihin tungkol sa pangangailangan ng maybahay.—Ihambing ang Gawa 22:1, 2; 23:6.
9. Ano ang nagpapakita na hindi lahat ay makikinig nang may pagpapahalaga sa balita ng Kaharian, at ano ba ang dapat na pakikitungo sa mga hindi nagpapakita ng interes dito?
9 Ipinabatid ni Jesus sa kaniyang mga alagad na hindi lahat ng tao sa isang teritoryo ay makikinig. Sinabi niya: “Sa alinmang lunsod o nayon na inyong pasukin, hanapin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat.” Kung lahat doon ay tatanggap sa balita ng Kaharian, hindi magkakaroon ng dahilan na gamitin ang pananalitang “hanapin.” Ano ba ang dapat na pakikitungo sa mga hindi nagpakita ng interes sa balita? “Sinumang hindi tumanggap sa inyo o makinig sa inyong mga salita, pag-alis ninyo sa bahay o lunsod na iyon ay ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa,” anupa’t lumilisan nang tahimik at ang kahihinatnan ay ipinauubaya sa kahatulan ni Jehova.—Mateo 10:11, 14.
Ang Situwasyon sa Ngayon
10. Ano ang naging kumento tungkol sa gawaing pangangaral ng Kaharian ng mga Saksi ni Jehova?
10 Sa matapat na pagsunod sa utos sa mga Kristiyano, ang buong lupa ay binabalitaan ng mga Saksi ni Jehova ng balita ng Kaharian. Sa gayon, si A. P. Wisse, isang peryodista sa Olanda, ay nagkumento: “Sila’y may pagkakaiba sa mga ibang tao. Ang isang bahagi ng pagkakaibang ito ay resulta ng kanilang masigasig na pag-eebanghelyo. Ang tingin nila sa tunay na pagka-Kristiyano ay na hindi ito isang relihiyon na may mga katedral, may mga parokyano na bawat isa ay may kaniyang sariling pirmihang lugar at ang kaniyang relihiyon ay walang hinihiling sa kaniya kundi ang siya’y makinig. Sila’y katulad ni Pablo na tahasang mangusap sa kaninuman na makikinig.” Ang ganiyang sigasig sa ministeryo ay tunay na pinagpala.
11, 12. (a) Ano ang mga naging resulta sa ministeryo noong nakalilipas na mga taon? (b) Habang tayo’y dumarami, ano ang nangyayari sa teritoryo na ating pinangangaralan? (c) Anong mga tanong ang bumabangon?
11 Mahigit na 3,000,000 mga mamamahayag ng Kaharian ang ngayo’y masigasig na gumagawa sa 210 bansa. Nakikita natin ang isang mahusay na pagdami ng mga bagong alagad—1,246,204 ang nabautismuhan noong nakalipas na pitong taon. Ang pagpapala ni Jehova sa masigasig na pagsisikap ay nahahalata. (Isaias 60:8-10, 22) Aba, sa humigit-kumulang 40 bansa at mga isla, mayroong isang Saksi sa bawat 300 katao o wala pa, o isa sa humigit-kumulang 100 sambahayan! Bukod diyan, sa mga ilang lugar ng mga bansang tulad baga ng Canada at Guadeloupe, ang katumbasan ay isang Saksi sa 45 o 50 katao sa teritoryo ng isang kongregasyon—mayroon lamang 15 tahanan o wala pa para sa bawat mamamahayag na madadalaw! Marami sa mga teritoryong ito ang nagagawa buwan-buwan. Maging sa mga lupain man na may mataas na katumbasan, ang ibang mga lugar sa siyudad ay napakadalas na magawa sa ating gawaing pagpapatotoo. Sa Seoul, Republika ng Korea, ang ibang mga teritoryo sa siyudad ay nagagawa tuwing limang araw! Habang tayo’y dumarami sa bilang, at habang parami ng paraming mga Saksi ang nagpapayunir at nag-aauxiliary payunir, tayo ay dadalaw sa bahay-bahay nang lalong malimit. Iyan ba ay naghaharap ng mga problema?
12 Aaminin natin na mayroon ngang mga problema sa mga ilang lugar, kapuwa para sa mga Saksi ni Jehova at para sa mga taong kanilang dinadalaw. Napaparagdag sa mga problema ang tumitinding pagwawalang-bahala ng mga tao sa maraming bansa. Bueno, habang tayo’y patuloy na dumarami, tayo ba’y unti-unting nagsasawa ng paggawa ng ating mabuting gawain? Atin bang sinasabi na ang ating gawain ay halos tapos na at na ating ‘nahanap na’ ang lahat ng tutugon at magiging mga alagad? Ikaw ba ay personal na nanghihimagod at marahil nakadarama ng kabiguan sa pagdalaw sa iyon di’t iyon ding mga tao na walang pagtugon? Ano ang maaaring gawin upang mapanatili ang ating ekselenteng antas ng aktibidad?
Pananatiling May Tamang Saloobin
13, 14. (a) Paano natin dapat malasin ang lumilitaw na kalagayan ng isang teritoryo na malimit ginagawa? (b) Bakit hindi tayo nahahadlangan niyaong mga taong “di-tumutugon”? (c) Paano natin matutularan ang halimbawa ng mga apostol sa pagharap sa mga taong tumatanggi sa ating pagdalaw?
13 Ang pangunahing kasangkot upang ito’y malunasan ay ang saloobin natin bilang mga Saksi ni Jehova. Unang-una, ating laging malasin ang positibong panig. Ang lalong malimit na paggawa sa teritoryo dahilan sa mataas na katumbasan ng bilang ng mga mamamahayag sa populasyon ay tiyak na mangyayari sa maraming lugar habang papalapit na sa sukdulan ang ating gawain. Subalit hindi ba ito ang ating ipinananalangin? (2 Tesalonica 3:1) Ang ating nakikita ngayon ay dapat magpagalak sa atin at dapat kumumbinsi sa atin na tayo ay nasa katapusang mga yugto ng gawaing paggawa ng mga alagad! Ang Kaharian ay ipinangangaral, gaya ng inihula ni Jesus. At kahit sa lugar na kung saan ang mga tao ay ‘hindi makikinig sa ating mga salita,’ sila ay nabibigyan ng babala sa pamamagitan ng ating pangangaral ng Kaharian. Tandaan, bukod sa paggawa ng mga alagad, ating inihahayag ang mabuting balita “bilang patotoo.”—Mateo 10:14; 24:14.
14 Isa pa, maaasahan na patuloy na darami ang tatanggi sa balita ng Kaharian habang palapit ang wakas. Ang mga hula ay maliwanag, at ang mga karanasan kapuwa ni Jesus at ni Pablo ay nagbibigay sa atin ng katiyakan na magkakaroon ng mga “di-tumutugon” at ang mga puso ay “di-tatanggap.” Sa gayon, sa panahong ito kailangang tayo’y pakaingat na hindi tayo kabilang sa mga di-tumutugon sa atas sa atin. Kahit na sa mga taong di-tumutugon, tayo ay kailangang pumaroon nang “paulit-ulit.” (Isaias 6:9-11; Mateo 13:14, 15; Kawikaan 10:21) Totoo, kailangan ang lakas ng loob upang malimit na makaparoon sa mga taong nagagalit na sila’y dalawin natin. Gayunman, walang kalagayan sa teritoryo saanman na makapagsasabi sa atin, ‘Huminto na kayo ng pagsasalita.’ Bagkus, tulad ng mga apostol, dapat na manalangin tayo na bigyan tayo ng lakas ng loob na “patuloy na makapagsalita”—sa kabila ng kanilang pagsalansang o galit—hanggang sa matapos ang gawain.—Gawa 4:18-20, 24-31.
15. Anong pampatibay-loob ang ibinibigay sa Galacia 6:9, at paano ito dapat makaapekto sa ating pangmalas sa pagdalaw sa ating mga kapuwa tao upang dalhan sila ng mabuting balita?
15 Unang-una, mayroong dalawa lamang uri ng mga tao sa buong teritoryo natin—yaong mga taong sa kasalukuyan ay interesado at yaong mga hindi interesado. Samakatuwid, kailangang ipagpatuloy natin ang gawain na ‘paghanap sa mga karapat-dapat.’ Ito’y kabilang sa maraming pinakamaiinam na mga gawa na kailangang maisagawa natin bilang mga Kristiyano upang ipakita ang ating pag-ibig kay Jehova at ang ating katapatan sa kaniya. Kung gayon, “huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti, sapagkat sa takdang panahon ay mag-aani tayo kung tayo’y hindi kailanman manghihimagod.” (Galacia 6:9) Yamang tayo ngayon ay totoong napakalapit na sa katapusan ng sistemang ito, hindi ito ang panahon upang umurong o magsawa sa pagdalaw sa ating mga kapuwa tao upang dalhan sila ng mabuting balita ng Kaharian. Hindi pa sinasabi ni Jehova na tapos na ang gawain.
Bakit Tayo Kailangang “Patuloy na Magsalita”
16. (a) Ano ang ilan sa mga kalagayan na maaaring bumago ng pagtugon ng mga tao sa isang teritoryo? (b) Sa inyong lugar, anong mga halimbawa ng pagbabago ng pagtugon ng mga tao ang maibibigay mo?
16 Tayo’y matutulungan din na manatiling may mabuting saloobin kung tatandaan natin na ang katapatan kay Jehova ay ipinakikita sa pamamagitan ng masigasig na pangangaral ng Kaharian. Isa pa, ang mga teritoryo ay patuloy na nababago sa sarisaring paraan. Ang mga tao ay lumilipat, o maaaring magbago ang kanilang mga kalagayan sa buhay. Baka noong huling dumalaw tayo ay hindi sila interesado, subalit ang pagkaalis nila sa trabaho, ang kamatayan ng isang mahal sa buhay, ang isang makahulugang pagbabago sa labanan ng mga superpower, ang pagkaranas ng isang malubhang sakit—ang mga ito at ang iba pang mga pagbabago ay maaaring mag-udyok sa kanila na tumugon pagdalaw natin uli sa kanila. Ang mga iba naman, pagkatapos malaman nila na isang kaibigan o mahal sa buhay ang naging isa sa mga Saksi ni Jehova, ay baka gusto na ngayon na makipag-usap sa atin upang mapag-alaman nila kung ano ang ating pinaniniwalaan na naging dahilan ng pagbabagong ito.
17. Paanong ang iba ngayon ay naapektuhan ng balita ng Kaharian? Magbigay ng mga halimbawa sa inyong lugar.
17 Alalahanin, din naman, na yaong mga nagsilalaki na ngayon ay may mga pamilya na, at kanilang dinidibdib na ang buhay, at sila’y nagtatanong ng mga tanong na tanging ang Salita ng Diyos ang makasasagot. Halimbawa, isang inang nasa kabataan pa ang nag-anyaya ng dalawang Saksi sa kaniyang tahanan at ang sabi niya: ‘Nang ako’y munting bata, talagang hindi ko maintindihan kung bakit ang mga Saksi ay tinatanggihan ng aking ina at sinasabi sa kanila na siya’y hindi interesado, gayong wala ka namang gusto kundi ang makipag-usap tungkol sa Bibliya. Binuo ko sa aking isip na paglaki ko, pagka ako’y nakapag-asawa na, at mayroong sariling tahanan, hihilingin ko sa mga Saksi ni Jehova na dalawin ako at ipaliwanag sa akin ang Bibliya.’
18. Paanong ang nagbabagong tanawing relihiyoso ay may epekto sa teritoryo na kung saan tayo nangangaral at nagtuturo?
18 Napansin mo ba na ang ibang mga tao na ayaw makipag-usap sa atin sa loob ng maraming taon at may paniwala na sila’y “ligtas” na ay nagtatanong sa atin ngayon ng taimtim na mga katanungan? Bakit? Nagkaroon na ng pagbabago ang kanilang kaisipan tungkol sa relihiyon. Kanilang sinasabi na sila’y nawalan ng pagtitiwala at nagtataka dahilan sa pagbibilad ng imoral na paggawi, pulitikal na aktibidades, at pag-aksaya ng mga pondo ng simbahan ng ilang prominenteng mga predikador sa telebisyon na dati ay pinagtitiwalaan nila. Malamang, ito’y lalong dadami habang ang mga kalagayan sa loob ng Babilonyang Dakila ay patuloy na sumasamâ hanggang sa panahon ng kaniyang pagkawasak.—Apocalipsis 18:1-8.
19, 20. Ano ang nagpapakita kung bakit tayo ay hindi dapat masiraan ng loob tungkol sa paulit-ulit na pagdalaw sa mga tao na tumatanggi sa balita?
19 Sa paano man, tayo’y hindi dapat masiraan ng loob kung ang karamihan ng mga tao ay ayaw tumanggap. Pagkatapos na tayo’y makaalis na, marahil tayo ay naroon pa rin sa kanilang isip. Sa Canada isang maybahay na dinalaw ng dalawang Saksi ang nagsabing tahasan na siya’y hindi interesado. Pagtatagal, kaniyang pinag-isipan ang kanilang sinabi at ibig niyang sila’y matagpuan niya upang masagot ang mga tanong na bumangon sa kaniyang isip. Siya ay sumakay sa kaniyang kotse at humayo’t nagparoo’t parito sa mga kalye upang hanapin sila sa kaniyang lugar ngunit hindi sila nakita. Siya ba’y huminto? Hindi, siya’y tumigil sa bahay ng isang kaibigan upang magtanong kung sila’y nagpunta roon. Hindi naman pala sila nagpunta roon, subalit sinabi ng kaibigan na may isang Saksi sa dakong pinagtatrabahuhan niya at ang babaing interesado ay ipakikilala niya sa Saksing iyon. Ito’y nagbunga ng sunud-sunod na mga pagdalaw sa tahanan ng taong interesado, na kung saan siya’y nag-anyaya ng mga kaibigan, mga kapitbahay, kamag-anak, at mga kamanggagawa. Umabot sa 15 katao ang nakikinig kung minsan, at mga 430 aklat at mga Bibliya gayundin 2,015 magasin ang naipasakamay sa madla.
20 Marami ang ang nagpapahalaga sa ating mga pagdalaw. Sa isang liham sa isang tanggapang-sangay ng Watch Tower Society, isang babae ang nagsabi: “Salamat po sa inyo sa paghahasik ng dakilang pag-aalay sa puso ng inyong mga kapananampalataya. Salamat po sa inyong paglalakad . . . at pamamahagi sa iba ng pag-ibig ng Panginoon. Ang simpleng gawang iyan ay napakalaki ang nagagawa para sa iba. . .. Kahit na kung ang ilan ay malulupit, ang iba’y nagwawalang-bahala, at ang iba nama’y tumatanggap, . . . tunay na isang malaking kabutihan na mayroong dumadalaw upang ipaalaala sa iyo ang espirituwal na mga bagay. Para sa akin ay mabuti ang bagay na ito, ang makipag-usap sa isa’t isa tungkol sa Panginoon.” Sa isa pang liham, isang maybahay ang nagsabi sa amin na ‘huwag magsasawa ng kapupunta sa mga tao,’ anuman ang trato nila sa atin. “Kaya’t huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti, sapagkat sa takdang panahon ay mag-aani tayo kung tayo’y hindi kailanman manghihimagod.” (Galacia 6:9) Ang gawaing ito ay sinasang-ayunan at pinagpapala ni Jehova, at ang ating pakikibahagi rito ay nagpapatunay ng ating pag-ibig sa kaniya at sa ating kapuwa. (Mateo 22:37-39) Kaya’t ating tapusin ang gawain.—Ihambing ang Filipos 1:6.
21. (a) Malamang, nasaan humigit-kumulang ang bahagi ng hamon sa pagparoon uli sa malimit gawing mga teritoryo? (b) Ano ang ating tatalakayin sa susunod na artikulo?
21 Harapin natin ang katotohanan na marahil ay hindi laging ang mga tao ang dahilan kung bakit waring mahirap na gawing madalas ang teritoryo. Kung minsan ay tayo na rin ang dahilan. Tayo ba’y nagsisimula na taglay ang negatibong mga kuru-kuro, inaakala natin na kilala natin ang lahat ng tao at ang magiging reaksiyon nila? Iyan ay maaaring makaapekto sa ating saloobin at malamang sa tono ng ating boses at ipinapahayag ng ating mukha. Atin bang ginagamit hanggang ngayon ang iyon at iyon ding mga paraan at pananalita na marami nang taon nating ginagamit? Ngayon na ang teritoryo ay nagbabago, ang dating nagbigay ng tagumpay ay maaaring hindi na nakararating sa mga ibang ‘karapat-dapat.’ Marahil ay kailangan natin ang isang panibagong paraan ng paglapit at isang bagong pagmamasid sa ating gawain. Pagkatapos, tingnan natin kung ano ang magagawa natin upang tayo’y ‘hindi magsawa kundi mag-ani sa takdang panahon.’
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Bakit tayo di dapat “magsawa” sa pagdadala ng mabuting balita sa ating mga kapuwa tao?
◻ Sino ang nagsabi sa atin na gumawa ng mga alagad ayon sa paraan na ginagamit natin, at ano ang mga pangunahing bahagi ng paraang iyan?
◻ Anong situwasyon ang umiiral sa maraming teritoryo, at ano ang tutulong sa atin upang manatiling may tamang saloobin tungkol sa situwasyong iyan?
◻ Bakit tayo dapat ‘patuloy na magsalita’ nang “walang lubay” tungkol sa mabuting balita?
[Kahon sa pahina 14]
TAYO’Y HINDI ‘MAGSASAWA’ SA PANGANGARAL NG KAHARIAN KUNG ATING TATANDAAN:
◻ Kung sino ang nagbigay sa atin ng utos at ng tagubilin tungkol sa kung paano gagawin ang gawain
◻ Na may pagpapala ni Jehova ang mga nagawa na sa buong daigdig
◻ Na mananatiling may tamang saloobin sa kabila na may mga taong “di-tumutugon”
◻ Na manalangin na sana tayo’y “patuloy na magsalita” gaya ng ginawa ng mga apostol