ARALING ARTIKULO 38
Maging Malapít sa Espirituwal na Pamilya Mo
“Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama.”—JUAN 20:17.
AWIT 3 Ikaw ang Aming Pag-asa at Lakas
NILALAMANa
1. Ano ang puwedeng maging kaugnayan ng tapat na mga tao kay Jehova?
KASAMA sa pamilya ng mga mananamba ni Jehova si Jesus, “ang panganay sa lahat ng nilalang,” at ang napakaraming anghel. (Col. 1:15; Awit 103:20) Noong nasa lupa si Jesus, ipinahiwatig niya na puwedeng ituring ng tapat na mga tao si Jehova bilang kanilang Ama. Noong kausap ni Jesus ang mga alagad niya, tinawag niya si Jehova na “aking Ama at inyong Ama.” (Juan 20:17) At kapag nag-alay tayo ng sarili natin kay Jehova at nagpabautismo, nagiging bahagi tayo ng isang mapagmahal na pamilya ng mga mananamba.—Mar. 10:29, 30.
2. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
2 Hindi makapaniwala ang ilan na puwede nilang ituring si Jehova na kanilang mapagmahal na Ama. Baka hindi naman alam ng iba kung paano magpapakita ng pagmamahal sa mga kapatid. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano tayo tinutulungan ni Jesus na makita na puwede nating ituring na mapagmahal na Ama si Jehova at na puwede tayong maging malapít sa kaniya. Aalamin din natin kung paano natin matutularan ang pakikitungo ni Jehova sa mga kapatid.
GUSTO NI JEHOVA NA MAGING MALAPÍT KA SA KANIYA
3. Paano tayo tinutulungan ng modelong panalangin na mas mapalapít kay Jehova?
3 Mapagmahal na Ama si Jehova. Gusto ni Jesus na ituring din natin si Jehova na isang mabait at mapagmahal na magulang na madaling lapitan, hindi mahigpit at hindi nakakatakot. Kitang-kita iyan sa itinurong panalangin ni Jesus sa mga alagad niya. Sinimulan niya ang modelong panalangin sa mga salitang: “Ama namin.” (Mat. 6:9) Puwede sanang tinawag ni Jesus si Jehova na “Makapangyarihan-sa-Lahat,” “Maylalang,” o “Haring walang hanggan”—na hindi naman mali dahil lahat ng iyon ay titulo ni Jehova na nasa Bibliya. (Gen. 49:25; Isa. 40:28; 1 Tim. 1:17) Pero gusto ni Jesus na tawagin natin si Jehova na “Ama.”
4. Bakit natin masasabing gusto ni Jehova na maging malapít tayo sa kaniya?
4 Nahihirapan ka bang maniwala na puwede mong maging mapagmahal na Ama si Jehova? Ganiyan ang ilan sa atin. Baka hindi tayo makapaniwala dahil sa hindi magagandang naranasan natin sa magulang natin. Pero nakakatuwang malaman na naiintindihan ni Jehova ang mga nararamdaman natin. Gusto niyang maging malapít tayo sa kaniya. Kaya naman sinasabi sa kaniyang Salita: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Sant. 4:8) Mahal na mahal tayo ni Jehova, at gusto niya na maging pinakamabuting Ama para sa atin.
5. Ayon sa Lucas 10:22, paano tayo tinutulungan ni Jesus na maging mas malapít kay Jehova?
5 Matutulungan tayo ni Jesus na maging mas malapít kay Jehova. Kilalang-kilala ni Jesus si Jehova at perpekto niyang natutularan ang mga katangian Niya kaya naman sinabi niya: “Ang sinumang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:9) Para nating nakakatandang kapatid si Jesus na nagtuturo sa atin kung paano igagalang at susundin ang ating Ama. Itinuturo din niya sa atin kung paano maiiwasang mapalungkot si Jehova at kung paano Siya mapapasaya. Makikita rin sa naging buhay ni Jesus sa lupa kung gaano kabait at mapagmahal si Jehova. (Basahin ang Lucas 10:22.) Tingnan natin ang ilang halimbawa.
6. Magbigay ng mga halimbawa kung paano pinakinggan ni Jehova ang mga panalangin ni Jesus.
6 Pinapakinggan ni Jehova ang mga anak niya. Tingnan kung paano niya iyan ginawa sa panganay niyang Anak. Noong nasa lupa si Jesus, pinakinggan ni Jehova ang maraming panalangin niya. (Luc. 5:16) Nanalangin si Jesus bago gumawa ng mabibigat na desisyon, gaya noong pipili siya ng 12 apostol. (Luc. 6:12, 13) Nanalangin din siya noong nag-aalala siya. Pinakinggan ni Jehova ang mga panalanging iyon. At bago traidurin si Jesus, marubdob siyang nanalangin sa kaniyang Ama tungkol sa napakahirap na pagsubok na mapapaharap sa kaniya. At hindi lang basta pinakinggan ni Jehova ang panalanging iyon, nagpadala rin siya ng anghel para palakasin ang mahal niyang Anak.—Luc. 22:41-44.
7. Ano ang naramdaman mo nang malaman mong sinasagot ni Jehova ang panalangin ng mga lingkod niya?
7 Sa ngayon, sinasagot pa rin ni Jehova ang panalangin ng mga lingkod niya—sa tamang panahon at sa pinakamagandang paraan. (Awit 116:1, 2) Ganiyan ang naranasan ng isang sister sa India. Sobra siyang nag-aalala, at marubdob niya itong ipinanalangin kay Jehova. Isinulat niya: “Tamang-tama sa akin ang JW Broadcasting® noong Mayo 2019 tungkol sa puwede nating gawin kapag sobra tayong nag-aalala. Sagot iyon sa mga panalangin ko.”
8. Paano ipinakita ni Jehova na mahal niya si Jesus?
8 Ipinapakita ni Jehova na mahal na mahal niya tayo at nagmamalasakit siya sa atin, gaya ng ginawa niya kay Jesus noong nandito ito sa lupa. (Juan 5:20) Inilaan niya ang lahat ng espirituwal, emosyonal, at pisikal na pangangailangan ni Jesus. At sinabi niya talaga kay Jesus na mahal niya ito at kinalulugdan. (Mat. 3:16, 17) Dahil alam ni Jesus na laging nandiyan para sa kaniya ang mapagmahal niyang Ama sa langit, hindi niya kailanman naramdaman na nag-iisa siya.—Juan 8:16.
9. Bakit natin masasabing mahal tayo ni Jehova?
9 Gaya ni Jesus, nararamdaman din natin ang pagmamahal ni Jehova sa iba’t ibang paraan. Isipin ito: Inilapit tayo ni Jehova sa kaniya. Binigyan niya tayo ng isang mapagmahal at nagkakaisang espirituwal na pamilya na nagpapasaya at nagpapalakas ng loob natin kapag may pinagdadaanan tayo. (Juan 6:44) Pinaglalaanan din tayo ni Jehova ng nakakapagpatibay na espirituwal na pagkain at ng mga pangangailangan natin sa araw-araw. (Mat. 6:31, 32) Kapag iniisip natin kung gaano tayo kamahal ni Jehova, lalo rin natin siyang minamahal.
TULARAN ANG PAKIKITUNGO NI JEHOVA SA ESPIRITUWAL NA PAMILYA MO
10. Ano ang matututuhan natin sa pakikitungo ni Jehova sa mga kapatid natin?
10 Mahal ni Jehova ang mga kapatid natin. Pero baka hindi ganoon kadali para sa atin na mahalin sila, at baka nahihirapan din tayong iparamdam iyon sa kanila. Magkakaiba kasi tayo ng kultura at pinagmulan. At lahat tayo ay nakakagawa ng mga pagkakamali na nakakainis at nakakadismaya sa iba. Pero kahit ganoon, maipapakita pa rin nating mahal natin ang ating espirituwal na pamilya. Paano? Kung tutularan natin kung paano ipinapakita ng ating Ama ang pag-ibig sa mga kapatid natin. (Efe. 5:1, 2; 1 Juan 4:19) Alamin natin kung ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Jehova.
11. Paano natularan ni Jesus ang pagiging maawain at mapagmalasakit ni Jehova?
11 Nagpapakita si Jehova ng “matinding habag.” (Luc. 1:78) Napapansin ng taong mahabagin, o maawain, kapag naghihirap ang iba, at nag-iisip siya ng paraan kung paano makakatulong. Makikita sa pakikitungo ni Jesus sa mga tao ang malasakit ni Jehova sa kanila. (Juan 5:19) Minsan, pagkakita ni Jesus sa napakaraming tao, “naawa siya sa kanila dahil sila ay sugatán at napabayaan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mat. 9:36) Pero hindi lang siya basta naawa. Pinagaling niya ang mga maysakit at pinaginhawa ang mga “pagod at nabibigatan.”—Mat. 11:28-30; 14:14.
12. Magbigay ng halimbawa kung paano tayo makakapagpakita ng awa at malasakit.
12 Bago tayo makapagpakita ng awa at malasakit sa mga kapatid, kailangan muna nating malaman kung ano ang mga pinagdadaanan nila. Halimbawa, baka may malalang sakit ang isang sister. Hindi naman siya dumadaing, pero malamang na matutuwa siya kung may tutulong sa kaniya. Naaasikaso ba niya ang pangangailangan ng pamilya niya? Puwede kaya tayong makatulong sa paghahanda ng pagkain o sa paglilinis ng bahay nila? Baka nawalan ng trabaho ang isang brother. Puwede kaya tayong makapagbigay ng kaunting pinansiyal na tulong, nang hindi nagpapakilala, para makaraos sila habang hindi pa siya nakakakita ng trabaho?
13-14. Paano natin matutularan ang pagiging mapagbigay ni Jehova?
13 Mapagbigay si Jehova. (Mat. 5:45) Hindi na natin dapat hintaying humingi ng tulong ang mga kapatid bago tayo magpakita ng malasakit. Gaya ni Jehova, puwede tayong magkusa. Pinapasikat niya sa atin ang araw kahit hindi natin iyon hinihiling! At ang lahat ay nakikinabang sa araw, hindi lang ang mga mapagpasalamat. Nararamdaman natin ang pag-ibig ni Jehova kapag ibinibigay niya sa atin ang mga pangangailangan natin. Talagang napakabait at mapagbigay ni Jehova kaya mahal na mahal natin siya!
14 Bilang pagtulad sa kanilang Ama sa langit, maraming kapatid ang nagkukusa sa pagbibigay ng tulong. Kitang-kita iyan noong sinalanta ng Super Typhoon Haiyan (Yolanda) ang Pilipinas noong 2013. Maraming kapatid ang nawalan ng bahay at pag-aari. Pero nandiyan agad ang suporta ng espirituwal na pamilya nila sa buong mundo. Marami ang nagbigay ng donasyon o tumulong sa malaking proyekto ng pagtatayo. Kaya wala pang isang taon, halos 750 bahay ang nakumpuni o naitayo ulit! Sa panahon ng COVID-19 pandemic, talagang nagsikap ang mga Saksi para masuportahan ang mga kapatid nila. Kapag nandiyan tayo agad para tumulong sa ating espirituwal na pamilya, naipaparamdam natin sa kanila na mahal natin sila.
15-16. Ayon sa Lucas 6:36, ano ang dapat nating gawin para matularan ang ating Ama sa langit?
15 Maawain at mapagpatawad si Jehova. (Basahin ang Lucas 6:36.) Araw-araw na nagpapakita sa atin ng awa ang ating Ama sa langit. (Awit 103:10-14) Hindi perpekto ang mga tagasunod ni Jesus kaya nagpakita siya sa kanila ng awa at pinatawad sila. Isinakripisyo pa nga niya ang buhay niya para mapatawad ang mga kasalanan natin. (1 Juan 2:1, 2) Hindi ba’t mas napapalapít tayo kay Jehova at kay Jesus dahil maawain sila at mapagpatawad?
16 Naipapakita natin na mahal natin ang ating espirituwal na pamilya kapag ‘lubusan tayong nagpapatawad.’ (Efe. 4:32) Siyempre, hindi laging madaling gawin iyon kaya kailangan nating magsikap. Sinabi ng isang sister na nakatulong sa kaniya ang artikulo sa Bantayan na “Lubusang Patawarin ang Isa’t Isa.”b Isinulat niya: “Dahil sa artikulong ito, naintindihan ko kung paano nakakatulong sa akin ang pagpapatawad. Ipinaliwanag dito na kapag nagpapatawad tayo, hindi ibig sabihin nito na hindi tayo nasasaktan o kinukunsinti natin ang maling ginagawa ng iba. Kapag nagpapatawad tayo, hindi tayo nagkikimkim ng sama ng loob kaya napapayapa tayo.” Kapag lubusan nating pinapatawad ang ating mga kapatid, naipaparamdam natin na mahal natin sila at natutularan natin ang ating Ama, si Jehova.
PAHALAGAHAN ANG PAGIGING BAHAGI NG PAMILYA NI JEHOVA
17. Ayon sa Mateo 5:16, paano natin mapaparangalan ang ating Ama sa langit?
17 Napakalaking pribilehiyo na magkaroon ng mapagmahal na mga kapatid sa buong mundo. Gusto natin na mas marami pa ang makasama natin sa pagsamba sa ating Diyos. Kaya ayaw nating may magawa na makakasira sa reputasyon ng bayan ni Jehova o ng ating Ama sa langit. Sinisikap natin na kumilos nang tama para makinig ang mga tao sa mabuting balita.—Basahin ang Mateo 5:16.
18. Ano ang makakatulong para hindi tayo matakot na mangaral?
18 Kung minsan, baka insultuhin tayo o pag-usigin pa nga dahil sinusunod natin ang ating Ama sa langit. Paano kung natatakot tayong sabihin sa iba ang mga paniniwala natin? Makakaasa tayo na tutulungan tayo ni Jehova at ng kaniyang Anak. Sinabi ni Jesus sa mga alagad niya na hindi sila dapat mag-alala kung ano ang sasabihin nila at kung paano nila iyon sasabihin. Bakit? “Dahil ipaaalam sa inyo ang sasabihin ninyo sa oras na iyon,” ang sabi ni Jesus, “ang magsasalita ay hindi lang kayo, kundi ang espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.”—Mat. 10:19, 20.
19. Paano lakas-loob na nakapagpatotoo ang isang bagong Bible study?
19 Tingnan ang halimbawa ni Robert. Noong bago pa lang siyang nagba-Bible study at kaunti pa lang ang alam niya sa Bibliya, humarap siya sa isang korte ng militar sa South Africa. Lakas-loob niyang ipinaliwanag sa korte na gusto niyang manatiling neutral dahil mahal niya ang mga kapatid niyang Kristiyano. Napakahalaga sa kaniya ng espirituwal na pamilya niya! “Sino ba ang mga kapatid mo?” ang tanong ng judge. Nabigla si Robert sa tanong na iyon. Pero kaagad niyang naalala ang Mateo 12:50, ang teksto para sa araw na iyon: “Ang sinumang gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit, siya ang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.” Kahit bagong Bible study pa lang si Robert, tinulungan siya ng espiritu ni Jehova na masagot ang mga tanong sa kaniya. Siguradong tuwang-tuwa si Jehova kay Robert! Tiyak na ipinagmamalaki rin tayo ni Jehova kapag umaasa tayo sa kaniya para lakas-loob na makapagpatotoo kahit mahirap ang sitwasyon.
20. Ano ang dapat na pagsikapan nating gawin? (Juan 17:11, 15)
20 Patuloy sana nating pahalagahan ang pribilehiyo na maging miyembro ng isang mapagmahal na espirituwal na pamilya. Napakabuti ng ating Ama at marami rin tayong kapatid na nagmamahal sa atin. Huwag na huwag natin silang babale-walain. Gusto ni Satanas at ng mga sumusuporta sa kaniya na isipin nating hindi tayo mahal ng ating Ama, at sinisikap nilang sirain ang pagkakaisa natin. Pero hiniling ni Jesus sa ating Ama na bantayan tayo para manatiling nagkakaisa ang ating pamilya. (Basahin ang Juan 17:11, 15.) Sinasagot ni Jehova ang panalanging iyan. Gaya ni Jesus, huwag sana nating isipin na hindi tayo mahal at tinutulungan ng ating Ama sa langit. Patuloy sana tayong magsikap na maging malapít sa ating espirituwal na pamilya.
AWIT 99 Ang Ating Buong Kapatiran
a Napakaganda ng pribilehiyo natin—bahagi tayo ng isang mapagmahal na espirituwal na pamilya. Gusto nating lahat na lalo pang mahalin ang mga kapatid natin. Magagawa natin iyan kung tutularan natin ang pakikitungo sa atin ng ating mapagmahal na Ama at ang mga halimbawa ni Jesus at ng mga kapatid natin.
b Tingnan ang Bantayan, Nobyembre 15, 2012, p. 26-30.
c LARAWAN: Nagpadala si Jehova ng anghel para palakasin si Jesus sa hardin ng Getsemani.
d LARAWAN: Sa panahon ng COVID-19 pandemic, marami ang naghanda ng pagkain at ipinamahagi iyon sa mga kapatid.
e LARAWAN: Tinutulungan ng nanay ang anak niyang babae sa paggawa ng sulat para patibayin ang isang brother na nakabilanggo.