Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Mateo
ANG unang sumulat ng kapana-panabik na ulat ng buhay at ministeryo ni Jesus ay si Mateo—isang matalik na kasamahan ni Jesu-Kristo at dating maniningil ng buwis. Ang Ebanghelyo ni Mateo, na unang isinulat sa wikang Hebreo at isinalin nang maglaon sa Griego, ay natapos noong mga 41 C.E. at nagsisilbing tagapag-ugnay ng Hebreong Kasulatan at Kristiyanong Griegong Kasulatan.
Ang nakaaantig at mahalagang Ebanghelyong ito, na lumilitaw na isinulat pangunahin na para sa mga Judio, ay naglalarawan kay Jesus bilang ang ipinangakong Mesiyas, ang Anak ng Diyos. Ang pagtutuon ng pansin sa mensahe nito ay magpapatibay sa ating pananampalataya sa tunay na Diyos, sa kaniyang Anak, at sa Kaniyang mga pangako.—Heb. 4:12.
“ANG KAHARIAN NG LANGIT AY MALAPIT NA”
Itinatampok ng Mateo ang tema ng Kaharian at mga turo ni Jesus, kahit hindi magkakasunod ang paglalahad ng mga pangyayari. Halimbawa, binanggit agad sa aklat ang Sermon sa Bundok, samantalang binigkas ito ni Jesus noong mga kalagitnaan ng kaniyang ministeryo.
Sa panahon ng kaniyang ministeryo sa Galilea, gumawa si Jesus ng mga himala, nagbigay ng tagubilin sa kaniyang 12 apostol hinggil sa pagmiministeryo, tumuligsa sa mga Pariseo, at naglahad ng mga ilustrasyon tungkol sa Kaharian. Pagkatapos ay umalis siya sa Galilea at pumaroon sa “mga hanggahan ng Judea sa kabila ng Jordan.” (Mat. 19:1) Habang nasa daan, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: ‘Paahon tayo sa Jerusalem, at ang Anak ng tao ay hahatulan ng kamatayan at sa ikatlong araw ay ibabangon siya.’—Mat. 20:18, 19.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
3:16—Sa anong diwa ‘nabuksan ang langit’ nang magpabautismo si Jesus? Waring ipinahihiwatig nito na naalaala ni Jesus ang kaniyang buhay sa langit.
5:21, 22—Mas masama bang magbulalas ng galit kaysa magkimkim nito? Nagbabala si Jesus na ang taong nagngingitngit sa matinding galit sa kaniyang kapatid ay nagkakasala nang malubha. Gayunman, ang pagpapakita ng galit sa pamamagitan ng pagbubulalas ng salita ng paghamak ay mas masama anupat magsusulit siya sa hukumang mas mataas sa lokal na hukuman ng katarungan.
5:48—Posible ba talaga tayong “magpakasakdal, kung paanong ang [ating] makalangit na Ama ay sakdal”? Oo, sa isang antas. Ang tinatalakay rito ni Jesus ay tungkol sa pag-ibig, at sinabihan niya ang mga tagapakinig na tularan ang Diyos at maging sakdal, o lubusan, sa kanilang pagpapakita ng pag-ibig. (Mat. 5:43-47) Paano? Kailangan din nilang ibigin ang kanilang mga kaaway.
7:16—Ano ang “mga bunga” na pagkakakilanlan ng tunay na relihiyon? Ang mga bungang ito ay tumutukoy hindi lamang sa ating paggawi. Sangkot din dito ang ating mga paniniwala—mga turong pinanghahawakan natin.
10:34-38—Dapat bang isisi sa mensahe ng Kasulatan ang pagkakabaha-bahagi ng pamilya? Hindi naman. Ang pagkakabaha-bahagi ay dahil sa paniniwala ng di-sumasampalatayang miyembro ng pamilya. Baka salansang sila o di-sang-ayon sa Kristiyanismo kung kaya nahahati ang pamilya.—Luc. 12:51-53.
11:2-6—Kung alam na ni Juan na si Jesus ang Mesiyas dahil narinig niya ang tinig ng pagsang-ayon ng Diyos, bakit pa niya itinanong kung si Jesus nga ba “ang Isa na Darating”? Maaaring itinanong ito ni Juan para marinig niya mismo kay Jesus na siya nga iyon. Pero bukod diyan, gusto ring malaman ni Juan kung may “iba pa” na darating taglay ang kapangyarihan ng Kaharian at tutupad sa lahat ng inaasahan ng mga Judio. Ipinakita ng sagot ni Jesus na wala nang iba pang darating.
19:28—Kanino lumalarawan ang “labindalawang tribo ng Israel” na hahatulan? Hindi sila lumalarawan sa 12 tribo ng espirituwal na Israel. (Gal. 6:16; Apoc. 7:4-8) Ang mga apostol na kausap ni Jesus ay magiging bahagi ng espirituwal na Israel, hindi mga hukom ng mga miyembro nito. Si Jesus ay ‘nakipagtipan sa kanila ukol sa isang kaharian,’ at sila’y magiging ‘isang kaharian at mga saserdote sa Diyos.’ (Luc. 22:28-30; Apoc. 5:10) Ang mga kabilang sa espirituwal na Israel ang “hahatol sa sanlibutan.” (1 Cor. 6:2) Kaya ang “labindalawang tribo ng Israel” na hahatulan ng mga nasa makalangit na trono ay maliwanag na tumutukoy sa sangkatauhan na hindi kabilang sa mga maharlika at makasaserdoteng uri, gaya ng inilalarawan ng 12 di-makasaserdoteng tribo sa Araw ng Pagbabayad-Sala.—Lev., kab. 16.
Mga Aral Para sa Atin:
4:1-10. Itinuturo sa atin ng ulat na ito na si Satanas ay isang persona at hindi basta ideya lamang ng kasamaan. Ginagamit niya “ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa” para tuksuhin tayo. Pero ang pagkakapit sa mga simulain ng Kasulatan ay makatutulong sa atin na manatiling tapat sa Diyos.—1 Juan 2:16.
5:1–7:29. Maging palaisip sa iyong espirituwal na pangangailangan. Maging mapagpayapa. Iwasan ang imoral na mga kaisipan. Tuparin ang iyong pangako. Kapag nananalangin, unahin ang espirituwal na mga bagay bago ang materyal na mga bagay. Maging mayaman sa Diyos. Hanapin muna ang Kaharian at ang katuwiran ng Diyos. Huwag maging mapanghatol. Gawin ang kalooban ng Diyos. Talaga ngang praktikal ang mga aral sa Sermon sa Bundok!
9:37, 38. Dapat tayong gumawi kasuwato ng ating kahilingan sa Panginoon na “magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani,” anupat nagpapakita ng sigasig sa paggawa ng alagad.—Mat. 28:19, 20.
10:32, 33. Hindi tayo kailanman dapat matakot na ipakipag-usap ang ating pananampalataya.
13:51, 52. Ang pagkaunawa sa mga katotohanan ng Kaharian ay may kaakibat na pananagutang turuan ang iba at ibahagi ang mahalagang katotohanang ito sa kanila.
14:12, 13, 23. Kailangan ang pag-iisa para sa makabuluhang pagbubulay-bulay.—Mar. 6:46; Luc. 6:12.
17:20. Kailangan natin ng pananampalataya para mapagtagumpayan ang gabundok na mga problema na nakahahadlang sa ating espirituwal na pagsulong at para maharap ang mga suliranin. Hindi tayo dapat magpabaya sa pagpapasulong at pagpapatibay ng ating pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang mga pangako.—Mar. 11:23; Luc. 17:6.
18:1-4; 20:20-28. Dahil sa di-kasakdalan at sa dati nilang relihiyon na nagbibigay-importansiya sa posisyon, labis na ikinabahala ng mga alagad ni Jesus ang tungkol sa pagiging dakila. Dapat tayong maglinang ng kapakumbabaan habang nag-iingat na huwag magkasala at panatilihin ang tamang kaisipan tungkol sa mga pribilehiyo at pananagutan.
“ANG ANAK NG TAO AY IBIBIGAY”
Noong Nisan 9, 33 C.E., dumating si Jesus sa Jerusalem na “nakasakay sa asno.” (Mat. 21:5) Nang sumunod na araw, pumunta siya sa templo at nilinis iyon. Noong Nisan 11, nagturo siya sa templo, tinuligsa ang mga eskriba at Pariseo, at saka nagbigay sa kaniyang mga alagad ng “tanda ng [kaniyang] pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mat. 24:3) Kinabukasan, sinabi niya sa kanila: “Alam ninyo na dalawang araw mula ngayon ay magaganap ang paskuwa, at ang Anak ng tao ay ibibigay upang ibayubay.”—Mat. 26:1, 2.
Nisan 14 noon. Matapos ganapin ang unang Memoryal ng kaniyang nalalapit na kamatayan, si Jesus ay ipinagkanulo, inaresto, nilitis, at ibinayubay. Nang ikatlong araw, ibinangon siya mula sa mga patay. Bago umakyat sa langit ang binuhay-muling si Jesus, inutusan niya ang kaniyang mga tagasunod: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.”—Mat. 28:19.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
22:3, 4, 9—Kailan ibinigay ang tatlong paanyaya sa piging ng kasalan? Ibinigay ang unang paanyaya na tipunin ang uring kasintahang babae nang magsimulang mangaral si Jesus at ang kaniyang mga tagasunod noong 29 C.E., at nagpatuloy ito hanggang 33 C.E. Ang ikalawang paanyaya naman ay ibinigay mula nang panahon ng pagbubuhos ng banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E. hanggang noong 36 C.E. Ang dalawang paanyayang ito ay para lamang sa mga Judio, mga Judiong proselita, at mga Samaritano. Pero ang ikatlong paanyaya ay ibinigay sa mga taong nasa mga daan sa labas ng lunsod, samakatuwid nga, sa mga di-tuling Gentil, pasimula noong 36 C.E. nang makumberte ang Romanong opisyal ng hukbo na si Cornelio at patuloy hanggang sa panahon natin.
23:15—Bakit ang isang proselita, o isang nakumberte, ng mga Pariseo ay ‘napahanay ukol sa Gehenna na makalawang ulit pa’ kaysa sa mga Pariseo mismo? Ang ilang naging proselita ng mga Pariseo ay maaaring dating talamak na makasalanan. Pero nang makumberte sila at maging panatikong gaya ng mga Pariseo, lalo silang napasama anupat posibleng mas masahol pa sa kanilang nahatulang mga guro. Kaya ‘napahanay sila ukol sa Gehenna’ nang dalawang ulit pa kaysa sa mga Judiong Pariseo.
27:3-5—Bakit nakadama si Hudas ng matinding dalamhati? Walang pahiwatig na ang matinding dalamhati ni Hudas ay tunay na pagsisisi. Sa halip na humingi ng tawad sa Diyos, sa mga punong saserdote at matatandang lalaki siya lumapit at nagsabi na siya’y nagkasala. Matapos magkasala ng “kasalanan na ikamamatay,” natural lamang na madama ni Hudas na siya’y nagkasala at wala nang pag-asa. (1 Juan 5:16) Alam niyang wala na siyang pag-asa kung kaya gayon na lamang katindi ang kaniyang dalamhati.
Mga Aral Para sa Atin:
21:28-31. Ang paggawa natin ng banal na kalooban ang talagang mahalaga kay Jehova. Halimbawa, dapat tayong maging masigasig sa pakikibahagi sa pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad.—Mat. 24:14; 28:19, 20.
22:37-39. Sa dalawang pinakadakilang utos, napakaliwanag ng pagkakabuod sa hinihiling ng Diyos sa kaniyang mga mananamba!
[Larawan sa pahina 31]
Masigasig ka bang nakikibahagi sa gawaing pag-aani?
[Credit Line]
© 2003 BiblePlaces.com
[Larawan sa pahina 31]
Itinampok ni Mateo ang tema ng Kaharian