Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Nagkulang ba si Juan ng Pananampalataya?
SI Juan Bautista, na nakabilanggo ng mga isang taon na ngayon, ay tumanggap ng balita tungkol sa pagkabuhay-muli ng anak ng biyuda sa Nain. Subalit ibig ni Juan na tuwirang makarinig kay Jesus tungkol sa kahulugan nito, kaya’t kaniyang sinugo ang dalawa sa kaniyang mga alagad upang magtanong: “Ikaw ba ang Isang Darating o kami ba’y may maaasahan na iba?”
Baka iyan ay waring isang kakatwang tanong, lalo na yamang nakita ni Juan na ang espiritu ng Diyos ay bumababa kay Jesus at kaniyang narinig ang tinig ng Diyos na sumasang-ayon nang kaniyang bautismuhan si Jesus may halos dalawang taon na ngayon ang nakalipas. Baka dahil sa tanong ni Juan ay isipin ng iba na ang kaniyang pananampalataya ay nanghina. Subalit hindi nga gayon. Hindi gaanong pakakapurihin ni Jesus si Juan, na siya niyang ginagawa sa pagkakataong ito, kung si Juan ay mayroon noon na pag-aalinlangan. Kung gayon, bakit nga tinatanong ni Juan ang ganitong katanungan?
Baka ibig lamang ni Juan ang isang patotoo buhat kay Jesus na Siya ang Mesiyas. Ito’y magiging isang napakatibay na pampalakas kay Juan habang siya’y nakukulong. Subalit maliwanag na higit pa ang ibig na malaman ni Juan sa kaniyang pagtatanong na iyan. Baka ibig niyang malaman kung mayroon pang ibang darating, isang kahalili, wika nga, na tatapos sa katuparan ng lahat ng mga bagay na inihula na gaganapin ng Mesiyas.
Sang-ayon sa mga hula sa Bibliya na alam ni Juan, ang pinahirang Isa ng Diyos ay magiging isang hari, isang tagapagligtas. Gayunman si Juan ay nakabilanggo pa rin, samakatuwid nga’y sa loob ng maraming buwan pagkatapos na bautismuhan si Jesus. Kaya maliwanag na itinatanong ni Juan kay Jesus: ‘Ikaw ba ang isa na magtatatag ng Kaharian ng Diyos sa kapangyarihan, o mayroong iba, isang kahalili, na dapat naming hintayin upang tuparin ang lahat ng hula tungkol sa kaluwalhatian ng Mesiyas?’
Sa halip na sabihin sa mga alagad ni Juan, ‘Oo, ako ang isa na darating!’ ang ginawa ni Jesus nang mismong oras na iyon ay gumawa siya ng kamangha-manghang pagpapagaling ng maraming tao na may sarisaring sakit at karamdaman. Pagkatapos ay sinabi niya sa mga alagad: “Humayo kayo, ibalita ninyo kay Juan ang inyong nakita at narinig: ang bulag ay muling nakakakita, ang pilay ay lumalakad, ang ketongin ay nalilinis at ang bingi ay nakakarinig, ang patay ay binubuhay, ang dukha ay hinahatdan ng mabuting balita. At maligaya siya na hindi natitisod sa akin.”
Sa ibang pananalita, yamang ang tanong ni Juan ay baka nagpapahiwatig ng pag-asang higit pa ang gagawin ni Jesus kaysa kaniyang ginagawa, tulad baga ng pagpapalaya kay Juan mismo, ang sinasabi ni Jesus kay Juan ay na huwag umasa nang higit pa kaysa lahat ng ito.
Nang magsialis na ang mga alagad ni Juan, si Jesus ay bumaling sa lubhang karamihan at sinabi sa kanila na si Juan ang “sugo” ni Jehova na inihula sa Malakias 3:1 at siya rin ang propeta Elias na inihula sa Malakias 4:5, 6. Sa ganoo’y ibinunyi niya si Juan bilang kapantay ng sinumang propeta na nabuhay bago sa kaniya, na ang paliwanag:
“Katotohanang sinasabi ko sa inyo na mga tao, Sa mga isinilang ng mga babae ay wala nang ibinangon na dakila pa kaysa kay Juan Bautista; subalit ang taong mababa sa kaharian ng langit ay lalong dakila kaysa kaniya. Subalit mula ng mga araw ni Juan Bautista hanggang sa ngayon ang kaharian ng langit ang tunguhin ng mga tao, at sinusunggaban ito ng mga patungo roon.”
Dito’y ipinakikita ni Jesus na si Juan ay hindi doroon sa makalangit na Kaharian, sapagkat ang mababa roon ay lalong dakila kaysa kay Juan. Inihanda ni Juan ang daan para kay Jesus, subalit naganap ang kaniyang kamatayan bago pinagtibay ni Kristo ang tipan, o kasunduan, na ginawa niya sa kaniyang mga alagad upang maging mga hari na kasama niya sa kaniyang Kaharian. Kaya naman sinasabi ni Jesus na si Juan ay hindi doroon sa makalangit na Kaharian. Sa halip si Juan ay magiging isang makalupang sakop ng Kaharian ng Diyos. Lucas 7:18-30; Mateo 11:2-15.
◆ Bakit tinatanong ni Juan kung si Jesus ang Isang Darating o iba ang dapat asahan na darating?
◆ Anong mga hula ang tinupad ni Juan ayon kay Jesus?
◆ Bakit si Juan Baustista ay hindi makakasama ni Jesus sa langit?