PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Mateo 11:28-30—“Lumapit Kayo sa Akin, . . . at Pagiginhawahin Ko Kayo”
“Lumapit kayo sa akin, lahat kayo na pagod at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang pamatok ko at matuto kayo sa akin, dahil ako ay mahinahon at mapagpakumbaba, at magiginhawahan kayo. Dahil ang pamatok ko ay madaling dalhin, at ang pasan ko ay magaan.”—Mateo 11:28-30, Bagong Sanlibutang Salin.
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatang lubha at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin. Ako’y maamo at mababang-loob, at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong kaluluwa. Pagkat malambot ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.”—Mateo 11:28-30, Ang Biblia, Bagong Salin sa Pilipino.
Ibig Sabihin ng Mateo 11:28-30
Inanyayahan ni Jesus ang mga tagapakinig niya na lumapit sa kaniya. Tiniyak niya sa kanila na magiginhawahan sila sa mga turo niya.
“Lumapit kayo sa akin, lahat kayo na pagod at nabibigatan.” Ang mga taong inanyayahan ni Jesus ay “nabibigatan” sa mga turo at tradisyon na pilit ipinapagawa ng mga lider ng relihiyon. (Mateo 23:4; Marcos 7:7) Marami ring alalahanin ang mga karaniwang tao kaya nauubos ang panahon nila sa pagtatrabaho para lang mapaglaanan ang pamilya nila.
“Pagiginhawahin ko kayo.” Nangako si Jesus na pagiginhawahin niya ang mga tumanggap sa maibiging paanyaya niya. Tinulungan niya silang maintindihan kung ano ang gusto ng Diyos na gawin nila. (Mateo 7:24, 25) Kung tatanggapin nila ang paanyayang ito, magiging malaya sila sa mga maling turo ng relihiyon at tradisyon ng tao. (Juan 8:31, 32) Kailangan ng pagsisikap para masunod ang mga turo ni Jesus, pero kung isasabuhay nila ang mga ito, magiginhawahan sila.
“Pasanin ninyo ang pamatok ko at matuto kayo sa akin.” Noong panahon ng Bibliya, madalas gamitin ng mga tao ang pamatok—isang pahabang kahoy na ipinapatong sa balikat—para mabuhat ang mabibigat na bagay. Kaya ginamit ni Jesus ang salitang “pamatok” sa makasagisag na paraan para tumukoy sa pagpapasakop sa awtoridad at pagsunod sa tagubilin. (Levitico 26:13; Isaias 14:25; Jeremias 28:4) Ang mga pananalitang “matuto kayo sa akin” ay puwede ring isaling “maging alagad (estudyante) ko kayo.” Gusto ni Jesus na maging alagad niya ang mga tagapakinig niya. Magagawa nila ito kung susunod sila sa kaniya at tutularan ang halimbawa niya.—Juan 13:13-15; 1 Pedro 2:21.
“Magiginhawahan kayo.” Hindi sinabi ni Jesus na mawawala agad ang lahat ng problema ng mga tagapakinig niya. Pero tinulungan niya sila na magkaroon ng kaaliwan at pag-asa. (Mateo 6:25-32; 10:29-31) Nakita ng mga alagad niya na hindi naman mahirap paglingkuran ang Diyos. Naging masaya pa nga sila sa paggawa nito.—1 Juan 5:3.
“Dahil ang pamatok ko ay madaling dalhin, at ang pasan ko ay magaan.” Di-gaya ng mga lider ng relihiyon noon, mapagpakumbaba at mahinahon si Jesus. (Juan 7:47-49) Ayaw niyang nahihirapan ang iba. Mabait siya at madaling lapitan. Makatuwiran siya sa mga tagasunod niya. (Mateo 7:12; Marcos 6:34; Lucas 9:11) Ipinakita rin niya kung paano sila makikinabang sa awa ng Diyos at maginhawahan dahil sa pagkakaroon ng malinis na konsensiya. (Mateo 5:23, 24; 6:14) Dahil sa magagandang katangian ni Jesus, nagustuhan siya ng mga tao. At dahil din dito, napakilos sila na dalhin ang pamatok niya at maging mga alagad niya.
Konteksto ng Mateo 11:28-30
Sinabi ni Jesus ang mga pananalitang nasa Mateo 11:28-30 noong nangangaral siya sa Galilea noong 31 C.E. Sa Ebanghelyo ni Mateo lang mababasa ang paanyayang ito ni Jesus. Dahil isa siyang Judio at dating maniningil ng buwis, alam na alam ni Mateo kung paano nahihirapan ang mga tao sa pagbabayad ng buwis sa mga Romano at sa hinihiling ng mga tiwaling relihiyosong sistema ng mga Judio. Kaya siguradong napatibay siya nang makita niyang ginamit ni Jesus ang awtoridad na ibinigay sa kaniya ng kaniyang Ama, si Jehova,a para anyayahan ang mga mapagpakumbaba at naaapi na lumapit sa kaniya.—Mateo 11:25-27.
Mababasa sa Ebanghelyo ni Mateo ang napakagandang mga katangiang ipinakita ni Jesus bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapamahala ng Kaharian ng Diyos sa hinaharap.—Mateo 1:20-23; Isaias 11:1-5.
Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Mateo.
a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”