“Pasanin Ninyo ang Aking Pamatok”
1 Sa isang daigdig na lipos ng mga panggigipit at kabalisahan, nakararanas tayo ng tunay na kaginhawahan sa pamamagitan ng pagtugon sa magiliw na paanyaya ni Jesus na makipamatok sa kaniya. (Mat. 11:29, 30) Kasama sa pamatok ng pagiging alagad ang pakikibahagi sa isang gawain na bagaman nangangailangan ng pagsasakripisyo ay nagdudulot rin naman ng kaginhawahan. Kasangkot dito ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian at pagtulong sa iba na makasumpong din ng kaginhawahan tulad natin habang pinapasan ang may-kabaitang pamatok ni Jesus.—Mat. 24:14; 28:19, 20.
2 Kaginhawahan Mula sa Ministeryo: Hindi hiniling ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na idagdag ang kaniyang pasan sa dati na nilang dala. Inanyayahan niya silang ipagpalit ang mabigat nilang pasan sa kaniyang magaang pasan. Hindi na tayo napabibigatan ng mga kabalisahan at kawalang-pag-asa ng sistemang ito ng mga bagay; ni nagpapagal man para sa walang-katiyakang kayamanan. (Luc. 21:34; 1 Tim. 6:17) Kahit na abala tayo at kailangang magtrabaho para magkaroon ng mga pangangailangan sa araw-araw, pinakamahalaga pa rin sa ating buhay ang pagsamba sa Diyos. (Mat. 6:33) Kung pananatilihin natin sa ating isip ang bagay na ito, ang ministeryo ay magiging laging nakapagpapaginhawa sa atin, at hindi nakapagpapabigat.—Fil. 1:10.
3 Likas sa atin na ipakipag-usap ang anumang bagay na mahalaga sa atin. (Luc. 6:45) Para sa lahat ng Kristiyano, mahalaga si Jehova at ang ipinangako niyang mga pagpapala ng Kaharian. Kaya talaga ngang nakagiginhawang ipakipag-usap ang “mabuting balita ng mabubuting bagay” at kalimutan muna ang ating mga álalahanín sa araw-araw habang nakikibahagi sa ministeryo! (Roma 10:15) Sabihin pa, kung mas madalas nating ginagawa ang isang bagay, nagiging mas bihasa tayo at mas maligaya. Kaya ang paggugol ng higit na panahon sa ministeryo, kung magagawa natin ito, ay magdudulot ng higit na kaginhawahan. At talaga ngang nakapagpapasigla kapag tumutugon ang mga indibiduwal sa ating pangangaral! (Gawa 15:3) Kahit na nakakatagpo tayo ng mga taong hindi interesado sa sinasabi natin o sinasalansang tayo, magdudulot pa rin ng espirituwal na kaginhawahan ang ministeryo kung lagi nating isasaisip na nakalulugod kay Jehova ang ating mga pagsisikap at anumang positibong mga resulta ay dahil sa kaniyang pagpapala.—Gawa 5:41; 1 Cor. 3:9.
4 Kung tatanggapin natin ang paanyaya ni Jesus, magkakapribilehiyo tayong maglingkod na kasama niya bilang mga Saksi ni Jehova. (Isa. 43:10; Apoc. 1:5) Wala nang mas nakagiginhawa pa sa bagay na iyan!