Ang Mishnah at ang Batas ng Diyos kay Moises
“NAGSIMULA kami taglay ang impresyon na sumali kami sa isang matagal nang usapan sa mga paksang hindi namin kailanman masasakyan . . . Aming . . . nadarama na waring kami’y nasa isang dakong hintayan sa isang malayong paliparan. Naiintindihan namin ang sinasabi ng mga tao, ngunit nalilito kami sa kanilang ibig sabihin at mga alalahanin, lalo na, sa pagkaapurahan ng kanilang tinig.” Ganito ang paglalarawan ng Judiong iskolar na si Jacob Neusner tungkol sa maaaring nadarama ng mga nakababasa ng Mishnah sa unang pagkakataon. Sinabi pa ni Neusner: “Walang pasimula ang Mishnah. Agad itong natatapos.”
Sa A History of Judaism, tinawag ni Daniel Jeremy Silver ang Mishnah bilang “ang mahalagang teksto ng rabinikong Judaismo.” Sa katunayan, nagkomento pa siya: “Hinalinhan ng Mishnah ang Bibliya bilang ang pangunahing kurso ng patuloy na edukasyong [Judio].” Bakit napakahalaga ng isang aklat na may gayong malabong istilo?
Ang bahagi ng sagot ay masusumpungan sa pangungusap na ito sa Mishnah: “Tinanggap ni Moises ang Torah sa Sinai at itinawid iyon kay Josue, ni Josue sa matatanda, at ng matatanda sa mga propeta. At itinawid iyon ng mga propeta sa mga lalaki sa malaking kapulungan.” (Avot 1:1) Inaangkin ng Mishnah na ito ay tumatalakay sa impormasyon na ibinigay kay Moises sa Bundok Sinai—isang di-nasusulat na bahagi ng Batas ng Diyos sa Israel. Ang mga lalaki sa malaking kapulungan (nang dakong huli ay tinawag na Sanedrin) ay minalas na bahagi ng isang mahabang talaan ng pantas na mga iskolar, o mga paham, na bibigang nagtawid ng ilang turo sa sunud-sunod na salinlahi hanggang ang mga ito sa wakas ay maisulat sa Mishnah. Ngunit totoo ba ito? Sino ang aktuwal na sumulat ng Mishnah, at bakit? Ang mga nilalaman ba nito ay nagmula kay Moises sa Sinai? May kahulugan kaya ito para sa atin ngayon?
Judaismo na Walang Templo
Ang paniniwala tungkol sa isang binigkas na batas ng Diyos na ibinigay bukod sa nasusulat na Batas ni Moises ay hindi kilala nang isinusulat ang Kasulatan sa ilalim ng pagkasi.a (Exodo 34:27) Pagkaraan ng maraming siglo, ang mga Fariseo ang siyang grupo sa loob ng Judaismo na bumuo at nagtaguyod ng ideyang ito. Noong unang siglo C.E., sinalungat ng mga Saduceo at iba pang Judio ang di-Biblikal na turong ito. Gayunman, hangga’t ang templo sa Jerusalem ang sentro ng pagsambang Judio, pangalawahin lamang ang usapin tungkol sa binigkas na batas. Ang pagsamba sa templo ang naglaan ng kaayusan at isang antas ng katatagan sa pag-iral ng bawat Judio.
Gayunman, noong 70 C.E., napaharap ang bansang Judio sa isang pagkalaki-laking krisis sa relihiyon. Winasak ng mga hukbong Romano ang Jerusalem, at napatay ang mahigit sa isang milyong Judio. Wala na ang templo, ang sentro ng kanilang espirituwal na buhay. Imposible na ang mamuhay ayon sa Batas Mosaiko, na nangangailangan ng hain at paglilingkuran ng mga saserdote sa templo. Naglaho na ang pundasyong bato ng Judaismo. Ganito ang isinulat ng iskolar sa Talmud na si Adin Steinsaltz: “Ang pagkawasak . . . noong 70 C.E. ay nagpangyari na maging apurahan ang pangangailangan na muling itatag ang buong balangkas ng relihiyosong buhay.” At iyon ay kanila ngang muling itinatag.
Bago pa man mawasak ang templo, si Yohanan Ben Zakkai, isang iginagalang na alagad ng Fariseong lider na si Hillel, ay pinahintulutan ni Vespasian (malapit nang maging emperador) na ilipat ang espirituwal na sentro ng Judaismo at ang Sanedrin mula sa Jerusalem tungo sa Yavneh. Gaya ng paliwanag ni Steinsaltz, pagkatapos mawasak ang Jerusalem, si Yohanan Ben Zakkai ay “napaharap sa hamon ng pagtatatag ng isang bagong sentro para sa mga tao at pagtulong sa kanila na makibagay sa bagong mga kalagayan na doo’y kailangang ibaling sa ibang direksiyon ang sigasig sa relihiyon ngayong hindi na umiiral ang Templo.” Ang bagong direksiyong iyon ay ang binigkas na batas.
Yamang gumuho na ang templo, ang mga Saduceo at iba pang sektang Judio ay walang inialok na kapani-paniwalang mapagpipilian. Ang mga Fariseo ang siyang naging pinakasentro ng mga Judio, anupat napagsama-sama ang mga sumasalungat na grupo. Upang idiin ang pagkakaisa, hindi na tinawag ng mga nangungunang rabbi ang kanilang sarili na mga Fariseo, isang terminong lubhang nagpapahiwatig ng sekta at partido. Sila ay nakilala na lamang bilang mga rabbi, “ang mga paham ng Israel.” Ang mga paham na ito ang siyang bubuo ng saligan na paglalagyan ng kanilang ideya tungkol sa binigkas na batas. Iyon ay magiging isang espirituwal na kaayusan na makapupong higit na matibay laban sa pagsalakay ng tao kaysa sa templo.
Ang Pagkakabuo ng Binigkas na Batas
Bagaman ang rabinikong akademya sa Yavneh (40 kilometro sa kanluran ng Jerusalem) ang siya ngayong pangunahing sentro, nagsimulang lumitaw ang iba pang akademya na nagtuturo ng binigkas na batas sa buong Israel at maging sa malalayong lugar tulad ng Babilonya at Roma. Gayunman, lumikha ito ng isang suliranin. Nagpaliwanag si Steinsaltz: “Hangga’t ang lahat ng paham ay nagtitipun-tipon at ang malaking bahagi ng gawain ng pag-aaral ay isinasagawa ng isang grupo ng mga lalaki [sa Jerusalem], naingatan ang pagkakaisa ng tradisyon. Subalit ang pagdami ng mga guro at ang pagkakatatag ng hiwalay na mga paaralan ay lumikha . . . ng isang kalabisan ng mga anyo at pamamaraan ng pagpapahayag.”
Ang mga guro ng binigkas na batas ay tinawag na Tannaim, isang termino na galing sa isang Aramaikong salitang ugat na nangangahulugang “pag-aralan,” “ulitin,” o “ituro.” Idiniriin nito ang kanilang paraan ng pag-aaral at pagtuturo ng binigkas na batas sa pamamagitan ng madalas na pag-uulit at pagsasaulo. Upang mapabilis ang pagsasaulo ng bibigang mga tradisyon, bawat alituntunin o tradisyon ay ginawang isang maikli at payak na parirala. Mas kakaunti ang mga salita, mas mainam. Sinikap na matamo ang isang may istilo at matulaing anyo, at ang mga parirala ay malimit na kinakanta, o inaawit. Gayunman, ang mga tuntuning ito ay di-maayos, at lubhang nagkakaiba ang mga ito sa bawat guro.
Ang unang rabbi na nagbigay ng espesipikong anyo at kaayusan sa maraming iba’t ibang bibigang tradisyon ay si Akiba ben Joseph (c. 50-135 C.E.). Tungkol sa kaniya, ganito ang isinulat ni Steinsaltz: “Inihambing ng kaniyang mga kakontemporaryo ang kaniyang gawain sa trabaho ng isang manggagawa na nagpupunta sa bukid at nagtatambak sa kaniyang basket ng anumang basta masumpungan niya, pagkatapos ay umuuwi at pinagbubukud-bukod ang bawat uri. Pinag-aralan ni Akiba ang maraming magulong paksa at inuri ang mga ito sa iba’t ibang kategorya.”
Noong ikalawang siglo C.E.—mahigit na 60 taon pagkatapos mawasak ang Jerusalem—pinangunahan ni Bar Kokhba ang pangalawang malaking paghihimagsik ng mga Judio laban sa Roma. Minsan pa, kapahamakan ang ibinunga ng rebelyon. Si Akiba at ang marami sa kaniyang mga alagad ay kabilang sa halos isang milyong Judio na naging biktima. Gumuho ang anumang pag-asa na itayong muli ang templo nang ideklara ng Romanong Emperador na si Hadrian na di-maaaring tumuntong ang mga Judio sa Jerusalem, maliban na kapag anibersaryo ng pagkawasak ng templo.
Ang templo sa Jerusalem ay hindi kailanman nakita ng Tannaim na nabuhay pagkaraan ni Akiba. Ngunit ang binalangkas na pamamaraan ng pag-aaral sa tradisyon ng binigkas na batas ang naging kanilang “templo,” o sentro ng pagsamba. Ang gawaing sinimulan ni Akiba at ng kaniyang mga alagad sa pagbuo ng kaayusang ito ng binigkas na batas ay binalikat ng huling Tannaim, si Judah ha-Nasi.
Ang Paggawa sa Mishnah
Si Judah ha-Nasi ay inapo ni Hillel at Gamaliel.b Isinilang noong maghimagsik si Bar Kokhba, siya ay naging puno ng Judiong komunidad sa Israel noong bandang katapusan ng ikalawang siglo at pasimula ng ikatlong siglo C.E. Ang titulong ha-Nasi ay nangangahulugang “ang prinsipe,” na nagpapakita ng kaniyang katayuan sa paningin ng kaniyang mga kapuwa Judio. Malimit na lamang siyang tawaging Rabbi. Pinangunahan ni Judah ha-Nasi kapuwa ang kaniyang sariling akademya at ang Sanedrin, una sa Bet She’arim at nang dakong huli sa Sepphoris sa Galilea.
Palibhasa’y natanto na ang pakikipag-alitan sa hinaharap sa Roma ay maaaring magsapanganib sa mismong paghahatid ng binigkas na batas, nagpasiya si Judah ha-Nasi na bigyan ito ng kaayusan na titiyak sa pananatili nito. Tinipon niya sa kaniyang akademya ang pinakamahuhusay na iskolar noong kaniyang panahon. Pinagtalunan ang bawat punto at tradisyon ng binigkas na batas. Ang mga buod ng mga talakayang ito ay pinagsama-sama sa kahanga-hangang maikli ngunit malinaw na mga parirala, alinsunod sa isang mahigpit na anyo ng matulaing prosa sa Hebreo.
Ang mga buod na ito ay inayos tungo sa anim na pangunahing dibisyon, o Pangkat, ayon sa pangunahing mga paksa. Ang mga ito ay hinati-hati ni Judah sa 63 bahagi, o mga salaysay. Kumpleto na ngayon ang espirituwal na kayarian. Hanggang noon, ang gayong mga tradisyon ay laging inihahatid nang bibigan. Ngunit bilang karagdagang proteksiyon, ginawa ang panghuling hakbang tungo sa malaking pagbabago—ang lahat ay isusulat. Ang kahanga-hangang bagong nasusulat na kayariang naglalaman ng binigkas na batas ay tinawag na Mishnah. Ang pangalang Mishnah ay galing sa Hebreong ugat na sha·nahʹ, na nangangahulugang “ulitin,” “pag-aralan,” o “ituro.” Ito ang katumbas ng Aramaikong tenaʼʹ, na pinagkunan ng tan·na·ʼimʹ, ang salitang ikinapit sa mga guro ng Mishnah.
Hindi layunin ng Mishnah na magtatag ng isang tiyak na kodigo. Mas tumatalakay ito sa mga eksepsiyon, anupat ipinagpapalagay na alam ng mambabasa ang saligang mga simulain. Ang totoo, binuod nito kung ano ang tinalakay at itinuro sa mga rabinikong akademya noong panahon ni Judah ha-Nasi. Ang Mishnah ay nilayong maging isang balangkas ng binigkas na batas para sa karagdagang pagtalakay, isang balangkas na anyo, o saligang kayarian, anupat maaari itong mapagbatayan.
Sa halip na magsiwalat ng anumang ibinigay kay Moises sa Bundok Sinai, ang Mishnah ay naglalaan ng malalim na unawa sa pagkabuo ng binigkas na batas, isang ideya na nagsimula sa mga Fariseo. Ang impormasyon na nakaulat sa Mishnah ay nagbibigay-liwanag sa mga pangungusap sa Kristiyanong Griegong Kasulatan at sa ilang pag-uusap sa pagitan ni Jesu-Kristo at ng mga Fariseo. Gayunman, kailangang mag-ingat sapagkat ang mga ideyang masusumpungan sa Mishnah ay nagpapaaninaw ng Judiong mga pananaw mula noong ikalawang siglo C.E. Ang Mishnah ang siyang tulay sa pagitan ng panahon ng ikalawang templo at ng Talmud.
[Mga talababa]
a Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang pahina 8-11 ng brosyur na Will There Ever Be a World Without War?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Tingnan ang artikulong “Gamaliel—Tinuruan Niya si Saulo ng Tarso,” sa Ang Bantayan ng Hulyo 15, 1996.
[Kahon sa pahina 26]
Ang mga Bahagi ng Mishnah
Ang Mishnah ay nahahati sa anim na Pangkat. Ang mga ito ay binubuo ng 63 maliliit na aklat, o salaysay, na hinati sa mga kabanata at mishnayot, o mga parapo (hindi talata).
1. Zeraim (Mga Batas sa Agrikultura)
Kalakip sa mga salaysay na ito ang pagtalakay sa mga panalangin para sa pagkain at may kaugnayan sa agrikultura. Kasali rin sa mga ito ang mga alituntunin tungkol sa ikapu, bahagi ng mga saserdote, pamumulot ng naiwang ani, at mga taon ng Sabbath.
2. Moed (Banal na mga Okasyon, mga Kapistahan)
Ang mga salaysay sa Pangkat na ito ay tumatalakay sa mga batas may kaugnayan sa Sabbath, Araw ng Pagbabayad-sala, at iba pang mga kapistahan.
3. Nashim (Kababaihan, Batas sa Pag-aasawa)
Ito ang mga salaysay na tumatalakay sa pag-aasawa at diborsiyo, mga panata, Nazareo, at mga kaso ng pinaghihinalaang pangangalunya.
4. Nezikin (Mga Bayad-pinsala at Batas Sibil)
Tinatalakay ng mga salaysay sa Pangkat na ito ang mga paksa may kinalaman sa batas sa mamamayan at ari-arian, mga hukuman at mga kaparusahan, ang tungkulin ng Sanedrin, idolatriya, mga pagsumpa, at Etika ng mga Ama (Avot).
5. Kodashim (Mga Hain)
Tinatalakay ng mga salaysay na ito ang mga tuntunin may kaugnayan sa paghahandog ng mga hayop at mga butil gayundin ang mga sukat ng templo.
6. Toharot (Mga Ritwal sa Pagpapadalisay) Ang Pangkat na ito ay binubuo ng mga salaysay tungkol sa ritwal na kadalisayan, paliligo, paghuhugas ng mga kamay, mga sakit sa balat, at karumihan ng iba’t ibang bagay.
[Kahon sa pahina 28]
Ang Mishnah at ang Kristiyanong Griegong Kasulatan
Mateo 12:1, 2: “Nang kapanahunang iyon si Jesus ay dumaan sa gitna ng mga bukirin ng butil nang sabbath. Ang kaniyang mga alagad ay nagutom at nagpasimulang mangitil ng mga uhay ng butil at kumain. Sa pagkakita nito ang mga Fariseo ay nagsabi sa kaniya: ‘Narito! Ang iyong mga alagad ay gumagawa ng hindi kaayon ng batas na gawin kapag sabbath.’ ” Hindi ipinagbabawal ng Hebreong Kasulatan ang ginawa ng mga alagad ni Jesus. Ngunit masusumpungan natin sa Mishnah ang talaan ng 39 na gawaing ipinagbabawal ng mga rabbi kung Sabbath.—Shabbat 7:2.
Mateo 15:3: “Bilang tugon ay sinabi [ni Jesus] sa kanila: ‘Bakit nilalampasan din ninyo ang kautusan ng Diyos dahil sa inyong tradisyon?’ ” Pinatutunayan ng Mishnah ang saloobing ito. (Sanhedrin 11:3) Mababasa natin: “Mas mahigpit na ikinakapit ang [pagtupad sa] mga salita ng mga Eskriba kaysa sa [pagtupad sa] sa mga salita ng [nasusulat na] Batas. Kung sabihin ng isang tao, ‘Hindi obligado na magsuot ng pilakterya’ anupat nilalabag niya ang mga salita ng Batas, hindi siya nagkasala; [ngunit kung sabihin niya], ‘Dapat na may limang bahagi ang mga ito’, anupat dinaragdagan niya ang mga salita ng mga Eskriba, siya ay nagkasala.”—The Mishnah, ni Herbert Danby, pahina 400.
Efeso 2:14: “Siya [si Jesus] ang ating kapayapaan, siya na gumawang isa sa dalawang panig at gumiba sa pader na nasa pagitan na naghihiwalay sa kanila.” Sinasabi ng Mishnah: “Sa loob ng Kinatatayuan ng Templo ay naroon ang sala-salang barandilya (ang Soreg), ang taas ay sampung sinlapad-ng-kamay.” (Middot 2:3) Pinagbawalan ang mga Gentil na lumampas sa hangganang ito at pumasok sa mga looban sa dakong loob. Maaaring tinutukoy ni apostol Pablo ang pader na ito sa makasagisag na paraan nang sumusulat sa mga taga-Efeso noong 60 o 61 C.E., nang ito’y nakatayo pa. Ang makasagisag na pader ay ang tipang Batas, na matagal nang naghihiwalay sa mga Judio at mga Gentil. Gayunman, salig sa kamatayan ni Kristo noong 33 C.E., binuwag na ang pader na iyon.