KABANATA 31
Pagpitas ng Butil sa Araw ng Sabbath
MATEO 12:1-8 MARCOS 2:23-28 LUCAS 6:1-5
NAMITAS NG BUTIL ANG MGA ALAGAD SA ARAW NG SABBATH
SI JESUS AY “PANGINOON NG SABBATH”
Naglalakbay na ngayon pahilaga si Jesus at ang mga alagad niya papunta sa Galilea. Tagsibol na, kaya may mga butil na ang mga uhay sa bukid. Nagutom ang mga alagad niya at namitas ng mga uhay ng butil at kumain. Pero araw ng Sabbath ngayon, at nakita sila ng mga Pariseo.
Matatandaan na kailan lang, may ilang Judio sa Jerusalem na nag-akusa kay Jesus ng paglabag sa Sabbath at gusto siyang patayin. Ngayon, mga alagad naman ni Jesus ang pinaparatangan ng mga Pariseo: “Ang ginagawa ng mga alagad mo ay ipinagbabawal kapag Sabbath.”—Mateo 12:2.
Ayon sa mga Pariseo, ang pagpitas ng butil at pagkikiskis nito sa kamay para kainin ay pag-aani at paggigiik. (Exodo 34:21) Dahil sa kanilang di-makatuwirang interpretasyon sa kung ano ang maituturing na trabaho, naging pabigat sa mga tao ang Sabbath, sa halip na maging kasiya-siya at nakapagpapatibay sa espirituwal. Itinuwid ni Jesus ang maling pananaw nila sa pamamagitan ng mga halimbawa na nagpapakitang hindi nilayon ng Diyos na Jehova na bigyan ng gayong interpretasyon ang Kaniyang kautusan ng Sabbath.
Ginamit ni Jesus ang halimbawa ni David at ng mga lalaking kasama niya. Nang magutom sila, pumasok sila sa tabernakulo at kinain ang mga tinapay na panghandog. Ang mga tinapay na iyon, na inalis sa harap ni Jehova at pinalitan ng bago, ay kadalasan nang para lang sa mga saserdote. Pero dahil sa sitwasyon, hindi hinatulan si David at ang mga lalaking kasama niya nang kainin nila iyon.—Levitico 24:5-9; 1 Samuel 21:1-6.
Sa ikalawang halimbawa, sinabi ni Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa sa Kautusan na kapag Sabbath, ang mga saserdote sa templo ay nagpapatuloy sa gawain nila pero hindi sila nagkakasala?” Ibig niyang sabihin, kahit sa panahon ng Sabbath, nagkakatay ng mga hayop na panghandog ang mga saserdote at gumagawa ng iba pang gawain sa templo. “Sinasabi ko sa inyo,” ang sabi ni Jesus, “mas dakila kaysa sa templo ang narito.”—Mateo 12:5, 6; Bilang 28:9.
Muling sumipi si Jesus sa Kasulatan para idiin ang kaniyang punto: “Kung naintindihan ninyo ang kahulugan nito, ‘Ang gusto ko ay awa at hindi hain,’ hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang-sala.” Bilang konklusyon, sinabi niya: “Ang Anak ng tao ay Panginoon ng Sabbath.” Ang tinutukoy ni Jesus ay ang mapayapang pamamahala niya sa Kaharian sa loob ng isang libong taon.—Mateo 12:7, 8; Oseas 6:6.
Ang sangkatauhan ay matagal nang inaalipin ni Satanas at nagdurusa dahil sa karahasan at digmaan. Ang laking pagkakaiba nga sa pamamahala ni Kristo sa panahon ng dakilang Sabbath, na maglalaan ng kapahingahan na matagal na nating inaasam at talagang kailangan natin!