KABANATA 32
Ano ang Tamang Gawin Kapag Sabbath?
MATEO 12:9-14 MARCOS 3:1-6 LUCAS 6:6-11
PINAGALING ANG KAMAY NG ISANG LALAKI SA ARAW NG SABBATH
Sa isa pang araw ng Sabbath, pumunta si Jesus sa sinagoga, malamang sa Galilea. Nakita niya roon ang isang lalaki na tuyot ang kanang kamay. (Lucas 6:6) Binabantayan ng mga eskriba at mga Pariseo ang bawat kilos ni Jesus. Bakit? Makikita ang totoong intensiyon nila nang magtanong sila: “Puwede bang magpagaling kapag Sabbath?”—Mateo 12:10.
Naniniwala ang mga Judiong lider ng relihiyon na pinahihintulutan lang ng Kautusan ang pagpapagaling kapag Sabbath kung nanganganib ang buhay ng isa. Halimbawa, para sa kanila, hindi pinahihintulutan sa araw ng Sabbath na gamutin ang nabaling buto o bendahan ang pilay, dahil hindi naman niya ito ikamamatay. Maliwanag, nagtanong ang mga eskriba at mga Pariseo kay Jesus, hindi dahil sa talagang nagmamalasakit sila sa paghihirap ng kaawa-awang lalaking iyon, kundi humahanap sila ng maiaakusa kay Jesus.
Pero kabisado na ni Jesus ang pangangatuwiran nila. Alam niyang mali at di-makakasulatan ang pananaw nila pagdating sa mga hindi dapat gawin kapag araw ng Sabbath. (Exodo 20:8-10) Dati na siyang pinagbintangang nagkakasala dahil sa paggawa ng mabuti. Inihanda ngayon ni Jesus ang tagpo para sa isang mainitang komprontasyon sa pagsasabi sa lalaking may tuyot na kamay: “Tumayo ka at pumunta ka sa gitna.”—Marcos 3:3.
Humarap si Jesus sa mga eskriba at mga Pariseo at sinabi: “Kung mayroon kayong tupa at mahulog ito sa hukay sa araw ng Sabbath, hindi ba ninyo ito kukunin at iaahon?” (Mateo 12:11) Dahil namuhunan sila sa isang tupa, hindi nila hahayaang maiwan ito sa hukay nang magdamag; puwede itong mamatay at malulugi sila. Isa pa, sinasabi ng Kasulatan: “Pinangangalagaan ng matuwid ang . . . kaniyang alagang hayop.”—Kawikaan 12:10.
Para idiin ang punto, gumawa si Jesus ng paghahambing. Sinabi niya: “Di-hamak na mas mahalaga ang tao kaysa sa tupa! Kaya puwedeng gumawa ng mabuti kapag Sabbath.” (Mateo 12:12) Maliwanag, hindi nilalabag ni Jesus ang Sabbath nang pagalingin niya ang lalaki. Hindi matutulan ng mga relihiyosong lider ang gayong lohikal at mahabaging pangangatuwiran. Hindi sila nakakibo.
Tumingin si Jesus sa paligid; nagpupuyos ang damdamin niya, pero nalulungkot din dahil sa kanilang maling kaisipan. Pagkatapos, sinabi niya sa lalaki: “Iunat mo ang kamay mo.” (Mateo 12:13) Nang iunat ng lalaki ang kaniyang kamay, gumaling ito. Tuwang-tuwa ang lalaki, pero ano kaya ang epekto nito sa mga umaakusa kay Jesus?
Sa halip na matuwa na gumaling ang kamay ng lalaki, lumabas ang mga Pariseo at agad na nakipagsabuwatan “sa mga sumusuporta kay Herodes para maipapatay si Jesus.” (Marcos 3:6) Maliwanag na kabilang sa mga tagasuporta ni Herodes ang mga miyembro ng relihiyosong grupo na tinatawag na mga Saduceo. Hindi magkasundo ang mga Saduceo at mga Pariseo, pero magkakampi sila ngayon laban kay Jesus.