KABANATA 11
“Wala Pang Sinuman ang Nakapagsalita Nang Tulad Niya”
1, 2. (a) Bakit hindi nagawang arestuhin ng mga guwardiya si Jesus? (b) Bakit walang-katulad na guro si Jesus?
NASA templo si Jesus at nagtuturo tungkol sa kaniyang Ama. Hindi nagustuhan ng ibang nakikinig sa kaniya ang mga sinasabi niya. Pero marami ang nanampalataya sa kaniya. Dahil dito, nagalit ang mga Pariseo kaya nagpadala sila ng mga guwardiya para arestuhin si Jesus. Pero nang bumalik ang mga guwardiya, hindi nila kasama si Jesus. Tinanong sila ng mga punong saserdote at Pariseo: “Bakit hindi ninyo siya hinuli?” Sumagot ang mga guwardiya: “Wala pang sinuman ang nakapagsalita nang tulad niya.” Hangang-hanga sila sa pagtuturo ni Jesus kaya hindi nila nagawang arestuhin siya.a—Juan 7:45, 46.
2 Hindi lang ang mga guwardiyang iyon ang humanga sa pagtuturo ni Jesus. Maraming tao ang pumunta kay Jesus para makinig sa turo niya. (Marcos 3:7, 9; 4:1; Lucas 5:1-3) Bakit walang-katulad na guro si Jesus? Nakita natin sa Kabanata 8 na mahal ni Jesus ang mga katotohanan sa Salita ng Diyos at ang mga taong tinuruan niya. Napakahusay rin ng paraan ng pagtuturo ni Jesus. Talakayin natin ngayon ang tatlong paraan na ginamit niya at kung paano natin ito matutularan.
Pagtuturo Nang Simple
3, 4. (a) Bakit gumamit si Jesus ng simpleng mga salita sa pagtuturo niya? (b) Bakit magandang halimbawa ng simpleng pagtuturo ang Sermon sa Bundok?
3 Napakalawak ng bokabularyo ni Jesus na puwede sana niyang gamitin. Pero kapag nagtuturo siya, hindi siya gumagamit ng mga salitang mahirap maintindihan kasi “hindi nakapag-aral at pangkaraniwan” ang marami sa mga tagapakinig niya. (Gawa 4:13) Alam niya ang mga limitasyon nila, at hindi niya sila binigyan ng napakaraming impormasyon. (Juan 16:12) Simple ang mga salitang ginamit niya, pero napakahalaga ng mga katotohanang itinuro niya.
4 Tingnan ang halimbawa sa Sermon sa Bundok na mababasa sa Mateo 5:3–7:27. Malalalim na bagay ang mga itinuro dito ni Jesus. Pero hindi siya gumamit ng komplikadong mga salita o ideya. Karamihan ng mga salitang ginamit dito ay madaling maintindihan kahit ng mga bata. Kaya pagkatapos magsalita ni Jesus, ang mga tao na gaya ng mga magsasaka, pastol, at mangingisda ay “namangha . . . sa paraan niya ng pagtuturo.”—Mateo 7:28.
5. Magbigay ng simple pero makabuluhang mga kasabihan na itinuro ni Jesus.
5 Madalas gumamit si Jesus ng simple pero makabuluhang mga kasabihan sa pagtuturo niya. Hindi isinulat ang mga sinabi niya noong panahong nagtuturo siya. Pero dahil sa paraan ng pagtuturo niya, madali itong naintindihan at natandaan ng mga tao. Tingnan ang ilang halimbawa: “Huwag na kayong humatol para hindi kayo mahatulan.” “Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit.” “Gusto ng puso, pero mahina ang laman.” “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, pero sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”b (Mateo 7:1; 9:12; 26:41; Marcos 12:17; Gawa 20:35) Halos 2,000 taon na mula nang ituro ni Jesus ang mga ito, pero pamilyar pa rin ito sa mga tao ngayon.
6, 7. (a) Bakit mahalagang gumamit tayo ng mga salitang madaling maintindihan ng mga tao? (b) Paano natin maiiwasang bigyan ng napakaraming impormasyon ang Bible study natin?
6 Paano tayo makakapagturo nang simple? Mahalagang gumamit tayo ng mga salitang madaling maintindihan ng mga tao. Hindi komplikado ang mga pangunahing turo sa Salita ng Diyos. Gusto ni Jehova na maintindihan ng mga mapagpakumbabang tao ang layunin niya. (1 Corinto 1:26-28) Kapag simple ang mga salitang gagamitin natin, mas madaling maiintindihan ng iba ang mga katotohanan sa Salita ng Diyos.
7 Para makapagturo nang simple, dapat din nating iwasang magbigay ng napakaraming impormasyon sa Bible study natin. Kapag nagba-Bible study tayo, hindi natin kailangang ipaliwanag ang bawat detalye. Hindi din natin kailangang madaliin ang pagtalakay para lang mas marami ang mapag-aralan. Dapat nating alamin kung ano ang kailangan at kakayahan ng Bible study natin. Gusto natin siyang tulungan na maging tagasunod ni Kristo at mananamba ni Jehova. Dahil diyan, kailangan ng sapat na panahon para maintindihan ng Bible study ang pinag-aaralan niya. Kapag ginawa natin iyan, mapapakilos natin siyang mahalin at isabuhay ang mga katotohanan sa Bibliya.—Roma 12:2.
Paggamit ng mga Tanong
8, 9. (a) Bakit gumamit ng mga tanong si Jesus? (b) Paano gumamit si Jesus ng mga tanong para tulungan si Pedro na makuha ang aral tungkol sa pagbabayad ng buwis sa templo?
8 Madalas gumamit si Jesus ng mga tanong kahit na puwede naman niyang ipaliwanag ang gusto niyang sabihin. Bakit siya gumamit ng mga tanong? Nagtatanong siya kung minsan para mailabas ang masasamang motibo ng mga Pariseo at mapatahimik sila. (Mateo 21:23-27; 22:41-46) Pero madalas, gumagamit siya ng mga tanong para masabi ng mga alagad niya ang mga nararamdaman nila at tulungan silang makapag-isip. Gumamit siya ng mga tanong na gaya ng “Ano sa palagay ninyo?” at “Naniniwala ka ba rito?” (Mateo 18:12; Juan 11:26) Sa ganitong paraan, natulungan ni Jesus ang mga alagad niya na maintindihan at mahalin ang mga itinuturo niya. Tingnan ang isang halimbawa.
9 Minsan, tinanong ng mga maniningil ng buwis si Pedro kung nagbabayad si Jesus ng buwis sa templo.c “Oo,” ang sagot agad ni Pedro. Pero tinulungan ni Jesus si Pedro na pag-isipan ang sagot niya: “Ano sa palagay mo, Simon? Mula kanino tumatanggap ng buwis ang mga hari sa lupa? Mula sa mga anak nila o sa ibang tao?” Sumagot si Pedro: “Mula sa ibang tao.” Sinabi ni Jesus: “Kaya libre talaga sa buwis ang mga anak.” (Mateo 17:24-27) Dahil sa mga tanong na iyon, naintindihan ni Pedro na hindi kailangang magbayad ng buwis ang pamilya ng hari. Si Jehova ang Hari na sinasamba sa templo at si Jesus ang kaisa-isa niyang Anak, kaya hindi na kailangang magbayad ng buwis si Jesus. Imbes na sabihin lang ni Jesus ang tamang sagot kay Pedro, gumamit siya ng mga tanong para tulungan si Pedro na makuha ang aral at makita na dapat muna siyang mag-isip nang mabuti bago sumagot.
10. Paano tayo magiging mabisa sa paggamit ng mga tanong kapag nagbabahay-bahay?
10 Paano tayo magiging mabisa sa paggamit ng mga tanong sa ministeryo? Kapag nagbabahay-bahay, puwede tayong gumamit ng mga tanong para makuha ang interes ng kausap natin. Makakatulong ito para maumpisahan natin ang pakikipag-usap sa kaniya tungkol sa mabuting balita. Halimbawa, kung may-edad na ang kausap natin, puwede natin siyang tanungin, “Ano po ang mga pagbabago sa mundo na napansin n’yo mula noon?” Kapag sumagot siya, puwede mong itanong, “Ano po kaya ang kailangan para bumuti ang kalagayan natin ngayon?” (Mateo 6:9, 10) Kung nanay na may maliliit na anak ang kausap natin, puwede nating itanong, “Sa tingin n’yo po, ano na kaya ang kalagayan ng mundo ’pag malaki na ang mga anak n’yo?” (Awit 37:10, 11) Kung magiging mapagmasid tayo habang papalapit sa isang bahay, makakapag-isip tayo ng mga tanong na magiging interesado ang makakausap natin.
11. Paano tayo magiging mabisa sa paggamit ng mga tanong kapag nagba-Bible study?
11 Paano tayo magiging mabisa sa paggamit ng mga tanong kapag nagba-Bible study? Makakatulong ang mga pinag-isipang tanong para masabi ng Bible study natin ang nararamdaman niya. (Kawikaan 20:5) Halimbawa, pinag-aaralan na ninyo ang aralin 43, “Ano ang Dapat na Maging Pananaw ng mga Kristiyano sa Alak?,” sa aklat na Masayang Buhay Magpakailanman.d Tinatalakay sa araling ito ang tingin ng Diyos sa sobrang pag-inom at paglalasing. Baka mapansin mo na naiintindihan naman ng Bible study mo kung ano ang itinuturo ng Bibliya, pero tinatanggap ba niya ang natututuhan niya? Puwede mo siyang tanungin, “Sa tingin mo, makatuwiran ba ang pananaw ng Diyos tungkol diyan?” Puwede mo ring itanong, “Paano mo kaya masusunod ’yan?” Tandaan na kailangan mong maging mataktika at ipakitang nirerespeto mo ang Bible study mo. Iwasan mong mapahiya siya.—Kawikaan 12:18.
Paggamit ng Mapuwersang Pangangatuwiran
12-14. (a) Paano gumamit si Jesus ng mapuwersang pangangatuwiran? (b) Ano ang sinabi ni Jesus nang paratangan siya ng mga Pariseo na galing kay Satanas ang kapangyarihan niya?
12 Dahil perpekto ang isip ni Jesus, mahusay siyang makipagkatuwiranan sa iba. Kayang-kaya niyang patunayang mali ang mga paratang sa kaniya. Maraming beses din niyang tinulungan ang mga tagasunod niya na matutong makipagkatuwiranan. Tingnan natin ang ilang halimbawa.
13 Pinaratangan si Jesus ng mga Pariseo pagkatapos niyang pagalingin ang isang lalaking bulag at pipi na sinasaniban ng demonyo. Sinabi nila: “Nagpapalayas ng mga demonyo ang taong ito sa tulong ni Beelzebub [Satanas], ang pinuno ng mga demonyo.” Napilitan silang aminin na higit pa sa kapangyarihan ng tao ang kailangan para magpalayas ng mga demonyo. Pero sinabi nilang galing kay Satanas ang kapangyarihan ni Jesus. Kasinungalingan ito at hindi makatuwiran. Para patunayang mali sila, sinabi ni Jesus: “Bawat kaharian na nababahagi ay babagsak, at bawat lunsod o pamilya na nababahagi ay mawawasak. Ngayon, kung pinalalayas ni Satanas si Satanas, kinakalaban niya ang sarili niya; kaya paano tatayo ang kaharian niya?” (Mateo 12:22-26) Para bang sinasabi ni Jesus: “Kung kampon ako ni Satanas at sinisira ko ang mga ginagawa niya, para na ring kinalaban ni Satanas ang sarili niya. Bakit naman n’ya gagawin iyon?” Dahil sa nakakakumbinsing pangangatuwiran ni Jesus, wala nang naisagot ang mga Pariseo!
14 Pero hindi pa tapos si Jesus. Alam niyang nagpapalayas din ng mga demonyo ang ilan sa mga alagad ng mga Pariseo, kaya tinanong niya sila: “Kung nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebub, sino ang tumutulong sa mga tagasunod ninyo para mapalayas sila?” (Mateo 12:27) Para bang sinasabi ni Jesus: “Kung nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Satanas, ibig sabihin, iyon din ang kapangyarihang ginagamit ng mga alagad n’yo.” Wala na namang naisagot ang mga Pariseo! Hinding-hindi nila sasabihin na galing kay Satanas ang kapangyarihan ng mga alagad nila. Dahil sa mga ginamit na tanong ni Jesus, napilitan ang mga Pariseo na makitang mali sila kahit ayaw nila itong tanggapin. Hindi ba’t humanga tayo sa pangangatuwiran ni Jesus? Paano pa kaya ang mga taong aktuwal na nakarinig sa mga pangangatuwirang iyon ni Jesus? Siguradong nakita at narinig nila kung gaano kapuwersa ang pagsasalita ni Jesus.
15-17. Magbigay ng halimbawa kung paano gumamit ng pagkukumpara si Jesus para mangatuwiran at ipakita ang magagandang katangian ng kaniyang Ama.
15 Ipinaliwanag ni Jesus kung bakit makakapagtiwala at puwedeng maging malapít ang mga tao sa kaniyang Ama. Gumamit siya ng pagkukumpara para idiin ang halaga ng isang bagay na alam na ng mga tagapakinig niya. Dahil sa pangangatuwirang ito, mas naabot niya ang puso nila. Tingnan natin ang dalawang halimbawa.
16 Minsan, hiniling ng mga alagad kay Jesus na turuan niya silang manalangin. Sinabi niya sa kanila na nagkukusang “magbigay ng mabubuting bagay” ang di-perpektong mga magulang sa mga anak nila. Pagkatapos, sinabi niya: “Kung kayo na makasalanan ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa mga anak ninyo, lalo pa nga ang Ama sa langit! Magbibigay siya ng banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya.” (Lucas 11:1-13) Gumamit dito si Jesus ng pagkukumpara para idiin ang punto. Kung ibinibigay ng mga makasalanang magulang ang pangangailangan ng mga anak nila, mas lalo pa itong gagawin ng perpekto at matuwid nating Ama sa langit. Magbibigay siya ng banal na espiritu sa tapat na mga mananamba niya na mapagpakumbabang nananalangin sa kaniya.
17 Ganiyan din ang naging pangangatuwiran ni Jesus nang magbigay siya ng matalinong payo tungkol sa pagharap sa mga álalahanín. Sinabi niya: “Ang mga uwak: Hindi sila nagtatanim o umaani; wala silang imbakan ng pagkain; pero pinakakain sila ng Diyos. Di-hamak na mas mahalaga kayo kaysa sa mga ibon, hindi ba? Tingnan ninyo kung paano tumutubo ang mga liryo: Hindi sila nagtatrabaho o nananahi; . . . Kung ganito dinaramtan ng Diyos ang pananim, na nasa parang ngayon at bukas ay ihahagis sa pugon, tiyak na mas daramtan niya kayo, kayo na may maliit na pananampalataya!” (Lucas 12:24, 27, 28) Kung nagmamalasakit si Jehova sa mga ibon at mga bulaklak, tiyak na mas magmamalasakit siya sa mga taong umiibig at sumasamba sa kaniya! Sa pangangatuwirang iyan, naabot ni Jesus ang puso ng mga tagapakinig niya.
18, 19. Paano tayo puwedeng mangatuwiran kapag may nagsabing hindi siya naniniwala sa Diyos na hindi niya nakikita?
18 Sa ministeryo, nangangatuwiran tayo para makita ng mga tao kung bakit mali ang ilang paniniwala nila. Ginagawa din natin iyan para patunayang mapagmahal na Diyos si Jehova at na nagmamalasakit siya sa kanila. (Gawa 19:8; 28:23, 24) Hindi kailangang maging komplikado ang pagtuturo natin para makumbinsi ang iba. Naging epektibo si Jesus sa pagtuturo niya dahil simple lang ang pangangatuwiran niya.
19 Halimbawa, ano ang sasabihin natin kapag may nagsabing hindi siya naniniwala sa Diyos na hindi niya nakikita? Puwede nating ipaisip sa kaniya ang isang bagay na lagi niyang nakikita. Pagkatapos, tulungan natin siyang malaman kung paano iyon umiral. Puwede nating sabihin: “Kung nasa malayo kang lugar at may nakita kang malaking bahay na may mga pagkain, siguradong iisipin mo na may nagtayo ng bahay at naglagay ng pagkain doon. Ganiyan din ba ang maiisip mo kapag nakita mo ang napakagandang planeta natin, pati na ang napakaraming pagkain dito? Iyan ang sinasabi ng Bibliya: ‘Bawat bahay ay may tagapagtayo, pero ang nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.’” (Hebreo 3:4) Pero tandaan na kahit gaano kahusay ang pangangatuwiran natin, hindi natin makukumbinsi ang lahat.—2 Tesalonica 3:2.
20, 21. (a) Paano natin magagamit ang pagkukumpara para ipakita ang mga katangian ni Jehova? (b) Ano ang tatalakayin natin sa susunod na kabanata?
20 Kapag nagtuturo tayo sa ministeryo o sa mga pulong, makakatulong sa atin ang pagkukumpara para ipakita ang mga katangian ni Jehova. Halimbawa, para ipakitang paninirang-puri kay Jehova ang turo tungkol sa maapoy na impiyerno, puwede nating sabihin: “Kapag nagkamali ang isang anak, ilalagay ba ng tatay niya ang kamay nito sa apoy bilang parusa? Hindi iyan gagawin ng isang maibiging ama! Kaya makakasiguro tayong hindi paparusahan ng ating Ama sa langit ang mga tao sa isang maapoy na impiyerno.” (Jeremias 7:31) Kapag gusto nating patibayin ang isang kapatid na nade-depress, puwede nating sabihin: “Kung mahalaga kay Jehova ang isang maliit na maya, mas mahalaga ka sa kaniya at mas mahal niya ang mga naglilingkod sa kaniya, kasama ka na!” (Mateo 10:29-31) Makakatulong sa atin ang ganiyang pagkukumpara para maabót ang puso ng iba.
21 Ngayong napag-aralan na natin ang tatlong paraan na ginamit ni Jesus sa pagtuturo, naiintindihan na natin kung bakit ganoon ang naging reaksiyon ng mga guwardiya nang hindi nila magawang arestuhin si Jesus: “Wala pang sinuman ang nakapagsalita nang tulad niya.” Tatalakayin naman natin sa susunod na kabanata ang paraan ng pagtuturo ni Jesus kung saan siya mas kilala, ang paggamit ng mga ilustrasyon.
a Posibleng mga tauhan ng Sanedrin at nasa ilalim ng awtoridad ng mga punong saserdote ang mga guwardiyang ito.
b Sinipi lang ni apostol Pablo ang kasabihang ito sa Gawa 20:35. Posibleng narinig niya ito, mula sa isa na nakarinig mismo kay Jesus o sa binuhay-muling si Jesus, o ipinasulat ito sa kaniya ng Diyos.
c Obligado ang mga Judio na magbayad ng buwis sa templo taon-taon. Nagkakahalaga ito ng dalawang drakma, o mga dalawang araw na sahod. Ganito ang sinabi ng isang reperensiya: “Ginagamit ang buwis na ito para sa mga gastusin sa paghahandog na sinusunog araw-araw at sa lahat ng iba pang hain na ginagawa para sa mga tao.”
d Inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.