SAMSAM
Mga bagay na dinambong o kinamkam mula sa natalong kaaway at karaniwan nang nagiging pag-aari ng mga nagtagumpay sa digmaan o, kung minsan, yaong kinuha ng mga bandido o mga magnanakaw. (Luc 11:21, 22) Bagaman kumukuha ng samsam ang Israel kapag nagtatagumpay sila, hindi ang pagtatamo ng samsam ang motibo nila sa pakikipagbaka, kundi bahagi ito ng gantimpala ni Jehova sa kanila dahil sa pagsasagawa nila ng kaniyang kalooban bilang kaniyang mga tagapuksa.
Nang iligtas ni Abraham si Lot mula sa mga hukbo ni Kedorlaomer, hindi niya tinanggap mula sa hari ng Sodoma ang anumang samsam para sa kaniyang sarili, upang walang makapagsabi na ito, hindi si Jehova, ang nagpayaman sa kaniya.—Gen 14:1-24; Heb 7:4.
Paghahati-hati ng Samsam. Nang paghigantihan ang mga Midianita dahil pinangyari nilang magkasala at mapuksa ang marami sa Israel (Bil 25), maraming samsam ang kinuha sa kanila. Hinati ito anupat ang kalahati ay tinanggap ng 12,000 lalaking nakipagdigma, at ang kalahati naman ay tinanggap niyaong mga nanatili sa kanilang tahanan. Pagkatapos, isang parte sa bawat 500 mula sa naging bahagi ng mga lalaking nakipagdigma ang napunta sa mga saserdote, at isang parte naman sa bawat 50 niyaong isang kalahati ang napunta sa mga Levita. Kusang-loob na ibinigay naman ng mga kawal ang maraming samsam na ginto, partikular na yaong mga nasa anyong alahas at palamuti, para sa santuwaryo dahil sa pagpapahalaga sa proteksiyon ni Jehova sa labanan, kung saan walang isa man sa kanila ang namatay.—Bil 31:3-5, 21-54.
Nang maglaon, maaaring hindi na eksaktong nasunod ang kaayusang ito, ngunit waring nakapagtatag ito ng isang pangkalahatang saligan sa paghahati-hati ng samsam. (1Sa 30:16-20, 22-25; Aw 68:12) Noong dakong huli, sa ilalim ng kaharian, isang bahagi ng samsam ang ibinubukod para sa hari o para sa santuwaryo.—2Sa 8:7, 8, 11, 12; 2Ha 14:14; 1Cr 18:7, 11.
Noong Sakupin ang Canaan. Ang mga lunsod sa pitong bansa ng Canaan ay itatalaga sa pagkapuksa; ang lahat ng tumatahan sa mga iyon ay papatayin; tanging ang mga bakahan at ang iba pang mga bagay ang maaaring kunin. (Deu 20:16-18; 7:1, 2; Jos 11:14) Ang isang eksepsiyon dito ay ang Jerico, bilang ang unang bunga ng pananakop sa Canaan; tanging ang mga metal ang kinuha at itinalaga sa santuwaryo. (Jos 6:21, 24) Pinaligtas ang sambahayan ni Rahab dahil sa kaniyang pananampalataya. (Jos 6:25) Sa mga lunsod na pag-aari ng mga tao ng ibang mga bansa, kung kailangang kunin ang mga ito sa pamamagitan ng pakikipagdigma, ang mga birheng babae at mga bata ay pinaliligtas. (Deu 20:10-15) Ang lahat ng kagamitan o bagay na sinamsam ay kailangang linisin: Kung yari ito sa kayo, balat, o kahoy, dapat itong hugasan; kung metal naman, dapat itong gamitan ng apoy.—Bil 31:20-23.
Mga Apostatang Lunsod. Ang mga Israelitang lunsod na nag-apostata, ay lubusang pupuksain pati na ang lahat ng tumatahan sa mga iyon, ang samsam ay susunugin sa liwasan, at ang lunsod ay iiwang “isang bunton ng mga guho hanggang sa panahong walang takda.”—Deu 13:12-17.
Sinamsaman ni Kristo ang Bahay ni Satanas. Noong nasa lupa si Jesu-Kristo, sinamsaman o ‘nilooban’ niya ang bahay ni Satanas sa pamamagitan ng pagliligtas sa mga inaalipin ng mga demonyo, anupat pinagaling ang mga karamdamang idinulot sa kanila ng mga demonyo. (Mat 12:22-29) Isa pa, “nang umakyat siya sa kaitaasan ay nagdala siya ng mga bihag; nagbigay siya ng mga kaloob na mga tao.” Ang mga ito ay kinuha niya mula sa kontrol ni Satanas bilang mga kaloob ukol sa pagpapatibay ng kaniyang kongregasyon.—Efe 4:8, 11, 12.
Mga Mananamsam Mula sa Huwad na Relihiyon. Sinabi ni Kristo na ang mga eskriba at mga Pariseo ay gaya ng mga magnanakaw, ‘punô ng pandarambong,’ maliwanag na dahil sa pangingikil sa mga babaing balo at sa iba pang mga tao na walang kalaban-laban; at, isa pa, dahil pinananatili nila ang mga tao sa pagkaalipin sa relihiyon yamang inalis nila ang “susi ng kaalaman.” (Mat 23:25; Luc 11:52) Gayundin, malaking bahagi ang ginampanan ng relihiyosong mga lider ng mga Judio sa pandarambong sa mga pag-aari ng mga Kristiyano.—Heb 10:34.