Patibayin ang Iyong Pamilya sa Pamamagitan ng “Nakalulugod na mga Salita”
SA PAGLIPAS ng bawat minuto, lalong naiinis si David. Habang hinihintay niya sa sasakyan ang kaniyang misis, tingin siya nang tingin sa relo niya. Nang sa wakas ay lumabas ang kaniyang asawang si Diane, hindi na niya napigilan ang kaniyang galit.
“Bakit ba ang tagal-tagal mo?” ang sigaw niya. “Palagi ka na lang huli! Kailan ka ba darating sa oras?”
Labis na nasaktan si Diane. Napahagulhol siya at tumakbo pabalik sa bahay. Nang sandaling iyon, natanto ni David ang pagkakamali niya. Dahil sa silakbo ng galit niya, lumala ang situwasyon. Ano ngayon ang gagawin niya? Pinatay niya ang makina ng sasakyan, napabuntung-hininga, at sinundan ang kaniyang asawa sa bahay.
Hindi ba karaniwan nang nangyayari ang situwasyong ito? Naisip mo na ba na sana’y hindi ka nakapagbitiw ng gayong masasakit na salita? Kapag nagsasalita tayo nang hindi nag-iisip, madalas na nasasabi natin ang mga bagay na pinagsisisihan natin sa bandang huli. Angkop na angkop ang sinabi ng Bibliya: “Ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay upang makasagot.”—Kawikaan 15:28.
Gayunman, maaaring mahirap mag-isip nang malinaw bago magsalita, lalo na kung tayo’y nagagalit, natatakot, o nasasaktan. Kapag sinasabi natin ang ating niloloob, madalas na nauuwi ito sa paninisi o pamumuna, lalo na kung kapamilya natin. Bilang resulta, maaaring may masaktang damdamin o humantong ito sa pagtatalo.
Ano ang maaari nating gawin upang maging maganda ang resulta ng ating pakikipag-usap sa ating mga kapamilya? Paano natin makokontrol ang ating damdamin? May makukuha tayong kapaki-pakinabang na payo mula sa manunulat ng Bibliya na si Solomon.
Pag-isipan Kung Ano ang Iyong Sasabihin at Kung Paano Ito Sasabihin
Nang isulat ni Solomon, ang manunulat ng aklat ng Bibliya na Eclesiastes, ang kaniyang makatotohanang pagtalakay hinggil sa kawalang-saysay ng buhay, hindi niya itinago ang nadarama niya tungkol dito. “Kinapootan ko ang buhay,” ang sabi niya. Minsan ay sinabi niya na “kaylaking kawalang-kabuluhan” ng buhay. (Eclesiastes 2:17; 12:8) Pero ang Eclesiastes ay hindi talaan ng mga kabiguan ni Solomon. Naisip niya na hindi wasto na puro iyon na lamang ang talakayin. Sa pagwawakas ng kaniyang aklat, sinabi ni Solomon na “nagsikap [siyang] makasumpong ng nakalulugod na mga salita at makasulat ng wastong mga salita ng katotohanan.”—Eclesiastes 12:10.
Maliwanag na natanto ni Solomon na kailangan niyang kontrolin ang kaniyang damdamin. Sa diwa ay lagi niyang itinatanong sa kaniyang sarili: ‘Totoo ba o wasto ang iniisip kong sabihin? Kung gagamitin ko ang mga salitang naiisip ko, magiging kaayaaya o kalugud-lugod kaya ang mga ito sa iba?’ Sa pamamagitan ng pag-iisip ng “nakalulugod na mga salita” ng katotohanan, napigilan niya ang kaniyang damdamin na manaig sa kaniyang kaisipan.
Kaya naman, ang aklat ng Eclesiastes ay hindi lamang isang obra maestra kundi isa ring pinagmumulan ng karunungan mula sa Diyos hinggil sa kahulugan ng buhay. (2 Timoteo 3:16, 17) Makatutulong kaya sa atin ang paraan ng pagtalakay ni Solomon sa isang madamdaming paksa upang maging mas nakalulugod ang ating pakikipag-usap sa ating mga mahal sa buhay? Isaalang-alang ang isang halimbawa.
Pag-aralang Kontrolin ang Iyong Damdamin
Ipagpalagay na dumating sa bahay ang isang batang lalaki galing sa paaralan, dala-dala ang kaniyang report card, at mukhang malungkot. Tiningnan ng ama ang report card at napansin nitong bumagsak ang kaniyang anak sa isa sa mga asignatura nito. Kaagad na nagalit ang ama, na natatandaang maraming beses na hindi ginagawa ng bata ang kaniyang takdang-aralin. Gustung-gusto ng ama na sabihin: “Tatamad-tamad ka kasi! Kung lagi kang ganiyan, walang mangyayari sa buhay mo!”
Sa halip na hayaang galit ang manaig sa kaniyang sasabihin, makabubuting tanungin ng ama ang kaniyang sarili, ‘Totoo ba o wasto ang iniisip ko?’ Ang tanong na ito ay makatutulong sa kaniya na hindi madala ng kaniyang damdamin. (Kawikaan 17:27) Totoo bang walang mangyayari sa buhay ng bata dahil lamang may problema siya sa isang asignatura? Talaga bang tamad siya, o hindi niya ginagawa ang kaniyang takdang-aralin dahil nahihirapan siyang intindihin ang asignaturang iyon? Paulit-ulit na idiniriin ng Bibliya ang halaga ng pagiging makatuwiran at makatotohanan sa pagtingin sa mga bagay-bagay. (Tito 3:2; Santiago 3:17) Upang mapatibay ang loob ng isang bata, dapat magsalita ang magulang ng “wastong mga salita ng katotohanan.”
Mag-isip ng Angkop na mga Salita
Kapag naisip na ng ama ang dapat niyang sabihin, maaari niyang tanungin ang kaniyang sarili, ‘Ano kayang mga salita ang aking gagamitin upang malugod ang aking anak at matanggap niya ito?’ Oo, hindi madaling mag-isip ng angkop na mga salita. Pero dapat tandaan ng mga magulang na ang mga kabataan ay kadalasan nang nakadarama ng matinding kabiguan kapag hindi nila nagawa nang tama ang isang bagay. Baka palakihin nila ang isang pagkakamali o kahinaan, anupat bumababa ang tingin nila sa kanilang sarili. Kung hindi kokontrolin ng isang magulang ang kaniyang damdamin, baka tuluyan nang maniwala ang bata na talagang walang mangyayari sa buhay niya. Ganito ang sinasabi sa Colosas 3:21: “Huwag ninyong yamutin ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.”
Ang mga pananalitang gaya ng “palagi ka na lang ganiyan” at “wala kang silbi” ay karaniwan nang kalabisan. Kapag sinabi ng magulang, “Wala ka talagang silbi,” may matitira pa bang dignidad ang bata? Kung madalas na maririnig ng bata ang gayong mapanlait na pananalita, baka madama niya na wala na siyang kapag-a-pag-asa sa buhay. Siyempre, bukod sa nakasisira ito ng loob, hindi rin ito totoo.
Karaniwan nang makabubuting tingnan ang positibong mga bagay sa anumang situwasyon. Ang ama sa ating ilustrasyon ay maaaring magsalita ng ganito: “Anak, alam kong nalulungkot ka dahil may bagsak ka. Nakikita ko naman na nagsisikap ka sa iyong mga takdang-aralin. Kaya pag-usapan natin kung saan ka nahihirapan at tingnan natin kung paano lulutasin ang problema mo.” Upang malaman kung ano ang pinakamahusay na paraan para matulungan ang kaniyang anak, maaaring magtanong ang ama tungkol sa ilang espesipikong bagay para mabatid niya kung may iba pang problema.
Ang gayong mabait at pinag-isipang mabuting paraan ng pakikipag-usap ay malamang na mas mabisa kaysa sa pagsilakbo ng galit. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na “ang kaiga-igayang mga pananalita ay . . . matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.” (Kawikaan 16:24) Kapag nangingibabaw ang kapayapaan at pag-ibig sa sambahayan, napapatibay ang loob ng mga bata—sa katunayan, ng lahat ng miyembro ng pamilya.
“Mula sa Kasaganaan ng Puso”
Balikan natin ang asawang lalaki na binanggit natin sa pasimula. Hindi ba’t mas mabuti kung nag-isip siya ng “nakalulugod na mga salita” ng katotohanan sa halip na ilabas ang kaniyang galit sa kaniyang asawa? Sa gayong situwasyon, makabubuting tanungin ng asawang lalaki ang kaniyang sarili: ‘Kahit na kailangan ng asawa kong magsikap na maging nasa oras, talaga bang palagi siyang huli? Ito ba ang pinakamagandang panahon na sabihin ito sa kaniya? Mapapakilos kaya siyang magbago kung nakasasakit at mapamintas na mga salita ang sasabihin ko?’ Ang pagtatanong sa ating sarili ng gayong mga bagay ay makatutulong sa atin upang hindi natin masaktan ang ating mga minamahal.—Kawikaan 29:11.
Pero paano kung paulit-ulit na nauuwi sa pagtatalo ang pag-uusap ng pamilya? Baka kailangan nating suriin ang ating damdamin upang malaman kung bakit palaging gayon ang nasasabi natin. Ang sinasabi natin, lalo na sa maigting na situwasyon, ay maaaring magsiwalat ng kung ano talaga ang nasa loob natin. Sinabi ni Jesus: “Mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.” (Mateo 12:34) Sa ibang salita, madalas na makikita sa ating mga sinasabi ang ating kaisipan, mithiin, at saloobin.
Ang atin bang pananaw sa buhay ay makatotohanan at positibo? Kung gayon, malamang na makikita iyan sa ating pananalita at paraan ng pagsasalita. May tendensiya ba tayong maging istrikto, negatibo, o mapamuna? Kung oo, baka mapahina natin ang loob ng iba sa ating sinasabi o sa paraan ng ating pagsasalita. Baka hindi natin namamalayan na negatibo na pala ang ating pag-iisip o pananalita. Baka isipin pa nga nating tama ang ating pananaw sa mga bagay-bagay. Pero hindi natin dapat linlangin ang ating sarili.—Kawikaan 14:12.
Mabuti na lamang at taglay natin ang Salita ng Diyos. Makatutulong sa atin ang Bibliya na suriin ang ating mga kaisipan at alamin kung alin sa mga ito ang wasto at kung alin ang dapat baguhin. (Hebreo 4:12; Santiago 1:25) Anuman ang ating likas na ugali o ang paraan ng pagpapalaki sa atin, maaari nating baguhin ang ating pag-iisip at pagkilos kung talagang gugustuhin natin ito.—Efeso 4:23, 24.
Bukod sa pagbabasa ng Bibliya, may iba pa tayong magagawa upang masuri natin ang ating paraan ng pakikipag-usap. Tanungin ang iba hinggil dito. Halimbawa, tanungin ang iyong asawa o anak kung ano ang masasabi nila sa iyong paraan ng pakikipag-usap sa kanila. Makipag-usap sa isang may-gulang na kaibigan na talagang nakakakilala sa iyo. Kailangan ng kapakumbabaan upang matanggap ang kanilang sasabihin at magawa ang anumang kinakailangang pagbabago.
Mag-isip Muna Bago Magsalita!
Pinakamahalaga, kung talagang ayaw nating masaktan ang iba sa ating pananalita, dapat nating gawin ang sinasabi ng Kawikaan 16:23: “Iniisip ng matalino ang kanyang sasabihin, kaya naman ang kausap ay madali niyang akitin.” (Magandang Balita Biblia) Maaaring hindi laging madali na kontrolin ang ating damdamin. Pero kung pagsisikapan nating unawain ang iba sa halip na sisihin o maliitin sila, magiging mas madali para sa atin na makaisip ng angkop na mga salita upang sabihin ang ating niloloob.
Sabihin pa, lahat tayo’y di-sakdal. (Santiago 3:2) Kung minsan, nakapagsasalita tayo nang hindi nag-iisip. (Kawikaan 12:18) Pero sa tulong ng Salita ng Diyos, matututuhan nating mag-isip muna bago magsalita at isaalang-alang muna ang damdamin at kapakanan ng iba sa halip na ang sa atin. (Filipos 2:4) Maging determinado nawa tayo na mag-isip ng “nakalulugod na mga salita” ng katotohanan, lalo na kapag nakikipag-usap sa mga kapamilya. Sa gayon, ang ating pananalita ay hindi makasasakit at makasisira ng loob kundi sa halip ay makapagpapagaling at makapagpapatibay sa mga minamahal natin.—Roma 14:19.
[Larawan sa pahina 12]
Paano mo maiiwasang makapagbitiw ng mga salitang pagsisisihan mo sa bandang huli?