JONAS, AKLAT NG
Ang tanging aklat sa Hebreong Kasulatan na tumatalakay sa atas ng isang propeta ni Jehova na magtungo sa isang di-Israelitang lunsod at maghayag doon ng isang mensahe ng kapahamakan, na nag-udyok naman sa mga naninirahan sa lunsod upang magsisi. Inilalahad sa aklat na ito ang personal na mga karanasan ng manunulat nito, si Jonas na anak ni Amitai. Yamang maliwanag na siya ang Jonas na binabanggit sa 2 Hari 14:25, tiyak na humula siya noong panahon ng paghahari ni Haring Jeroboam II ng Israel (mga 844-804 B.C.E.). Samakatuwid, makatuwirang ipalagay na ang mga pangyayaring nakatala sa aklat ng Jonas ay naganap noong ikasiyam na siglo B.C.E.—Tingnan ang JONAS Blg. 1.
Autentisidad. Dahil kahima-himala ang maraming pangyayaring binabanggit sa aklat ng Jonas, madalas itong tuligsain ng mga kritiko ng Bibliya. Ang pagdating ng maunos na hangin at ang biglang paghupa nito, ang paglulon ng isda kay Jonas at ang pagluluwa nito sa kaniya nang walang pinsala pagkaraan ng tatlong araw, at ang mabilis na pagtubo at pagkamatay ng isang halamang upo ay pawang itinuturing na di-makasaysayan dahil hindi nangyayari sa ngayon ang gayong mga bagay. Maaari sanang magkaroon ng saligan ang pangangatuwirang ito kung inangkin ng aklat ng Jonas na ang mga pangyayaring iyon ay pangkaraniwan lamang noon. Ngunit wala itong sinasabing gayon. Inilalahad nito ang mga pangyayari sa buhay ng isang tao na binigyan ng Diyos ng pantanging atas. Samakatuwid, ang mga nagsasabi na talagang imposibleng mangyari ang mga bagay na ito ay alinman sa nagtatatwa sa pag-iral ng Diyos o hindi naniniwala na may kakayahan siyang kontrolin ang mga puwersa ng kalikasan at gayundin ang mga halaman, mga hayop, at mga tao sa pantanging paraan ukol sa kaniyang layunin.—Tingnan ang Mat 19:26.
Ano kayang uri ng nilalang sa dagat ang lumulon kay Jonas?
Madalas na iginigiit noon na walang nilalang sa dagat ang makalululon ng isang tao. Ngunit hindi makatuwiran ang argumentong ito. Ang sperm whale, isang balyena na may pagkalaki-laki at pakuwadradong ulo na mga sangkatlo ng haba nito, ay may lubos na kakayahang lumulon ng isang buong tao. (Walker’s Mammals of the World, nirebisa nina R. Nowak at J. Paradiso, 1983, Tomo II, p. 901) Kapansin-pansin na ipinakikita ng ebidensiya na noong sinaunang panahon, ang daungang-dagat ng Jope ay isang punong-himpilan ng mga nanghuhuli ng balyena. Sa kabilang dako, posible na great white shark, isang uri ng pating, ang isdang lumulon kay Jonas. Isang gaya nito ang nahuli noong 1939, at sa tiyan nito ay may nakuhang dalawang buong pating na tigdalawang metro (6 na piye) ang haba—bawat isa’y halos kasinlaki ng tao. At matatagpuan ang mga great white shark sa lahat ng karagatan, kasama na ang Mediteraneo. (Australian Zoological Handbook, The Fishes of Australia, ni G. P. Whitley, Sydney, 1940, Part 1—The Sharks, p. 125; The Natural History of Sharks, nina R. H. Backus at T. H. Lineaweaver III, 1970, p. 111, 113) Gayunman, dapat pansinin na simple lamang ang sinabi ng Bibliya: “Itinalaga ni Jehova ang isang malaking isda upang lulunin si Jonas,” at wala itong binanggit na espesipikong uri ng isda. (Jon 1:17) Kaya hindi maaaring matiyak kung anong “isda” ang tinutukoy. Sa totoo, hindi naman kumpleto ang kaalaman ng mga tao tungkol sa mga nilalang na nabubuhay sa karagatan. Ang magasing Scientific American (Setyembre 1969, p. 162) ay nagkomento: “Gaya noong nagdaang mga panahon, ang higit pang paggagalugad sa kalaliman ay tiyak na magsisiwalat ng di-pa-nailalarawang mga nilalang, kabilang na ang mga miyembro ng mga grupo na ipinapalagay na matagal nang nalipol.”
Inaakala ng ilan na ang autentisidad ng aklat ng Jonas ay mapag-aalinlanganan sa dahilang hindi pinatototohanan ng mga rekord ng Asirya ang gawain ng propetang ito. Gayunman, hindi dapat pagtakhan ang kawalan ng gayong impormasyon. Kaugalian ng mga bansa noong sinaunang panahon na ibunyi ang kanilang mga tagumpay, hindi ang kanilang mga kabiguan at kahihiyan, at alisin ang anumang di-kaayaaya sa kanila. Bukod diyan, yamang hindi lahat ng sinaunang rekord ay naingatan o natagpuan, walang sinuman ang may-katiyakang makapagsasabi na hindi kailanman nagkaroon ng isang ulat hinggil sa mga nangyari noong panahon ni Jonas.
Ang kakulangan ng ilang detalye (gaya ng pangalan ng hari ng Asirya at ng eksaktong lokasyon ng tuyong lupa na pinagluwaan kay Jonas) ay binabanggit bilang isa pang patotoo na hindi tunay na kasaysayan ang aklat ng Jonas. Gayunman, ipinagwawalang-bahala ng gayong pagtutol na ang lahat ng makasaysayang salaysay ay mga pinaikling ulat, yamang itinatala lamang ng istoryador ang impormasyon na itinuturing niyang mahalaga o kailangan para sa kaniyang layunin. Kaya naman sinabi ng komentaristang si C. F. Keil: “Wala ni isa man sa sinaunang mga istoryador ang may mga akda na ganito kakumpleto, at hindi maaasahan na sisikapin ng biblikal na mga istoryador na maglahad ng mga detalye na walang malapit na kaugnayan sa pangunahing layon ng kanilang salaysay, o sa relihiyosong kahalagahan ng mismong mga pangyayari.”—Commentary on the Old Testament, 1973, Tomo X, Introduction to Jonah, p. 381.
Batay sa interpretasyon sa arkeolohikal na ebidensiya na diumano’y ang sirkumperensiya ng pader na nakapalibot sa sinaunang Nineve ay mga 13 km (8 mi) lamang, inaangkin ng ilan na pinalabisan ng aklat ng Jonas ang laki ng lunsod nang sabihin nitong ang lunsod ay may layong nilalakad nang tatlong araw. (Jon 3:3) Gayunman, hindi ito makatuwirang dahilan upang kuwestiyunin ang binanggit ng Kasulatan. Kapuwa sa Biblikal at makabagong paggamit, ang pangalan ng isang lunsod ay maaaring sumaklaw sa mga karatig-pook nito. Sa katunayan, ipinakikita ng Genesis 10:11, 12 na “ang dakilang lunsod” ay binubuo ng Nineve, Rehobot-Ir, Cala, at Resen.
Ang hindi pagsulat ni Jonas sa unang panauhan ay ginagamit na dahilan upang siraan ang aklat. Ngunit hindi isinasaalang-alang ng argumentong ito na pangkaraniwan sa mga manunulat ng Bibliya na tukuyin ang kanilang sarili sa ikatlong panauhan. (Exo 24:1-18; Isa 7:3; 20:2; 37:2, 5, 6, 21; Jer 20:1, 2; 26:7, 8, 12; 37:2-6, 12-21; Dan 1:6-13; Am 7:12-14; Hag 1:1, 3, 12, 13; 2:1, 10-14, 20; Ju 21:20) Ginawa rin ito ng sekular na mga istoryador noong sinaunang panahon, gaya nina Xenophon at Thucydides. Ngunit kapansin-pansin na hindi kailanman pinag-alinlanganan ang pagiging tunay ng kanilang mga ulat salig sa bagay na ito.
Sa pambungad na pananalitang “ang salita ni Jehova ay nagsimulang dumating,” ipinakikita ng aklat ng Jonas na ito’y nagmula sa Diyos. (Jon 1:1) Mula pa noong sinaunang panahon, ang aklat na ito at ang iba pang makahulang mga aklat na may gayunding pambungad (Jer 1:1, 2; Os 1:1; Mik 1:1; Zef 1:1; Hag 1:1; Zac 1:1; Mal 1:1) ay tinatanggap na ng mga Judio bilang tunay. Ito mismo ay isa nang katibayan ng autentisidad ng aklat. Kaya naman sinabi ng The Imperial Bible-Dictionary: “Sa katunayan ay imposibleng mangyari . . . na ilalakip ng mga Judiong awtoridad ang gayong aklat sa kanon ng Kasulatan nang walang napakatibay na ebidensiya ng pagiging tunay at mapananaligan.”—Inedit ni P. Fairbairn, London, 1874, Tomo I, p. 945.
Karagdagan pa, ang aklat na ito ay lubusang kasuwato ng iba pang bahagi ng Kasulatan. Kinikilala nito na ang kaligtasan ay nagmumula kay Jehova (Jon 2:9; ihambing ang Aw 3:8; Isa 12:2; Apo 7:10), at ipinakikita ng salaysay nito ang awa, mahabang pagtitiis, pagtitimpi, at di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova sa pakikitungo sa mga taong makasalanan.—Jon 3:10; 4:2, 11; ihambing ang Deu 4:29-31; Jer 18:6-10; Ro 9:21-23; Efe 2:4-7; 2Pe 3:9.
Ang isa pang ebidensiya ng autentisidad ng aklat na ito ng Bibliya ay ang pagkatahasan nito. Hindi nito pinagtakpan ang di-wastong saloobin ni Jonas may kaugnayan sa kaniyang atas at sa hindi pagpuksa ng Diyos sa mga Ninevita.
Ngunit ang pinakamatibay na ebidensiya ay nagmula sa mismong Anak ng Diyos. Sinabi niya: “Walang tanda na ibibigay [sa salinlahing ito] maliban sa tanda ni Jonas na propeta. Sapagkat kung paanong si Jonas ay nasa tiyan ng pagkalaki-laking isda nang tatlong araw at tatlong gabi, gayundin ang Anak ng tao ay mapapasapuso ng lupa nang tatlong araw at tatlong gabi. Ang mga tao ng Nineve ay babangon sa paghuhukom kasama ng salinlahing ito at hahatulan ito; sapagkat sila ay nagsisi sa ipinangaral ni Jonas, ngunit, narito! isang higit pa kaysa kay Jonas ang narito.” (Mat 12:39-41; 16:4) Ang pagkabuhay-muli ni Kristo Jesus ay magiging kasintunay ng pagkaligtas ni Jonas mula sa tiyan ng isda. At ang salinlahing nakarinig sa pangangaral ni Jonas ay tiyak na literal ding gaya ng salinlahing nakarinig sa sinabi ni Kristo Jesus. Kung kathang-isip lamang ang mga tao ng Nineve, hindi sila maaaring bumangon sa paghuhukom at humatol sa isang manhid na salinlahi ng mga Judio.
[Kahon sa pahina 1240]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG JONAS
Ang mga karanasan ni Jonas nang atasan siyang humula sa isang bayang pagano, ang mga naninirahan sa Nineve
Isinulat ito noong mga 844 B.C.E., mga 100 taon bago dalhin ng Asirya ang Israel sa pagkatapon
Ang pagtakas ni Jonas (1:1–2:10)
Inatasan si Jonas na babalaan ang mga Ninevita hinggil sa galit ni Jehova ngunit sumakay siya sa isang barko na patungong Tarsis
Isang napakalakas na bagyo ang dumaluyong at dahil dito ay nanganib na mawasak ang barko
Ang natakot na mga marinero ay tumawag sa kanilang mga diyos, sinikap nilang pagaanin ang barko, at pagkatapos ay nagpalabunutan sila upang alamin kung sino ang dahilan ng kapahamakan
Si Jonas ang napili sa palabunutan; sinabi niya sa mga marinero na ihagis siya sa dagat sapagkat siya ang dahilan ng unos
Yamang ayaw itong gawin ng mga magdaragat, sinikap nilang maibalik sa katihan ang barko; nang mabigo sila, inihagis nila si Jonas sa dagat; kaagad na humupa ang bagyo
Nang nasa tubig na si Jonas, nilulon siya ng isang malaking isda
Mula sa loob ng tiyan ng isda, nanalangin siya kay Jehova at nangakong tutuparin ang kaniyang ipinanata
Nang dakong huli, iniluwa ng isda si Jonas sa tuyong lupa
Pumaroon si Jonas sa Nineve (3:1–4:11)
Muling tinagubilinan ni Jehova si Jonas na pumaroon sa Nineve upang ihayag ang Kaniyang babala
Pumaroon si Jonas sa Nineve at ipinatalastas na ang lunsod ay gigibain pagkaraan ng 40 araw
Nagsisi ang mga Ninevita; sa utos ng hari, dinamtan nila ng telang-sako ang kanilang mga hayop at ang kanilang sarili at nagmakaawa sila sa Diyos; “ikinalungkot” ni Jehova ang inihulang kapahamakan
Lubhang nagalit si Jonas dahil hindi na wawasakin ang Nineve; nagtayo siya ng isang kubol sa labas ng lunsod, umupo sa lilim nito, at naghintay sa mangyayari
Nagpatubo si Jehova ng isang halamang upo upang magbigay kay Jonas ng nakagiginhawang lilim; nang sumunod na araw, sinalanta ng isang uod ang halaman at ito’y natuyo; batay sa naging reaksiyon dito ni Jonas, ipinaliwanag ni Jehova sa kaniya kung bakit Niya pinagpakitaan ng awa ang mahigit 120,000 naninirahan sa Nineve