Isang Dakilang Milenyo Malapit Na
“At nakita ko ang mga trono, at may mga nakaupo roon, at binigyan sila ng kapangyarihang maghukom. Oo, nakita ko ang mga kaluluwa ng mga pinatay ng palakol dahil sa kanilang pagpapatotoo tungkol kay Jesus at sa pagsasalita tungkol sa Diyos, at sila’y hindi sumamba sa mabangis na hayop ni sa kaniyang larawan man at hindi tumanggap ng tanda sa kanilang noo at sa kanilang kamay. At sila’y nabuhay at naghari na kasama ng Kristo nang may isang libong taon.” “At papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa mga mata [ng sangkatauhan], at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”—Apocalipsis 20:4; 21:4.
GANIYAN ang hula ng Bibliya tungkol sa isang napipintong dakilang milenyo—ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo at ng kaniyang kasamang isang pangkat ng makalangit na mga hari. Baka iniisip mong ang hulang ito ay isa lamang guniguni, isang malikmata. Gayunman may sapat na dahilan na malasin mo ang Milenyong ito bilang isang napipintong katunayan!
Unang-una, ang pag-aaral ng Bibliya ay magsisiwalat sa iyo na ito’y may sinasabi tungkol sa nakalipas na anim na milenyo ng kasaysayan ng tao na lubhang mapanghahawakan. Isa pa, ang Bibliya ay isang aklat ng hula, at ang lubhang marami ng mga hula nito, o mga propesiya, ay natupad na ang bawat detalye.a Kung gayon, bakit ang Bibliya’y hindi mapaniniwalaan sa paghula sa napipintong Milenyo ng paghahari ni Kristo? Baka naman nagtataka ka kung ano ang sinasabi sa atin ng Bibliya tungkol sa yugtong iyon ng panahon. Ano ba ang layunin niyaon? At ang lalong interesado kang malaman, papaano maaapektuhan niyaon ang iyong buhay?
Isang Nawalang Mana
Ipinakikita ng Bibliya na ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo ang paraan niya ng pagsasalin ng isang napakahalagang mana sa kaniyang “mga anak.” Ngunit ano bang mana? At ano bang “mga anak”? Ang mana ay masasabing isang bagay na ipinasa sa anak ng isang tao pagkamatay niya. Nang ang ating ninunong si Adan ay sumuway sa Diyos, kaniyang naiwala para sa kaniyang sarili at sa lahat ng kaniyang supling—ang buong lahi ng sangkatauhan—ang karapatan sa buhay na walang-hanggan sa isang makalupang paraiso. Ang naipamana ni Adan sa kaniyang mga inapo ay kasalanan, kamatayan, at kahirapan.—Genesis 3:1-19; Roma 5:12.
Si Jesus ay naparito sa lupa bilang isang tao upang mabawi para sa sangkatauhan ang mana na iniwala ni Adan. Ito’y ginawa niya sa pamamagitan ng pagpapatunay na tapat kay Jehovang Diyos, kusang inihandog niya ang kaniyang buhay alang-alang sa sangkatauhan. (Juan 3:16) Sa pamumuhay ng isang sakdal, walang-kasalanang buhay, nakamit ni Jesus ang karapatan sa walang-hanggang sakdal na buhay sa Paraiso sa lupa—ang mismong bagay na naiwala ni Adan. Gayunman, hindi ginamit ni Jesus ang karapatang iyan; hindi rin naman niya naiwala ito nang siya’y mamatay at buhaying-muli sa langit. Kaya magagamit niya ito bilang isang mahalagang mana na maipamamana sa kaniyang “mga anak.”—Roma 5:18, 19.
Ang Magmamana—“Mga Anak” ni Kristo
Sa Isaias 9:6 si Jesus ay makahulang tinatawag na “Walang-Hanggang Ama.” Siya ang nagiging Walang-Hanggang Ama ng tinubos na sanlibutan ng sangkatauhan, nasa katayuan na ang isang mana ay ipamana sa mga tinubos, o inampon na mga anak. (Mateo 20:28; tingnan din ang Awit 37:18, 29.) Ito’y malinaw na makikita sa kaniyang pangako: “Halikayo, kayong mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo buhat sa pagkatatag ng sanlibutan.” Sinabi pa niya: “Maligaya ang maaamo, sapagkat mamanahin nila ang lupa.”—Mateo 5:5; 25:34.
Gayunman, upang ang lupa ay maging karapat-dapat manahin, ang mga kalagayan dito ay kailangang baguhin nang malaki—isauli sa kasakdalan! Ito’y kailangang maging isang sanlibutan na kung saan sakdal na kapayapaan at pagkakaisa ang naghahari sa gitna ng lahat ng mga nilikha ng Diyos. (Isaias 11:6-9) Lahat ng bakas ng di-kasakdalan ng tao ay kailangang mapawi, kasali na ang kamatayan. (1 Corinto 15:25, 26) Ito’y nangangahulugan na ang mga nangamatay, na bahagi ng tinubos na sangkatauhan, ay kailangang buhaying-muli. Tanging sa ganitong paraan maaari silang magkaroon ng pagkakataon na maging mga tagapagmana ni Kristo!—Juan 5:28, 29.
Sa gayon, ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo ay magiging isang maligayang panahon na doon ang sangkatauhan ay unti-unting “palalayain buhat sa pagkaalipin sa kabulukan” at makararating sa kasakdalan. (Roma 8:21) Kapansin-pansin, maging ang mga lathalain sa sanlibutan ay kumikilala nito bilang layunin ng isang milenyo. Sa Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary (1985 edisyon) ay ipinangangahulugan ang “milenyo” bilang “isang panahon ng malaking kaligayahan o kasakdalan ng tao.”
Mas Dakila Kaysa Paghahari ni Solomon
Ang maluwalhating milenyong ito ay maihahalintulad sa mapayapa at masaganang 40-taóng paghahari ni Haring Solomon sa sinaunang Israel. (1 Hari 4:24, 25, 29) Nang si Haring Solomon ay dalawin ng reyna ng Sheba, ito’y nagsabi: “Totoo ang balitang aking narinig sa aking sariling lupain tungkol sa iyong mga gawa at tungkol sa iyong karunungan. Gayunma’y hindi ko pinaniwalaan ang mga salita hanggang sa ako’y dumating at nakita ng aking mga mata; at, narito! ang kalahati ay hindi naisaysay sa akin. Ang iyong karunungan at kaunlaran ay higit kaysa kabantugan na aking narinig. Maligaya ang iyong mga lalaki; maligaya ang iyong mga lingkod na ito na nangakatayong palagi sa harap mo, at nakaririnig ng iyong karunungan!”—1 Hari 10:6-8.
Kung ang kapayapaan, kaunlaran, at karunungan ng makalupang 40-taóng pamamahala ni Haring Solomon ay nakahigit, oo, ng higit pa sa doble, ng dakilang mga bagay na inaasahan ng reyna ng Sheba, ang Sanlibong Taóng Pamamahala ng lalong-dakila kaysa kay Solomon, ang makalangit na Haring Jesu-Kristo, ay tiyak na makahihigit pa sa maguguniguni ng tao! Sa mga salita ni Jesus mismo, siya ay “isang lalong dakila kaysa kay Solomon.” (Mateo 12:42) Gunigunihin mo ang pinakamalusog, maunlad, mapayapa, matuwid, at maligayang mga kalagayan sa lupa na maaari mong maguniguni, at hindi mo pa rin masasakyan kahit na ang isang pinakamaliit na kudlit na ilalaan ng Milenyo ni Kristo.
Kasabay ba ng Ikatlong Milenyo?
Ang mga pangyayari sa daigdig sapol noong 1914 ay nagpapatunay na tayo’y nabubuhay sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Sinabi pa ni Jesus na ang salinlahi na may kaugnayan sa mga inihulang pangyayaring ito ay “sa anumang paraan hindi lilipas hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.” Kung gayon, ang ibig bang sabihin nito ay na makakasabay ng ikatlong milenyo ang Milenyong Paghahari ni Kristo?—Mateo 24:3-21, 34.
Si Jesus ay nagbabala sa kaniyang mga alagad na huwag magbakasakali. Ang sabi niya: “Hindi ukol sa inyo na makaalam ng mga panahon o ng mga bahagi ng panahon na itinakda ng Ama sa kaniyang sariling kapamahalaan.” (Gawa 1:7) At tungkol sa eksaktong “araw at oras” ng kung kailan magaganap ang mga pangyayaring ito, sinabi ni Jesus na tanging ang kaniyang Ama, si Jehovang Diyos, ang nakababatid. (Mateo 24:36) Samakatuwid, ang Bibliya ay hindi sumusuporta sa kaninuman sa dumaraming bilang ng mga propeta ng kapahamakan at ng mga kilusan na nagpapahayag na sa pagsapit ng hatinggabi sa Media Noche, 1999, ay katapusan na ng sanlibutan.
Gayunman, malinaw na ipinakikita ng kasalukuyang mga pangyayari sa daigdig na ang panahon ng wakas ng madilim, balakyot na sistemang ito ng mga bagay ay “malayo na” ang nalalakaran at ang Milenyo ni Kristo ay “malapit na.” (Roma 13:12) Sa halip na magbakasakali tungkol sa eksaktong araw at oras ng pagdating nito, ngayon ay lubhang napapanahon na upang kumuha ng kaalaman tungkol sa mga kahilingan ng Diyos para ang isa’y makaligtas. (Juan 17:3) Sa ganitong paraan ay matututo ka kung papaano makakabilang sa mga taong pagsasabihan ni Jesus: “Halikayo, kayong pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo buhat sa pagkatatag ng sanlibutan.” (Mateo 25:34) Ang mga Saksi ni Jehova ay handa at makatutulong sa iyo upang ikaw ay makabilang sa mga taong magtatamasa ng mga pagpapala ng darating na dakilang Milenyo.b
[Mga talababa]
a Tingnan ang aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Isang walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang maaaring isaayos sa pamamagitan ng pagsulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.
[Blurb sa pahina 6]
“Halikayo, kayong mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo buhat sa pagkatatag ng sanlibutan”