KABANATA 42
Sinaway ni Jesus ang mga Pariseo
MATEO 12:33-50 MARCOS 3:31-35 LUCAS 8:19-21
SINABI NI JESUS ANG “TANDA NG PROPETANG SI JONAS”
MAS MALAPÍT SI JESUS SA KANIYANG MGA ALAGAD KAYSA SA PAMILYA NIYA
Dahil ayaw tanggapin ng mga eskriba at Pariseo na mula sa Diyos ang kapangyarihan ni Jesus na magpalayas ng mga demonyo, nanganganib silang magkasala ng pamumusong laban sa banal na espiritu. Kaya kaninong panig sila—sa Diyos o kay Satanas? Sinabi ni Jesus: “Kung ang puno ninyo ay mabuti, mabuti rin ang bunga nito, at kung ang puno ninyo ay bulok, bulok din ang bunga nito, dahil ang puno ay nakikilala sa bunga nito.”—Mateo 12:33.
Kamangmangan na sabihing ang mabuting bunga, ang pagpapalayas ng demonyo, ay resulta ng paglilingkod ni Jesus kay Satanas. Gaya ng binanggit ni Jesus sa Sermon sa Bundok, kung ang bunga ay mabuti, ang puno ay mabuti, hindi bulok. Kaya ano ang pinatutunayan ng bunga ng mga Pariseo—ang walang basehang mga akusasyon nila kay Jesus? Na sila ay bulok. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Kayong mga anak ng mga ulupong, paano kayo makapagsasalita ng mabubuting bagay, gayong masama kayo? Lumalabas sa bibig kung ano ang nag-uumapaw sa puso.”—Mateo 7:16, 17; 12:34.
Oo, makikita sa pananalita natin ang kondisyon ng ating puso, at nagiging basehan ito ng paghatol. Kaya sinabi ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom, mananagot ang mga tao sa bawat walang-kabuluhang pananalitang sinasabi nila; dahil pawawalang-sala ka o hahatulan depende sa pananalita mo.”—Mateo 12:36, 37.
Hindi kontento ang mga eskriba at Pariseo sa mga himala ni Jesus: “Guro, gusto naming makakita ng isang tanda mula sa iyo.” Nakita man nila o hindi ang mga himala ni Jesus, maraming nakakita nito ang magpapatunay na totoo ang mga ito. Kaya masasabi ni Jesus sa mga Judiong lider: “Ang napakasama at taksil na henerasyong ito ay palaging naghahanap ng tanda, pero walang tandang ibibigay sa kanila maliban sa tanda ng propetang si Jonas.”—Mateo 12:38, 39.
Ipinaliwanag ni Jesus ang ibig niyang sabihin: “Kung paanong si Jonas ay nasa tiyan ng napakalaking isda nang tatlong araw at tatlong gabi, ang Anak ng tao ay mananatili sa libingan nang tatlong araw at tatlong gabi.” Nilunok ng malaking isda si Jonas at iniluwa na para bang binuhay siyang muli. Kaya inihula ni Jesus na siya mismo ay mamamatay at ibabangon sa ikatlong araw. Kahit natupad iyan nang maglaon, hindi pa rin kinilala ng mga Judiong lider ang “tanda ng propetang si Jonas,” at ayaw nilang magsisi at magbago. (Mateo 27:63-66; 28:12-15) Sa kabaligtaran, ang “mga taga-Nineve” ay nagsisi matapos pangaralan ni Jonas. Kaya hahatulan nila ang henerasyong ito. Sinabi rin ni Jesus na hahatulan sila ng reyna ng Sheba sa pamamagitan ng halimbawa nito. Ninais ng reyna na marinig ang karunungan ni Solomon at humanga siya rito. Sinabi ngayon ni Jesus na “higit pa kay Solomon ang narito.”—Mateo 12:40-42.
Inihalintulad ni Jesus ang sitwasyon ng napakasamang henerasyong iyon sa isang lalaki na sinaniban ng masamang espiritu at nakalaya. (Mateo 12:45) Dahil nanatiling bakante ang inalisan ng masamang espiritu at hindi ito pinunô ng lalaki ng mabubuting bagay, bumalik ang masamang espiritu at nagsama ng pito pang mas masama at sumanib silang lahat sa lalaki. Sa katulad na paraan, ang Israel ay nilinis at binago—gaya ng lalaking sinaniban at nakalaya. Pero hindi tinanggap ng bansa ang mga propeta ng Diyos, at sinalansang din maging si Jesus, na kitang-kitang ang kapangyarihan ay galing sa Diyos. Talagang mas masama ngayon ang kalagayan ng bansa kaysa noong una.
Habang nagsasalita si Jesus, dumating ang kaniyang ina at mga kapatid at tumayo sa labas ng bahay. Sinabi ng ilang nakaupo malapit kay Jesus: “Ang iyong ina at mga kapatid ay nakatayo sa labas at gusto kang makita.” Pagkatapos, ipinakita ni Jesus kung gaano kalapít ang loob niya sa kaniyang mga alagad, na parang mga kapatid na niya at ina. Sinabi niya habang itinuturo ang kaniyang mga alagad: “Ito ang aking ina at mga kapatid, ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at gumagawa nito.” (Lucas 8:20, 21) Kaya kahit mahal ni Jesus ang mga kamag-anak niya, mas mahal niya ang kaniyang mga alagad. Mapapatibay rin tayo ng pagiging malapít sa ating mga kapatid sa pananampalataya, lalo na kapag tinutuya tayo o hindi pinaniniwalaan ng iba!