Ang Pagpapala ni Jehova ang Nagpapayaman
“Mahirap para sa taong mayaman na pumasok sa kaharian ng langit.”—MATEO 19:23.
1, 2. Ano ang pagkakaiba sa dalawang uri ng kayamanan?
ANO kaya kung may magsabi sa iyo, “Mayaman ka na”? Marami ang nagkakaroon ng di-kawasang katuwaan pagka sinabi ito sa kanila, kung ang tinutukoy ay kayamanang salapi, lupain, o de-luhong mga ari-arian. Subalit isaalang-alang ang kayamanan buhat sa ganitong pangmalas: “Ang pagpapala ni Jehova—iyan ang nagpapayaman, at hindi niya idinaragdag ang kapanglawan.”—Kawikaan 10:22.
2 Sa pakikitungo ng Diyos sa sinaunang mga patriarka at sa bansang Israel, kaniyang pinagpala ang kanilang katapatan at binigyan sila ng kasaganaan. (Genesis 13:2; Deuteronomio 28:11, 12; Job 42:10-12) Si Haring Solomon ay isa na sa mga pinagpala. Siya’y naging napakayaman. Gayunman ay napag-alaman niya sa pamamagitan ng karanasan na ang buhay na nakasentro sa materyal na kayamanan “ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.” (Eclesiastes 2:4-11; 1 Hari 3:11-13; 9:14, 28; 10:10) Kaya’t nang isulat ni Solomon, “Ang pagpapala ni Jehova—iyan ang nagpapayaman,” hindi ang materyal na kayamanan ang kaniyang idinidiin. Kaniyang sinasabi ang katotohanan na kung ikaw ay may pagpapala ng Diyos, ang iyong buhay ay lalong higit na mayaman kaysa mga taong hindi naglilingkod sa kaniya. Paano ngang nagkagayon?
3. Sa anong mga paraan tunay na mayaman ka kung taglay mo ang mga pagpapala ng Diyos?
3 Kung ikaw ay isang Kristiyano, tatamasahin mo ngayon ang pagsang-ayon ni Jehova at tatanggap ka sa kaniya ng mga pagpapala na tulad baga ng maka-Diyos na karunungan. Ikaw ay tatanggapin sa isang tulad-pamilyang kongregasyon ng mga Kristiyano na maliligaya, nagtitiwala, at interesado sa iyo. Ang mga kautusan ng Diyos ang maglalayo sa iyo sa maraming sakit at panganib. May dahilan ka ring umasa ng makalangit na proteksiyon at makatawid sa “malaking kapighatian” na dumaratal sa balakyot na sistemang ito—at magtamo ng buhay sa walang hanggang Paraiso dito sa lupa pagkatapos. Kaya, nakikita mo, dahil sa ganiyang kahanga-hangang mga pagpapala at mga pag-asa, tunay na masasabi mong, “Ako’y mayaman!”—Mateo 24:21, 22.
4. Paano mo maaaring maisapanganib ang iyong pagiging mayaman sa espirituwal? (Apocalipsis 3:17, 18)
4 Ang iyong pagiging “mayaman” dahil sa mga pagpapala ni Jehova ay, bagaman gayon, maisasapanganib ng mga ibang kayamanan—salapi o materyal na kayamanan. Kakaunti sa atin (matatag man ang kabuhayan o hindi) ang agad aamin, ‘Nakaharap ako sa isang tunay na panganib na mailigaw dahilan sa pag-ibig sa salapi.’ Subalit, alalahanin ang babala: “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uring kasamaan, at sa pagsusumakit sa pag-ibig na ito ang iba ay naihiwalay sa pananampalataya at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming pasakit.” (1 Timoteo 6:10) Iyan ay isinulat sa panahon na lahat ng aprobadong mga Kristiyano ay pinahiran ng espiritu ng Diyos bilang tanda na sila’y magiging makalangit na mga hari kasama ni Kristo. Malamang na marami ang personal na nakakilala sa mga apostol at mga iba pa na nakasama ni Jesus. Kung ang iba sa kanila’y “naihiwalay” ng salapi, anong laki nga ng panganib para sa atin din naman!—2 Corinto 5:5; Roma 8:17, 23.
Ang Taong Mayaman at ang Kamelyo
5. Ano ang pangmalas ni Jesus sa kayamanan?
5 Malimit noon na binabanggit ni Jesus ang panganib ng kayamanan, sapagkat ito’y isang panganib na nakaharap sa lahat, doon sa mga mayayaman at doon din sa mga hindi. (Mateo 6:24-32; Lucas 6:24; 12:15-21) Bilang batayan ng pagsusuri sa sarili, isaalang-alang ang sinabi ni Jesus minsan, ayon sa pagkalahad sa Mateo 19:16-24; Marcos 10:17-30; at Lucas 18:18-30. Oo, bakit hindi huminto sandali ngayon upang basahin ang isa o lahat ng mga paglalahad na ito?
6, 7. (a) Anong pag-uusap ang namagitan kay Jesus at sa isang binata? (b) Pagkatapos, anong payo ang ibinigay ni Jesus?
6 Isang binatang pinuno ang lumapit kay Jesus at nagtanong: “Ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” Siya’y inakay ni Jesus tungo sa Kautusan, at sa gayo’y ipinakita na hindi nagkulang si Jehova sa pagpapakita kung ano ang kinakailangan. Ang itinugon ng taong iyon ay na nasunod daw niya ang mga utos ng Diyos ‘magmula pa sa kaniyang kabataan.’ Para ngang siya’y nasa pintuan na patungo sa buhay, ngunit kaniyang nahalata na siya’y mayroon pang kulang. Marahil naisip niya na baka mayroon pang karagdagang kabutihan, isang gawang kabayanihan, na dapat gawin upang maisagawa ang huling hakbang para makapasok sa pintuan na patungo sa buhay na walang hanggan. Ang tugon ni Jesus ay malawak ang kahulugan: “Ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa dukha, at ikaw ay magkakaroon ng kayamanan sa langit; at pumarito ka at sumunod sa akin.” Ano ang nangyari? “Nang kaniyang marinig ito, siya’y totoong nalungkot, sapagkat siya’y napakayaman [o, maraming ari-arian].” Kaya’t lumisan ang tao.—Lucas 18:18, 21-23; Marcos 10:22.
7 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus: “Anong pagkahirap-hirap nga para sa mga taong may salapi na pumasok sa kaharian ng Diyos! Oo, mas madali pa para sa isang kamelyo na dumaan sa butas ng isang karayom kaysa isang taong mayaman na makapasok sa kaharian ng Diyos.” (Lucas 18:24, 25) Ang payo bang iyan ay para lamang sa mayamang pinunong iyon? O ikaw ba ay kasali rin diyan, mayaman ka man o mahirap? Tingnan natin.
8. (a) Ang binatang pinunong Judiyo ay kagaya nino? (b) Ano ang kaniyang pagkukulang, at bakit dapat din nating ikabahala iyan?
8 Matutulungan kang maunawaan ang kalagayan ng kabataang pinunong iyon kung guguni-gunihin mo ang isang makabagong katumbas niya—isang malinis na kabataang Kristiyano na may mahusay na kaalaman sa Bibliya, mabuting moral, at galing sa isang mayamang pamilya. Baka managhili ka sa ganiyang tao sa ngayon. Subalit si Jesus ay nakasumpong ng isang malaking pagkukulang sa binatang Judiyong iyon: Ang kaniyang kayamanan o mga ari-arian ay totoong mahalaga sa kaniyang buhay. Kaya naman siya pinayuhan ni Jesus ng gayon nga. Makikita mo kung bakit ang ulat na ito sa Bibliya ay para sa ating lahat, mayaman man o mahirap. Ang salapi at mga ari-arian ay baka bigyan natin ng totoong importansiya, bagaman mayroon na tayo nito o nagnanasa lamang tayong magkaroon nito.
9. Paano natin nalalaman na hindi ang kayamanan mismo ang minamasama ni Jesus?
9 Hindi ibig sabihin ni Jesus na ang isang taong may materyal na kayamanan ay hindi makapaglilingkod sa Diyos. Marami ang mayayamang naglilingkod. Ang binatang Judiyong iyon ay naglilingkod naman—sa paano man. Nariyan ang maniningil ng buwis na si Zakeo, na “mayaman.” (Lucas 19:2-10) May mga pinahirang Kristiyano noong unang siglo na mayayaman at sa gayo’y napaharap sa kanila ang hamon na maging “bukas-palad, handang magbigay.” (1 Timoteo 6:17, 18; Santiago 1:9, 10) At mayroon ding mga ilang mayayamang Kristiyano sa ngayon. Kadalasa’y saganang nagbibigay sila upang sumuporta sa gawaing pang-Kaharian, kanilang inihahandog ang kanilang mga tahanan para sa mga pagpupulong, at ginagamit ang kanilang mga kotse sa ministeryo. Bakit, kung gayon, sinabi ni Jesus ang gaya ng sinabi niya tungkol sa taong mayaman at sa kamelyo? Ano ang maaari nating matutuhan dito?
10. Anong konklusyon ang masasabi natin batay sa payo ni Jesus nang pagkakataong iyon?
10 Gaya ng makikita mo, isang bagay ang magsimula ng pagsamba sa Diyos; at isa namang bagay ang magpatunay na tapat ka hanggang sa wakas. (Mateo 24:13; Filipos 3:12-14) Marahil ay ito ang nasa isip ni Jesus nang kaniyang sabihin: “Madali pa para sa isang kamelyo na dumaan sa butas ng karayom kaysa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.” (Marcos 10:25) Walang kamelyo ang makakalusot sa pagkaliit-liit na butas ng isang karayom, kaya’t maliwanag na si Jesus ay gumagamit noon ng isang hyperbole, isang talinghaga na hindi literal ang kahulugan. Subalit, ipinakikita niyaon kung papaanong mahirap para sa isang taong mayaman ng gumawa ng isang bagay. Ano? Hindi lamang ang magpasimula ng paglilingkod sa Diyos, hindi, kundi ‘ang pagpasok sa kaharian,’ sa aktuwal ay ang pagtatamo ng buhay na walang hanggan. Mayaman ka man o mahirap, ang payo ni Jesus ay tutulong sa iyong kaisipan, sa iyong espirituwal na pagsulong, at sa iyong pagtatamo ng buhay na walang hanggan.
Bakit Napakahirap Para sa Mayaman?
11. Paanong ang mga dukha at ang mayayaman ay apektado ng pangangaral ni Jesus?
11 Dahil sa pangangaral na ginawa ni Jesus at ng mga apostol, ‘sa mga dukha ay naipangaral ang mabuting balita.’ (Mateo 11:5) Hindi naman nagtatangi noon laban sa mayayaman. Ngunit wari ngang ang marami sa mga dukha ang naging palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan at nagsitugon sa pabalita ng pag-asa. (Mateo 5:3, 6; 9:35, 36) Ang mayayamang Judiyo ay higit na nasisiyahan sa kalakaran ng mga bagay. (Ihambing ang Lucas 6:20, 24, 25.) Gayunman, noon ay mayroong mga kataliwasan, at mayroon din sa ngayon. Mayroong mga taong mayayaman na tumatanggap sa pabalita ng Bibliya at naglilingkod sa Diyos. Ang resulta para sa kanila ay maaaring lumabas na kahanga-hanga. Ganoon ang nangyari kay Pablo, na hindi nahadlangan ng kaniyang kalagayan sa buhay. (Filipos 3:4-8) Gayunman, sinabi ni Jesus na ito’y magiging lalong mahirap para sa mayaman.
“Daya ng Kayamanan”
12, 13. (a) Sa isang ilustrasyon, anong punto ang idiniin ni Jesus tungkol sa mga pagsusumakit dahil sa mga kabalisahan? (b) Bakit ang mayayaman ay nakaharap sa isa pang hadlang?
12 Sa kaniyang ilustrasyon ng mga binhi na nahulog sa iba’t-bang uri ng lupa, sinabi ni Jesus na mayroong mga binhi na “nahulog sa dawagan, at nagsilaki ang mga dawag at ininis ang mga iyon.” Kaniyang ipinaliwanag: “At ang nahasik sa mga dawagan, ito yaong dumirinig ng salita, ngunit ang pagsusumakit ukol sa sistemang ito ng mga bagay at ang daya ng kayamanan ang siyang uminis sa salita, at siya’y naging walang bunga.” (Mateo 13:7, 22) Halos lahat ng tao ay nakakaranas sa paano man ng “pagsusumakit ukol sa sistemang ito ng mga bagay.” Madaling makita kung bakit nga ganiyan kung tungkol sa isang tao na maralita, walang hanapbuhay, o may kapansanan. Baka hindi ganiyang kabalisahan ang dinaranas ng isang taong may kabuhayan, subalit siya man ay maaaring magkaroon din ng kabalisahan dahil sa epekto ng implasyon, mga pagbabago sa buwis, o sa panganib sa siya’y nakawan. Kaya mayaman man o mahirap ay pawang nagsusumakit dahil sa kabalisahan.—Mateo 6:19-21.
13 Ipinakita ni Jesus na mayroon ding mga mahahadlangan dahilan sa “daya ng kayamanan.” Maaaring ang isa ay mapusok na magtagumpay sa negosyo. Ang milyonaryong si Aristotle Onassis ay nagkomento minsan: “Pagka sumapit ka na sa isang punto, ang salapi ay nagiging di-mahalaga. Ang mahalaga ay ang tagumpay. Ang makatuwirang dapat gawin ay huminto na ako ngayon. Pero hindi puede. Kailangang patuloy na asintahin ko ang lalong mataas at higit na mataas—para lamang sa katuwaan.” Gayundin, marahil ang isang Kristiyano ay makakasumpong ng malaking katuwaan sa pagpupunyagi sa pag-asenso sa kaniyang kompanya. O maaari na siya’y mahikayat na palawakin ang kaniyang negosyo pagkatapos na marating niya ang punto na dati’y inaakala niyang “sapat na.” Sa halip na siya’y magbawas ng trabaho (o rumitiro) upang maging isang buong-panahong ministro, kaniyang ‘ginigiba ang kaniyang mga kamalig [o mga tahanan] at siya’y nagtatayo ng mas malalaki.’ (Tingnan ang Lucas 12:15-21.) Maaari kayang mangyari iyan sa iyo? Inaakala mo ba na ang sinoman na nasa ganiyang kalagayan ay hahatulan ng Diyos bilang naglilingkod sa kaniya nang buong-kaluluwa?—Mateo 22:37.
14. Paanong makahahadlang sa isang Kristiyano ang kayamanan? (Kawikaan 28:20)
14 Mayroon pang mga ibang paraan na kung saan ang kayamanan (o ang labis na hangaring magtamo ng kayamanan) ay makahahadlang sa isang Kristiyano sa ‘pagmamana ng buhay na walang hanggan.’ Ang isa ay yaong pag-ibig sa kayamanan na mag-uudyok sa kaniya na gumamit ng makasanlibutang mga pamamaraan, tulad halimbawa ng maling pag-uulat ng kaniyang kinita para ito’y lumiit o paggamit ng iba pang mapangdaya ngunit karaniwang mga pamamaraan. O kaya kung siya’y may mga empleyadong mga kapuwa niya Kristiyano na hindi nagdaraya at masisipag, baka ang kaniyang sariling ganansiya ang higit na pahalagahan niya kaysa kanilang espirituwalidad. Halimbawa, upang sila’y mapatali sa kanilang trabaho, baka kaniyang himukin sila na sumunod sa isang lalong magastos na sistema ng pamumuhay (o kaya’y mapabaon sa utang dahil sa mga luho). At yamang siya ang kanilang boss, ang ganitong relasyon ay maaaring umabot hanggang sa mga aktibidades ng kongregasyon.
15. Paanong ang mga ilang sinaunang Kristiyano ay dumanas marahil ng nakapipinsalang epekto ng kayamanan? (Awit 73:3-8, 12, 27, 28)
15 Ang mga ibang mayayamang Kristiyano noong unang siglo ay baka kabilang sa mga naging biktima ng “daya ng kayamanan.” Binanggit ni Santiago sa kaniyang sulat ‘ang mga kaabahan na sasapit sa inyo na mga mayayaman.’ Sila’y mayroong maluhong mga damit, nakapagtipon sila ng ginto at pilak dahil sa pagpapasahod nang kapos sa kanilang mga empleyado, sila’y nagsitaba dahil sa luho. (Santiago 5:1-5) Ganiyan din sa ngayon. Dahil sa kayamanan ang isang tao ay malimit na may maluhong pagkain at inumin na maaaring makapinsala sa kaniyang katawan. Baka siya’y palagi rin namang naglalakbay at napapahiwalay sa lokal na kongregasyon. Hindi ibig sabihin na ang magagandang damit, alahas, pagkain, at paglalakbay sa ganang sarili ay masama. Gayunman, ang “mayayaman” na binanggit ni Santiago sa kaniyang sulat ay hindi natulungan ng gayong pamumuhay; umurong ang kanilang espirituwalidad at katayuan sa harap ng Diyos, kaya may dahilan silang ‘magsitangis, magsiangal dahilan sa kaabahan na darating sa kanila.’
16. Bakit si Jesus ay nagbigay ng gayong kalinaw na payo tungkol sa kayamanan, at ano ang dapat mong itanong sa iyong sarili?
16 Tunay na alam ni Jesus ang pasakit at ang mga balakid sa espirituwalidad na malimit nararanasan ng mayayaman. Batid din niya na ang kayamanan ay literal na mabubulok o magiging walang kabuluhan, na hindi kailanman mangyayari sa kayamanang Kristiyano. (Kawikaan 11:28; Marcos 10:29, 30) Kung gayon, lahat tayo ay ginagawan ni Jesus ng tunay na kabutihan sa pagbababala na: “Anong hirap nga para sa mga may salapi na makapasok sa kaharian ng Diyos!” (Lucas 18:24) Ang kaniyang babala ay makabubuti sa atin kahit na limitado ang ating pag-aari. Sa paano? Sa pamamagitan ng ating pagsupil sa ano mang hangarin natin na yumaman ngayon. Naniniwala ang mga Kristiyano na katotohanan ang sinabi ni Jesus. Tayo’y naniniwala at namumuhay ayon sa sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang Ama, tungkol sa katapusan ng sistemang ito, at tungkol sa pagpapaunlad sa pag-ibig. Ang Tagapagsalita-ng-Katotohanan na ito ay nagsabi rin: “Madali pa para sa isang kamelyo na dumaan sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.” (Mateo 19:24) Talaga bang naniniwala ka riyan? Ang iyo bang mga kilos, estilo ng pamumuhay, at mga saloobin ay nagpapatotoo na naniniwala ka nga?
Patuloy na Magpakayaman—Sa Paraan ng Diyos
17. Paanong maraming Kristiyano ang humahanay ukol sa pagtanggap ng kayamanan buhat kay Jehova?
17 Nanggagaling sa buong daigdig ang ebidensiya na dinidibdib ng karamihan ng mga lingkod ng Diyos ang payo na gaya ng nasa Mateo 19:16-24. Maraming kabataang Kristiyano ang nagpapasiya na pagka natapos na nila ang normal na kahilingan sa pag-aaral, sila’y lalahok sa buong-panahong ministeryo. Ang mga asawang babae na naghahanapbuhay upang madagdagan ang kita ng pamilya ay, sa halip, nagbibigay ng higit na panahon sa mga aktibidades Kristiyano, na anupat ang kanilang sarili at ang mga iba ay pinayayaman nila sa espirituwal. Maging ang mga lalaki man na may maka-Kasulatang pananagutan na tumustos sa kani-kanilang pamilya ay nakakasumpong ng mga paraan upang magkaroon ng lalong malaking bahagi sa ministeryo.
18, 19. Anong mga hakbang ang kinuha ng iba na naghangad ng pagpapala ni Jehova?
18 Isang elder na humigit-kumulang 35 anyos ang nagsabi na “ang pagiging buong-panahong ministro ay dati bukang-bibig ko lamang.” Siya’y kumikita noon ng mahigit na $25,000 isang taon, at may allowance pa at pribilehiyo na gamitin ang kotse ng kompanya. At nangyari na siya’y inatasan na magpahayag sa kombensiyon noong 1983 ng pahayag na “Pagtatakda at Pag-abot sa Wastong mga Tunguhin.” Ipinagtapat niya: “Samantalang masiglang binabasa ko ang materyal, ako’y hiyang-hiya at ikinahiya ko na sinusurot ako nang husto ng aking budhi.” Bago sumapit ang kombensiyon, kanilang pinag-usapang mag-asawa ang kanilang katayuan. Hindi naglaon at siya’y kumuha ng isang trabahong hindi maghápunan at siya’y sumama sa kaniyang maybahay bilang isang payunir. Sila ay nagpapayunir pa rin, at maligayang tinatamasa ang maraming espirituwal na pagpapala.
19 Ang mga iba ay nagsialis sa mga lugar na kung saan kumikita sila nang malaki upang tumungo sa mga lugar na doo’y mapalalawak nila ang kanilang mga aktibidades sa espirituwal. Isang mag-asawang taga-Canada ang sumulat tungkol sa kanilang pagpapayunir sa Latin Amerika: “Bagaman maralita ang maraming kapatid dito, pambihira ang kanilang sigasig sa katotohanan. Sila’y maralita sa mga bagay na makasanlibutan, pero mga milyonaryo naman sa espirituwal. Kami ay may 38 mga mamamahayag, 10 sa kanila ang mga regular payunir. Kailangang magdalawa kami ng pulong sapagkat napakarami ang dumadalo—mula sa 110 hanggang sa 140 sa katamtaman. Dalawang hinirang na matatanda at tatlong ministeryal na lingkod ang nag-aasikaso sa lahat ng mga pulong na ito. Sa aming mahihirap na kapatid dito ay muling natututuhan namin kung ano talaga ang ibig sabihin ng paglalagay kay Jehova sa unang dako sa aming mga buhay. Kanilang ipinakikita sa amin na si Jehova ay mapaglilingkuran nang buong-kaluluwa ano man ang ating kalagayan sa buhay.”
20. Ano ang dapat nating madama sa ating mga puso tungkol sa pagiging mayaman sa materyal?
20 Ang gayong mga Kristiyano ay walang matuwid na dahilan na mainggit sa isang taong mayaman, sa labas man o sa loob ng kongregasyon, o panaigan ng materyalistikong mga hangarin. Batid nila na kailangan din ang salapi para sa normal na pamumuhay. (Eclesiastes 5:3; 7:12) Ngunit kanilang nauunawaan din ang sinabi ni Jesus na katotohanan—ang mayayaman ay nakaharap sa maraming espirituwal na mga balakid, hamon, at panganib. Isang mahirap na hamon na “ang mayayaman sa kasalukuyang sistema ng mga bagay ay huwag magmataas ng pag-iisip, at ilagak ang kanilang pag-asa, hindi sa walang kasiguruhang mga kayamanan, kundi sa Diyos.”—1 Timoteo 6:17.
21. Ano ang kalagayan ng mga nagtataguyod ng espirituwal na kayamanan?
21 Nakalulungkot sabihin, ang binatang pinuno na nakipag-usap kay Jesus ay nabigo sa pagharap sa hamong iyan. Ang iba na katulad niya ay naglingkod sa Diyos nang kaunting panahon ngunit nang maglaon ay dumanas ng pasakit at espirituwal na pagkabigo dahil sa kanilang kayamanan. Ibang-iba naman ang milyung-milyong tapat na mga Kristiyano na patuloy na nagpapatunay na “ang pagpapala ni Jehova—iyan ang nagpapayaman, at hindi niya idinaragdag ang kapanglawan.” (Kawikaan 10:22) Ang kanilang buhay ay may kabuluhan; sila’y may mahalagang mga tunguhin at nakadarama sila ng tagumpay. Ang kanilang mabubuting gawa ay magpapatuloy kailanman, at magbibigay ito sa kanila ng matinding kagalakan ngayon at sa hinaharap. Magsumikap ang bawat isa sa atin na maging mayaman sa ganiyang paraan.—Filipos 4:1; 1 Tesalonica 2:19, 20.
Mga Kaisipan na Dapat Isaalang-alang
◻ Anong uri ng kayamanan ang tinutukoy sa Kawikaan 10:22?
◻ Ano ang punto ni Jesus nang banggitin niya ang tungkol sa taong mayaman at sa kamelyo?
◻ Bakit ang buhay ay malimit na lalong mahirap para sa mayayaman?
◻ Paano tayo makapagsisikap na maging mayaman ayon sa paraan ng Diyos?
[Kahon sa pahina 10]
Kayamanan at ang Pamilya
PAGKA pinag-iisipan ang maaaring maging mga epekto ng kayamanan, huwag kaliligtaan ang inyong pamilya. Isaalang-alang ang mga ulat na ito:
Nanggaling sa Canada ang isang ulat buhat sa mga sikayatrista na gumawa ng pag-aaral tungkol sa mga anak ng mga sukdulan sa yaman: “Sila’y nababagot sa buhay. Wala silang tunguhin kundi ang palugdan ang kanilang sarili at hindi nila matiis kahit na ang pinakamaliit na kabiguan. Ang nadadama nilang emosyon ay kaunti lamang. Ang pangunahing pinagkakaabalahan nila ay pagbili ng mga bagay-bagay, paglalakbay, at paghanap ng mga bagong kalayawan.”
Ganito ang komento ng The New York Times tungkol sa isang milyonaryo: “Habang siya’y patuloy na nagtatagumpay sa negosyo at yumayaman, kaniya raw nakikitang nagbabago ang kaniyang pamilya. ‘Sinusukat ng misis ko at ng anak kong babae ang tao ayon sa kaniyang salapi, at kung bigyan ko ang isang anak ko ng $300,000 na tahanan kailangang bigyan ko yaong isa namang anak ko ng $300,000 na pera.’” Pagkatapos na dumanas ng atake sa puso, “at nang makita ang nagawa ng kayamanan sa kaniyang misis at mga anak,” binago ng taong ito ang kaniyang paraan ng pamumuhay.
Tungkol sa isang bansa sa Gitnang Silangan na mayaman sa langis, ganito ang sabi ni Arnold Hottinger: ‘Ang kayamanan bilang pathology ay isang bagay na kilalang-kilala rin ng maraming mga banyagang doktor na nagpupunta rito upang kumita nang malaki. Ayon sa kanilang ulat, dito lubhang palasak ang mga sakit na sikosomatiko—mga karamdaman ito na talagang mahirap batahin ngunit hindi ang sanhi ay diperensiya ng katawan. Sabi nila, mayroon daw mga kabataan na parang matatanda na, at mga taong matatanda na kung kumilos ay parang mga batang musmos.’