Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Pagtuturo sa Pamamagitan ng mga Ilustrasyon
MARAHIL si Jesus ay nasa Capernaum nang kaniyang pagwikaan ang mga Fariseo. Sa bandang dulo ng araw na iyon ay nilisan niya ang bahay at naparoon sa karatig na Dagat ng Galilea, na kung saan nagkakatipon ang karamihan ng mga tao. Doon ay sumakay siya sa isang bangka, naglayag, at sa mga taong nasa tabing-dagat ay sinimulan niyang turuan sila ng tungkol sa Kaharian ng langit. Kaniyang ginawa iyon sa pamamagitan ng sunud-sunod na mga talinghaga, o mga ilustrasyon, na bawat isa’y nasa tanawin na kilalang-kilala ng mga tao.
Una, binanggit ni Jesus ang isang manghahasik na naghahasik ng binhi. Ang ilang binhi ay nahulog sa tabi ng daan at kinain ng mga ibon. Ang ibang binhi naman ay nahulog sa lupa na sa ilalim ay pulos bato. Dahil sa hindi malalim ang mga ugat, ang mga bagong tanim ay nalanta dahil sa napakainit na sikat ng araw. Ang iba pang mga binhi ay nahulog sa dawagan, na uminis sa tumubong halaman. Sa katapus-tapusan, may mga binhi na nahulog sa mabuting lupa at namunga ng makasandaan, ang iba’y animnapu, at ang iba’y tatlumpu.
Sa isa pang ilustrasyon, inihambing ni Jesus ang Kaharian ng Diyos sa isang taong naghahasik ng binhi. Habang lumalakad ang mga araw, samantalang ang tao’y natutulog at pagkagising niya, ang binhi ay tumubo hanggang sa lumaki. Hindi batid ng tao kung paano nagkagayon. Iyon ay lumalaki nang sa ganang sarili at nagbubunga. Nang mahinog na ang bunga, inani iyon ng tao.
Isinaysay ni Jesus ang ikatlong ilustrasyon tungkol sa isang tao na naghahasik ng mbuting binhi, ngunit habang siya’y natutulog, isang kaaway ang dumating at naghasik ng pansirang damo sa gitna ng trigo. Itinanong ng mga utusan ng taong iyon kung bubunutin ang mga damo. Ngunit siya’y tumugon: ‘Huwag, baka mabunot ninyo pati ang trigo. Pabayaan ninyong lumaki muna silang magkasama hanggang sa pag-aani. Saka ko sasabihin sa mga mang-aani na piliin ang mga damong pansira at sunugin at ang trigo naman ay ilagay sa kamalig.’
Ipinagpatuloy ni Jesus ang kaniyang pagsasalita sa karamihan ng tao, at siya’y nagbigay ng dalawa pang ilustrasyon. Kaniyang ipinaliwanag na “ang kaharian ng langit” ay gaya ng isang butil ng mustasa na itinatanim ng isang tao. Bagama’t ito ang kaliit-liitan sa lahat ng binhi, sabi niya, ito’y lumalaki hanggang sa maging pinakamalaki sa lahat ng gugulayin. Ito’y nagiging isang punungkahoy na pinupuntahan, at nasisilungan ng mga ibon ang mga sanga.
Mayroong mga iba sa ngayon na tumututol na mayroon pang mas maliit na mga binhi kaysa mga binhi ng mustasa. Subalit hindi isang aralin sa botanika ang ibinibigay noon ni Jesus. Sa mga binhing kilalang-kilala ng taga-Galilea noong kaniyang kaarawan, ang binhi ng mustasa ang talagang pinakamaliit. Kaya’t kanilang naunawaan ang pambihirang paglaki na ipinaghalimbawa ni Jesus.
Katapus-tapusan, “ang kaharian ng langit” ay inihambing ni Jesus sa lebadura na kinuha ng isang babae at inihalo sa tatlong malalaking takal ng arina. Pagtatagal, aniya, ang buong masa ng tinapay ay nahaluan na at tinagos na nito.
Pagkatapos magbigay ng limang ilustrasyong ito, pinaalis na ni Jesus ang karamihan ng tao at siya’y bumalik sa bahay na kaniyang tinutuluyan. Hindi nagtagal at ang kaniyang 12 mga apostol at ang mga iba pa ay pumaroon sa kaniya roon. Mateo 13:1-9, 24:36; Marcos 4:1-9, 26-32; Lucas 8:1-8
◆ Kailan at saan nagsalita si Jesus sa pamamagitan ng mga ilustrasyon sa karamihan ng tao?
◆ Anong limang ilustrasyon ang isinaysay ni Jesus sa karamihan ng tao?
◆ Bakit sinabi ni Jesus na ang binhi ng mustasa ang pinakamaliit sa lahat ng binhi?