KABANATA 43
Mga Ilustrasyon Tungkol sa Kaharian
MATEO 13:1-53 MARCOS 4:1-34 LUCAS 8:4-18
NAGLAHAD SI JESUS NG MGA ILUSTRASYON TUNGKOL SA KAHARIAN
Lumilitaw na nasa Capernaum si Jesus nang sawayin niya ang mga Pariseo. Nang araw ding iyon, umalis siya sa bahay at naglakad papunta sa Lawa ng Galilea, kung saan nagdagsaan ang mga tao. Sumakay siya sa bangka, dumistansiya sa dalampasigan, at nagsimulang magturo sa mga tao tungkol sa Kaharian ng langit. Gumamit siya ng ilang ilustrasyon. Pamilyar ang mga tagapakinig ni Jesus sa mga eksena o katangiang binanggit niya, kaya madali nilang naunawaan ang tungkol sa Kaharian.
Una, inilahad ni Jesus ang tungkol sa isang magsasaka na naghahasik ng binhi. May binhi na nahulog sa tabi ng daan at kinain ng mga ibon. Ang ibang binhi ay nahulog sa batuhan na walang gaanong lupa. Mababaw ang pagkakaugat ng mga ito kaya nang mainitan, ang mga ito ay nalanta. May mga binhi namang nahulog sa lupang may matitinik na halaman, na sumakal sa binhi nang tumubo ito. Pero may ilang binhi ring nahulog sa matabang lupa. Lumago ang mga ito at “namunga nang 100 ulit, 60 ulit, at 30 ulit na mas marami.”—Mateo 13:8.
Sa isa pang ilustrasyon, itinulad ni Jesus ang Kaharian sa binhi na inihahasik ng isang lalaki. Sa pagkakataong ito, tulog man o gisíng ang lalaki, lumalago ang binhi. Kung paano ito nangyayari ay “hindi niya alam.” (Marcos 4:27) Kusa itong lumalago at namumunga.
Pagkatapos, naglahad si Jesus ng ikatlong ilustrasyon tungkol sa paghahasik. Isang lalaki ang naghasik ng tamang uri ng binhi, pero “habang natutulog ang mga tao,” isang kaaway ang naghasik ng panirang-damo sa gitna ng trigo. Nagtanong ang mga alipin kung bubunutin nila ang mga panirang-damo. Sumagot ang lalaki: “Huwag, baka mabunot din ninyo ang trigo kasama ng panirang-damo. Hayaan ninyong sabay silang lumaki hanggang sa pag-aani, at sa panahon ng pag-aani ay sasabihin ko sa mga manggagapas: Tipunin muna ninyo ang panirang-damo at pagbigkis-bigkisin ang mga iyon at sunugin; pagkatapos, tipunin ninyo ang trigo sa kamalig ko.”—Mateo 13:24-30.
Marami sa mga nakikinig kay Jesus ang may alam sa pagsasaka. May binanggit pa siyang pamilyar sa kanila, ang maliit na buto ng mustasa. Lumaki ito at naging punong masisilungan ng mga ibon. Tungkol sa binhing ito, sinabi niya: “Ang Kaharian ng langit ay gaya ng binhi ng mustasa, na kinuha ng isang tao at itinanim sa kaniyang bukid.” (Mateo 13:31) Pero hindi naman aral tungkol sa mga halaman ang itinuturo ni Jesus. Inilalarawan niya ang kamangha-manghang paglago, kung paanong ang isang maliit na buto ay puwedeng lumaki nang husto.
Pagkatapos, ginamit ni Jesus ang isang proseso na pamilyar sa maraming tagapakinig niya. Itinulad niya ang Kaharian ng langit sa “pampaalsa na kinuha ng isang babae at inihalo sa tatlong malalaking takal ng harina.” (Mateo 13:33) Hindi nakikita ang pampaalsa kapag naihalo na ito sa masa. Pero may epekto ito at napapaalsa nito ang buong masa nang hindi agad napapansin.
Matapos ilahad ang mga ilustrasyong ito, pinauwi ni Jesus ang mga tao at bumalik na siya sa tuluyan niya. Pero pinuntahan siya ng kaniyang mga alagad para alamin ang ibig niyang sabihin.
MGA ARAL SA MGA ILUSTRASYON NI JESUS
Narinig na ng mga alagad na gumamit ng mga ilustrasyon si Jesus, pero hindi kasindami nito sa isang pagkakataon. Kaya nagtanong sila: “Bakit ka nagtuturo sa kanila sa pamamagitan ng mga ilustrasyon?”—Mateo 13:10.
Ang isang dahilan ay para tuparin ang hula ng Bibliya. Sinabi ng ulat ni Mateo: “Hindi siya nagtuturo sa kanila nang walang ilustrasyon, para matupad ang sinabi ng propeta: ‘Magtuturo ako sa pamamagitan ng mga ilustrasyon; ihahayag ko ang mga bagay na nakatago mula pa noong pasimula.’”—Mateo 13:34, 35; Awit 78:2.
Pero may isa pang dahilan. Ang paggamit ni Jesus ng mga ilustrasyon ay nagsiwalat din ng saloobin ng mga tao. Marami ang interesado lang sa mga kuwento at himala ni Jesus. Hindi nila siya kinikilalang Panginoon na dapat sundan nang lubos. (Lucas 6:46, 47) Hindi nila gustong baguhin ang pananaw nila o ang paraan nila ng pamumuhay. Ayaw nilang makaabot sa puso nila ang mensahe ni Jesus.
Bilang sagot sa tanong ng mga alagad, sinabi ni Jesus: “Iyan ang dahilan kung bakit ako nagtuturo sa kanila sa pamamagitan ng mga ilustrasyon; dahil tumitingin sila pero walang saysay ang pagtingin nila, at nakikinig sila pero walang saysay ang pakikinig nila, at wala silang naiintindihan. Natutupad sa kanila ang hula ni Isaias: ‘ . . . Ang puso ng bayang ito ay naging manhid.’”—Mateo 13:13-15; Isaias 6:9, 10.
Pero hindi naman ganiyan ang lahat ng tagapakinig ni Jesus. Ipinaliwanag niya: “Maligaya kayo dahil nakakakita ang mga mata ninyo at nakaririnig ang mga tainga ninyo. Dahil sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga taong matuwid ang naghangad na makita ang mga bagay na nakikita ninyo pero hindi nila nakita ang mga iyon, at marinig ang mga bagay na naririnig ninyo pero hindi nila narinig ang mga iyon.”—Mateo 13:16, 17.
Oo, tinanggap ng 12 apostol at iba pang tapat na alagad ang mga turo ni Jesus. Kaya sinabi ni Jesus: “Pinahintulutan kayong maintindihan ang mga sagradong lihim ng Kaharian ng langit, pero hindi sila pinahintulutang maintindihan ito.” (Mateo 13:11) Dahil gustong-gusto ng mga alagad na maintindihan ang ilustrasyon, ipinaliwanag ni Jesus ang kahulugan ng ilustrasyon tungkol sa magsasaka.
“Ang binhi ay ang salita ng Diyos,” ang sabi ni Jesus. (Lucas 8:11) Ang lupa ay ang puso. Ito ang susi para maintindihan ang ilustrasyon.
Tungkol sa binhing nahulog sa matigas na lupa sa tabing-daan, sinabi niya: “Dumating ang Diyablo at kinuha ang salita mula sa puso nila para hindi sila maniwala at maligtas.” (Lucas 8:12) Ang tinutukoy naman ni Jesus na mga binhing nahulog sa mabatong lupa ay ang puso ng mga tao na masayang tumanggap ng mensahe pero hindi ito nag-ugat nang malalim sa kanilang puso. “Pagdating ng mga problema o pag-uusig dahil sa mensahe,” natisod sila. Oo, nang dumating ang “panahon ng pagsubok,” marahil dahil sa pagsalansang ng pamilya o iba pa, umayaw na sila.—Mateo 13:21; Lucas 8:13.
Kumusta naman ang mga binhi na nahulog sa tinikan? Sinabi ni Jesus na tumutukoy ito sa mga nakarinig ng mensahe. Pero nadaig sila ng “mga kabalisahan sa sistemang ito at [ng] mapandayang kapangyarihan ng kayamanan.” (Mateo 13:22) Nasa puso nila ang mensahe, pero nasakal ito at naging di-mabunga.
Ang huling uri ng lupa na ipinaliwanag ni Jesus ay ang matabang lupa. Tumutukoy ito sa mga nakarinig ng salita at isinapuso ito, na lubusang nauunawaan ito. Ano ang resulta? “Namunga sila.” Iba-iba ang kanilang kalagayan, gaya ng edad o kalusugan, kaya hindi pare-pareho ang nagagawa nila; ang isa ay namunga nang 100 ulit, ang isa pa ay 60 ulit, at ang isa naman ay 30 ulit na mas marami. Oo, ang pagpapala sa paglilingkod sa Diyos ay mararanasan ng mga “may napakabuting puso na nakarinig ng salita” at ‘tumanggap nito at namunga habang nagtitiis.’—Lucas 8:15.
Ang mga salitang ito ay lalo nang nakaantig sa mga alagad na lumapit kay Jesus para alamin ang kahulugan ng kaniyang turo! Nauunawaan na nila ngayon ang mga ilustrasyon ni Jesus, at iyan ang gusto ni Jesus, para maibahagi nila sa iba ang katotohanan. “Ang isang lampara ay hindi tinatakpan ng basket o inilalagay sa ilalim ng higaan, hindi ba?” ang tanong niya. “Inilalagay ito sa patungan ng lampara.” Kaya nagpayo si Jesus: “Ang nakaririnig ay makinig.”—Marcos 4:21-23.
PINAGPALA NG KARAGDAGANG KAALAMAN
Matapos marinig ang paliwanag ni Jesus sa ilustrasyon tungkol sa magsasaka, gusto pang matuto ng mga alagad niya. Hiniling nila: “Ipaliwanag mo sa amin ang ilustrasyon tungkol sa panirang-damo sa bukid.”—Mateo 13:36.
Kitang-kita na ibang-iba sila sa karamihan sa mga taong nasa dalampasigan, na nakarinig din pero hindi interesadong malaman ang kahulugan ng mga ilustrasyon at ang aral nito. Sapat na sa kanilang marinig ang mga ilustrasyon. Ipinakita ni Jesus ang kaibahan ng mausisang mga alagad niya sa mga taong nasa dalampasigan, na sinasabi:
“Magbigay-pansin kayo sa pinakikinggan ninyo. Kung gaano kalaki ang ibinibigay ninyo, ganoon kalaki ang tatanggapin ninyo, o mas malaki pa nga.” (Marcos 4:24) Nakatutok sa pakikinig ang mga alagad. Ibinibigay nila kay Jesus ang kanilang buong atensiyon, kaya pinagpala sila ng karagdagang kaalaman, ng higit pang kaunawaan. Bilang sagot sa tanong ng mga alagad tungkol sa ilustrasyon ng trigo at panirang-damo, ipinaliwanag ni Jesus:
“Ang manghahasik ng mainam na binhi ay ang Anak ng tao; ang bukid ay ang mundo. Kung tungkol sa mainam na binhi, ito ang mga anak ng Kaharian, pero ang panirang-damo ay ang mga anak ng masama, at ang kaaway na naghasik ng mga iyon ay ang Diyablo. Ang pag-aani ay katapusan ng isang sistema, at ang mga manggagapas ay mga anghel.”—Mateo 13:37-39.
Matapos ipaliwanag ang bawat aspekto ng ilustrasyon, inilarawan ni Jesus ang resulta. Sinabi niya na sa katapusan ng sistema ng mga bagay, paghihiwalayin ng mga manggagapas, o mga anghel, ang tulad panirang-damong huwad na mga Kristiyano at ang tunay na mga “anak ng Kaharian.” “Ang mga matuwid” ay titipunin at sisikat nang maliwanag sa “Kaharian ng kanilang Ama.” Paano naman “ang mga anak ng masama”? Pupuksain sila, kaya “iiyak sila . . . at magngangalit ang mga ngipin nila.”—Mateo 13:41-43.
Tatlo pang ilustrasyon ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad. Una, sinabi niya: “Ang Kaharian ng langit ay gaya ng kayamanang nakabaon sa bukid, na nakita ng isang tao at ibinaon ulit; dahil sa saya, umalis siya at ipinagbili ang lahat ng ari-arian niya at binili ang bukid na iyon.”—Mateo 13:44.
Nagpatuloy siya: “Ang Kaharian ng langit ay gaya rin ng isang naglalakbay na negosyante na naghahanap ng magandang klase ng mga perlas. Nang makakita siya ng isang mamahaling perlas, umalis siya at agad na ipinagbili ang lahat ng pag-aari niya at binili iyon.”—Mateo 13:45, 46.
Sa dalawang ilustrasyong ito, ipinakita ni Jesus ang pagiging handang magsakripisyo ng isang tao para sa mga bagay na talagang mahalaga. Agad na “ipinagbili [ng negosyante] ang lahat ng pag-aari niya” para mabili ang mamahaling perlas. Mauunawaan ng mga alagad ni Jesus ang halimbawang ito tungkol sa mamahaling perlas, pati na ang tungkol sa lalaking nakakita ng kayamanang nakabaon sa isang bukid na nagbenta ng lahat ng kaniyang ari-arian para mabili ang bukid na iyon. Sa dalawang pagkakataong ito, may napakahalagang bagay na puwedeng makuha at pakaingatan. Maikukumpara ito sa mga sakripisyong ginagawa ng isang tao para magkaroon siya ng kaugnayan sa Diyos. (Mateo 5:3) Napatunayan na ng ilang nakikinig sa mga ilustrasyon ni Jesus na handa silang magsakripisyo para masapatan ang kanilang espirituwal na pangangailangan at maging mga tunay na tagasunod niya.—Mateo 4:19, 20; 19:27.
Panghuli, itinulad ni Jesus ang Kaharian ng langit sa isang lambat na nakahuli ng bawat uri ng isda. (Mateo 13:47) Nang mapagbukod-bukod ang mga isda, inilagay sa basket ang maiinam pero itinapon ang mga hindi mapapakinabangan. Sinabi ni Jesus na ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng sistema ng mga bagay—ibubukod ng mga anghel ang masasama mula sa mga matuwid.
Ganitong espirituwal na pangingisda ang ginawa ni Jesus nang tawagin niya ang unang mga alagad niya para maging “mangingisda ng tao.” (Marcos 1:17) Pero sinabi rin niya na ang ilustrasyon tungkol sa lambat ay sa hinaharap pa mangyayari, “sa katapusan ng sistemang ito.” (Mateo 13:49) Kaya naunawaan ng mga apostol at ng iba pang alagad na nakikinig kay Jesus na may kapana-panabik pang mga bagay na mangyayari.
Lumalim pa ang unawa ng mga nakarinig sa ilustrasyong inilahad ni Jesus mula sa bangka. Gusto ni Jesus na maintindihan nila ito kaya “ipinaliliwanag niya ang lahat ng bagay sa mga alagad niya kapag sila-sila na lang.” (Marcos 4:34) Siya ay “gaya ng isang tao, isang may-ari ng bahay, na naglalabas ng mga bagay na bago at luma mula sa kaniyang imbakan ng kayamanan.” (Mateo 13:52) Hindi naman sa ipinagmamalaki ni Jesus ang kakayahan niyang magturo nang ilahad niya ang mga ilustrasyon. Sa halip, ibinabahagi niya sa kaniyang mga alagad ang mga katotohanang gaya ng di-matutumbasang kayamanan. Isa talaga siyang napakahusay na guro.