HULING ARAW, MGA
Sa hula ng Bibliya, ang mga pananalitang “mga huling araw” o “huling bahagi ng mga araw” ay ginagamit upang tumukoy sa panahon kung kailan sasapit sa kasukdulan ang mga pangyayari sa kasaysayan. (Eze 38:8, 16; Dan 10:14) Batay sa nilalaman ng hula, maaaring matukoy ang pasimula ng “huling bahagi ng mga araw” kung kailan mag-uumpisang maganap ang mga pangyayaring inihula. Kaya naman, yaong mga nabubuhay sa panahon ng katuparan ng hula ay masasabing nabubuhay sa “mga huling araw” o sa “huling bahagi ng mga araw.” Depende sa hula, maaaring ito’y isang yugto na sumasaklaw lamang ng iilang taon o ng maraming taon, at maaari rin itong ikapit sa magkakalayong yugto ng panahon.
Hula ni Jacob Bago Siya Mamatay. Nang sabihin ni Jacob sa kaniyang mga anak, “Magpisan kayo upang masabi ko sa inyo kung ano ang mangyayari sa inyo sa huling bahagi ng mga araw” o “sa mga darating na araw” (BSP), tinutukoy niya ang panahon sa hinaharap kung kailan magsisimulang matupad ang kaniyang mga salita. (Gen 49:1) Mahigit na dalawang siglo bago nito, sinabi ni Jehova sa lolo ni Jacob na si Abram (Abraham) na ang kaniyang supling ay daranas ng kapighatian sa loob ng 400 taon. (Gen 15:13) Samakatuwid, sa kasong ito, kailangan munang matapos ang 400 taon ng kapighatian bago magsimula ang panahong tinukoy ni Jacob bilang “huling bahagi ng mga araw.” (Para sa mga detalye ng Genesis 49, tingnan ang mga artikulo tungkol sa mga anak ni Jacob sa ilalim ng kani-kanilang pangalan.) Maaasahan din na ang hulang ito ay magkakaroon ng isa pang katuparan na nauugnay naman sa espirituwal na “Israel ng Diyos.”—Gal 6:16; Ro 9:6.
Hula ni Balaam. Bago pumasok sa Lupang Pangako ang mga Israelita, sinabi ng propetang si Balaam sa hari ng Moab na si Balak: “Pumarito ka, ipahahayag ko sa iyo kung ano ang gagawin ng bayang ito [ng Israel] sa iyong bayan sa dakong huli sa kawakasan ng mga araw. . . . Isang bituin ang tiyak na lalabas mula sa Jacob, at isang setro ang titindig nga mula sa Israel. At tiyak na babasagin niya ang mga pilipisan ng ulo ni Moab at ang bao ng ulo ng lahat ng mga anak ng kaguluhan ng digmaan.” (Bil 24:14-17) Sa unang katuparan ng hulang ito, ang “bituin” ay si Haring David, na sumupil sa mga Moabita. (2Sa 8:2) Samakatuwid, sa unang katuparan ng hulang ito, maliwanag na nagsimula ang “kawakasan ng mga araw” nang maging hari si David. Yamang si David ay lumalarawan sa Mesiyanikong Hari na si Jesus, matutupad din ang hulang ito kay Jesus kapag nanupil na siya sa kaniyang mga kaaway.—Isa 9:7; Aw 2:8, 9.
Mga Hula Nina Isaias at Mikas. Sa Isaias 2:2 at Mikas 4:1, ang pananalitang “huling bahagi ng mga araw” ay nasa pambungad ng isang hula tungkol sa panahong huhugos ang mga tao mula sa lahat ng bansa patungo sa “bundok ng bahay ni Jehova.” Sa isang tipikong katuparan, sa pagitan ng 29 C.E. at 70 C.E., noong huling bahagi ng mga araw ng Judiong sistema ng mga bagay, ang pagsamba kay Jehova ay itinaas nang mas mataas pa sa matayog na katayuang iniuukol ng mga bansang pagano sa kanilang huwad na mga diyos. Ang Hari, si Jesu-Kristo, ay ‘nagbukas ng daan’ upang maitaas ang tunay na pagsamba, at sinundan siya, una ay ng isang nalabi ng bansang Israel, at pagkatapos ay ng mga tao mula sa lahat ng mga bansa. (Isa 2:2; Mik 2:13; Gaw 10:34, 35) Sa isang antitipikong katuparan, sa huling bahagi ng mga araw ng sistemang ito ng mga bagay, ang pagsamba kay Jehova ay itinaas nang abot-langit. Inakay ng Hari, si Jesu-Kristo, ang nalabi ng espirituwal na Israel tungo sa dalisay na pagsamba, at sinundan sila ng isang malaking pulutong mula sa lahat ng mga bansa.—Apo 7:9.
Mga Huling Araw ng Judiong Sistema ng mga Bagay. Wala pang tatlo at kalahating taon bago mapabilang sa kongregasyong Kristiyano ang mga di-Judio, ang espiritu ng Diyos ay ibinuhos sa tapat na mga Judiong alagad ni Jesu-Kristo. Ipinaliwanag ni Pedro na katuparan ito ng hula ni Joel, sa pagsasabing: “‘At sa mga huling araw,’ sabi ng Diyos, ‘ay ibubuhos ko ang ilang bahagi ng aking espiritu sa bawat uri ng laman . . . At ako ay magbibigay ng mga palatandaan sa langit sa itaas at mga tanda sa lupa sa ibaba, dugo at apoy at singaw ng usok; ang araw ay magiging kadiliman at ang buwan ay magiging dugo bago dumating ang dakila at maningning na araw ni Jehova.’” (Gaw 2:16-20) Sa kasong ito, magaganap muna ang “mga huling araw” bago ang “dakila at maningning na araw ni Jehova,” ang “araw” na magsisilbing katapusan ng “mga huling araw.” (Ihambing ang Zef 1:14-18; Mal 4:5; Mat 11:13, 14; tingnan ang ARAW NI JEHOVA.) Yamang ang kausap ni Pedro noon ay likas na mga Judio at mga proselitang Judio, tiyak na sa kanila tumutukoy ang kaniyang mga salita at maliwanag na ipinakikita niya na nabubuhay na sila sa “mga huling araw” ng Judiong sistema ng mga bagay na ang sentro ng pagsamba ay nasa Jerusalem. Mas maaga rito, inihula mismo ni Kristo Jesus ang pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito (Luc 19:41-44; 21:5, 6), na naganap noong 70 C.E.
Tiyak na ang wakas ng Judiong sistema ng mga bagay ang tinutukoy ng mga tekstong bumabanggit sa pagdating ni Kristo Jesus at sa pagsasagawa niya ng kaniyang gawain sa “wakas ng mga panahon” o “wakas ng mga araw na ito.” (1Pe 1:20, 21; Heb 1:1, 2) Pinatototohanan iyan ng Hebreo 9:26: “Ngunit ngayon ay inihayag niya [ni Jesus] ang kaniyang sarili nang minsanan sa katapusan ng mga sistema ng mga bagay upang alisin ang kasalanan sa pamamagitan ng paghahain ng kaniyang sarili.”
Mga Huling Araw na Iniugnay sa Apostasya. Kung minsan, ang pananalitang “mga huling araw” at iba pang katulad nito ay iniuugnay sa pagbangon ng apostasya sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Sumulat ang apostol na si Pablo kay Timoteo: “Ang kinasihang pananalita ay tiyakang nagsasabi na sa mga huling yugto ng panahon ang ilan ay hihiwalay mula sa pananampalataya, na nagbibigay-pansin sa nagliligaw na kinasihang mga pananalita at mga turo ng mga demonyo.” (1Ti 4:1; ihambing ang Gaw 20:29, 30.) Sa isa pang liham ni Pablo kay Timoteo, muli niyang tinalakay ang puntong ito at may binanggit siyang “mga huling araw” na darating. Dahil sa pagtalikod ng mga tao sa tamang paggawi, ang mga huling araw na iyon ay magiging “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan” o, sa mas literal na salin, ‘mababangis na takdang panahon.’ (Int) Matapos niyang ilarawan nang detalyado ang likong landasin at masasamang ugali ng mga tao sa panahong iyon, nagpatuloy si Pablo: “Mula sa mga ito ay bumabangon yaong mga tao na may-katusuhang pumapasok sa mga sambahayan at dinadala bilang kanilang mga bihag ang mahihinang babae na lipos ng mga kasalanan, naakay ng iba’t ibang pagnanasa, laging nag-aaral gayunma’y hindi kailanman sumasapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (2Ti 3:1-7) Pagkatapos ay ipinakita ni Pablo na naiiba si Timoteo sa tiwaling mga taong iyon, dahil maingat nitong sinundan ang turo ng apostol, at pinatibay-loob niya si Timoteo na ‘magpatuloy sa mga bagay na kaniyang natutuhan at nahikayat na sampalatayanan.’ (2Ti 3:8-17; tingnan din ang 2Ti 4:3-5.) Batay sa konteksto, maliwanag na patiunang ipinagbibigay-alam ng apostol kay Timoteo kung ano ang mangyayari sa gitna ng mga nag-aangking Kristiyano at inilalarawan niya kung ano ang ibubunga ng gayong apostasya.
Sa katulad na paraan, patiunang ipinaalam ng apostol na si Pedro sa mga kapuwa Kristiyano ang mga panggigipit na magmumula sa loob ng kongregasyon: “Magkakaroon din ng mga bulaang guro sa gitna ninyo. Ang mga ito ay tahimik na magpapasok ng mapanirang mga sekta at magtatatwa maging sa may-ari na bumili sa kanila, na nagdadala ng mabilis na pagkapuksa sa kanilang sarili. Karagdagan pa, marami ang susunod sa kanilang mahahalay na paggawi.” (2Pe 2:1, 2) Ganito rin ang babalang nilalaman ng mga salita ni Judas na nagpapatibay-loob sa mga Kristiyano na “puspusang makipaglaban ukol sa pananampalataya”: “Kung tungkol sa inyo, mga minamahal, alalahanin ninyo ang mga pananalita na sinalita na noong una ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Kristo, kung paanong sinasabi nila noon sa inyo: ‘Sa huling panahon ay magkakaroon ng mga manunuya, na lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa sa di-makadiyos na mga bagay.’” (Jud 3, 17, 18) Sa pagtatapos ng unang siglo C.E., hayag na ang pag-iral ng mga apostata. Sa ating panahon, kitang-kita na ang mga bunga ng gayong apostasya. Dumating na ang “mga huling araw” na tinukoy ni Pablo.
“Katapusan ng Sistema ng mga Bagay.” Gayunman, gaya ng inihula ni Jesu-Kristo, hindi lahat ng mga Kristiyano ay mahuhulog sa apostasya. Ang tunay at matapat na mga Kristiyano ay magiging gaya ng “trigo” na nakahalo sa “mga panirang-damo.” Kapag nagsimula ang di-nakikitang pagkanaririto ni Kristo bilang espiritu, at sa panahon ng “katapusan ng sistema ng mga bagay” na iiral sa panahong iyon, magkakaroon ng isang malinaw na pagbubukud-bukod. Ang “mga panirang-damo,” “ang mga anak ng isa na balakyot,” ay ‘titipunin mula sa kaharian ng Anak ng tao.’ Bilang resulta ng gayong paglilinis, ang tunay na kongregasyong Kristiyano ay magiging isang bukid ng malinis na trigo. Mawawala na sa loob ng tunay na kongregasyong Kristiyano ang huwad at imitasyong mga Kristiyano. Ang mga tulad-panirang-damo ay ihahagis sa “maapoy na hurno,” at ang mga tulad-trigo naman ay “sisikat nang maliwanag na gaya ng araw sa kaharian ng kanilang Ama.” (Mat 13:24-30, 37-43) Tiyak na magaganap ito sa pagtatapos ng sistema ng mga bagay na nasa ilalim ng balakyot na pamamahala ni Satanas, na susundan ng pagkapuksa niyaon.
Karagdagan pa, ipinahihiwatig ng ilustrasyon na ang apostasya ay lubusang mamumunga ng kabalakyutan sa panahon ng “katapusan ng sistema ng mga bagay” na nasa ilalim ng kontrol ni Satanas. Kaya maaasahan na sa panahong iyon, ang mga kalagayang inilarawan ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na palatandaan ng “mga huling araw” ay magiging hayag na hayag sa gitna ng mga nag-aangking Kristiyano. Lalago ang katampalasanan at marami ang magiging masuwayin sa mga magulang. Ang mga tao ay magiging “maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos, na may anyo ng makadiyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito.” (2Ti 3:2-5) Magkakaroon din ng “mga manunuya na may pagtuya, na lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa at nagsasabi: ‘Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, ang lahat ng mga bagay ay nananatiling gayung-gayon mula noong pasimula ng sangnilalang.’”—2Pe 3:3, 4.
Ipinakikita rin ng makahulang ilustrasyon ni Jesus na kailangan munang lumipas ang ilang panahon bago lubusang mahayag ang mga tulad-panirang-damo, na pupuksain sa dakong huli. Yamang alam ito ng mga apostol, ang paggamit nila ng “mga huling araw” at ng katulad na mga pananalitang may kaugnayan sa apostasya ay hindi nangangahulugan na inaasahan nilang darating kaagad ang pagkanaririto ni Jesus at ang kasunod nito na pagpuksa sa mga di-makadiyos. Gaya nga ng itinawag-pansin ni Pablo sa mga taga-Tesalonica: “Gayunman, mga kapatid, may kaugnayan sa pagkanaririto ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa ating pagkakatipon sa kaniya, hinihiling namin sa inyo na huwag kayong madaling matinag mula sa inyong katinuan ni mabagabag man sa pamamagitan ng kinasihang kapahayagan o sa pamamagitan ng bibigang mensahe o sa pamamagitan ng liham na para bang mula sa amin, na wari bang ang araw ni Jehova ay narito na. Huwag kayong padaya kaninuman sa anumang paraan, sapagkat hindi ito darating malibang ang apostasya ay dumating muna at ang taong tampalasan ay maisiwalat, ang anak ng pagkapuksa.”—2Te 2:1-3.
“Huling Araw.” May binanggit din ang Bibliya na “huling araw,” kung kailan magaganap ang pagkabuhay-muli ng mga patay. (Ju 6:39, 40, 44; 11:24; ihambing ang Dan 12:13.) Sa Juan 12:48, ang “huling araw” na ito ay iniugnay sa isang panahon ng paghatol. Samakatuwid, maliwanag na tumutukoy ito sa isang panahon sa malayong hinaharap, anupat lampas pa sa wakas ng kapanahunang apostoliko.—Ihambing ang 1Te 4:15-17; 2Te 2:1-3; Apo 20:4-6, 12.