“Ang mga Matuwid ay Sisikat Nang Maliwanag na Gaya ng Araw”
“Sa panahong iyon ang mga matuwid ay sisikat nang maliwanag na gaya ng araw sa kaharian ng kanilang Ama.”—MAT. 13:43.
1. Anong iba’t ibang punto tungkol sa Kaharian ang ipinaliwanag ni Jesus gamit ang mga ilustrasyon?
GUMAMIT si Jesu-Kristo ng maraming ilustrasyon, o talinghaga, para ipaliwanag ang iba’t ibang punto tungkol sa Kaharian. “[Nagsalita siya] sa mga pulutong sa pamamagitan ng mga ilustrasyon. Sa katunayan, kung walang ilustrasyon ay hindi siya nagsasalita sa kanila.” (Mat. 13:34) Sa ilustrasyon may kinalaman sa paghahasik ng binhi ng katotohanan tungkol sa Kaharian, idiniin ni Jesus ang papel na ginagampanan ng kalagayan ng puso ng isang tao sa pagtanggap ng mensahe, at ang papel na ginagampanan ni Jehova sa espirituwal na pagpapalago. (Mar. 4:3-9, 26-29) Inilarawan din ni Jesus ang kamangha-manghang paglago ng kapakanan ng Kaharian dito sa lupa bagaman hindi agad ito napapansin. (Mat. 13:31-33) Hindi lang iyan, idiniin din niya na hindi lahat ng tumutugon sa mensahe ng Kaharian ay karapat-dapat nang maging sakop ng Kahariang iyon.—Mat. 13:47-50.a
2. Sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa trigo at sa panirang-damo, kanino kumakatawan ang mainam na binhi?
2 Pero sa isang ilustrasyon ni Jesus, itinampok niya ang tungkol sa pagtitipon sa mga kasama niyang mamamahala sa kaniyang Kaharian. Ito ay nakaulat sa Mateo kabanata 13 at karaniwan nang tinatawag na talinghaga ng trigo at ng panirang-damo. Sa ibang ilustrasyon ni Jesus, sinabi niya na ang binhing inihasik ay “ang salita ng kaharian.” Pero sa ilustrasyong ito, sinasabi naman niya na may ibang kinakatawanan ang mainam na binhi—ang “mga anak ng kaharian.” (Mat. 13:19, 38) Ang mga ito ay hindi mga sakop ng Kaharian, kundi “mga anak,” o tagapagmana, ng Kaharian.—Roma 8:14-17; basahin ang Galacia 4:6, 7.
Ang Ilustrasyon ng Trigo at ng Panirang-Damo
3. Ano ang problema ng taong naghasik ng mainam na binhi? Ano ang naisip niyang solusyon?
3 Ito ang ilustrasyon: “Ang kaharian ng langit ay naging tulad ng isang tao na naghasik ng mainam na binhi sa kaniyang bukid. Habang natutulog ang mga tao, ang kaniyang kaaway ay dumating at naghasik ng mga panirang-damo sa gitna ng trigo, at umalis. Nang sumibol ang dahon at magluwal ng bunga, nang magkagayon ay lumitaw rin ang mga panirang-damo. Kaya ang mga alipin ng may-bahay ay lumapit at nagsabi sa kaniya, ‘Panginoon, hindi ba naghasik ka ng mainam na binhi sa iyong bukid? Kung gayon, paano ito nagkaroon ng mga panirang-damo?’ Sinabi niya sa kanila, ‘Isang kaaway, isang tao, ang gumawa nito.’ Sinabi nila sa kaniya, ‘Kung gayon, ibig mo bang lumabas kami at tipunin ang mga iyon?’ Sinabi niya, ‘Hindi; baka sa paanuman, samantalang tinitipon ninyo ang mga panirang-damo, ay mabunot ninyong kasama nila ang trigo. Hayaan ninyong kapuwa sila lumaking magkasama hanggang sa pag-aani; at sa kapanahunan ng pag-aani ay sasabihin ko sa mga manggagapas, Tipunin muna ninyo ang mga panirang-damo at bigkisin ang mga iyon sa mga bungkos upang sunugin ang mga iyon, pagkatapos ay tipunin ninyo ang trigo sa aking kamalig.’”—Mat. 13:24-30.
4. (a) Sino ang taong naghasik ng mainam na binhi? (b) Kailan at paano sinimulan ni Jesus ang paghahasik ng binhing ito?
4 Sino ang taong naghasik ng mainam na binhi sa kaniyang bukid? Sinagot ito ni Jesus nang ipaliwanag niya sa kaniyang mga alagad: “Ang manghahasik ng mainam na binhi ay ang Anak ng tao.” (Mat. 13:37) Inihanda ni Jesus, na siyang “Anak ng tao,” ang tatamnang bukid sa panahon ng kaniyang tatlo-at-kalahating-taóng ministeryo sa lupa. (Mat. 8:20; 25:31; 26:64) At mula Pentecostes 33 C.E. patuloy, sinimulan niyang ihasik ang mainam na binhi—ang “mga anak ng kaharian.” Ang paghahasik na ito ay maliwanag na nagsimula nang ibuhos ni Jesus, bilang kinatawan ni Jehova, ang banal na espiritu sa kaniyang mga alagad, anupat pinahiran sila, o hinirang, bilang mga anak ng Diyos.b (Gawa 2:33) Tumubo at naging hinog na trigo ang mainam na binhi. Kaya ang layunin ng paghahasik ay para matipon sa kalaunan ang kabuuang bilang ng makakasama ni Jesus bilang mga tagapagmana at tagapamahala sa kaniyang Kaharian.
5. Sino ang kaaway sa ilustrasyon? Kanino kumakatawan ang mga panirang-damo?
5 Sino ang kaaway, at sino ang mga panirang-damo? Sinasabi sa atin ni Jesus na ang kaaway “ay ang Diyablo.” Ang mga panirang-damo naman ay ang “mga anak ng isa na balakyot.” (Mat. 13:25, 38, 39) Sa literal na diwa, posibleng ang bearded darnel ang panirang-damo na tinutukoy ni Jesus. Kapag murà pa, ang nakalalasong halamang ito ay kahawig na kahawig ng trigo. Kagayang-kagaya ito ng mga huwad na Kristiyano na nag-aangking mga anak ng Kaharian gayong hindi naman nagluluwal ng tunay na bunga! Ang totoo, ang mapagpaimbabaw na mga Kristiyanong ito na nag-aangking mga tagasunod ni Kristo ay bahagi ng “binhi” ni Satanas na Diyablo.—Gen. 3:15.
6. Kailan lumitaw ang mga panirang-damo? Sa anong paraan “natutulog” ang mga tao nang panahong iyon?
6 Kailan lumitaw ang tulad-panirang-damong mga Kristiyanong ito? “Habang natutulog ang mga tao,” ang sabi ni Jesus. (Mat. 13:25) Kailan iyon? Makikita natin ang sagot sa mga sinabi ni apostol Pablo sa matatanda sa Efeso: “Alam ko na pag-alis ko ay papasok sa gitna ninyo ang mapaniil na mga lobo at hindi makikitungo nang magiliw sa kawan, at mula sa inyo mismo ay may mga taong babangon at magsasalita ng mga bagay na pilipit at ilalayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.” (Gawa 20:29, 30) Pinayuhan din niya ang matatanda sa Efeso na manatiling gising sa espirituwal. Nang matulog sa kamatayan ang mga apostol, na nagsisilbing “pamigil” sa apostasya, maraming Kristiyano ang nakatulog sa espirituwal. (Basahin ang 2 Tesalonica 2:3, 6-8.) Dito na nagsimula ang malaking apostasya.
7. Naging panirang-damo ba ang ilang trigo? Ipaliwanag.
7 Hindi sinabi ni Jesus na magiging panirang-damo ang trigo. Sa halip, sinabi niyang ang mga panirang-damo ay inihasik sa gitna ng trigo. Kaya ang ilustrasyong ito ay hindi lumalarawan sa mga tunay na Kristiyanong lumihis sa katotohanan. Sa halip, tumutukoy ito sa pagsisikap ni Satanas na haluan ng masasamang tao ang kongregasyong Kristiyano. Noong matanda na ang huling apostol na si Juan, kitang-kita na ang apostasyang ito.—2 Ped. 2:1-3; 1 Juan 2:18.
“Hayaan Ninyong Kapuwa Sila Lumaking Magkasama Hanggang sa Pag-aani”
8, 9. (a) Bakit hindi na magugulat ang mga tagapakinig ni Jesus sa iniutos ng Panginoon sa kaniyang mga alipin? (b) Bilang katuparan, paano lumaking magkasama ang trigo at panirang-damo?
8 Sinabi ng mga alipin sa kanilang Panginoon ang problema at nagtanong: “Kung gayon, ibig mo bang lumabas kami at tipunin [ang mga panirang-damo]?” (Mat. 13:27, 28) Baka magulat tayo sa kaniyang sagot. Sinabi niyang hayaang lumaking magkasama ang trigo at panirang-damo hanggang sa panahon ng pag-aani. Hindi na magugulat ang mga alagad ni Jesus sa utos na ito. Alam kasi nila na talagang mahirap makita ang pagkakaiba ng trigo at ng panirang-damo. Alam din ng mga may karanasan sa pagsasaka na kadalasan nang pumupulupot ang ugat ng bearded darnel sa ugat ng trigo, kaya kapag binunot ito bago ang pag-aani, kasamang mabubunot ang trigo.c Tama lang na iutos ng Panginoon na maghintay sila!
9 Sa katulad na paraan, sa nakalipas na mga siglo, tumubo ang napakaraming panirang-damo sa iba’t ibang sekta ng Sangkakristiyanuhan—una sa mga simbahang Romano Katoliko at Ortodokso at nang maglaon, sa nagsulputang mga grupong Protestante. Kasabay nito, naihasik sa buong daigdig ang ilang binhi ng tunay na trigo. Sa ilustrasyon, matiyagang naghintay ang may-bahay sa matagal na paglaki ng mga ito hanggang sa sumapit ang maikli namang panahon ng pag-aani.
Ang Pinakahihintay na Panahon ng Pag-aani
10, 11. (a) Kailan ang panahon ng pag-aani? (b) Paano dinadala sa kamalig ni Jehova ang makasagisag na trigo?
10 Sinasabi sa atin ni Jesus: “Ang pag-aani ay katapusan ng isang sistema ng mga bagay, at ang mga manggagapas ay mga anghel.” (Mat. 13:39) Sa mga huling araw ng napakasamang sistemang ito ng mga bagay, may nagaganap na pagbubukud-bukod—ang mga anak ng Kaharian ay tinitipon at inihihiwalay sa sinumang tulad-panirang-damo. Hinggil dito, sinasabi sa atin ni apostol Pedro: “Ito ang takdang panahon upang ang paghatol ay pasimulan sa bahay ng Diyos. Ngayon kung ito ay nagsisimula muna sa atin, ano kaya ang magiging wakas niyaong mga hindi masunurin sa mabuting balita ng Diyos?”—1 Ped. 4:17.
11 Di-nagtagal matapos magsimula ang mga huling araw, o ang “katapusan ng isang sistema ng mga bagay,” nagsimula ang paghatol sa mga nagsasabing sila’y tunay na Kristiyano—kung talaga ngang sila’y “mga anak ng kaharian” o “mga anak ng isa na balakyot.” Sa pasimula ng pag-aani, bumagsak “muna” ang Babilonyang Dakila, at “pagkatapos,” tinipon ang mga anak ng Kaharian. (Mat. 13:30) Pero paano ba dinadala ngayon sa kamalig ni Jehova ang makasagisag na trigo? Ang mga inaning ito ay dinadala sa isinauling kongregasyong Kristiyano, kung saan natatamasa nila ang paglingap at proteksiyon ng Diyos, o kaya ay tumatanggap ng kanilang gantimpala sa langit.
12. Gaano katagal ang pag-aani?
12 Gaano katagal ang paghatol? Ang pag-aani ay tinukoy ni Jesus na “kapanahunan,” kaya nagaganap ito sa loob ng isang yugto ng panahon. (Apoc. 14:15, 16) Ang paghatol sa bawat miyembro ng pinahiran ay magpapatuloy hanggang sa panahon ng kawakasan. Magtatapos ito kapag naisagawa na sa kanila ang huling pagtatatak.—Apoc. 7:1-4.
13. Sa anong paraan nagiging sanhi ng ikatitisod ang mga panirang-damo? Paano sila gumagawa ng katampalasanan?
13 Sino ang ihihiwalay mula sa Kaharian, at paano sila nagiging sanhi ng ikatitisod at gumagawa ng katampalasanan? (Mat. 13:41) Sa loob ng maraming siglo, milyun-milyon na ang naililigaw ng tulad-panirang-damong klero ng Sangkakristiyanuhan. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng mga turong nakasisirang-puri sa Diyos, “mga bagay na sanhi ng ikatitisod,” gaya ng doktrina ng walang-katapusang pagpaparusa sa impiyerno at ng nakalilito at misteryosong Trinidad. Maraming lider ng relihiyon ang naging masamang halimbawa sa kanilang kawan dahil sa mapangalunyang pakikipagkaibigan sa sanlibutan at mga kaso ng lantarang imoral na paggawi. (Sant. 4:4) Bukod diyan, lalong nagiging maluwag ang Sangkakristiyanuhan sa mga miyembro nito pagdating sa moralidad. (Basahin ang Judas 4.) Sa kabila ng lahat ng ito, naaatim pa rin nilang magbanal-banalan. Laking tuwa ng mga anak ng Kaharian na mapahiwalay sa ganitong tulad-panirang-damong impluwensiya at mga maling turo na nagiging sanhi ng ikatitisod!
14. Bakit tumatangis at nagngangalit ang mga ngipin ng mga tulad-panirang-damo?
14 Bakit tumatangis at nagngangalit ang mga ngipin ng mga tulad-panirang-damo? (Mat. 13:42) Ang “mga anak ng isa na balakyot” ay dumaranas ng pahirap dahil inilalantad ng “mga anak ng kaharian” ang kanilang nakalalasong impluwensiya at mga turo. Naghihinagpis din sila dahil sa paghina ng suporta ng mga miyembro ng kanilang simbahan at sa pagkawala ng kanilang awtoridad sa mga ito.—Basahin ang Isaias 65:13, 14.
15. Sa anong diwa sinusunog sa apoy ang mga tulad-panirang-damo?
15 Sa anong diwa tinitipon at sinusunog sa apoy ang mga panirang-damo? (Mat. 13:40) Tumutukoy ito sa kahihinatnan ng mga panirang-damo. Ang makasagisag na paghahagis sa kanila sa maapoy na hurno ay nagpapahiwatig na patungo sila sa walang-hanggang pagkapuksa. (Apoc. 20:14; 21:8) Ang huwad at tulad-panirang-damong mga Kristiyano, ang mga impostor, ay pupuksain sa “malaking kapighatian.”—Mat. 24:21.
Sila ay “Sisikat Nang Maliwanag na Gaya ng Araw”
16, 17. Ano ang inihula ni Malakias tungkol sa templo ng Diyos? Paano ito nagsimulang matupad?
16 Kailan “sisikat nang maliwanag na gaya ng araw” ang mga tulad-trigo? (Mat. 13:43) Tungkol sa paglilinis sa templo ng Diyos, inihula ni Malakias: “‘Biglang darating sa Kaniyang templo ang tunay na Panginoon, na hinahanap ninyo, at ang mensahero ng tipan na siyang kinalulugdan ninyo. Narito! Siya ay tiyak na darating,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo. ‘Ngunit sino ang makatatagal sa araw ng kaniyang pagdating, at sino ang tatayo kapag nagpakita siya? Sapagkat siya ay magiging gaya ng apoy ng tagapagdalisay at gaya ng lihiya ng mga tagapaglaba. At siya ay uupong gaya ng tagapagdalisay at tagapaglinis ng pilak at lilinisin niya ang mga anak ni Levi; at dadalisayin niya silang parang ginto at parang pilak, at kay Jehova sila ay magiging bayan na nagdadala ng isang handog na kaloob sa katuwiran.’”—Mal. 3:1-3.
17 Sa makabagong panahon, maliwanag na nagsimulang matupad ang hulang ito noong 1918 nang magkasamang siyasatin ni Jehova at ng “mensahero ng tipan,” si Jesu-Kristo, ang espirituwal na templo. Sinasabi sa atin ni Malakias ang mangyayari pagkatapos ng paglilinis na ito: “Tiyak na makikita ninyong muli ang pagkakaiba sa pagitan ng matuwid at ng balakyot, sa pagitan ng isa na naglilingkod sa Diyos at ng isa na hindi naglilingkod sa kaniya.” (Mal. 3:18) Biglang sumigla sa gawain ang napalakas na mga tunay na Kristiyano na nagpapakitang nagsimula na ang panahon ng pag-aani.
18. Ano ang inihula ni Daniel na mangyayari sa ating panahon?
18 Tungkol sa ating panahon, inihula ni propeta Daniel: “Silang may kaunawaan ay sisikat na gaya ng ningning ng kalawakan; at silang nagdadala ng marami tungo sa katuwiran, tulad ng mga bituin hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.” (Dan. 12:3) Sino ang mga ito na sumisikat nang napakaliwanag? Walang iba kundi ang pinahirang mga Kristiyano, ang tunay na trigo na tinutukoy ni Jesus sa kaniyang ilustrasyon ng trigo at ng panirang-damo! Kitang-kita ng dumaraming bilang ng malaking pulutong ng mga tulad-tupa na ibinubukod na ang huwad at tulad-panirang-damong mga Kristiyano. Dahil sa pakikisama sa mga nalabi ng espirituwal na Israel, ang mga magiging sakop na ito ng Kaharian ay nakapagpapasikat din ng kanilang liwanag sa madilim na sanlibutang ito.—Zac. 8:23; Mat. 5:14-16; Fil. 2:15.
19, 20. Ano ang pinananabikan ng “mga anak ng Kaharian”? Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
19 Sa ngayon, pinananabikan ng “mga anak ng kaharian” ang kanilang maluwalhating gantimpala sa langit. (Roma 8:18, 19; 1 Cor. 15:53; Fil. 1:21-24) Pero hanggang sa dumating ang panahong iyon, kailangan silang manatiling tapat at sumisikat nang maliwanag, anupat ibang-iba sa “mga anak ng isa na balakyot.” (Mat. 13:38; Apoc. 2:10) Isa ngang pribilehiyo na masaksihan ang mga resulta ng makasagisag na pagbubukod na ito sa mga panirang-damo sa ating panahon!
20 Pero ano ang kaugnayan ng mga anak na ito ng Kaharian sa dumaraming bilang ng malaking pulutong na umaasang mabuhay magpakailanman sa lupa bilang mga sakop ng Kaharian? Sasagutin ng susunod na artikulo ang tanong na ito.
[Mga talababa]
a Para sa detalyadong pagtalakay sa mga ilustrasyong ito, tingnan Ang Bantayan, Hulyo 15, 2008, pahina 12-21.
b Sa talinghagang ito, ang paghahasik ay hindi kumakatawan sa pangangaral at paggawa ng mga alagad para magkaroon ng mga bagong pinahirang Kristiyano. Tungkol sa mainam na binhing inihasik sa bukid, sinabi ni Jesus: “Ito ay ang mga anak ng kaharian”—hindi magiging mga anak ng kaharian. Ang paghahasik ay tumutukoy sa paghirang sa mga anak na ito ng Kaharian sa bukid ng sanlibutan.
c Sa orihinal na wika, ang terminong isinalin dito na “apostasya” ay tumutukoy kapuwa sa dating tunay na mga Kristiyanong humiwalay sa kongregasyon at sa huwad na mga Kristiyanong inihasik ng Diyablo sa loob ng kongregasyon.
Tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 1178.
Natatandaan Mo Ba?
Sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa trigo at sa panirang-damo, saan tumutukoy ang mga ito?
• Ang mainam na binhi
• Ang taong naghasik ng binhi
• Ang paghahasik ng binhi
• Ang kaaway
• Ang mga panirang-damo
• Ang kapanahunan ng pag-aani
• Ang kamalig
• Ang pagtangis at pagngangalit ng ngipin
• Ang maapoy na hurno
[Mga larawan sa pahina 20]
Nagsimula ang paghahasik ng mainam na binhi noong Pentecostes 33 C.E.
[Larawan sa pahina 23]
Dinadala na ngayon sa kamalig ni Jehova ang makasagisag na trigo
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.