Gaano Kaya Kalayo sa Silangan ang Narating ng mga Misyonero?
WALA pang 30 taon pagkamatay ni Jesus, isinulat ni apostol Pablo na ang mabuting balita ay ipinangangaral sa “lahat ng nilalang” sa silong ng langit. (Colosas 1:23) Hindi dapat unawain nang literal ang sinabi niya, na para bang ang bawat taong buháy noong panahong iyon ay nakarinig ng mabuting balita. Magkagayunman, malinaw ang punto ni Pablo: Ang mga misyonerong Kristiyano ay nangaral nang malawakan sa daigdig na kilalá noong panahong iyon.
Hanggang saan kaya sila nakarating? Sinasabi ng Kasulatan na dahil sa mga barkong pangkomersiyo, nakapangaral si Pablo maging hanggang sa malayong Italya sa kanluran. Gusto rin ng malakas-ang-loob na misyonerong ito na makapangaral sa Espanya.—Gawa 27:1; 28:30, 31; Roma 15:28.
Pero kumusta naman ang mga lugar sa silangan? Gaano kaya kalayo sa silangan ang narating ng mga Kristiyanong ebanghelisador? Hindi tayo nakatitiyak, yamang walang sinasabi ang Bibliya hinggil dito. Pero baka magulat ka kapag nalaman mo kung hanggang saan umabot noong unang siglo C.E. ang mga ruta ng kalakalan sa pagitan ng Mediteraneo at ng Silangan. Hindi natin alam kung gaano kalayo ang narating ng mga misyonero, pero ang gayong mga ruta ay nagpapakita na posibleng maglakbay pasilangan.
Pamana ni Alejandro
Dahil sa mga panlulupig ni Alejandrong Dakila, nakarating siya sa Babilonia at Persia sa silangan hanggang sa Punjab sa hilagang India. Sa pamamagitan ng mga ekspedisyong ito, naging pamilyar ang mga Griego sa mga baybayin mula sa bukana ng Ilog Eufrates na nasa Gulpo ng Persia hanggang sa bukana ng Ilog Indus na nasa Dagat ng Arabia.
Di-nagtagal, ang mga espesya at insenso mula sa ibayo ng Karagatang Indian ay itinawid sa Dagat na Pula at dinala sa mga lugar na nasasakupan ng Gresya. Noong una, ang kalakalang ito ay kontrolado ng mga negosyanteng mula sa Arabia at India. Pero nang matuklasan ng mga taga-Ehipto sa ilalim ng pamamahala ng mga Ptolemy kung paano kumikilos ang hanging-habagat, sila man ay nakipagkalakalan na rin patawid sa Karagatang Indian.
Sa karagatang iyon, ang hangin ay nanggagaling sa timog-kanluran mula Mayo hanggang Setyembre, anupat nakapaglalayag ang mga barko mula sa bukana ng Dagat na Pula sa may timugang baybayin ng Arabia o deretso patungong timugang India. Mula Nobyembre hanggang Marso, ang hangin ay nagmumula naman sa hilagang-silangan anupat nagiging madaling maglayag pabalik. Daan-daang taon nang ginagamit ng mga marinerong mula sa Arabia at India ang kanilang kaalaman tungkol sa direksiyon ng hangin, anupat nakapaglalayag sila nang pabalik-balik sa India at sa Dagat na Pula na may dalang mga kasia, kanela, nardo, at paminta.
Mga Ruta sa Dagat Patungong Alejandria at Roma
Nang sakupin ng mga Romano ang mga lupaing pinamamahalaan ng mga humalili kay Alejandro, ang Roma ang naging pangunahing pamilihan ng mamahaling mga paninda mula sa Silangan—garing mula sa Aprika, insenso at mira mula sa Arabia, mga espesya at mamahaling mga bato mula sa India, at maging seda mula sa Tsina. Ang mga barkong may dala ng gayong mga paninda ay nagtatagpo sa dalawang pangunahing daungan sa Baybayin ng Dagat na Pula sa Ehipto—ang Berenice at Myos Hormos. Mula sa mga daungang ito, may mga lansangan patungong Coptos sa may Ilog Nilo.
Mula sa Coptos, ang mga paninda ay idaraan sa Nilo, ang pangunahing ilog ng Ehipto, patungong Alejandria, kung saan isasakay ang mga paninda sa mga barko patungong Italya at sa iba pang mga lugar. Ang isang alternatibong ruta patungong Alejandria ay daraan sa isang kanal na nagdurugtong sa hilagang bahagi ng Dagat na Pula—malapit sa makabagong-panahong Suez—at Nilo. Siyempre pa, ang Ehipto at ang mga daungan nito ay halos kalapit ng mga lupain kung saan nangaral si Jesus at madali itong puntahan.
Ayon sa unang-siglong heograpong Griego na si Strabo, 120 barko sa Alejandria noong panahon niya ang naglalayag mula sa Myos Hormos para makipagkalakalan sa India taun-taon. Isang unang-siglong manwal hinggil sa paglalayag sa lugar na ito ang naingatan hanggang sa ngayon. Malamang na isang negosyanteng taga-Ehipto na nagsasalita ng Griego ang sumulat nito para makinabang ang kapuwa niya mangangalakal. Ano ang matututuhan natin mula sa sinaunang aklat na ito?
Ang manwal, na madalas tawagin sa pamagat nitong Latin na Periplus Maris Erythraei (Paglalayag sa Palibot ng Dagat Erythraean) ay naglalarawan sa mga ruta sa dagat na sumasaklaw ng libu-libong kilometro mula sa Ehipto patimog hanggang sa malayong Zanzibar. Habang nakaharap sa silangan, inililista ng awtor ng aklat na ito ang mga distansiya, daungan, pamilihan, paninda, at saloobin ng mga nakatira sa timugang baybayin ng Arabia, pababa sa kanlurang baybayin ng India hanggang sa Sri Lanka at saka paakyat sa silangang baybayin ng India hanggang sa Ganges. Ang malinaw at tumpak na paglalarawan ng aklat ay nagpapakitang napuntahan mismo ng awtor ang mga lugar na binanggit niya.
Mga Taga-Kanluran sa India
Sa India, ang mga negosyante mula sa kanluran ay kilala sa tawag na mga Yavana. Ayon sa Periplus, isa sa regular na destinasyon nila noong unang siglo C.E. ay ang Muziris, na matatagpuan malapit sa timugang dulo ng India.a Laging nababanggit ang mga mangangalakal na ito sa mga tula ng mga Tamil na isinulat noong unang mga siglo C.E. “Ang magagandang barko ng mga Yavana ay dumarating na may mga dalang ginto at bumabalik na may dalang paminta, at nagkakaingay sa Muziris,” ang sabi ng isang tula. Sa isa pang tula, hinimok ang isang prinsipe sa timugang India na uminom ng mabangong alak na dala ng mga Yavana. Kasama sa ibang mga paninda mula sa Kanluran na mabenta sa India ay ang mga kagamitang kristal, korales, mga tela, at mga bagay na yari sa metal.
Maraming natagpuang ebidensiya ang mga arkeologo tungkol sa kalakalan sa pagitan ng mga taga-Kanluran at India. Halimbawa, sa Arikamedu sa timog-silangang baybayin ng India, natagpuan ang mga pira-pirasong banga ng alak at pinggan mula sa Roma na may tatak ng mga magpapalayok na gumawa ng mga ito sa Arezzo, sa gitnang bahagi ng Italya. “Gumana ang imahinasyon ng isang mapag-usisa habang kinukuha niya mula sa banlik ng Look ng Bengal ang mga bibinga na may pangalan ng mga manggagawa na ang kanilang mga hurno ay matatagpuan sa may hangganan ng Arezzo,” ang sabi ng isang manunulat. Ang kalakalan sa pagitan ng Mediteraneo at India ay pinatutunayan din ng napakaraming nakatagong baryang ginto at pilak ng Roma na natagpuan sa timugang India. Marami sa mga baryang ito ay mula pa noong unang siglo C.E. at may mga larawan ng mga emperador ng Roma na sina Augusto, Tiberio, at Nero.
Posible rin na nagtatag ng negosyo ang mga taga-Roma sa timugang India dahil pinatutunayan ito ng isang sinaunang mapa na ginawa noong Edad Medya na naingatan pa rin hanggang sa ngayon. Ang mapang ito, na kilala sa tawag na Peutinger Table—na sinasabing naglalarawan sa mga nasasakupan ng Roma noong unang siglo C.E.—ay nagpapakita ng isang templo ni Augusto sa Muziris. “Ang gayong istraktura ay maitatayo lamang ng mga sakop ng Imperyo ng Roma, at ipinalalagay na nanirahan sila sa Muziris o namalagi nang matagal na panahon doon,” ang sabi ng aklat na Rome’s Eastern Trade: International Commerce and Imperial Policy, 31 BC–AD 305.
Binabanggit din ng ulat hinggil sa Roma ang tungkol sa mga pagdalaw sa Roma ng di-kukulangin sa tatlong embahada ng India noong panahon ng pamamahala ni Augusto, mula 27 B.C.E. hanggang 14 C.E. “Mahalaga ang layuning pandiplomatiko ng mga embahadang ito,” ang sabi ng isang pag-aaral hinggil sa paksa—ang pagkasunduan kung saan maaaring gawin ang transaksiyon ng mga negosyanteng nagmula sa magkaibang bansa, kung saan maaaring magpataw ng buwis, at kung saan maaaring manirahan ang mga dayuhan, at iba pa.
Pagkatapos noong unang siglo C.E., madalas at pangkaraniwan lamang ang paglalakbay sa pagitan ng mga bansang nakapalibot sa Dagat Mediteraneo at India. Napakadali para sa isang misyonerong Kristiyano na nasa hilaga ng Dagat na Pula na sumakay ng barko patungong India.
Lampas Pa ng India?
Mahirap matiyak kung hanggang saan sa silangan ang nilakbay ng mga mangangalakal na taga-Mediteraneo at ng iba pang mga manlalakbay—at kung kailan sila naglakbay. Pero pinaniniwalaan na noong unang siglo C.E., ang ilan sa mga taga-Kanluran ay nakapaglakbay hanggang sa Thailand, Cambodia, Sumatra, at Java.
Ang Hou Han-Shou (Ulat ng Kasaysayan ng Ikalawang Bahagi ng Dinastiyang Han), na sumasaklaw mula 23 C.E. hanggang 220 C.E., ay nagbigay ng petsa ng isa sa mga paglalakbay na iyon. Noong 166 C.E., isang embahada mula sa hari ng Daqin, na nagngangalang An-tun, ang dumating sa korte ng Tsina na may dalang tributo para kay Emperador Huan-ti. Daqin ang terminong Tsino para sa Imperyo ng Roma, at An-tun naman ang lumilitaw na terminong Tsino ng Antoninus, ang apelyido ni Marcus Aurelius, ang emperador ng Roma noong panahong iyon. Naghihinala ang mga istoryador na hindi talaga ito isang embahada kundi isa lamang pagsisikap ng mga mangangalakal mula sa kanluran para tuwirang makakuha ng seda mula sa Tsina sa halip na dumaan pa sa ibang tao.
Balikan natin ang ibinangong tanong sa simula: Gaano kaya kalayo sa silangan ang narating ng mga misyonerong Kristiyano noong unang siglo sa pamamagitan ng sinaunang mga barko? Sa India o lampas pa rito? Marahil. Pero tiyak na ang mensaheng Kristiyano ay lumaganap kaya nga nasabi ni apostol Pablo na ito ay “namumunga at lumalago sa buong sanlibutan”—sa diwa, sa pinakamalayong lugar na kilalá noong panahong iyon.—Colosas 1:6.
[Talababa]
a Bagaman hindi tiyak ang mismong kinaroroonan ng Muziris, sinasabi ng mga iskolar na malapit ito sa bukana ng Ilog Periyar, sa Estado ng Kerala.
[Kahon/Larawan sa pahina 22]
Ang Daíng ng Emperador
Noong 22 C.E., idinaíng ng Romanong emperador na si Tiberio ang walang-patid na pagmamalabis ng kaniyang mga kababayan. Dahil sa kanilang walang-taros na hilig sa karangyaan at sa walang-habas na paghahangad sa mga alahas ng mga babaing taga-Roma, nauubos ang kayamanan ng kaniyang imperyo at napupunta ito sa “di-kilalá o palabang mga bansa.” Idinaíng din ng Romanong istoryador na si Pliny na Nakatatanda (23-79 C.E.) ang katulad na mga paglulustay. Ganito ang isinulat niya: “Sa pinakamababang kalkulasyon, isandaang milyong sesterse ang kinukuha taun-taon ng India, Seres, at ng Peninsula ng Arabia mula sa aming imperyo—napakalaki ng ibinabayad namin para sa aming karangyaan at sa [luho ng] aming kababaihan.”b
[Talababa]
b Ayon sa kalkulasyon ng mga analista, ang 100 milyong sesterse ay katumbas ng mga 2 porsiyento ng kabuuang yaman ng Imperyo ng Roma.
[Credit Line]
Museo della Civiltà Romana, Roma; Todd Bolen/Bible Places.com
[Kahon/Larawan sa pahina 23]
Kung Saan Namilí ang mga Mangangalakal
Binanggit ni Jesus ang tungkol sa “isang naglalakbay na mangangalakal na naghahanap ng maiinam na perlas.” (Mateo 13:45) Binabanggit din ng aklat ng Apocalipsis ang tungkol sa “naglalakbay na mga mangangalakal” na ang mga paninda ay mamahaling mga bato, seda, mabangong kahoy, garing, kanela, insenso, at espesyang mula sa India. (Apocalipsis 18:11-13) Ang mga panindang ito ay nagmula sa mga ruta ng kalakalan sa silangan ng Palestina. Ang mababangong kahoy, gaya ng apalit, ay nagmula sa India. Ang mamahaling mga perlas ay maaaring matagpuan sa Gulpo ng Persia, sa Dagat na Pula, at ayon sa awtor ng Periplus Maris Erythraei, sa Sri Lanka at sa paligid ng Muziris. Ang mga perlas mula sa Karagatang Indian ay malamang na ang pinakamagandang uri at pinakamamahalin.
[Mapa sa pahina 20, 21]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ilan sa mga ruta ng kalakalan sa pagitan ng Roma at Asia noong unang siglo
Arezzo
Roma
DAGAT MEDITERANEO
APRIKA
Alejandria
EHIPTO
Coptos
Ilog Nilo
Myos Hormos
Berenice
Zanzibar
Dagat na Pula
Jerusalem
ARABIA
Ilog Eufrates
BABILONIA
Gulpo ng Persia
PERSIA
↓ Hanging amihan
↑ Hanging habagat
Ilog Indus
PUNJAB
Ilog Ganges
Look ng Bengal
INDIA
Arikamedu
Muziris
SRI LANKA
KARAGATANG INDIAN (DAGAT ERYTHRAEAN)
TSINA
IMPERYONG HAN
THAILAND
CAMBODIA
VIETNAM
Sumatra
Java
[Larawan sa pahina 21]
Isang modelo ng barkong pangkargamento mula sa Roma
[Credit Line]
Barko: Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.