‘Naiintindihan Mo ba ang Kahulugan’?
“Lubusan niyang binuksan ang kanilang mga pag-iisip upang maintindihan ang kahulugan ng Kasulatan.”—LUC. 24:45.
1, 2. Paano pinatibay ni Jesus ang kaniyang mga alagad noong araw na buhayin siyang muli?
NOONG araw na buhaying muli si Jesus, dalawang alagad niya ang naglalakad patungo sa isang nayon na mga 11 kilometro mula sa Jerusalem. Lungkot na lungkot sila dahil namatay si Jesus at wala silang kamalay-malay na binuhay na siyang muli. Walang ano-ano, nagpakita si Jesus at sinabayan sila sa paglalakad. Pinatibay niya ang mga alagad na iyon. Paano? “Pasimula kay Moises at sa lahat ng mga Propeta ay binigyang-kahulugan niya sa kanila ang mga bagay na may kinalaman sa kaniyang sarili sa lahat ng Kasulatan.” (Luc. 24:13-15, 27) Sa gayon, nagningas ang kanilang puso dahil ‘lubusan niyang binuksan,’ o malinaw na ipinaliwanag, sa kanila ang Kasulatan.—Luc. 24:32.
2 Kinagabihan, pagkabalik sa Jerusalem, nakita ng dalawang alagad ang mga apostol at ikinuwento sa kanila ang nangyari. Habang nag-uusap, nagpakita si Jesus sa kanilang lahat. Pero natakot ang mga apostol at nagduda kung si Jesus nga ba iyon. Paano sila pinatibay ni Jesus? Ayon sa ulat: “Lubusan niyang binuksan ang kanilang mga pag-iisip upang maintindihan ang kahulugan ng Kasulatan.”—Luc. 24:45.
3. Anong mga hamon ang maaaring mapaharap sa atin? Ano ang makatutulong para maging balanse ang pananaw natin sa ministeryo?
3 Gaya ng mga alagad na iyon, baka nalulungkot din tayo kung minsan. Marahil abala tayo sa gawain ng Panginoon, pero nasisiraan tayo ng loob dahil wala tayong nakikitang resulta. (1 Cor. 15:58) O baka parang hindi sumusulong ang mga tinuturuan natin. Ang iba naman ay baka huminto na sa pag-aaral ng Bibliya. Ano ang maaari nating gawin para maging balanse ang pananaw natin sa ministeryo? Makatutulong kung lubusan nating maiintindihan ang kahulugan ng mga ilustrasyon ni Jesus na nasa Banal na Kasulatan. Talakayin natin ang tatlo sa mga ilustrasyong iyon at tingnan kung ano ang matututuhan natin dito.
ANG MANGHAHASIK NA NATUTULOG SA GABI
4. Ano ang kahulugan ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa manghahasik na natutulog sa gabi?
4 Basahin ang Marcos 4:26-29. Ano ang kahulugan ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa manghahasik na natutulog sa gabi? Ang manghahasik ay lumalarawan sa mga mamamahayag ng Kaharian. Ang binhi ay ang mensahe ng Kaharian na ipinangangaral sa mga tapat-puso. Gaya ng nangyayari sa araw-araw, ang manghahasik ay “natutulog . . . sa gabi at bumabangon sa araw.” Ang paglaki ng binhi ay nangangailangan ng panahon, mula sa pagtatanim hanggang sa pag-aani. Sa panahong iyon, “ang binhi ay sumisibol at tumataas.” Ang paglaki ay unti-unting nangyayari “sa ganang sarili.” Sa katulad na paraan, unti-unti rin ang espirituwal na paglaki. Ang isang indibiduwal na sumulong na at nagdesisyong maglingkod sa Diyos ay masasabing nagbubunga kapag inialay niya ang kaniyang buhay kay Jehova at nagpabautismo.
5. Bakit ginamit ni Jesus ang ilustrasyon tungkol sa manghahasik na natutulog sa gabi?
5 Bakit ginamit ni Jesus ang ilustrasyong ito? Tinutulungan tayo ni Jesus na maunawaang si Jehova ang nagpapalago sa binhi ng katotohanan sa puso ng mga “wastong nakaayon.” (Gawa 13:48; 1 Cor. 3:7) Nagtatanim tayo at nagdidilig, pero hindi natin kontrolado ang paglaki ng binhi. Hindi natin iyon mapipilit ni mapabibilis. Gaya ng manghahasik sa ilustrasyon, hindi natin alam kung paano nangyayari ang paglaki. Kadalasan nang hindi natin iyon napapansin habang abala tayo sa mga gawain sa araw-araw. Pero sa kalaunan, maaaring magbunga ang binhi ng Kaharian. Ang bagong alagad ay makakasama na natin at makatutulong sa gawaing pag-aani.—Juan 4:36-38.
6. Ano ang dapat nating kilalanin pagdating sa espirituwal na pagsulong?
6 Ano ang matututuhan natin sa ilustrasyong ito? Una, dapat nating kilalanin na hindi natin kontrolado ang espirituwal na pagsulong ng ating Bible study. Kung mapagpakumbaba tayo, makatutulong ito para hindi tayo matuksong pilitin siya na magpabautismo. Ginagawa natin ang lahat para tulungan at suportahan siya, pero mapagpakumbaba nating kinikilala na siya ang magpapasiya kung iaalay niya ang kaniyang sarili kay Jehova. Ang pag-aalay ay dapat na mula sa puso at udyok ng pag-ibig sa Diyos para maging katanggap-tanggap kay Jehova.—Awit 51:12; 54:6; 110:3.
7, 8. (a) Ano pa ang matututuhan natin sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa manghahasik na natutulog sa gabi? Magbigay ng halimbawa. (b) Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol kay Jehova at kay Jesus?
7 Ikalawa, kung maiintindihan natin ang aral ng ilustrasyong ito, hindi tayo masisiraan ng loob kapag hindi tayo agad nakakita ng resulta sa ating pagtuturo. Kailangan nating maging matiyaga at matiisin. (Sant. 5:7, 8) Kung ginawa naman natin ang lahat para tulungan ang ating Bible study pero hindi pa rin nagbunga ang binhi, alam nating hindi iyon nangangahulugan na bigo tayo bilang guro. Pinalalago ni Jehova ang binhi ng katotohanan tangi lamang sa mapagpakumbabang mga puso na handang magbago. (Mat. 13:23) Kaya hindi natin dapat ibatay sa mga resulta ang pagiging epektibo natin sa ministeryo. Para kay Jehova, ang tagumpay ng ating ministeryo ay hindi nakadepende sa pagtugon ng mga tinuturuan natin. Ang mas mahalaga sa kaniya ay ang tapat na pagsisikap natin anuman ang resulta.—Basahin ang Lucas 10:17-20; 1 Corinto 3:8.
8 Ikatlo, hindi natin laging nakikita ang mga pagbabagong nangyayari sa isang tao. Halimbawa, isang mag-asawang Bible study ng isang misyonero ang nagsabi sa kaniya na gusto na nilang maging di-bautisadong mamamahayag. Ipinaalala niya sa mag-asawa na para maging kuwalipikado, dapat nilang ihinto ang paninigarilyo. Nagulat siya nang sabihin nila na ilang buwan na silang hindi naninigarilyo. Bakit sila huminto? Napag-isip-isip nila na nakikita ni Jehova ang palihim nilang paninigarilyo at kinapopootan Niya ang pagpapaimbabaw. Kaya nadama nilang dapat silang magdesisyon—manigarilyo sa harap ng misyonero o tuluyan nang huminto. Nakatulong ang lumalalim na pag-ibig nila kay Jehova para makagawa sila ng tamang desisyon. Walang kamalay-malay ang misyonero na sumusulong na pala sila sa espirituwal.
ANG LAMBAT NA PANGUBKOB
9. Ano ang kahulugan ng ilustrasyon tungkol sa lambat na pangubkob?
9 Basahin ang Mateo 13:47-50. Ano ang kahulugan ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa lambat na pangubkob? Ang pangangaral ng mensahe ng Kaharian sa lahat ng tao ay inihalintulad ni Jesus sa paghuhulog ng lambat na pangubkob sa dagat. Kung paanong napakaraming iba’t ibang uri ng isda ang nahuhuli ng gayong lambat, milyon-milyong tao rin ang naaakit sa ating pangangaral. (Isa. 60:5) Bilang ebidensiya nito, napakaraming dumadalo sa Memoryal at mga kombensiyon natin taon-taon. Ang ilan sa makasagisag na mga isdang ito ay “maiinam,” at nagiging bahagi sila ng kongregasyong Kristiyano. Pero ang iba naman ay “di-karapat-dapat” at hindi sila katanggap-tanggap kay Jehova.
10. Bakit ginamit ni Jesus ang ilustrasyon tungkol sa lambat na pangubkob?
10 Bakit ginamit ni Jesus ang ilustrasyong ito? Ang pagbubukod-bukod sa mga isda sa ilustrasyon ay hindi tumutukoy sa pangwakas na paghatol sa panahon ng malaking kapighatian. Sa halip, inilalarawan nito ang mangyayari sa mga huling araw ng masamang sistemang ito. Ipinakikita ni Jesus na hindi lahat ng naaakit sa katotohanan ay maninindigan sa panig ni Jehova. Marami sa mga dumadalo sa ating mga pulong o nagpapa-Bible study ang hindi interesadong ialay ang kanilang buhay kay Jehova. (1 Hari 18:21) Ang iba naman ay tumigil na sa pakikisama sa kongregasyong Kristiyano. May mga kabataan na pinalaki ng Kristiyanong mga magulang pero hindi nila natutuhang mahalin ang mga pamantayan ni Jehova. Anuman ang sitwasyon, idiniin ni Jesus na bawat isa ay kailangang gumawa ng sariling desisyon. Ang mga gagawa ng tamang desisyon ay ituturing niyang “kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa.”—Hag. 2:7.
11, 12. (a) Paano tayo makikinabang sa ilustrasyon tungkol sa lambat na pangubkob? (b) Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol kay Jehova at kay Jesus?
11 Paano tayo makikinabang sa ilustrasyon tungkol sa lambat na pangubkob? Kung maiintindihan natin ang aral sa ilustrasyong ito, hindi tayo masyadong malulungkot o madidismaya kapag hindi pinili ng ating anak o Bible study na maglingkod kay Jehova. Puwede itong mangyari kahit ginawa na natin ang lahat para tulungan siya. Hindi dahil nagpa-Bible study ang isang tao o pinalaki siya sa katotohanan ay magkakaroon na siya ng matibay na kaugnayan kay Jehova. Ang mga ayaw magpasakop sa awtoridad ni Jehova ay hindi magiging bahagi ng bayan ng Diyos.
Ang ilang naaakit sa katotohanan ay maninindigan sa panig ni Jehova (Tingnan ang parapo 9-12)
12 Ibig bang sabihin, kapag iniwan ng isa ang katotohanan, hindi na siya makababalik sa kongregasyon? O kung hindi ialay ng isa ang kaniyang buhay kay Jehova, permanente na ba siyang ituturing na “di-karapat-dapat”? Hindi. May pagkakataon pa ring maging kaibigan ni Jehova ang gayong mga tao bago magsimula ang malaking kapighatian. Si Jehova ay nananawagan sa kanila: “Manumbalik kayo sa akin, at manunumbalik ako sa inyo.” (Mal. 3:7) Idiniriin iyan sa isa pang ilustrasyon ni Jesus—ang tungkol sa alibughang anak.—Basahin ang Lucas 15:11-32.
ANG ALIBUGHANG ANAK
13. Ano ang kahulugan ng ilustrasyon tungkol sa alibughang anak?
13 Ano ang kahulugan ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa alibughang anak? Ang maawaing ama sa ilustrasyong ito ay lumalarawan sa mapagmahal nating Ama sa langit, si Jehova. Ang anak na humingi ng mana at saka nilustay iyon ay lumalarawan sa mga umaalis o humihiwalay sa kongregasyon. Para silang naglalakbay sa “isang malayong lupain,” ang sanlibutan ni Satanas, na hiwalay kay Jehova. (Efe. 4:18; Col. 1:21) Pero ang ilan ay natatauhan at nagsisikap na bumalik sa organisasyon ni Jehova. Ang mapagpakumbaba at nagsisising mga taong ito ay buong-pusong tinatanggap ng mapagpatawad nating Ama.—Isa. 44:22; 1 Ped. 2:25.
14. Bakit ginamit ni Jesus ang ilustrasyon tungkol sa alibughang anak?
14 Bakit ginamit ni Jesus ang ilustrasyong ito? Sa nakaaantig na paraan, inilarawan ni Jesus na gusto ni Jehova na bumalik sa Kaniya ang mga humiwalay sa kongregasyon. Ang ama sa ilustrasyon ay hindi nawalan ng pag-asa na babalik ang kaniyang anak. Nang makita niyang nagbalik na ito, kahit “nasa malayo pa,” agad niya itong sinalubong para tanggapin. Isa nga itong mapuwersang pampatibay para sa mga tumalikod sa katotohanan na agad silang bumalik kay Jehova! Posibleng mahinang-mahina sila sa espirituwal, at baka nakakahiya at napakahirap para sa kanila ang bumalik. Pero sulit ang pagsisikap nila—maging ang langit ay magsasaya kapag bumalik sila.—Luc. 15:7.
15, 16. (a) Ano ang matututuhan natin sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa alibughang anak? Magbigay ng halimbawa. (b) Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol kay Jehova at kay Jesus?
15 Paano tayo makikinabang sa ilustrasyon tungkol sa alibughang anak? Dapat nating tularan ang halimbawa ni Jehova. Ayaw nating “lubhang magpakamatuwid” anupat tumatangging tanggapin ang mga nagsisisi. Makasisira ito sa kaugnayan natin kay Jehova. (Ecles. 7:16) May matututuhan pa tayo sa ilustrasyong ito. Ang isa na umalis sa kongregasyon ay dapat nating ituring na “nawawalang tupa,” na puwede pang makabalik. (Awit 119:176) Kung may matagpuan tayong isang tao na napalayo sa kongregasyon, sisikapin ba nating matulungan siya para makabalik? Ipaaalam ba natin agad iyon sa mga elder para mabigyan siya ng kinakailangang tulong? Gagawin natin iyan kung talagang naiintindihan natin at ikinakapit ang aral sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa alibughang anak.
16 Pansinin kung paano pinahahalagahan ng ilang nagbalik sa kongregasyon ang awa na ipinakita ni Jehova at ang pag-ibig at suporta ng kongregasyon. Sinabi ng isang brother na natiwalag nang 25 taon: “Mula nang maibalik ako, patuloy na nadaragdagan ang kagalakan ko habang nagtatamasa ako ng ‘mga kapanahunan ng pagpapaginhawa’ mula kay Jehova. (Gawa 3:19) Talagang supportive at mapagmalasakit sila! Meron na ako ngayong isang mapagmahal na espirituwal na pamilya.” Isang sister na napalayo kay Jehova nang limang taon at nakabalik ang nagsabi: “Hindi ko maipaliwanag ang nadama ko nang ipakita sa akin mismo ang pag-ibig na sinasabi ni Jesus. Walang katumbas ang pagiging bahagi ng organisasyon ni Jehova!”
17, 18. (a) Anong mga aral ang natutuhan natin sa tatlong ilustrasyong tinalakay natin? (b) Ano ang dapat na maging determinasyon natin?
17 Anong mga aral ang natutuhan natin sa tatlong ilustrasyong ito? Una, dapat nating kilalanin na wala tayong kontrol sa espirituwal na pagsulong. Ipinauubaya natin iyon kay Jehova. Ikalawa, hindi natin dapat asahan na lahat ng nakikisama at nagpapa-Bible study sa atin ay maninindigan sa katotohanan. Panghuli, iwan man ng ilan ang katotohanan at talikuran si Jehova, huwag tayong mawalan ng pag-asa na babalik sila. At kapag bumalik sila, tanggapin natin sila gaya ng pagtanggap sa kanila ni Jehova.
18 Patuloy nawa nating hanapin ang kaalaman, kaunawaan, at karunungan. Kapag binabasa mo ang mga ilustrasyon ni Jesus, tanungin ang sarili: ‘Ano ang kahulugan ng ilustrasyong ito? Bakit ito isinulat sa Bibliya? Paano ko maikakapit ang mga aral nito? Ano ang matututuhan ko rito tungkol kay Jehova at kay Jesus?’ Sa paggawa nito, ipinakikita natin na talagang naiintindihan natin ang kahulugan ng mga sinabi ni Jesus.