Ibahagi Natin ang Ating Mahahalagang Kayamanan
1 Ang Salita ng Diyos ay sagana sa espirituwal na mga kayamanan na lubos nating pinahahalagahan. (Awit 12:6; 119:11, 14) Sa isang pagkakataon, gumamit si Jesus ng mga ilustrasyon na naglalarawan sa iba’t ibang aspekto ng Kaharian, at pagkatapos ay tinanong niya ang kaniyang mga tagasunod: “Nakuha ba ninyo ang diwa ng lahat ng mga bagay na ito?” Nang sabihin nila kay Jesus na nauunawaan nila ang mga iyon, sinabi niya sa kanila: “Kung magkagayon, ang bawat pangmadlang tagapagturo, kapag naturuan may kinalaman sa kaharian ng langit, ay tulad ng isang tao, isang may-bahay, na naglalabas mula sa kaniyang imbakan ng kayamanan ng mga bagay na bago at luma.”—Mat. 13:1-52.
2 Ang mga katotohanan na natutuhan natin noong magsimula tayong mag-aral ng Bibliya ay maaaring ituring na mga lumang kayamanan. Sa pamamagitan ng ating patuluyang personal na pag-aaral sa mas malalalim na bagay ng Salita ng Diyos, nakasusumpong tayo ng iba pang mga katotohanan sa Bibliya, na para sa atin ay tulad ng mga bagong-tuklas na kayamanan. (1 Cor. 2:7) Gayundin, sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin,” nauunawaan natin ang kahulugan ng mga bagong kayamanan.—Mat. 24:45.
3 Lubos nating pinahahalagahan ang espirituwal na mga kayamanang ito, luma man o bago. Dahil dito, nauudyukan tayong tanggapin ang mga pagsasanay sa atin at maging makaranasang tagapagturo ng Salita ng Diyos anupat bukas-palad na ibinabahagi sa iba ang mahahalagang katotohanan na ating natututuhan.
4 Matuto Mula sa Halimbawa ni Jesus: Para ipakita kung gaano kahalaga sa kaniya ang mga kayamanang ito, nagpagal nang husto si Jesus upang maibahagi ito sa iba. Kahit pagod na siya, hindi siya tumigil sa paglalabas ng mga kayamanan mula sa kaniyang “imbakan.”—Juan 4:6-14.
5 Ang pag-ibig ni Jesus sa mga nagdarahop sa espirituwal na paraan ang nagpakilos sa kaniya na ibahagi sa kanila ang nagliligtas-buhay na kayamanan ng mga katotohanan mula sa Diyos. (Awit 72:13) Nahabag siya sa mga taong gutom sa espirituwal, kaya napakilos siyang “magturo sa kanila ng maraming bagay.”—Mar. 6:34.
6 Tularan si Jesus: Kapag lubos nating pinahahalagahan ang taglay nating mga kayamanan, gaya ni Jesus, magkakaroon tayo ng matinding pagnanais na ipakita sa mga tao ang espirituwal na mga hiyas nang tuwiran mula sa Bibliya. (Kaw. 2:1-5) Bagaman maaari tayong mapagod kung minsan, patuloy pa rin nating ihahayag nang taos-puso at may-pananabik ang mga katotohanan mula sa Kasulatan. (Mar. 6:34) Ang ating matinding pagpapahalaga sa taglay nating mga kayamanan ang mag-uudyok sa atin na laging gawin ang ating buong makakaya upang magkaroon ng higit na pakikibahagi sa ministeryo.