TALAANGKANAN NI JESU-KRISTO
Sa unang kabanata ng Mateo ay masusumpungan natin ang talaangkanan ni Jesus mula kay Abraham patuloy. Nasa Lucas kabanata 3 naman ang isang talaangkanan na pabalik kay “Adan, na anak ng Diyos.” Ang talaangkanan ni Jesus ang kaisa-isang talaangkanan na mababasa sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang isang bahagi ng kaniyang talaangkanan ay makikita sa 1 Cronica kabanata 1 hanggang 3, na nagsisimula kay Adan at tumatalunton kay Solomon at kay Zerubabel. Ipinakikita ng pinagsamang mga talaangkanan mula sa mga aklat ng Genesis at Ruth ang linya mula kay Adan hanggang kay David.
Ang huling tatlong talaan (Genesis/Ruth, 1 Cronica, at Lucas) ay lubusang magkakasuwato mula kay Adan hanggang kay Arpacsad, anupat may maliliit na pagkakaiba lamang sa ilang pangalan, gaya ng Kenan, na “Cainan” sa Lucas 3:37. Ang mga talaan sa Mga Cronica at Genesis/Ruth ay magkasuwato hanggang kay David, samantalang may isa pang “Cainan” na nasa ulat ni Lucas sa pagitan ni Arpacsad at ni Shela.—Luc 3:35, 36.
Mula kay Solomon hanggang kay Zerubabel, sa kalakhang bahagi ay magkasuwato ang rekord ng Mga Cronica at ang Mateo, bagaman may ilang pangalan na wala sa Mateo. Ang mga pagkakaibang ito at ang mga pagkakaiba ng ulat ni Lucas mula kay David hanggang kay Jesus ay tatalakayin sa bandang huli.
Sa ilalim ng artikulong TALAANGKANAN, nakita natin na bukod pa sa maraming pribadong rekord ng pamilya, nag-ingat din ang mga Judio ng mga pampublikong rekord ng mga talaangkanan at na ang mga ito ay sinangguni ng mga mananalaysay, gaya ni Ezra, nang tinitipon nila ang kanilang mga talaan; gayundin, nakita natin na nagkaroon ng mga pampublikong rehistro noong unang siglo at maliwanag na hanggang noong 70 C.E. Para sa mga Judio, napakahalaga ng talaangkanang pagmumulan ng Mesiyas, na nagsisimula kay Abraham at tumatalunton kay David. Kaya makatitiyak tayo na kapuwa si Mateo at si Lucas ay sumangguni sa mga talahanayang ito ng angkan.
Pagkamaaasahan ng mga Talaangkanan sa Ebanghelyo. Bumabangon ang tanong: Bakit hindi isinama ni Mateo ang ilang pangalan na nasa mga talaan ng ibang mga mananalaysay? Una sa lahat, hindi kailangang banggitin ang bawat kawing sa linya ng angkan upang patunayan ang talaangkanan ng isang tao. Halimbawa, noong pinatutunayan ni Ezra ang kaniyang makasaserdoteng angkan, sa Ezra 7:1-5, hindi niya inilakip ang ilang pangalan na nasa talaan ng makasaserdoteng linya sa 1 Cronica 6:1-15. Maliwanag na hindi kinailangang banggitin ang lahat ng mga ninunong ito upang mapatunayan sa mga Judio ang kaniyang makasaserdoteng angkan. Gayundin naman kay Mateo: Walang alinlangan na ginamit niya ang pampublikong rehistro at kinopya niya mula roon ang mga pangalan, kung hindi man ang bawat pangalan, na kailangan upang patunayan na si Jesus ay nagmula kay Abraham at kay David. Taglay rin niya ang Hebreong Kasulatan, na maaari niyang konsultahin bukod pa sa mga opisyal na pampublikong rekord.—Ihambing ang Ru 4:12, 18-22 at Mat 1:3-6.
Ang mga talaang ginawa kapuwa ni Mateo at ni Lucas ay binubuo ng mga pangalan na hayagang kinilala ng mga Judio noong panahong iyon bilang totoo. Ang mga eskriba at mga Pariseo gayundin ang mga Saduceo ay mahihigpit na kaaway ng Kristiyanismo, at malamang na gagamitin nila ang anumang posibleng argumento upang siraan si Jesus, ngunit kapansin-pansin na hindi nila kailanman kinuwestiyon ang mga talaangkanang ito. Kung mali ang talaangkanan ni Jesus sa Mateo o sa Lucas, pinatunayan na sana iyon ng mga kalaban noon pa man, yamang maliwanag na hanggang noong 70 C.E., madaling mapagsasanggunian ng mga ito ang mga pampublikong rehistro ng mga talaangkanan at ang Kasulatan.
Totoo rin ito may kinalaman sa unang-siglong mga paganong kaaway ng Kristiyanismo. Gaya ng mga Judiong iyon, marami sa kanila ang may-pinag-aralang mga lalaki na agad na magtatawag-pansin sa anumang katibayan na ang mga talaang ito ni Mateo at ni Lucas ay di-totoo at nagkakasalungatan. Ngunit walang anumang rekord na tinuligsa ng sinaunang mga paganong kaaway ang mga Kristiyano hinggil sa puntong ito.
Gayundin, natupad kapuwa nina Mateo at Lucas ang kanilang layunin, at iyon lamang ang kinailangan nilang gawin. Upang patunayan na si Jesus ay nagmula kay Abraham at kay David, hindi nila kinailangang gumawa ng isang bagong talaangkanan. Ang kailangan lamang nilang gawin noon ay kumopya mula sa mga pampublikong talahanayan na lubusang tinatanggap ng bansa may kinalaman sa angkan ni David at ng pagkasaserdote at sa lahat ng bagay na nangangailangan ng patotoo ng angkan ng isang tao. (Tingnan ang Luc 1:5; 2:3-5; Ro 11:1.) Kung may inalis man sa mga talahanayang ito, hindi iyon nakasira sa layunin ng mga manunulat na ito ng Ebanghelyo na natupad naman nila, samakatuwid nga, ang magharap ng patotoo na legal at hayagang tinatanggap may kinalaman sa talaangkanan ni Jesus na Mesiyas.
Mga Suliranin sa Talaangkanan ni Jesus Ayon kay Mateo. Hinati-hati ni Mateo ang talaangkanan mula kay Abraham hanggang kay Jesus sa tatlong seksiyon na tig-14 na salinlahi bawat isa. (Mat 1:17) Ang paghahati-hating ito ay maaaring nagsilbing pantulong sa pagsasaulo. Gayunman, kapag binilang natin ang mga pangalan, makikita natin na ang kabuuan nito ay 41, sa halip na 42. Ganito ang isang mungkahi kung paano ito maaaring bilangin: Mula kay Abraham hanggang kay David, 14 na pangalan, pagkatapos ay simulan kay David ang pagbilang para sa sumunod na 14, anupat si Josias ang magiging panghuli; bilang pagtatapos, simulan ang ikatlong serye ng 14 na pangalan kay Jeconias (Jehoiakin) at magtapos kay Jesus. Pansinin na inulit ni Mateo ang pangalang David bilang panghuli sa unang 14 na pangalan at bilang una naman sa sumunod na 14. Pagkatapos ay inulit niya ang pananalitang “pagkatapon sa Babilonya,” na iniuugnay niya kay Josias at sa mga anak nito.—Mat 1:17.
Gaya ng nabanggit na, maaaring kinopya ni Mateo nang eksakto ang kaniyang talaan mula sa pampublikong rehistro na ginamit niya, o maaaring sinadya niyang hindi itala ang ilang kawing bilang pantulong sa pagsasaulo. Gayunman, iminumungkahi na kaya inalis dito ang mga pangalan ng tatlong hari sa linya ni David na nasa pagitan ni Jehoram at ni Uzias (Azarias) ay sapagkat napangasawa ni Jehoram ang balakyot na si Athalia na mula sa sambahayan ni Ahab at anak na babae ni Jezebel, anupat dahil dito ay nabahiran ng lahing ito na hinatulan ng Diyos ang linya ng mga hari ng Juda. (1Ha 21:20-26; 2Ha 8:25-27) Pagkatapos banggitin si Jehoram bilang ang una sa balakyot na alyansa, inalis ni Mateo ang mga pangalan ng tatlong sumunod na hari hanggang sa ikaapat na salinlahi, sina Ahazias, Jehoas, at Amazias, ang mga bunga ng alyansang iyon.—Ihambing ang Mat 1:8 sa 1Cr 3:10-12.
Ipinakikita ni Mateo na si Zerubabel ay anak ni Sealtiel (Mat 1:12), at katugma ito ng iba pang mga pagtukoy sa kaniya. (Ezr 3:2; Ne 12:1; Hag 1:14; Luc 3:27) Gayunman, sa 1 Cronica 3:19, si Zerubabel ay tinukoy bilang anak ni Pedaias. Maliwanag na si Zerubabel ay likas na anak ni Pedaias at legal na anak naman ni Sealtiel sa pamamagitan ng pag-aasawa bilang bayaw; o posibleng pagkamatay ng ama ni Zerubabel na si Pedaias, pinalaki ni Sealtiel si Zerubabel bilang kaniyang anak at sa gayon ay legal itong kinilala bilang anak ni Sealtiel.
Isang Suliranin sa Talaangkanan ni Jesus Ayon kay Lucas. Sa magagamit na mga kopyang manuskrito ng Lucas ay may nakatalang ikalawang “Cainan,” sa pagitan ni Arpacsad (Arphaxad) at ni Shela. (Luc 3:35, 36; ihambing ang Gen 10:24; 11:12; 1Cr 1:18, 24.) Itinuturing ng karamihan sa mga iskolar na isa itong pagkakamali ng tagakopya. Sa Hebreong Kasulatan, walang makikitang “Cainan” sa katapat na posisyong ito sa mga talaan ng angkan sa mga tekstong Hebreo o Samaritano, ni matatagpuan man ito sa alinman sa mga Targum o mga bersiyon maliban sa Griegong Septuagint. At waring wala rin naman ito sa mas naunang mga kopya ng Septuagint, dahil ang sumunod na itinala ni Josephus, na kadalasan ay sumusunod sa Septuagint, ay si Seles (Shela) bilang ang anak ni Arphaxades (Arpacsad). (Jewish Antiquities, I, 146 [vi, 4]) Hindi tinanggap ng sinaunang mga manunulat na sina Irenaeus, Africanus, Eusebius, at Jerome ang ikalawang “Cainan” sa mga kopya ng ulat ni Lucas at itinuring nila na ito ay isang interpolasyon.—Tingnan ang CAINAN Blg. 2.
Bakit magkaiba ang mga talaangkanan ni Jesu-Kristo sa Mateo at sa Lucas?
Ang pagkakaiba ng halos lahat ng pangalan sa talaangkanan ni Jesus ayon kay Lucas kung ihahambing kay Mateo ay madaling malulutas kung aalalahanin na tinalunton ni Lucas ang linya sa pamamagitan ng anak ni David na si Natan, sa halip na sa pamamagitan ni Solomon gaya ng ginawa ni Mateo. (Luc 3:31; Mat 1:6, 7) Maliwanag na sinundan naman ni Lucas ang pinagmulang angkan ni Maria, sa gayon ay ipinakikita na likas na nagmula si Jesus kay David, samantalang ipinakita naman ni Mateo ang legal na karapatan ni Jesus sa trono ni David dahil nagmula siya kay Solomon sa pamamagitan ni Jose, na legal na ama ni Jesus. Kapuwa ipinahihiwatig ni Mateo at ni Lucas na si Jose ay hindi tunay na ama ni Jesus kundi ama-amahan lamang nito, anupat siyang nagbigay kay Jesus ng legal na karapatan. Lumihis si Mateo sa istilong ginamit niya sa buong talaangkanan nang dumating siya kay Jesus, anupat sinabi niya: “Naging anak ni Jacob si Jose na asawa ni Maria, na siyang nanganak kay Jesus, na tinatawag na Kristo.” (Mat 1:16) Pansinin na hindi niya sinabing ‘naging anak ni Jose si Jesus’ kundi na siya ay “asawa ni Maria, na siyang nanganak kay Jesus.” Mas tuwiran ang pagtukoy ni Lucas sapagkat matapos niyang ipakita bago nito na si Jesus, sa katunayan, ay Anak ng Diyos sa pamamagitan ni Maria (Luc 1:32-35), sinabi niya: “Si Jesus . . . na anak, gaya nga ng opinyon, ni Jose, na anak ni Heli.”—Luc 3:23.
Yamang si Jesus ay hindi likas na anak ni Jose kundi ang Anak ng Diyos, pinatutunayan ng talaangkanan ni Jesus ayon kay Lucas na si Jesus, nang ipanganak bilang tao, ay anak ni David sa pamamagitan ng kaniyang likas na inang si Maria. May kinalaman sa mga talaangkanan ni Jesus na isinulat ni Mateo at ni Lucas, sumulat si Frederic Louis Godet: “Sa ganitong paraan, inaakay tayo ng detalyadong pag-aaral na ito sa teksto upang tanggapin—1. Na ang rehistro ng mga talaangkanan ayon kay Lucas ay yaong kay Heli, na lolo ni Jesus; 2. Na, yamang ang kaugnayang ito ni Jesus kay Heli ay maliwanag na iba sa kaugnayan Niya kay Jose, ang dokumentong iningatan niya para sa atin, sa pangmalas niya ay walang iba kundi ang talaangkanan ni Jesus sa pamamagitan ni Maria. Ngunit bakit hindi binanggit ni Lucas si Maria, at bakit siya lumaktaw agad mula kay Jesus tungo sa Kaniyang lolo? Batay sa sinaunang pangmalas, hindi angkop na banggitin ang ina bilang kawing sa talaangkanan. Sa mga Griego, ang isang tao ay anak ng kaniyang ama, hindi ng kaniyang ina; at sa mga Judio, ang kasabihan ay: ‘Genus matris non vocatur genus [“Ang inapo ng ina ay hindi tinatawag na (kaniyang) inapo”]’ (‘Baba bathra,’ 110, a).”—Commentary on Luke, 1981, p. 129.
Ang totoo, ipinakikita ng bawat talaangkanan (mga talahanayan ni Mateo at ni Lucas) na si Jesus ay nagmula kay David, sa pamamagitan ni Solomon at sa pamamagitan ni Natan. (Mat 1:6; Luc 3:31) Sa pagsusuri sa mga talaan ni Mateo at ni Lucas, makikita natin na matapos maghiwalay kay Solomon at kay Natan, muling nagsalubong ang mga ito sa dalawang tao, kina Sealtiel at Zerubabel. Maaari itong ipaliwanag sa ganitong paraan: Si Sealtiel ay anak ni Jeconias; marahil sa pamamagitan ng pag-aasawa niya sa anak na babae ni Neri, naging manugang siya ni Neri kung kaya tinawag siyang “anak ni Neri.” Posible rin na hindi nagkaroon ng mga anak na lalaki si Neri, anupat sa dahilan ding iyon si Sealtiel ay itinuring na kaniyang “anak.” Si Zerubabel naman, na malamang ay tunay na anak ni Pedaias, ay legal na kinilala bilang anak ni Sealtiel, gaya ng nabanggit na.—Ihambing ang Mat 1:12; Luc 3:27; 1Cr 3:17-19.
Pagkatapos ay ipinakikita ng mga ulat na nagkaroon si Zerubabel ng dalawang anak, sina Resa at Abiud, anupat muling naghiwalay ang mga linya sa bahaging ito. (Maaaring ang mga ito ay hindi tunay na mga anak kundi mga inapo, o isa man lamang sa mga ito ay manugang ni Zerubabel. Ihambing ang 1Cr 3:19.) (Luc 3:27; Mat 1:13) Dito, ang mga talaangkanan ni Jesus sa Mateo at sa Lucas ay parehong naiiba sa talaangkanang makikita sa 1 Cronica kabanata 3. Maaaring sinadya ni Mateo na hindi itala ang ilang pangalan at posibleng gayundin ang ginawa ni Lucas. Ngunit dapat isaisip na ang gayong mga pagkakaiba sa mga talaan ng angkan ni Mateo at ni Lucas ay malamang na yaong mga dati nang makikita sa mga rehistro ng mga talaangkanan na ginagamit na noon at lubusang tinatanggap ng mga Judio at hindi mga pagbabagong ginawa nina Mateo at Lucas.
Dahil dito, mahihinuha natin na pinagsasanib ng dalawang talaan ni Mateo at ni Lucas ang dalawang katotohanan, samakatuwid nga, (1) na si Jesus ay tunay na Anak ng Diyos at ang likas na tagapagmana sa Kaharian sa pamamagitan ng makahimalang pagsisilang ng dalagang si Maria, na mula sa linya ni David, at (2) na si Jesus din ang legal na tagapagmana sa linya ng mga ninunong lalaki na nagmula kina David at Solomon sa pamamagitan ng kaniyang ama-amahang si Jose. (Luc 1:32, 35; Ro 1:1-4) Kung may akusasyon man ang napopoot na mga Judio na si Jesus ay anak sa ligaw, ang paninirang-puri na iyon ay napabubulaanan ng bagay na pinakasalan ni Jose si Maria, sa kabila ng kabatiran ni Jose sa mga pangyayari, at ibinigay niya kay Maria ang proteksiyon ng kaniyang mabuting pangalan at maharlikang angkan.
[Tsart sa pahina 1257, 1258]
MGA TALAAN NG TALAANGKANAN NI JESUS SA BIBLIYA
Genesis at Ruth
Adan
Adan
—
Adan
Set
Set
—
Set
Enos
Enos
—
Enos
Kenan
Kenan
—
Cainan
Mahalalel
Mahalalel
—
Mahalaleel
Jared
Jared
—
Jared
Enoc
Enoc
—
Enoc
Matusalem
Matusalem
—
Matusalem
Lamec
Lamec
—
Lamec
Noe
Noe
—
Noe
Sem
Sem
—
Sem
Arpacsad
Arpacsad
—
Arpacsad
—
—
—
Cainan
Shela
Shela
—
Shela
Eber
Eber
—
Eber
Peleg
Peleg
—
Peleg
Reu
Reu
—
Reu
Serug
Serug
—
Serug
Nahor
Nahor
—
Nahor
Tera
Tera
—
Tera
Abram (Abraham)
Abraham
Abraham
Abraham
Isaac
Isaac
Isaac
Isaac
Jacob (Israel)
Jacob
Jacob
Jacob
Juda (at Tamar)
Juda
Juda (at Tamar)
Juda
Perez
Perez
Perez
Perez
Hezron
Hezron
Hezron
Hezron
Ram
Ram
Ram
Arni (Ram?)
Aminadab
Aminadab
Aminadab
Aminadab
Nason
Nason
Nason
Nason
Salmon
Salmon (Salma, 1Cr 2:11)
Salmon (at Rahab)
Salmon
Boaz (at Ruth)
Boaz
Boaz (at Ruth)
Boaz
Obed
Obed
Obed
Obed
Jesse
Jesse
Jesse
Jesse
David
David
David (at Bat-sheba)
David
—
Solomon
Solomon
Natan1
Matata
Mena
Melea
Eliakim
Jonam
Jose
Hudas
Symeon
Levi
Matat
Jorim
Eliezer
Jesus
Er
Elmadam
Cosam
Adi
Melqui
Neri
—
Rehoboam
Rehoboam
—
Abias
Abias
—
Asa
Asa
—
Jehosapat
Jehosapat
—
Jehoram
Jehoram
—
Ahazias
—
—
Jehoas
—
—
Amazias
—
—
Azarias (Uzias)
Uzias (Azarias)
—
Jotam
Jotam
—
Ahaz
Ahaz
—
Hezekias
Hezekias
—
Manases
Manases
—
Amon
Amon
—
Josias
Josias
—
Jehoiakim
—
—
Jeconias (Jehoiakin)
Jeconias
—
Sealtiel (Pedaias) 2
Sealtiel
Sealtiel3
—
Zerubabel4
Zerubabel
Zerubabel
Resa
Joanan
Joda
Josec
Semein
Matatias
Maat
Nagai
Esli
Nahum
Amos
Matatias
Jose
Jannai
Melqui
Levi
Matat
Heli (ama ni Maria)
—
—
Abiud
—
—
Eliakim
—
—
Azor
—
—
Zadok
—
—
Akim
—
—
Eliud
—
—
Eleazar
—
—
Matan
—
—
Jacob
—
—
Jose
Jose (manugang ni Heli)
—
—
Jesus (anak-anakan)
Jesus (anak ni Maria)
1 Mula kay Natan, tinalunton ni Lucas ang talaangkanan ni Jesus sa linya ng ina nito, samantalang ipinagpatuloy naman iyon ni Mateo sa linya ng ama ni Jesus.
2 Lumilitaw na si Zerubabel ay likas na anak ni Pedaias at legal na anak ni Sealtiel sa pamamagitan ng pag-aasawa bilang bayaw; o kaya ay pinalaki siya ni Sealtiel pagkamatay ng kaniyang amang si Pedaias at legal na kinilala bilang anak ni Sealtiel.—1Cr 3:17-19; Ezr 3:2; Luc 3:27.
3 Posibleng si Sealtiel na anak ni Jeconias ay manugang na lalaki ni Neri.—1Cr 3:17; Luc 3:27.
4 Nagsalubong ang mga linya kina Sealtiel at Zerubabel, ngunit naghiwalay rin. Maaaring ang paghihiwalay na ito ay dahil sa dalawang magkaibang inapo ni Zerubabel, o maaaring si Resa o si Abiud ay kaniyang manugang na lalaki.