HERODIAS
Ang asawa ni Herodes Antipas na sa pamamagitan ng kaniyang anak na si Salome ay humiling at tumanggap sa ulo ni Juan na Tagapagbautismo noong 32 C.E. (Mar 6:22-28) Ang kaniyang amang si Aristobulo, anak ni Herodes na Dakila sa ikalawang asawa nito na si Mariamne I, at ang kaniyang ina ay magpinsang buo. Ang kaniyang kapatid ay si Herodes Agripa I, na pumatay sa apostol na si Santiago na kapatid ni Juan.—Gaw 12:1, 2.
Unang napangasawa ni Herodias ang kaniyang tiyo na kapatid sa ama ng kaniyang ama, at anak ni Herodes na Dakila (sa ikatlong asawa nito, si Mariamne II). Ang anak na ito ay karaniwang tinatawag na Herodes Felipe upang ipakitang iba siya kay Felipe na tagapamahala ng distrito ng Iturea at Traconite. (Luc 3:1) Ang tiyuhing-asawang ito ni Herodias, si Herodes Felipe, ang siyang ama ni Salome, lumilitaw na ang kaisa-isang anak ni Herodias. Gayunman, diniborsiyo ito ni Herodias at nag-asawa siya sa kapatid nito sa ama na si Herodes Antipas, na anak din ng kaniyang lolo na si Herodes na Dakila sa ikaapat na asawa nito na si Malthace. Diniborsiyo rin ni Herodes Antipas, na tagapamahala ng distrito (sa literal, “ang tetrarka”) noong panahong iyon, at siyang tinawag ni Jesu-Kristo na ang “sorrang iyon” (Luc 13:31, 32), ang kaniyang unang asawa, na anak ng Nabateanong hari na si Aretas ng Arabia, upang mapangasawa niya si Herodias.
Kaya naman, si Juan na Tagapagbautismo ay may dahilan na hatulan ang pag-aasawang ito nina Herodias at Herodes Antipas, yamang ito ay kapuwa ilegal at imoral sa ilalim ng kautusang Judio, at dahil sa paggawa niya nito, si Juan ay itinapon sa bilangguan at nang maglaon ay pinugutan ng ulo. Pinukaw ng kaniyang walang-takot at matuwid na pagtuligsa ang matinding pagkapoot ni Herodias, kung kaya sinamantala nito ang unang pagkakataon na maipapatay ang propeta.—Mat 14:1-11; Mar 6:16-28; Luc 3:19, 20; 9:9.
Ang kapatid ni Herodias na si Herodes Agripa I ay bumalik mula sa Roma noong 38 C.E., matapos atasan bilang isang hari. Lubha itong ikinayamot ni Herodias, sapagkat ang kaniyang asawa, bagaman ito ay anak ng hari, ay nananatiling isa lamang tagapamahala ng distrito. Sa gayon ay hindi niya tinigilan ang panggigipit sa kaniyang asawa hanggang sa pumaroon din ito sa Roma sa pag-asang makoronahan din bilang isang hari na may kaharian. Sinasabi ni Flavius Josephus na palihim na nagpadala ng mga liham kay Emperador Caligula ang kapatid ni Herodias na si Agripa na nag-aakusa kay Antipas ng pakikipagsabuwatan sa mga Parto. Bilang resulta, pinalayas si Antipas patungong Gaul; sumama sa kaniya si Herodias.—Jewish Antiquities, XVIII, 240-256 (vii, 1, 2); The Jewish War, II, 181-183 (ix, 6).