Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Makahimalang Pinakain ni Jesus ang Libu-libo
ANG 12 apostol ay nakaranas ng isang kahanga-hangang paglalakbay sa pangangaral sa buong Galilea. Ngayon, hindi nalalaunan pagkatapos na patayin si Juan, sila’y bumalik kay Jesus at inilahad ang kanilang kamangha-manghang mga karanasan. Nang makitang sila’y napapagod at napakaraming tao ang dumarating at umaalis na anupa’t ni wala silang panahon na kumain, sinabi ni Jesus: ‘Pumaroon tayo nang tayu-tayo lamang sa isang ilang na lugar na kung saan kayo’y makapagpapahinga.’
Sila’y lumulan sa kanilang bangka, marahil malapit sa Capernaum, at pumatungo sa isang malayong lugar, na marahil nasa silangan ng Jordan sa kabila pa roon ng Betsaida. Datapuwat, sa kanilang pag-alis ay nakita sila ng maraming tao, at nabalitaan naman ngayon ng iba. Ang mga ito’y nagsitakbo sa tabing-dagat upang mauna, at nang ang bangka ay dumating sa paroroonan, sila’y naroon na upang sumalubong.
Sa paglunsad sa bangka at nang makita ang lubhang karamihan ng tao, si Jesus ay nahabag sapagkat ang mga tao ay gaya ng mga tupa na walang pastol. Kaya’t kaniyang pinagaling ang kanilang mga sakit at sinimulang turuan sila ng maraming bagay.
Mabilis na lumipas ang oras, at ang mga alagad ni Jesus ay lumapit sa kaniya at ang sabi: “Ilang ang dakong ito, at lampas na sa oras. Paalisin mo na sila, upang sila’y magsipunta sa mga nayon at sa mga bayan sa paligid at bumili sila ng kanilang makakain.”
Datapuwat, tumugon si Jesus: “Bigyan ninyo sila ng makakain.” Pagkatapos, yamang alam na ni Jesus kung ano ang kaniyang gagawin, kaniyang sinubok si Felipe sa pamamagitan ng pagtatanong sa kaniya: “Saan tayo bibili ng tinapay para makain ng mga ito?”
Sa pangmalas ni Felipe ay imposible ang situwasyon. Aba, mayroong mga 5,000 lalaki, at marahil mahigit na 10,000 katao kasali na ang mga babae at mga bata! “Ang dalawang daang dinaryo [ang isang dinaryo ay katumbas ng maghapong kita noon] na halaga ng tinapay ay hindi sapat para sa kanila, upang bawat isa ay magkaroon ng kaunti,” ang tugon ni Felipe.
Marahil upang ipakita na imposibleng mapakain ang gayon karami, si Andres ay nagkusa: “Narito ang isang munting bata na may limang tinapay na sebada at dalawang maliliit na isda,” at isinusog pa: “Subalit ano ito sa napakarami?”
Yamang noo’y tagsibol, sandali na lamang bago sumapit ang Paskua ng 32 C.E., malago ang luntiang damo. Kaya sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na sabihin sa mga tao na magsiupo sa damuhan nang grupu-grupong tig-50 at tig-100. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa langit, at binasbasan iyon. Pagkatapos ay pinagputul-putol niya ang tinapay at pinagbukud-bukod ang mga isda. Kaniyang ibinigay ang mga ito sa kaniyang mga alagad, na siya namang namahagi niyaon sa mga tao. Kagila-gilalas, lahat ng mga tao ay nakakain hanggang sa sila’y mabusog!
Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Tipunin ang mga piraso na natira, upang walang anumang maaksaya.” Nang kanilang matipon na iyon, kanilang napunô ang 12 basket ng mga natira na hindi nila nakain! Mateo 14:13-21; Marcos 6:30-44; Lucas 9:10-17; Juan 6:1-13.
◆ Bakit humanap si Jesus ng isang dakong doo’y makapagsasarili sila ng kaniyang mga apostol?
◆ Saan dinala ni Jesus ang kaniyang mga alagad, at bakit bagaman sila’y nangangailangan ng pamamahinga ay hindi sila nakapahinga?
◆ Nang maging atrasado na ang oras, ano ang iminungkahi ng mga alagad, ngunit paano pinangalagaan ni Jesus ang mga tao?