Pangangalaga sa Pamilya—Hanggang Saan?
“SINASABI sa akin ng kulturang Aprikano na ako ang tagapag-ingat sa aking kapatid,” ang sabi ng manunulat ng Nigeria na si S. A. Jegede. “Hinihiling ng kulturang Aprikano na igalang at alagaan ang mga magulang ng isang tao.” Oo, sa Aprika at sa mga iba pang panig ng daigdig, ang pagtulong sa mga miyembro ng pamilya ay isang paraan ng pamumuhay.
Datapuwat, malimit na inaakalang sa “pamilya” ay kabilang ang mga tiyahin, tiyuhin, mga pinsan, mga pamangkin, lalaki man o babae—pati mga tao na mga kababayan mo lamang! Subalit, sa paglisan sa mga lalawigan ng mga pami-pamilyang Aprikano para magtrabaho sa siyudad, ang ganiyang malawak na kaayusan ng pamilya ay naging isang potensiyal na pinagmumulan ng mga problema. Ang nagsilipat na mga pamilya ay kadalasan dinadagsaan ng mga kamag-anak na humihingi ng salapi o ng matutuluyan. Datapuwat, dahilan sa pambihirang mga kagipitan sa pamumuhay sa siyudad, ang pagtulong sa malalayong kamag-anak o sa mga kababayan ay kadalasan mahirap, kung hindi man imposible.
Ang Bibliya ay nagsasabi: “Tunay na kung sinuman ay hindi naglalaan para sa mga sariling kaniya, at lalo na para sa kaniyang sariling sambahayan, kaniyang itinakwil ang pananampalataya at lalong masama kaysa isang taong walang pananampalataya.” (1 Timoteo 5:8) Datapuwat, hanggang saan ang nararating ng prinsipyo ng pangangalaga sa pamilya? Ang isang Kristiyano ba ay obligado na maglaan para sa malawak na kaayusan ng pamilya sa lahat ng mga kalagayan? O iyon ba ay gaya ng sabi ng siniping manunulat sa Nigeria: “Ang pag-aabuso sa kaayusan ng pinalawak na pamilya ay walang dako sa kulturang Aprikano o sa Bibliya”?
Mga Magulang at mga Anak
Ang kaayusan ng pinalawak na pamilya ay umiral noong mga sinaunang panahon sa Bibliya. Gayunman, sa pag-obliga sa isang Kristiyano na “maglaan para sa mga sariling kaniya,” saanman sa Bibliya ay walang nasasabi na dito’y laging kasali ang lahat ng mga kamag-anak at iba pa na kabilang sa kaayusan ng pinalawak na pamilya.
Ang lalong higit na idiniriin ng Bibliya ay ang mga obligasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak. Tungkol sa pagtulong sa kaniya ng kongregasyon, isinulat ni apostol Pablo: “Sapagkat hindi nararapat ipagtipon ng mga anak ang kanilang mga magulang, kundi ng mga magulang ang kanilang mga anak.” (2 Corinto 12:14) Si H. B. Clark, isang tanyag na awtoridad sa batas, ay nagkomento: “Isang natural at moral na obligasyon ang nakaatang sa isang ama na suportahan ang kaniyang anak.” Bilang ang atas-Diyos na ulo ng sambahayan, ang ama ang may pangunahing pananagutan na maghanapbuhay. Malimit na ang asawang babae ay tumutulong sa pamamagitan ng mahusay na pag-aasikaso sa tahanan, ng matalinong paggastos, at nagtatrabaho pa man din sa labas ng tahanan kung kinakailangan.—Ihambing ang Kawikaan 31:10-31.
Gayunman, pansinin na ang mga magulang ay hinihimok na gumawa pa nang higit kaysa pagkita lamang ng salapi. Sila’y pinapayuhan na ‘magtipon’ ng isang bahagi ng kanilang kita alang-alang sa kanilang mga anak. Para sa mga magulang na sumusunod sa matalinong payong ito ay malimit na nakatutulong sa kanilang mga anak kahit na pagkatapos na magsilalaki ang mga ito at lumisan sa tahanan. Lalong higit na angkop ito pagka ang mga anak ay nasa buong-panahong ministeryong Kristiyano at manaka-naka ay nangangailangan na tulungan sa pananalapi para makapanatili sa gayong paglilingkod. Hindi binabanggit na ang mga magulang ay kailangang ‘magtipon’ para sa maraming mga iba pa na napalakip sa pamilya.
“Gumanti ng Kaukulan”
Ang maibiging pag-aasikasong ito na ginagawa ng mga magulang ay may kagantihan. Sinasabi ni apostol Pablo sa 1 Timoteo 5:4: “Ngunit kung ang sinumang biyuda ay may mga anak o mga apo, ang mga ito’y hayaang matuto muna na mamuhay ayon sa maka-Diyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at patuloy na gumanti ng kaukulan sa kani-kanilang mga magulang at mga ninuno, sapagkat ito’y kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.” Ang gayong pagsustento sa isang matanda nang magulang o ninuno ay tunay na kasuwato ng utos ng Bibliya na igalang ang mga magulang ng isang tao.—Efeso 6:2; Exodo 20:12.
Muli, pansinin na maliwanag na hindi inobligahan ni Pablo ang malalayong kamag-anak upang mag-asikaso sa gayong mga biyuda. Noong sinauna, kung walang malapit na mga kamag-anak na mag-aasikaso sa isang nabiyudang Kristiyano na tapat sa paglilingkod, ang kongregasyon ang inaatangan ng pasanin na sumustento sa kaniya.—1 Timoteo 5:3, 9, 10.
Ang obligasyong Kristiyano na maglaan “para sa mga sariling kaniya” ay tiyakang sumasaklaw kung gayon sa asawa at mga anak, sa mga magulang at mga ninuno ng isang tao. Ang ganitong pananagutan ay kapit din kahit na ang gayong mga dapat sustentuhan ay mga di-kapananampalataya o may anumang kapansanan. Ito’y nagpapatuloy habang ang gayong mga tao ay buháy. At kung ang isa ay may asawa, kasali pa rin dito ang pagtulong sa asawa ng isang tao na parangalan ang kaniyang mga magulang. Malulubhang mga problema ng mag-asawa ang kung minsa’y bumabangon pagka ang prinsipyong ito ay kinaligtaan o hindi sinunod.
Paglaanan ng Ano? Kailan?
Gayunman, huwag isipin ng mga magulang na maaari nilang aksayahin ang kanilang mga panustos-buhay sa paniniwala na sila, sa anumang oras, ay makahihingi ng materyal na sustento sa kanilang mga anak. Hindi rin nangangahulugan ito na makagagawa sila ng walang katuwirang paghingi ng atensiyon sa kanilang mga anak, na kadalasa’y may sariling pamilya na kailangang unahin nilang asikasuhin. Ang ganitong pangmalas ay kasuwato ng sinabi ni Pablo: “Hindi nararapat ipagtipon ng mga anak ang kanilang mga magulang, kundi ng mga magulang ang kanilang mga anak.”—2 Corinto 12:14.
Sa karaniwang takbo ng mga pangyayari, marahil ang mga magulang ay nakabili ng kanilang sariling tahanan, ari-arian, at may pinagkukunan ng ikinabubuhay (kasali na ang pensiyon sa pagriretiro na nanggagaling sa kompanya o gobyerno) na maaaring sumustini sa kanila sa kanilang katandaan. “Ang salapi ay isang proteksiyon,” at sa pamamagitan ng ‘pagtitipon’ nang may katalinuhan para sa kanilang sarili, malimit na naiiwasan ng mga magulang ang sila’y maging pasanin sa kanilang mga anak sa dakong huli ng kanilang buhay.—Eclesiastes 7:12.
Gayunman, ang mga salita ni Solomon sa Eclesiastes 9:11 ay nagpapagunita sa atin na kahit na ang pinakamagagaling na plano ay naaapektuhan ng “panahon at di inaasahang pangyayari.” Kaya, ano kaya kung, sa kabila ng maingat na pagpaplano, ang panustos ng mag-asawa ay nagkulang o nangangailangang madagdagan? Ang kanilang mga anak na may takot sa Diyos ay natural na mapakilos na tulungan sila sa isang makatuwirang paraan. Baka kailangan na tulungan sila ng salapi, anyayahan ang mga magulang na pumisan sa kanila o tumira roon sa malapit sa kanila, o, kung kinakailangan, isaayos na sila’y maipasok sa isang ampunan. Mangyari pa, ang matatanda nang mga magulang o mga ninuno ay dapat namang maging makatuwiran, huwag asahan na ang kanilang mga anak ay maglalaan sa kanila ng isang maluhong istilo ng pamumuhay, sapagkat ang payo ng Bibliya ay: “Kung may pagkain at pananamit, tayo’y masisiyahan na sa mga bagay na ito.” —1 Timoteo 6:8.
Sa maraming kaso, ang inilalaan ng gobyernong mga social security program, pensiyon, benepisyo sa katandaan, at ang personal na naimpok ay makapagbibigay ng sapat, bagaman katamtaman, na suporta para sa matatanda nang mga magulang o ninuno. Mabuting alamin kung anong mga paglalaan mayroon para sa mga kuwalipikado.—Roma 13:6.
Iwasan ang Pangangatuwiran ng mga Fariseo
Pinagwikaan ni Jesus ang mga eskriba at ang mga Fariseo sapagkat sinabi nila sa dukhang mga magulang: “Yaong maaaring pakinabangan mo sa akin ay isang kaloob na nakaalay sa Diyos.” (Mateo 15:5) Noong kaarawan ni Jesus, ang relihiyosong mga Judio ay nagtatabi ng salapi o ari-arian para balang araw ay ipagkaloob sa templo bilang donasyon. Taglay ng mga Fariseo ang pangmalas na minsang maialay, ang gayong mga bagay ay sa ilalim ng anumang kalagayan hindi magagamit sa anumang ibang layunin—kasali na ang pag-aalaga sa matatanda nang mga magulang.
Ang maka-Fariseong kaisipang ito ay hinatulan ni Kristo bilang lihis sa diwa ng Kautusan ng Diyos. Sa kaniyang pangmalas, ang pagpaparangal sa mga magulang ay dapat mauna sa isang gawang taong alituntunin. Gayundin sa ngayon, may mga Kristiyano na nagtalaga na ng kanilang buhay sa ministeryo, marahil sila’y naglilingkod bilang mga misyonero, payunir, o naglalakbay na mga tagapangasiwa. Pagka nabatid nila na nasa pangangailangan ang kanilang mga magulang, sila’y puspusang humanap ng mga paraan upang maalagaan ang mga ito samantalang nagpapatuloy pa rin sila sa kanilang ministeryo. Subalit kung sakaling hindi makagawa ng gayong mga kaayusan, hindi sila nangangatuwiran na ang kanilang mga pribilehiyo sa ministeryo ay lalong mahalaga kaysa pag-aasikaso sa kanilang mga magulang. Ang gayong mga tao ay dapat bigyan ng masiglang komendasyon sa ginawa nilang pagsasaayos ng kanilang pamumuhay—kalimitan kasabay ng maraming pagsasakripisyo—upang matugunan ang kanilang mga obligasyon sa kanilang pamilya.
Paggawa ng Mabuti sa Lahat
Bagaman inoobligahan ng Bibliya ang mga Kristiyano na mag-aruga sa nangangailangang mga miyembro ng kanilang sariling sambahayan, hindi naman sinasansala nito ang pagpapakita ng pag-ibig sa mga iba pang kamag-anak. Kung minsan may mga tiyahin, mga pinsan, o mga pamangkin na totoong malapit sa atin tulad din ng mga miyembro ng ating sariling sambahayan! Tayo’y hinihimok ng Bibliya na “magsigawa ng mabuti sa lahat.” (Galacia 6:10) Kung ang isang Kristiyano ay may kakayahan na tulungan ang gayong tao, tunay na hindi niya ito ‘pagsasarhan ng pinto ng kaniyang malumanay na awa.’ Oo, marahil ay madarama niya na siya’y obligado na tumulong.—1 Juan 3:17.
Gayunman, ang pangunahing obligasyon ng Kristiyano ay sa kaniyang sariling pamilya—asawa, mga anak, mga magulang, at mga ninuno. Kung gayon ay dapat muna niyang matamang pag-isipan bago siya kumuha ng pananagutan na makasasakit sa kanila—sa pananalapi, sa emosyon, o sa espirituwalidad.
Ang payo ng Bibliya tungkol sa pangangalaga sa pamilya ay may kabaitan nga at makatuwiran. Ang pagkakapit nito ay tutulong sa Kristiyano upang maiwasan ang maraming di kinakailangang pagkabalisa, at unahin niya ang dapat unahin. Lahat na ito ay sa ikapupuri ni Jehova, “ang Ama, na pinagkakautangan ng pangalan ng bawat pamilya sa langit at sa lupa.”—Efeso 3:14, 15.
[Larawan sa pahina 25]
Ang mga magulang na Kristiyano ay may pangunahing obligasyon sa kanilang sariling mga anak
[Larawan sa pahina 26]
Ang mga pananagutang Kristiyano ay maaaring sumakop sa matatanda nang mga magulang at sa mga anak