Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Ang mga Tinapay at ang Lebadura
NAPAKARAMING tao ang humugos upang sundan si Jesus sa Decapolis. Marami ang nanggaling sa malayo upang makapunta sa lugar na ito na ang karamihan ng mga tao’y Gentil upang makinig sa kaniya at magpagamot ng kanilang mga karamdaman. Sila’y may dalang malalaking basket, o mga buslong may takip, na kinaugalian na nilang gamitin para paglagyan ng mga gamit nila pagka naglalakbay sa mga lugar ng mga Gentil.
Datapuwat, sa wakas ay tinawag ni Jesus ang kaniyang mga alagad at sa kanila’y sinabi: “Nahahabag ako sa karamihan, sapagkat tatlong araw nang sila’y kapiling ko at sila’y walang makain; at kung sila’y pauuwiin ko nang gutom, sila’y manghihina sa daan. Talaga naman, ang iba pa sa kanila ay sa malayo pa nanggaling.”
“Paanong ang mga taong ito ay bubusugin ninuman ng tinapay dito sa isang iláng na dako?” ang tanong ng mga alagad.
Si Jesus ay nagtanong: “Ilang tinapay mayroon kayo?”
“Pito,” ang sagot nila, “at ilang maliliit na isda.”
Pagkatapos iutos sa mga tao na magsiupo sa lupa, kinuha ni Jesus ang mga tinapay at ang mga isda, siya’y nanalangin sa Diyos, pinagputul-putol ang mga ito, at sinimulang ibigay ang mga iyon sa kaniyang mga alagad. Ang mga ito naman, ang nagbigay niyaon sa mga tao, na pawang nagsikain hanggang sa mabusog. Pagkatapos, nang ang mga natira ay pagsama-samahin, napunô pa nito ang pitong lalagyang mga basket, bagama’t humigit-kumulang 4,000 mga lalaki, gayundin mga babae at mga bata, ang nagsikain!
Pinaalis ni Jesus ang karamihan ng tao, siya’y sumakay sa isang bangka kasama ang kaniyang mga alagad, at tumawid sila hanggang sa kanlurang dalampasigan ng Dagat ng Galilea. Dito ang mga Fariseo, ngayo’y may kasa-kasamang mga miyembro ng sekta ng mga Saduceo, ay nagtangka na tuksuin si Jesus nang hilingin nila na magpakita siya ng isang tanda buhat sa langit.
Palibhasa’y alam niya na ibig nilang tuksuin siya, si Jesus ay tumugon: “Sa kinahapunan ay nahirati kayong sabihin, ‘Bubuti ang panahon sapagkat ang langit ay mapulang-mapula’; at sa umaga, ‘Ngayo’y magiging malamig at maulan, sapagkat ang langit ay mapulang-mapula nga, ngunit makulimlim naman.’ Marunong kayong kumilala ng anyo ng langit, ngunit hindi ninyo nakikilala ang mga tanda ng panahon.”
Sa pangungusap na iyan, sila’y inuri ni Jesus na mga balakyot at mangangalunya at pinagsabihan sila na, gaya ng sinabi niya sa mga Fariseo na mas una pa, walang tanda na ibibigay sa kanila maliban sa tanda ni Jonas. Sa pag-alis, siya at ang kaniyang mga alagad ay sumakay sa isang bangka at pumatungo sa direksiyon ng Betsaida sa hilagang-timog na dalampasigan ng Dagat ng Galilea. Samantalang sila’y papunta roon ay nadiskubre ng mga alagad na nakalimutan nilang magdala ng tinapay, at iisa na lamang ang dala nilang tinapay.
Palibhasa’y nagugunita pa ni Jesus ang kaniyang nakaharap na mga Fariseo at mga Saduceo na mga tagatangkilik ni Herodes, siya ay nagpayo: “Tingnan ninyo, mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo at sa lebadura ni Herodes.” Yamang inaakala ng mga alagad na dahil sa nakalimutan nilang magdala ng tinapay kung kaya sinabi iyon ni Jesus, sapagkat maliwanag na sumasaisip nila ang tungkol sa tinapay, sila’y nagtalu-talo tungkol sa bagay na iyon. Napansin ni Jesus ang hindi nila pagkakaunawaan, kaya kaniyang sinabi: “Bakit kayo nagtatalu-talo dahil sa wala kayong tinapay?”
Kamakailan nga naman, makahimalang gumawa si Jesus ng tinapay para sa libu-libong mga tao, at ginawa ang huling himalang ito marahil isa o dalawang araw ang nakaraan. Dapat nilang malaman na siya’y hindi nababahala tungkol sa kawalan ng literal na mga tinapay. “Hindi ba ninyo natatandaan,” ang paalaala niya sa kanila, “nang pinagputul-putol ko ang limang tinapay para sa limang libong mga lalaki, kung ilang mga basket na punô ng mga pinagputul-putol na tinapay ang binuhat ninyo?”
“Labindalawa,” ang tugon nila.
“Nang pagputul-putulin ko ang pito para sa apat na libong lalaki, ilang bakol na punô ng pinagputul-putol na tinapay ang binuhat ninyo?”
“Pito,” ang sagot nila.
“Hindi pa ba ninyo nasasakyan ang kahulugan?” ang tanong ni Jesus. “Ano’t hindi ninyo napag-uunawa na hindi ang sinasabi ko sa inyo’y tungkol sa tinapay. Datapuwat kayo’y mag-ingat sa lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.”
Sa wakas ay nasakyan din ng mga alagad ang punto. Ang lebadura, na isang sustansiya na sanhi ng pangangasim at nagpapaalsa sa tinapay, ay isang salita na kalimita’y ginagamit upang tumukoy sa katiwalian. Kaya ngayon naunawaan ng mga alagad na isang simbolismo ang ginagamit ni Jesus, na kaniyang pinaalalahanan sila na mag-ingat laban sa “turo ng mga Fariseo at mga Saduceo,” na isang turo na nagbubunga ng katiwalian. Marcos 8:1-21; Mateo 15:32–16:12.
◆ Bakit ang mga tao’y nagdadala ng malalaking basket na pinaglalagyan ng kanilang mga gamit?
◆ Pagkatapos na umalis sa Decapolis, anong paglalakbay na sakay ng bangka ang ginawa ni Jesus?
◆ Ang mga alagad ay nagkaroon ng anong maling pagkaunawa sa sinabi ni Jesus tungkol sa lebadura?
◆ Ano ang tinutukoy ni Jesus nang sabihing “ang lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo”?