KABANATA 59
Sino ang Anak ng Tao?
MATEO 16:13-27 MARCOS 8:22-38 LUCAS 9:18-26
PINAGALING NI JESUS ANG ISANG LALAKING BULAG
IBIBIGAY KAY PEDRO ANG MGA SUSI NG KAHARIAN
INIHULA NI JESUS ANG KANIYANG KAMATAYAN AT PAGKABUHAY-MULI
Dumating si Jesus at ang mga alagad sa Betsaida. Dinala ng mga tao kay Jesus ang isang lalaking bulag at nakiusap sila na hipuin ito para gumaling.
Hinawakan ni Jesus ang kamay ng lalaki at inakay ito palabas sa nayon. Pagkadura ni Jesus sa mata ng lalaki, tinanong niya ito: “May nakikita ka ba?” Sumagot ang lalaki: “May nakikita akong mga tao, pero mukha silang mga puno na naglalakad.” (Marcos 8:23, 24) Nang ipatong ni Jesus ang mga kamay niya sa mga mata ng lalaki, nakakita ito. Pinauwi niya ang lalaki at sinabihang huwag pumasok sa nayon.
Pagkatapos, si Jesus at ang mga alagad ay naglakbay pahilaga sa rehiyon ng Cesarea Filipos. Paahon ito, mga 40 kilometro ang layo. Ang nayon ay mga 350 metro ang taas mula sa lebel ng dagat, at nasa hilagang-silangan nito ang Bundok Hermon, na ang taluktok ay namumuti sa niyebe. Aabutin din ng ilang araw ang paglalakbay.
Minsan, habang naglalakbay, bumukod si Jesus para manalangin. Mga 9 o 10 buwan na lang ang natitira bago siya mamatay, kaya nag-aalala si Jesus para sa mga alagad. Kamakailan lang, marami ang tumigil sa pagsunod sa kaniya, at ang iba naman ay tila nalilito o nadidismaya. Nagtataka sila marahil kung bakit tinanggihan niya ang pagsisikap ng mga tao na gawin siyang hari o kung bakit ayaw niyang magbigay ng tanda para patunayan kung sino talaga siya.
Nang lumapit ang mga alagad kay Jesus, tinanong niya sila: “Sino ang Anak ng tao ayon sa mga tao?” Sumagot sila: “Sabi ng ilan, si Juan Bautista; ang iba, si Elias; at ang iba pa, si Jeremias o isa sa mga propeta.” Oo, iniisip ng mga tao na si Jesus ay isa sa mga iyon na binuhay-muli. Para malaman ang iniisip ng kaniyang mga alagad, nagtanong si Jesus: “Pero kayo, sino ako para sa inyo?” Agad na sumagot si Pedro: “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng buháy na Diyos.”—Mateo 16:13-16.
Sinabi ni Jesus na maligaya si Pedro na isiniwalat ito ng Diyos sa kaniya, at idinagdag pa: “Sinasabi ko rin sa iyo: Ikaw si Pedro, at itatayo ko sa batong ito ang kongregasyon ko, at hindi ito matatalo ng kapangyarihan ng kamatayan.” Ang ibig sabihin ni Jesus ay na siya mismo ang magtatayo ng isang kongregasyon at na kaya niyang buhaying muli ang mga miyembro nito na mananatiling tapat hanggang kamatayan. Nangako siya kay Pedro: “Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng Kaharian ng langit.”—Mateo 16:18, 19.
Hindi binibigyan ni Jesus ng pinakamataas na posisyon si Pedro, o ginagawa man siya ni Jesus na pundasyon ng kongregasyon. Si Jesus mismo ang Bato na pundasyon ng kaniyang kongregasyon. (1 Corinto 3:11; Efeso 2:20) Pero tatanggap si Pedro ng tatlong susi. Ibibigay sa kaniya ang pribilehiyong buksan, wika nga, ang pagkakataon para sa mga grupo ng tao na makapasok sa Kaharian ng langit.
Gagamitin ni Pedro ang unang susi pagdating ng Pentecostes 33 C.E. para ipakita sa mga nagsisising Judio at proselita ang dapat nilang gawin para maligtas. Gagamitin naman niya ang ikalawang susi para mabuksan ang pagkakataon sa mga nananampalatayang Samaritano na makapasok sa Kaharian ng Diyos. Pagsapit ng 36 C.E., gagamitin ni Pedro ang ikatlong susi para naman sa mga di-tuling Gentil, gaya ni Cornelio at ng iba pa.—Gawa 2:37, 38; 8:14-17; 10:44-48.
Sa pag-uusap na ito, nabagabag ang mga apostol nang ihula ni Jesus ang pagdurusa at kamatayang malapit na niyang harapin sa Jerusalem. Yamang hindi naunawaan na bubuhaying muli si Jesus tungo sa langit, pinagsabihan siya ni Pedro: “Maging mabait ka sa sarili mo, Panginoon; hindi iyan kailanman mangyayari sa iyo.” Pero tinalikuran siya ni Jesus at sinabi: “Lumayo ka, Satanas! Hinahadlangan mo ako sa dapat kong gawin, dahil hindi kaisipan ng Diyos ang iniisip mo, kundi kaisipan ng mga tao.”—Mateo 16:22, 23.
Tinawag ngayon ni Jesus ang iba pa bukod sa mga apostol at ipinaliwanag sa kanila na hindi madaling maging tagasunod niya. Sinabi niya: “Kung gusto ng isa na sumunod sa akin, dapat niyang itakwil ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy akong sundan. Dahil ang sinumang gustong magligtas ng kaniyang buhay ay mamamatay, pero ang sinumang mamatay alang-alang sa akin at sa mabuting balita ay magliligtas sa buhay niya.”—Marcos 8:34, 35.
Oo, para maging karapat-dapat kay Jesus, kailangan ng mga tagasunod niya na maging matapang at mapagsakripisyo. Sinabi ni Jesus: “Kung ako at ang aking mga salita ay ikahihiya ng sinuman mula sa taksil at makasalanang henerasyong ito, ikahihiya rin siya ng Anak ng tao kapag dumating ito na may malaking awtoridad mula sa kaniyang Ama kasama ang banal na mga anghel.” (Marcos 8:38) Oo, sa pagdating ni Jesus, “ibibigay niya ang nararapat sa bawat isa ayon sa kaniyang paggawi.”—Mateo 16:27.