Tinutularan Mo Ba ang Kaisipan ni Jehova?
“Magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip.”—ROMA 12:2.
1, 2. Habang sumusulong tayo sa espirituwal, ano ang natututuhan nating gawin? Ilarawan.
NAKATANGGAP ng regalo ang isang bata. Sinabi ng magulang niya, “O, mag-thank you ka.” Sumunod ang bata dahil inutusan siyang gawin ito. Pero habang lumalaki siya, mas naiintindihan na niya kung bakit gayon ang kaisipan ng kaniyang mga magulang sa pagiging mapagpasalamat sa kabaitan ng iba. Kusa na siyang nagpapasalamat ngayon, nang mula sa puso. Bakit? Dahil natutuhan na niyang maging mapagpasalamat.
2 Ganiyan din nang una nating malaman ang katotohanan. Natutuhan natin na mahalagang sundin ang pangunahing mga kahilingan ni Jehova. Pero habang sumusulong tayo sa espirituwal, mas natututo pa tayo tungkol sa kaisipan ni Jehova—ang mga gusto niya, ang mga ayaw niya, at ang pananaw niya sa mga bagay-bagay. Kung hahayaan natin itong makaimpluwensiya sa ating pangangatuwiran, paggawi, at pagpili, masasabing tinutularan natin ang kaniyang kaisipan.
3. Bakit puwedeng maging hamon ang pagtulad sa kaisipan ni Jehova?
3 Ang pagtulad sa kaisipan ni Jehova ay kasiya-siya, pero puwede rin itong maging hamon. Kung minsan, nagiging hadlang ang ating di-kasakdalan. Halimbawa, baka nahihirapan tayong maintindihan ang pananaw ni Jehova pagdating sa moral na kalinisan, materyalismo, pangangaral, maling paggamit ng dugo, o iba pa. Ano ang puwede nating gawin? Paano natin patuloy na matutularan ang kaisipan ng Diyos? At paano ito dapat makaapekto sa ginagawa natin ngayon at gagawin sa hinaharap?
PAGTULAD SA KAISIPAN NG DIYOS
4. Ano ang kailangan para masunod ang sinabi ni Pablo: ‘Baguhin ang inyong pag-iisip’?
4 Basahin ang Roma 12:2. Dito, binanggit ni apostol Pablo kung ano ang kailangan para matularan ang kaisipan ni Jehova. Sa naunang artikulo, nalaman natin na dapat nating tanggihan ang pananaw at saloobin ng sanlibutan para ‘hindi na tayo mahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay.’ Pero binanggit din ni Pablo na kailangan nating ‘baguhin ang ating pag-iisip.’ Para magawa ito, kailangan nating pag-aralan ang Salita ng Diyos para maunawaan ang kaniyang kaisipan, bulay-bulayin ang mga iyon, at iayon ang ating pag-iisip sa kaisipan ng Diyos.
5. Ipaliwanag ang pagkakaiba ng pahapyaw na pagbabasa at ng pag-aaral.
5 Ang pag-aaral ay hindi lang basta pahapyaw na pagbabasa o pagsasalungguhit ng sagot sa mga tanong sa aralin. Kapag nag-aaral tayo, inaalam natin kung ano ang sinasabi nito tungkol kay Jehova, sa kaniyang mga daan, at sa kaniyang kaisipan. Inuunawa natin kung bakit iniuutos ng Diyos ang isang bagay at hinahatulan naman ang iba pa. Pinag-iisipan din natin kung ano ang kailangan nating baguhin sa ating buhay at pag-iisip. Siyempre pa, baka hindi natin maisaalang-alang ang lahat ng ito sa bawat pag-aaral, pero makikinabang tayo kung maglalaan tayo ng panahon—marahil ay kalahati ng bawat pag-aaral—para bulay-bulayin nang may pagpapahalaga ang nababasa natin.—Awit 119:97; 1 Tim. 4:15.
6. Ano ang nangyayari kapag binubulay-bulay natin ang kaisipan ni Jehova?
6 Kapag regular nating binubulay-bulay ang Salita ng Diyos, may isang kamangha-manghang bagay na nangyayari. ‘Napatutunayan natin sa ating sarili,’ oo, nakukumbinsi natin ang ating sarili, na ang pananaw ni Jehova sa mga bagay-bagay ang siyang tama. Nakikita na natin ang mga bagay ayon sa pananaw niya, at sumasang-ayon na tayo rito. ‘Nababago’ ang ating pag-iisip, at nagkakaroon tayo ng bagong paraan ng pag-iisíp. Unti-unti, natutularan natin ang kaisipan ni Jehova.
ANG EPEKTO NG ATING PAG-IISIP SA ATING PAGGAWI
7, 8. (a) Ano ang pananaw ni Jehova sa materyal na kayamanan? (Tingnan ang mga larawan sa simula ng artikulo.) (b) Kung tutularan natin ang pananaw niya, ano ang lagi nating magiging priyoridad?
7 Ang pag-iisíp ay hindi lang basta pagpapagana ng isip. Nakaaapekto ito sa ating ikinikilos. (Mar. 7:21-23; Sant. 2:17) Mas mauunawaan natin iyan sa tulong ng ilang halimbawa. Una, malinaw na makikita sa mga Ebanghelyo ang kaisipan ni Jehova pagdating sa materyal na mga bagay. Ang Diyos mismo ang pumili kung sino ang tatayong magulang ng kaniyang Anak—isang mag-asawa na hindi mayaman. (Lev. 12:8; Luc. 2:24) Nang ipanganak si Jesus, “inihiga ito [ni Maria] sa isang sabsaban, sapagkat walang dako sa silid-tuluyan para sa kanila.” (Luc. 2:7) Kung gugustuhin lang ni Jehova, kaya niyang maglaan ng mas komportableng lugar para doon isilang ang kaniyang Anak. Pero ang mahalaga kay Jehova ay ang lumaki si Jesus sa isang pamilyang palaisip sa espirituwal.
8 Sa ulat na iyan, matututuhan natin kung ano ang pananaw ni Jehova sa materyal na mga bagay. Inuudyukan ng ilang magulang ang kanilang mga anak na magpayaman, kahit pa manganib ang espirituwalidad ng mga ito. Pero malinaw na ang pinakamahalaga kay Jehova ay ang espirituwal na mga bagay. Ganiyan din ba ang pananaw mo? Ano ang ipinakikita ng iyong ginagawa?—Basahin ang Hebreo 13:5.
9, 10. Paano natin maipakikitang tinutularan natin ang pananaw ni Jehova tungkol sa pagtisod sa iba?
9 Ang ikalawang halimbawa ay ang pananaw ng Diyos tungkol sa pagtisod sa iba. Sinabi ni Jesus: “Ang sinumang tumitisod sa isa sa maliliit na ito na naniniwala, magiging mas mainam pa sa kaniya kung ang isang gilingang-bato na gaya niyaong iniikot ng isang asno ay itali sa kaniyang leeg at ihagis nga siya sa dagat.” (Mar. 9:42) Napakatinding pananalita! Dahil parehong-pareho ang personalidad ni Jesus at ng kaniyang Ama, makatitiyak tayong ganiyan din ang nadarama ni Jehova sa sinumang kumikilos nang walang pakundangan kung kaya natitisod ang isang tagasunod ni Jesus.—Juan 14:9.
10 Ganiyan din ba ang pananaw natin? Tinutularan ba natin si Jehova at si Jesus? Ano ang ipinakikita ng ating ginagawa? Ipagpalagay nang may gusto tayong istilo ng pananamit o pag-aayos na malamang na ikainis ng ilan sa kongregasyon o pumukaw ng seksuwal na pagnanasa ng iba. Mas mangingibabaw ba ang pagmamalasakit natin sa ating mga kapatid kaysa sa personal nating kagustuhan?—1 Tim. 2:9, 10.
11, 12. Paano tayo makaiiwas sa paggawa ng masama kung tutularan natin ang pananaw ng Diyos sa kasamaan at lilinangin ang pagpipigil sa sarili?
11 Ikatlong halimbawa: Napopoot si Jehova sa kalikuan. (Isa. 61:8) Kahit alam ni Jehova na may tendensiya tayong gumawa ng mali dahil hindi tayo sakdal, hinihimok pa rin niya tayong kapootan ang kalikuan. (Basahin ang Awit 97:10.) Kapag binulay-bulay natin kung bakit kinapopootan ni Jehova ang kasamaan, tutulong ito sa atin na kapootan din ito, at mas magiging determinado tayong huwag gumawa ng masama.
12 Ang pagtulad sa pananaw ni Jehova sa kalikuan ay tutulong din sa atin na matukoy ang mga gawaing maituturing na mali, kahit hindi ito espesipikong binabanggit sa Salita ng Diyos. Halimbawa, ang lap dancing ay isang mahalay na paggawi na nagiging pangkaraniwan na lang sa daigdig ngayon. Baka ikatuwiran ng ilan na hindi ito mali, dahil hindi naman ito aktuwal na pakikipagtalik.a Pero masasalamin ba sa gayong paggawi ang kaisipan ng Diyos, na napopoot sa lahat ng uri ng kasamaan? Dapat nating linangin ang pagpipigil sa sarili at ang pagkapoot sa mga kinapopootan ni Jehova para hindi tayo makagawa ng masama.—Roma 12:9.
PAG-ISIPAN NA NGAYON PA LANG ANG MAGIGING DESISYON MO
13. Paano makatutulong ang patiunang pagsasaalang-alang sa pananaw ni Jehova sa pagdedesisyon natin sa hinaharap?
13 Kapag nag-aaral tayo, makabubuting isaalang-alang ang kahalagahan ng kaisipan ni Jehova sa mga sitwasyong puwedeng mapaharap sa atin. Sa gayon, sakaling malagay tayo sa isang sitwasyong kailangang magdesisyon agad, alam na natin kung ano ang gagawin. (Kaw. 22:3) Tingnan ang ilang halimbawa sa Bibliya.
14. Ano ang matututuhan natin sa pagtanggi ni Jose sa asawa ni Potipar?
14 Nang tangkain ng asawa ni Potipar na akitin si Jose, agad niya itong tinanggihan. Ipinakikita nito na napag-isipan na niya ang pananaw ni Jehova tungkol sa katapatan sa asawa. (Basahin ang Genesis 39:8, 9.) Sinabi niya sa asawa ni Potipar: “Paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at magkasala nga laban sa Diyos?” Ipinakikita ng sagot niyang ito na tinularan niya ang kaisipan ng Diyos. Kumusta naman tayo? Ano ang gagawin natin kung mag-flirt sa atin ang isang katrabaho? O kaya’y may matanggap tayong malalaswang mensahe o litrato sa ating cellphone?b Mas madali tayong makapaninindigan kung alam at tinanggap na natin ang pananaw ni Jehova sa gayong mga bagay at nakapagpasiya na tayo kung ano ang gagawin.
15. Gaya ng tatlong Hebreo, paano natin mapaglalabanan ang panggigipit na ikompromiso ang ating katapatan kay Jehova?
15 Tingnan naman natin ang halimbawa ng tatlong Hebreo na sina Sadrac, Mesac, at Abednego. Ang matatag nilang pagtanggi na sumamba sa imaheng ginto na itinayo ni Haring Nabucodonosor at ang tuwiran nilang sagot sa hari ay nagpapakitang napag-isipan na nila kung ano ang nasasangkot sa pananatiling tapat kay Jehova. (Ex. 20:4, 5; Dan. 3:4-6, 12, 16-18) Paano kung hingan ka ng ambag ng boss mo para sa isang selebrasyong may kaugnayan sa huwad na relihiyon? Ano ang gagawin mo? Sa halip na hintayin munang mangyari sa iyo ang gayong sitwasyon, bakit hindi pag-isipan ngayon pa lang kung ano ang kaisipan ni Jehova sa gayong bagay? Sa gayon, kung sakaling mangyari iyon, mas madali na para sa iyo na gawin at sabihin ang tama, gaya ng ginawa ng tatlong Hebreo.
16. Paanong ang pagkaunawa sa kaisipan ni Jehova ay tutulong sa atin na makapaghanda para sa isang medical emergency?
16 Ang patiunang pag-iisíp kung bakit kailangang manatiling tapat ay makatutulong din kapag may medical emergency. Determinado tayong umiwas na masalinan ng purong dugo o ng alinman sa apat na pangunahing sangkap nito, pero may ilang paraan ng paggamot gamit ang dugo na nangangailangan ng personal na pagpapasiya salig sa kaisipan ni Jehova na makikita sa mga simulain ng Bibliya. (Gawa 15:28, 29) Tiyak na ang pinakamagandang pagkakataon para pag-isipan ito ay hindi kapag nasa ospital na tayo, kung kailan may iniinda na tayong matinding kirot at minamadali nang magdesisyon. Ngayon na ang panahon para mag-research, punan ang legal na dokumentong medikal na naglalaman ng iyong mga kahilingan, at makipag-usap sa iyong doktor.c
17-19. Bakit mahalagang alamin ang kaisipan ni Jehova ngayon pa lang? Magbigay ng halimbawa ng isang sitwasyon kung saan kailangan tayong maging handa.
17 Panghuli, tingnan kung paano mabilis na sumagot si Jesus sa maling payo ni Pedro: “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon.” Lumilitaw na pinag-isipan nang mabuti ni Jesus ang kalooban ng Diyos para sa kaniya at ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kaniyang buhay at kamatayan dito sa lupa. Ang kaalamang ito ang nagpatibay sa kaniyang desisyong manatiling tapat at magsakripisyo nang walang pag-aalinlangan.—Basahin ang Mateo 16:21-23.
18 Sa ngayon, kalooban ng Diyos para sa kaniyang bayan na maging kaibigan niya at lubos na makibahagi sa kaniyang gawain. (Mat. 6:33; 28:19, 20; Sant. 4:8) Baka subukan ng mga taong nagmamalasakit na ilihis tayo mula sa landasing iyan, gaya ng naranasan ni Jesus. Halimbawa, paano kung alukin ka ng iyong employer ng mas mataas na posisyon na mas malaki ang suweldo pero mahahadlangan naman nito ang iyong espirituwal na mga gawain? Kung estudyante ka naman, paano kung alukin ka ng karagdagang edukasyon pero mapapalayo ka sa iyong pamilya? Sa gayong pagkakataon, baka kailangan mong manalangin at mag-research, makipag-usap sa iyong pamilya at marahil ay sa mga elder, at saka magdesisyon. Bakit hindi alamin ngayon pa lang ang kaisipan ni Jehova sa mga bagay na iyon at sikaping matularan ito? Sa gayon, kung sakaling mapaharap ka sa katulad na mga alok, malamang na hindi ka na matukso. Malinaw na sa iyo kung ano ang espirituwal mong tunguhin, nakapagpasiya ka na sa iyong puso, at ang kulang na lang ay ang isagawa ang iyong pasiya.
19 Baka may maisip ka pang ibang sitwasyon na puwedeng biglang mapaharap sa iyo. Siyempre pa, imposible namang mapaghandaan ang lahat ng puwedeng mangyari. Pero kung bubulay-bulayin natin ang kaisipan ni Jehova kapag nagpe-personal study tayo, mas malamang na maalaala natin ang napag-aralan natin at maikapit ito sa sitwasyong kinakaharap natin. Kaya lagi nating isaalang-alang ang kaisipan ni Jehova sa mga bagay-bagay, tularan ito, at tingnan kung paano ito makatutulong sa mga ginagawa natin ngayon at gagawin sa hinaharap.
ANG KAISIPAN NI JEHOVA AT ANG KINABUKASAN MO
20, 21. (a) Bakit magiging kasiya-siya ang relatibong kalayaan sa bagong sanlibutan? (b) Paano natin madarama ang gayong kagalakan ngayon pa lang?
20 Inaasam-asam na natin ang bagong sanlibutan. Karamihan sa atin ay nananabik sa walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa. Sa pamamahala ng Kaharian ng Diyos, hindi na mararanasan ng tao ang pagdurusang dulot ng sistemang ito. Pero siyempre, hindi mawawala ang kanilang kalayaang magpasiya. Malayang makapipili ang bawat isa ayon sa kaniyang kagustuhan at hangarin.
21 Siyempre pa, may limitasyon ang kalayaang ito. Sa pagpili ng tama at mali, ang maaamo ay gagabayan ng kaisipan at mga batas ni Jehova. Ito ay magiging kasiya-siya, at magdudulot ng malaking kagalakan at saganang kapayapaan. (Awit 37:11) Samantala, puwede na nating madama ngayon pa lang ang gayong kagalakan habang tinutularan natin ang kaisipan ni Jehova.
a Ang lap dancing ay “isang gawain kung saan ang isang performer na kadalasan nang halos nakahubad ay umuupo at gumigiling-giling sa kandungan ng isang kostumer.” Depende sa mga detalye ng aktuwal na pangyayari, ito ay puwedeng ituring bilang seksuwal na imoralidad na nangangailangan ng hudisyal na aksiyon. Ang isang Kristiyano na nasangkot sa ganitong gawain ay dapat humingi ng tulong sa mga elder.—Sant. 5:14, 15.
b Sexting ang tawag sa pagpapadala ng mahahalay na mensahe, litrato, o video gamit ang cellphone. Depende sa mga ebidensiya, maaari itong mangailangan ng hudisyal na aksiyon. Sa ilang kaso, ang mga menor-de-edad na nasangkot sa sexting ay nakasuhan bilang mga sex offender. Para sa higit pang impormasyon, magpunta sa website na jw.org/tl at basahin online ang artikulong “Tanong ng mga Kabataan—Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Sexting?” (Tingnan sa TURO NG BIBLIYA > TIN-EDYER.) O tingnan ang artikulong “Kung Paano Kakausapin ang Iyong Anak Tungkol sa Sexting” sa Gumising! ng Nobyembre 2013, p. 4-5.
c Ang mga simulain sa Bibliya tungkol dito ay tinalakay na sa ating mga publikasyon. Halimbawa, tingnan ang aklat na Manatili sa Pag-ibig ng Diyos, p. 215-218.