Maging Mapagbantay—Gusto Kang Silain ni Satanas!
“Maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.”—1 PED. 5:8.
1. Ipaliwanag kung paano naging Satanas ang isang espiritung nilalang.
NOON, may magandang kaugnayan siya kay Jehova. Pero ninais ng espiritung nilalang na ito na siya ang sambahin ng mga tao. Sa halip na alisin ang maling pagnanasa, hinayaan niya itong lumago hanggang sa magbunga ng kasalanan. (Sant. 1:14, 15) Alam natin na ang nilalang na iyon ay si Satanas, na ‘hindi nanindigan sa katotohanan.’ Nagrebelde siya kay Jehova at naging “ama ng kasinungalingan.”—Juan 8:44.
2, 3. Ano ang isinisiwalat ng mga terminong “Satanas,” “Diyablo,” “serpiyente,” at “dragon” tungkol sa pinakamahigpit na kaaway ni Jehova?
2 Mula nang magrebelde si Satanas, naging pinakamahigpit na kaaway siya ni Jehova, at tiyak na kaaway rin siya ng mga tao. Makikita sa mga titulo ni Satanas kung gaano siya kasamâ. Ang Satanas ay nangangahulugang “Mananalansang.” Ipinakikita nito na kinapopootan ng napakasamang espiritung nilalang na ito ang soberanya ng Diyos at agresibong nilalabanan iyon. Gustong-gusto ni Satanas na magwakas ang pagkasoberano ni Jehova.
3 Sa Apocalipsis 12:9, si Satanas ay tinatawag na Diyablo, na nangangahulugang “Maninirang-puri.” Ipinaaalaala nito sa atin na siniraang-puri ni Satanas si Jehova nang tawagin niya itong sinungaling. Maaalaala naman sa pananalitang “orihinal na serpiyente” ang nangyari sa Eden noong gumamit si Satanas ng ahas para dayain si Eva. Ipinaaalaala ng pananalitang “malaking dragon” ang isang nakakatakot na halimaw, at angkop na paglalarawan ito sa sakim na pagnanais ni Satanas na hadlangan ang layunin ni Jehova at lipulin ang Kaniyang bayan.
4. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
4 Maliwanag, si Satanas ang pinakamalaking banta sa ating katapatan. Kaya binababalaan tayo ng Bibliya: “Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.” (1 Ped. 5:8) Kaya tatalakayin sa artikulong ito ang tatlong katangian ni Satanas na nagpapakitang kailangan nating maging mapagbantay laban sa walang-awang kaaway na ito ng Diyos at ng Kaniyang bayan.
MAKAPANGYARIHAN SI SATANAS
5, 6. (a) Magbigay ng mga halimbawa na nagpapakitang “makapangyarihan sa kalakasan” ang mga espiritung nilalang. (b) Sa anong diwa may “kakayahang magpangyari ng kamatayan” si Satanas?
5 Ang mga espiritung nilalang na tinatawag na mga anghel ay “makapangyarihan sa kalakasan.” (Awit 103:20) Nakahihigit sila sa mga tao kaya mas matalino sila at mas makapangyarihan. Siyempre pa, ginagamit ng tapat na mga anghel ang kapangyarihan nila sa mabuti. Halimbawa, isang anghel ni Jehova ang minsang pumatay ng 185,000 kaaway na sundalong Asiryano—hindi ito kayang gawin ng isang tao o ng buong hukbo pa nga. (2 Hari 19:35) Sa isa namang pagkakataon, ginamit ng isang anghel ang kaniyang kapangyarihan at talino para mailabas sa bilangguan ang mga apostol ni Jesus. Walang kahirap-hirap na nabuksan ng espiritung nilalang na iyon ang nakatrangkang mga pinto, inilabas ang mga apostol, at muling isinara ang mga pinto—kahit naroon ang mga bantay!—Gawa 5:18-23.
6 Di-tulad ng tapat na mga espiritung nilalang, ginagamit ni Satanas ang kapangyarihan niya sa masama. Napakamakapangyarihan at napakalaki ng impluwensiya niya! Tinutukoy siya ng Bibliya bilang “tagapamahala ng sanlibutang ito” at “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (Juan 12:31; 2 Cor. 4:4) Mayroon pa nga siyang “kakayahang magpangyari ng kamatayan.” (Heb. 2:14) Hindi ito nangangahulugan na lahat ng tao ay direktang pinapatay ni Satanas. Sa halip, ang mapamaslang na espiritu niya ay nangingibabaw sa buong mundo. Dahil din sa naniwala si Eva sa kasinungalingan ni Satanas at sumuway si Adan sa Diyos, lumaganap ang kasalanan at kamatayan sa lahat ng tao. (Roma 5:12) Sa gayong diwa, ang Diyablo ay may “kakayahang magpangyari ng kamatayan.” Angkop lang na tawagin siya ni Jesus na “mamamatay-tao.” (Juan 8:44) Talagang makapangyarihan ang kaaway nating si Satanas!
7. Paano ipinakita ng mga demonyo na makapangyarihan sila?
7 Kapag sinasalansang natin si Satanas, nagiging kaaway rin natin ang lahat ng nasa panig niya sa isyu ng pansansinukob na soberanya. Kasama sa mga ito ang malaking grupo ng mga rebeldeng espiritu, o mga demonyo. (Apoc. 12:3, 4) Paulit-ulit na ipinakita ng mga demonyo na malakas at makapangyarihan sila. Nagdulot sila ng matinding pagdurusa sa mga biktima nila. (Mat. 8:28-32; Mar. 5:1-5) Huwag nating maliitin ang kapangyarihan ng masasamang anghel o ng “tagapamahala ng mga demonyo.” (Mat. 9:34) Kung wala ang tulong ni Jehova, hindi natin madaraig si Satanas.
WALANG-AWA SI SATANAS
8. (a) Ano ang gustong gawin ni Satanas? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Sa obserbasyon mo, paano ipinakikita ng sanlibutang ito na walang-awa si Satanas?
8 Inihalintulad ni apostol Pedro si Satanas sa “isang leong umuungal.” Ayon sa isang reperensiya, ang salitang Griego na isinaling “umuungal” ay nagpapahiwatig ng malakas na ingay na nililikha ng isang gutom na gutom na mabangis na hayop. Bagay na bagay kay Satanas ang paglalarawang ito! Kahit nasa kapangyarihan na niya ang buong sanlibutan, hindi pa rin kontento si Satanas. (1 Juan 5:19) Para sa kaniya, ang sanlibutan ay parang “pampagana” lang sa pagkain. Kaya sa diwa, ibinaling ni Satanas ang kaniyang atensiyon sa “pangunahing putahe”—ang mga pinahirang nalabi at ang kasama nitong “ibang mga tupa.” (Juan 10:16; Apoc. 12:17) Gusto ni Satanas na silain ang bayan ni Jehova. Pinatutunayan ng mga pang-uusig niya sa mga tagasunod ni Jesus mula pa noong unang siglo na wala siyang awa.
9, 10. (a) Paano sinikap ni Satanas na hadlangan ang layunin ng Diyos may kaugnayan sa bansang Israel? (Magbigay ng mga halimbawa.) (b) Bakit pinuntirya ni Satanas ang sinaunang Israel? (c) Ano sa palagay mo ang nadarama ng Diyablo kapag ang isang lingkod ni Jehova ay nagkasala nang malubha?
9 Makikita rin sa mga pagsisikap ni Satanas na hadlangan ang layunin ng Diyos na wala siyang awa. Ang isang gutóm na leon ay hindi naaawa sa kaniyang biktima at hindi nakokonsensiya pagkatapos niya itong lapain. Si Satanas ay hindi rin naaawa sa mga sinisila niya. Halimbawa, ano kaya ang nadarama ni Satanas na Diyablo sa tuwing makikita niyang nahuhulog ang mga Israelita sa kasalanan gaya ng seksuwal na imoralidad at kasakiman? Habang binabasa mo ang masaklap na nangyari sa imoral na si Zimri at sa sakim na si Gehazi, nakikini-kinita mo bang nagsasaya si Satanas?—Bil. 25:6-8, 14, 15; 2 Hari 5:20-27.
10 May mabigat na dahilan si Satanas kung bakit niya pinuntirya ang sinaunang Israel. Sa bansang iyon magmumula ang Mesiyas—ang mismong dudurog kay Satanas at magbabangong-puri sa soberanya ni Jehova. (Gen. 3:15) Gusto ni Satanas na mawala ang pagsang-ayon ng Diyos sa mga Israelita, kaya ginawa niya ang lahat para magkasala sila. Huwag isiping nalungkot si Satanas noong mangalunya si David o naawa siya kay Moises noong hindi ito nakapasok sa Lupang Pangako. Tiyak na tuwang-tuwa si Satanas kapag ang isang lingkod ng Diyos ay nagkasala nang malubha. Sa katunayan, maaaring isa ito sa ginagamit ng Diyablo para tuyain si Jehova.—Kaw. 27:11.
11. Bakit pinuntirya ni Satanas si Sara?
11 Partikular nang kinapootan ni Satanas ang angkan na pagmumulan ng Mesiyas. Halimbawa, pansinin ang nangyari di-nagtagal matapos sabihin kay Abraham na siya ay magiging “isang dakilang bansa.” (Gen. 12:1-3) Habang nasa Ehipto sina Abraham at Sara, iniutos ni Paraon na dalhin sa bahay niya si Sara—maliwanag na para maging asawa niya. Pero namagitan si Jehova at iniligtas si Sara mula sa karumihan sa moral. (Basahin ang Genesis 12:14-20.) Halos ganito rin ang nangyari sa Gerar noong bago ipanganak si Isaac. (Gen. 20:1-7) Si Satanas ba ang may kagagawan sa mga iyon? Umasa kaya siya na si Sara, matapos umalis sa maunlad na lunsod ng Ur at tumira sa mga tolda, ay maaakit sa marangyang palasyo ni Paraon at ni Abimelec? Iniisip kaya ni Satanas na iiwan ni Sara ang asawa niya—at si Jehova—at papayag na maging asawa ng iba? Hindi sinasabi ng Bibliya, pero may dahilan tayong maniwala na matutuwa ang Diyablo kung naging hindi karapat-dapat si Sara na pagmulan ng ipinangakong binhi. Hindi makokonsensiya si Satanas kahit madungisan ang reputasyon ng isang mabuting babae, masira ang pag-aasawa nito at katayuan sa harap ni Jehova. Talagang walang-awa si Satanas!
12, 13. (a) Matapos isilang si Jesus, paano ipinakita ni Satanas na wala siyang awa? (b) Ano sa tingin mo ang nadarama ni Satanas sa mga batang umiibig at nagsisikap sumamba kay Jehova?
12 Makalipas ang daan-daang taon pagkamatay ni Abraham, ipinanganak si Jesus. Tiyak na hindi natuwa si Satanas sa sanggol na si Jesus. Alam niya na ang batang ito ang magiging ipinangakong Mesiyas. Oo, si Jesus ang pangunahing bahagi ng binhi ni Abraham, ang isa na ‘sisira sa mga gawa ng Diyablo.’ (1 Juan 3:8) Sasabihin ba ni Satanas na hindi niya maaatim na pumatay ng isang sanggol? Wala siyang pakialam kung ano ang tama o mali. At pagdating sa batang si Jesus, hindi nagdalawang-isip si Satanas na kumilos. Paano?
13 Nang magtanong ang mga astrologo kay Haring Herodes tungkol sa “ipinanganak na hari ng mga Judio,” nangamba nang husto ang hari at kumilos siya para mapatay ito. (Mat. 2:1-3, 13) Iniutos niyang patayin ang lahat ng batang lalaki na dalawang taóng gulang pababa at nakatira sa Betlehem at sa mga distrito nito. (Basahin ang Mateo 2:13-18.) Nakaligtas si Jesus sa napakalupit na pagpatay na iyon. Pero ano ang ipinakikita nito tungkol sa kaaway nating si Satanas? Maliwanag na walang halaga sa Diyablo ang buhay ng tao. Wala siyang awa kahit sa mga bata. Talagang si Satanas ay “isang leong umuungal.” Hinding-hindi niya tayo kaaawaan!
MAPANDAYA SI SATANAS
14, 15. Paano “binulag [ni Satanas] ang mga pag-iisip ng mga di-sumasampalataya”?
14 Para maitalikod ni Satanas ang mga tao sa maibiging Diyos na si Jehova, kailangan niya silang dayain. (1 Juan 4:8) Dinadaya niya ang mga tao para hindi sila maging “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mat. 5:3) Sa gayon, “binulag [niya] ang mga pag-iisip ng mga di-sumasampalataya, upang ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos, ay hindi makatagos.”—2 Cor. 4:4.
15 Ang isa sa pangunahing ginagamit ni Satanas para dayain ang mga tao ay ang huwad na relihiyon. Tiyak na tuwang-tuwa siya kapag nakikita niyang sumasamba ang mga tao sa kanilang mga ninuno, sa kalikasan, o sa mga hayop, at hindi kay Jehova na “humihiling ng bukod-tanging debosyon”! (Ex. 20:5) Marami ang nag-iisip na tama ang paraan ng pagsamba nila sa Diyos. Pero nakagapos sila sa maling mga paniniwala at walang kabuluhang mga ritwal. Kaawa-awa sila. Ganiyan ang kalagayan ng mga tao noong panahon ni Isaias. Sinabi sa kanila ni Jehova: “Bakit kayo patuloy na nagbabayad ng salapi para sa hindi naman tinapay, at bakit ang inyong pagpapagal ay hindi sa ikabubusog? Makinig kayong mabuti sa akin, at kumain kayo ng bagay na mabuti, at hayaang ang inyong kaluluwa ay makasumpong ng masidhing kaluguran nito sa katabaan.”—Isa. 55:2.
16, 17. (a) Bakit sinabi ni Jesus kay Pedro: “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas”? (b) Paano tayo maaaring dayain ni Satanas para maging di-mapagbantay?
16 Nadadaya ni Satanas kahit ang masisigasig na lingkod ni Jehova. Halimbawa, alalahanin ang nangyari noong sabihin ni Jesus sa mga alagad niya na malapit na siyang patayin. Dahil sa malasakit, sinabi sa kaniya ni apostol Pedro: “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon; hindi kailanman mangyayari sa iyo ang kahihinatnang ito.” Pero sinabi ni Jesus kay Pedro: “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas!” (Mat. 16:22, 23) Bakit tinawag ni Jesus na “Satanas” si Pedro? Dahil alam ni Jesus kung ano ang malapit nang mangyari noon. Malapit na siyang mamatay bilang haing pantubos at sa gayon ay mapatutunayan niyang sinungaling ang Diyablo. Sa kritikal na panahong iyon sa kasaysayan ng tao, hindi dapat “maging mabait” si Jesus sa kaniyang sarili. Tiyak na gustong-gusto ni Satanas na maging di-mapagbantay si Jesus.
17 Dahil malapit na ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay, nabubuhay rin tayo sa kritikal na panahon. Gusto ni Satanas na “maging mabait” tayo sa ating sarili at magpursigi para maging matagumpay sa sanlibutang ito. Gusto niyang malimutan natin na nabubuhay tayo sa mga huling araw at maging di-mapagbantay. Huwag mong hayaang mangyari iyan sa iyo! Sa halip, “patuloy [na] magbantay.” (Mat. 24:42) Huwag na huwag kang maniniwala sa mapandayang propaganda ni Satanas na nagpapahiwatig na matagal pa ang wakas—o na hindi na ito darating.
18, 19. (a) Paano tayo maaaring dayain ni Satanas pagdating sa pananaw natin sa ating sarili? (b) Paano tayo tinutulungan ni Jehova na manatiling mapagbantay?
18 May isa pang paraan si Satanas para dayain tayo. Pinaniniwala niya tayong hindi tayo karapat-dapat sa pag-ibig at pagpapatawad ng Diyos. Bahagi iyan ng mapandayang propaganda ni Satanas. Pero sino ba talaga ang hindi karapat-dapat sa pag-ibig ni Jehova? Si Satanas. At sino ba talaga ang hindi karapat-dapat sa pagpapatawad ng Diyos? Si Satanas din. Pero kung tungkol sa atin, tinitiyak ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.” (Heb. 6:10) Pinahahalagahan ni Jehova ang mga pagsisikap nating paluguran siya, at hindi kailanman magiging walang kabuluhan ang paglilingkod natin sa kaniya. (Basahin ang 1 Corinto 15:58.) Kaya huwag tayong magpadaya kay Satanas.
19 Gaya ng natalakay natin, makapangyarihan, walang-awa, at mapandaya si Satanas. Paano natin malalabanan at madaraig ang kaaway na ito? Tutulungan tayo ni Jehova. Itinuturo sa atin ng Bibliya kung ano ang mga taktika ni Satanas, kaya “hindi . . . tayo walang-alam sa kaniyang mga pakana.” (2 Cor. 2:11) Kapag naiintindihan natin kung ano ang mga taktika ni Satanas, mas madali para sa atin na manatiling mapagbantay. Pero hindi sapat na alam natin ang mga pakana ni Satanas. Sinasabi ng Bibliya: “Salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.” (Sant. 4:7) Tatalakayin sa susunod na artikulo kung paano natin malalabanan at madaraig si Satanas.