Huwag Nang Mamuhay Pa Para sa Ating Sarili
“Namatay [si Kristo] para sa lahat upang yaong mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili.”—2 CORINTO 5:15.
1, 2. Anong maka-Kasulatang utos ang nag-udyok sa unang-siglong mga tagasunod ni Jesus na daigin ang pagkamakasarili?
HULING gabi ni Jesus sa lupa noon. Ilang oras na lamang, ibibigay na niya ang kaniyang buhay alang-alang sa lahat ng mananampalataya sa kaniya. Nang gabing iyon, maraming mahahalagang bagay ang sinabi si Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol. Kabilang sa mga ito ang isang utos hinggil sa isang katangian na magiging pagkakakilanlang tanda ng kaniyang mga tagasunod. “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos,” ang sabi niya, “na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo ay ibigin din ninyo ang isa’t isa. Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”—Juan 13:34, 35.
2 Kailangang ipakita ng tunay na mga Kristiyano ang mapagsakripisyong pag-ibig sa isa’t isa at kailangan nilang unahin ang mga kapakanan ng kanilang mga kapananampalataya sa halip na ang sa kanila. Hindi sila dapat mag-atubiling ‘ibigay kahit ang kanilang kaluluwa alang-alang sa kanilang mga kaibigan.’ (Juan 15:13) Paano tumugon ang unang mga Kristiyano sa bagong utos na ito? Sa kaniyang tanyag na akdang Apology, sinipi ng ikalawang-siglong manunulat na si Tertullian ang ibang mga nagsabi nang ganito tungkol sa mga Kristiyano: ‘Tingnan ninyo kung gaano nila kamahal ang isa’t isa; at kung gaano pa nga sila kahandang mamatay alang-alang sa isa’t isa.’
3, 4. (a) Bakit natin dapat labanan ang pagkamakasarili? (b) Ano ang isasaalang-alang natin sa artikulong ito?
3 Dapat din naman nating ‘patuloy na dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa, at sa gayon ay tuparin ang kautusan ng Kristo.’ (Galacia 6:2) Gayunman, ang pagkamakasarili ay isa sa pinakamalaking hadlang sa pagsunod sa kautusan ng Kristo at sa ‘pag-ibig kay Jehova na ating Diyos nang ating buong puso, kaluluwa, at pag-iisip at sa pag-ibig sa ating kapuwa gaya ng ating sarili.’ (Mateo 22:37-39) Yamang hindi tayo sakdal, may hilig tayong maging makasarili. Bukod dito, dahil sa kaigtingan sa araw-araw na pamumuhay, sa espiritu ng pagpapaligsahan sa paaralan o sa pinagtatrabahuhan, at sa pakikipagpunyagi upang matustusan ang mga pangangailangan sa buhay, tumitindi ang likas na hilig na ito. Hindi humuhupa ang hilig na ito sa pagkamakasarili. Nagbabala si apostol Pablo: “Sa mga huling araw . . . ang mga tao ay magiging makasarili.”—2 Timoteo 3:1, 2, Biblia ng Sambayanang Pilipino.
4 Noong huling bahagi ng kaniyang ministeryo sa lupa, binanggit ni Jesus ang isang pamamaraan na may tatlong hakbangin na makatutulong sa kaniyang mga alagad upang madaig ang pagkamakasarili. Ano ito, at paano tayo makikinabang sa kaniyang mga tagubilin?
Isang Mabisang Panlaban!
5. Samantalang nangangaral sa hilagang Galilea, ano ang isiniwalat ni Jesus sa kaniyang mga alagad, at bakit nila ito ikinagulat?
5 Nangangaral noon si Jesus malapit sa Cesarea Filipos sa hilagang Galilea. Ang payapa at kaakit-akit na lugar na ito ay waring mas angkop sa pagliliwaliw kaysa sa pagkakait sa sarili. Subalit habang naroon siya, isiniwalat ni Jesus sa kaniyang mga alagad na “siya ay kailangang pumaroon sa Jerusalem at magdusa ng maraming bagay mula sa matatandang lalaki at mga punong saserdote at mga eskriba, at patayin, at sa ikatlong araw ay ibangon.” (Mateo 16:21) Tiyak na ikinagulat ng mga alagad ni Jesus ang pagsisiwalat na ito, sapagkat hanggang sa panahong iyon ay inaasahan nila na itatatag ng kanilang Lider ang kaniyang Kaharian dito sa lupa!—Lucas 19:11; Gawa 1:6.
6. Bakit matinding sinaway ni Jesus si Pedro?
6 Agad na ‘dinala ni Pedro si Jesus sa tabi at sinimulan siyang sawayin, na sinasabi: “Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon; hindi kailanman mangyayari sa iyo ang kahihinatnang ito.”’ Paano tumugon si Jesus? “Pagtalikod niya, sinabi niya kay Pedro: ‘Lumagay ka sa likuran ko, Satanas! Ikaw ay isang katitisuran sa akin, sapagkat iniisip mo, hindi ang mga kaisipan ng Diyos kundi yaong sa mga tao.’” Kaylaki nga ng pagkakaiba ng dalawang saloobing ito! Tinanggap ni Jesus nang maluwag sa loob ang mapagsakripisyong landasin na iniatas sa kaniya ng Diyos—isa na hahantong sa kaniyang kamatayan sa isang pahirapang tulos ilang buwan na lamang ang hinihintay. Nagmungkahi naman si Pedro ng maalwang landasin. “Maging mabait ka sa iyong sarili,” ang sabi niya. Walang alinlangan na may mabuting intensiyon si Pedro. Gayunman, sinaway pa rin siya ni Jesus dahil nagpaimpluwensiya si Pedro kay Satanas nang pagkakataong iyon. Taglay ni Pedro “hindi ang mga kaisipan ng Diyos, kundi yaong sa mga tao.”—Mateo 16:22, 23.
7. Gaya ng nakaulat sa Mateo 16:24, anong landasin ang binalangkas ni Jesus na dapat sundin ng kaniyang mga tagasunod?
7 Ang mga ideyang katulad ng mga sinabi ni Pedro kay Jesus ay maririnig pa rin sa ngayon. Karaniwan nang hinihimok ng sanlibutan ang isang tao na ‘maging mabait sa sarili’ o ‘sundin ang pinakamadaling landasin.’ Sa kabilang panig naman, iminumungkahi ni Jesus ang isang ganap na naiibang disposisyon. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy akong sundan.” (Mateo 16:24) “Ang mga salitang ito ay hindi paanyaya para maging alagad ang mga tagalabas,” ang sabi ng The New Interpreter’s Bible, “kundi paanyaya ito para bulay-bulayin ng mga tumugon sa panawagan ni Kristo ang kahulugan ng pagiging alagad.” Ang tatlong hakbangin na binalangkas ni Jesus, gaya ng nakaulat sa kasulatang iyan, ay dapat sundin ng mga mananampalataya. Isa-isa nating isaalang-alang ang bawat hakbangin.
8. Ipaliwanag ang kahulugan ng pagtatatwa sa sarili.
8 Una, dapat nating itatwa ang ating sarili. Ang salitang Griego para sa “itatwa ang sarili” ay nagpapahiwatig ng pagiging handang tanggihan ang makasariling mga hangarin o personal na mga kaalwanan. Ang pagtatatwa sa ating sarili ay hindi lamang nangangahulugan ng ating paminsan-minsang pagtalikod sa ilang kaluguran; ni nangangahulugan man ito na magiging mapagpakasakit tayo o pipinsalain natin ang ating sarili. Hindi na natin ‘pag-aari ang ating sarili’ sa diwa na isinusuko na natin kay Jehova nang maluwag sa kalooban ang ating buong buhay at ang lahat ng bagay na kalakip nito. (1 Corinto 6:19, 20) Sa halip na maging makasarili, itutuon na natin ang ating buhay sa paglilingkod sa Diyos. Ang pagtatatwa sa sarili ay nagpapahiwatig ng determinasyong gawin ang kalooban ng Diyos, bagaman maaaring hindi ito ang likas na gusto nating gawin. Ipinakikita natin na bukod-tangi ang ating debosyon sa Diyos kapag nag-alay tayo sa kaniya at nagpabautismo. Pagkatapos ay sinisikap nating tuparin ang ating pag-aalay habang tayo ay nabubuhay.
9. (a) Noong narito pa sa lupa si Jesus, ano ang kinakatawanan ng pahirapang tulos? (b) Sa anong paraan natin binubuhat ang ating pahirapang tulos?
9 Ang ikalawang hakbangin ay na dapat nating buhatin ang ating pahirapang tulos. Noong unang siglo, kumakatawan ang pahirapang tulos sa pagdurusa, kahihiyan, at kamatayan. Karaniwan na, mga kriminal lamang ang binibitay sa isang pahirapang tulos o ibinibitin ang kanilang mga bangkay sa isang tulos. Sa pananalitang ito, ipinakita ni Jesus na dapat maging handang dumanas ng pag-uusig, paghamak, o ng kamatayan pa nga ang isang Kristiyano, yamang hindi na siya bahagi ng sanlibutan. (Juan 15:18-20) Naiiba tayo dahil sa ating mga pamantayang Kristiyano, kaya maaaring ‘magsalita nang may pang-aabuso tungkol sa atin’ ang sanlibutan. (1 Pedro 4:4) Maaari itong mangyari sa paaralan, sa ating pinagtatrabahuhan, o maging sa loob ng pamilya. (Lucas 9:23) Gayunpaman, handa nating batahin ang paghamak ng sanlibutan dahil hindi na tayo nabubuhay para sa ating sarili. Sinabi ni Jesus: “Maligaya kayo kapag dinudusta kayo ng mga tao at pinag-uusig kayo at may-kasinungalingang sinasalita ang bawat uri ng balakyot na bagay laban sa inyo dahil sa akin. Magsaya kayo at lumukso sa kagalakan, yamang malaki ang inyong gantimpala sa langit.” (Mateo 5:11, 12) Tunay nga, ang pinakamahalaga ay ang pagsang-ayon ng Diyos.
10. Ano ang nasasangkot sa patuloy na pagsunod kay Jesus?
10 Ikatlo, sinabi ni Jesu-Kristo na dapat natin siyang patuloy na sundan. Ayon sa An Expository Dictionary of New Testament Words, ni W. E. Vine, ang pagsunod ay nangangahulugan ng pagiging isang kasama—“isang kasabay sa iisang landas.” Sinasabi ng 1 Juan 2:6: “Siya na nagsasabi na nananatili siyang kaisa [ng Diyos] ay may pananagutan din mismo na patuloy na lumakad kung paanong lumakad ang isang iyon [si Kristo].” Paano ba lumakad si Jesus? Dahil iniibig ni Jesus ang kaniyang makalangit na Ama at ang mga alagad niya, hindi siya naging makasarili. “Ang Kristo ay hindi nagpalugod sa kaniyang sarili,” ang sulat ni Pablo. (Roma 15:3) Kahit na nang mapagod o magutom si Jesus, inuna pa rin niya ang mga kapakanan ng iba sa halip na ang sa kaniya. (Marcos 6:31-34) Puspusan ding nagpagal si Jesus sa gawaing pangangaral at pagtuturo tungkol sa Kaharian. Hindi ba dapat natin siyang tularan habang may-kasigasigan nating tinutupad ang ating atas na ‘gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ni Jesus’? (Mateo 28:19, 20) Sa lahat ng ito, nag-iwan sa atin ng huwaran si Kristo, at dapat nating ‘sundan nang maingat ang kaniyang mga yapak.’—1 Pedro 2:21.
11. Bakit mahalaga na itatwa natin ang ating sarili, buhatin ang ating pahirapang tulos, at patuloy na sundan si Jesu-Kristo?
11 Mahalaga na itatwa natin ang ating sarili, buhatin ang ating pahirapang tulos, at patuloy na sundan ang ating Uliran. Ang paggawa natin sa bagay na ito ay panlaban sa pagkamakasarili—isang tiyak na hadlang sa pagpapamalas ng mapagsakripisyong pag-ibig. Bukod diyan, sinabi ni Jesus: “Sinumang nagnanais magligtas ng kaniyang kaluluwa ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kaniyang kaluluwa alang-alang sa akin ay makasusumpong nito. Sapagkat ano ang magiging pakinabang ng isang tao kung matamo niya ang buong sanlibutan ngunit maiwala naman ang kaniyang kaluluwa? o ano ang ibibigay ng isang tao bilang kapalit ng kaniyang kaluluwa?”—Mateo 16:25, 26.
Hindi Tayo Makapaglilingkod sa Dalawang Panginoon
12, 13. (a) Ano ang ikinababahala ng binatang tagapamahala na humingi ng payo kay Jesus? (b) Ano ang ipinayo ni Jesus sa binata, at bakit?
12 Pagkaraan ng ilang buwan matapos idiin ni Jesus ang pangangailangang itatwa ng kaniyang mga alagad ang kanilang sarili, isang mayamang binata na tagapamahala ang lumapit sa kaniya at nagsabi: “Guro, anong mabuti ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sinabi ni Jesus sa kaniya na “tuparin mo nang patuluyan ang mga utos” at pagkatapos ay binanggit niya ang ilan sa mga ito. Sinabi ng binata: “Tinutupad ko ang lahat ng mga ito.” Lumilitaw na taimtim ang lalaki at ginawa niya ang kaniyang buong makakaya upang sundin ang mga utos ng Kautusan. Kaya itinanong niya: “Ano pa ang kulang sa akin?” Bilang tugon, ipinaabot ni Jesus sa binata ang isang natatanging paanyaya, na sinasabi: “Kung ibig mong maging sakdal [“ganap,” Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino], humayo ka at ipagbili mo ang iyong mga pag-aari at ibigay mo sa mga dukha at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit, at halika maging tagasunod kita.”—Mateo 19:16-21.
13 Nakita ni Jesus na upang buong-pusong mapaglingkuran ng binata si Jehova, kailangan niyang alisin ang malaking panggambala sa kaniyang buhay—ang kaniyang materyal na kayamanan. Ang tunay na alagad ni Kristo ay hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon. Siya ay ‘hindi maaaring magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.’ (Mateo 6:24) Kailangan niya ang isang ‘simpleng mata’ na nakapokus sa espirituwal na mga bagay. (Mateo 6:22) Isang gawa ng pagsasakripisyo sa sarili kung aalisin ng isa ang kaniyang mga ari-arian at ibibigay ang mga ito sa mga dukha. Kapalit ng materyal na sakripisyong ito, inialok ni Jesus sa binatang tagapamahala ang walang-katumbas na pribilehiyong makapag-imbak ng kayamanan sa langit—isang kayamanan na mangangahulugan ng buhay na walang hanggan para sa kaniya at aakay sa pag-asang mamahala na kasama ni Kristo sa langit sa dakong huli. Hindi handa ang binata na itatwa ang kaniyang sarili. “Siya ay umalis na napipighati, sapagkat marami siyang tinataglay na mga pag-aari.” (Mateo 19:22) Gayunman, hindi ganito ang naging pagtugon ng ibang mga tagasunod ni Jesus.
14. Paano tumugon ang apat na mangingisda sa paanyaya ni Jesus na sumunod sa kaniya?
14 Mga dalawang taon na noon ang nakalipas, ipinaabot ni Jesus ang gayunding paanyaya sa apat na mangingisda na nagngangalang Pedro, Andres, Santiago, at Juan. Dalawa sa kanila ay nangingisda nang panahong iyon, at ang dalawa pa ay abala naman sa paghahayuma ng kanilang mga lambat. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao.” Nang dakong huli ay iniwan ng apat na lalaking ito ang kanilang negosyo sa pangingisda at habambuhay silang sumunod kay Jesus.—Mateo 4:18-22.
15. Paano nagsakripisyo ang isang makabagong-panahong Saksi ni Jehova upang masunod si Jesus?
15 Tinutularan ng maraming Kristiyano sa ngayon ang halimbawa ng apat na mangingisda sa halip na yaong sa mayamang binata na tagapamahala. Isinakripisyo nila ang kayamanan at oportunidad sa daigdig na ito upang paglingkuran si Jehova. “Nang 22 taóng gulang ako, kinailangan kong gumawa ng mahalagang pagpapasiya,” ang sabi ni Deborah. Ipinaliwanag niya: “Mga anim na buwan na akong nag-aaral ng Bibliya noon, at gusto ko nang ialay ang aking buhay kay Jehova, subalit tutol na tutol ang aking pamilya. Mga multimilyunaryo sila, at iniisip nilang magiging kahiya-hiya sila sa lipunan kung magiging Saksi ako. Binigyan nila ako ng 24 na oras para magpasiya kung ano ang pipiliin ko—isang maluhong buhay o ang katotohanan. Kung hindi ko puputulin ang lahat ng pakikipag-ugnayan sa mga Saksi, hindi ako pamamanahan ng aking pamilya. Tinulungan ako ni Jehova na gumawa ng tamang pasiya at binigyan ako ng lakas upang maisakatuparan ito. Ginugol ko ang nakalipas na 42 taon sa buong-panahong paglilingkod, at wala akong pinagsisisihan. Dahil sa pagtalikod ko sa makasarili at mapagpalayaw na istilo ng pamumuhay, naiwasan ko ang kawalang-layunin at kalungkutan sa buhay na nakikita ko sa aking mga kapamilya. Kasama ng aking asawa, natulungan ko ang mahigit na sandaang katao na matuto ng katotohanan. Lubhang mas mahalaga sa akin ang espirituwal na mga anak na ito kaysa sa anumang materyal na kayamanan.” Milyun-milyong iba pang Saksi ni Jehova ang may gayunding pangmalas. Kumusta ka naman?
16. Paano natin maipakikita na hindi na tayo namumuhay pa para sa ating sarili?
16 Dahil sa hangaring huwag nang mamuhay pa para sa kanilang sarili, naudyukan ang libu-libong Saksi ni Jehova na maglingkod bilang mga payunir, o buong-panahong mga tagapaghayag ng Kaharian. Ang iba naman, na hindi makabahagi sa buong-panahong ministeryo dahil sa kanilang kalagayan, ay naglinang ng espiritu ng pagpapayunir at sumuporta sa gawaing pangangaral ng Kaharian sa abot ng kanilang makakaya. Nagpapakita ng gayunding espiritu ang mga magulang kapag iniuukol nila ang kalakhang bahagi ng kanilang panahon at isinasakripisyo ang personal na mga kapakanan para makapagbigay ng espirituwal na pagsasanay sa kanilang mga anak. Sa paanuman, maipakikita nating lahat na inuuna natin ang mga kapakanan ng Kaharian sa ating buhay.—Mateo 6:33.
Kaninong Pag-ibig ang Nag-uudyok sa Atin?
17. Ano ang nag-uudyok sa atin upang magsakripisyo?
17 Hindi madaling magpamalas ng mapagsakripisyong pag-ibig. Ngunit bulay-bulayin kung ano ang nag-uudyok sa atin. Sumulat si Pablo: “Ang pag-ibig na taglay ng Kristo ang nag-uudyok sa amin, sapagkat ito ang aming inihahatol, na ang isang tao ay namatay para sa lahat . . . At namatay siya para sa lahat upang yaong mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa kanila at ibinangon.” (2 Corinto 5:14, 15) Ang pag-ibig ni Kristo ang nag-uudyok sa atin na huwag nang mamuhay pa para sa ating sarili. Kaylakas na pangganyak nga ito! Yamang namatay si Kristo para sa atin, hindi ba natin nadarama ang moral na pananagutang mamuhay para sa kaniya? Tutal, ang pagpapahalaga sa masidhing pag-ibig na ipinakita sa atin ng Diyos at ni Kristo ang nagtulak sa atin na ialay ang ating buhay sa Diyos at maging mga alagad ni Kristo.—Juan 3:16; 1 Juan 4:10, 11.
18. Bakit sulit ang mapagsakripisyong landasin?
18 Sulit ba na huwag nang mamuhay pa para sa ating sarili? Matapos tanggihan ng mayamang binata na tagapamahala ang paanyaya ni Kristo at umalis, sinabi ni Pedro kay Jesus: “Narito! Iniwan na namin ang lahat ng mga bagay at sumunod sa iyo; ano nga ba talaga ang mayroon para sa amin?” (Mateo 19:27) Talagang itinatwa ni Pedro at ng iba pang mga apostol ang kanilang sarili. Ano ang magiging gantimpala nila? Binanggit muna ni Jesus ang pribilehiyong makakamtan nila bilang kasama niyang mga tagapamahala sa langit. (Mateo 19:28) Tinukoy rin ni Jesus nang pagkakataong iyon ang mga pagpapalang matatamasa ng bawat isa sa kaniyang mga tagasunod. Sinabi niya: “Walang sinuman na nag-iwan ng bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ina o ama o mga anak o mga bukid alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita ang hindi tatanggap ng sandaang ulit ngayon sa yugtong ito ng panahon . . . at sa darating na sistema ng mga bagay ay ng buhay na walang hanggan.” (Marcos 10:29, 30) Mas higit ang natatanggap natin kaysa sa isinasakripisyo natin. Hindi ba’t mas mahalaga ang ating espirituwal na mga ama, ina, kapatid, at anak kaysa sa anumang bagay na tinalikuran natin alang-alang sa Kaharian? Sino ang may pinakakasiya-siyang buhay—si Pedro o ang mayamang binata na tagapamahala?
19. (a) Sa ano nakasalig ang tunay na kaligayahan? (b) Ano ang isasaalang-alang natin sa susunod na artikulo?
19 Sa kaniyang mga salita at gawa, ipinakita ni Jesus na nagdudulot ng kaligayahan ang pagbibigay at paglilingkod, hindi ang pagkamakasarili. (Mateo 20:28; Gawa 20:35) Kapag hindi na tayo namumuhay para sa ating sarili kundi patuloy nating sinusundan si Kristo, makasusumpong tayo ng malaking kasiyahan sa buhay ngayon at magkakaroon ng pag-asang buhay na walang hanggan sa hinaharap. Siyempre pa, kapag itinatwa natin ang ating sarili, si Jehova na ang May-ari sa atin. Sa gayon ay nagiging mga alipin tayo ng Diyos. Bakit kasiya-siya ang pagkaaliping ito? Paano ito nakaaapekto sa mga pagpapasiya natin sa buhay? Tatalakayin ng susunod na artikulo ang mga tanong na ito.
Naaalaala Mo Ba?
• Bakit natin dapat labanan ang ating makasariling mga hilig?
• Ano ang kahulugan ng itatwa ang ating sarili, buhatin ang ating pahirapang tulos, at patuloy na sundan si Jesus?
• Ano ang nag-uudyok sa atin upang huwag nang mamuhay pa para sa ating sarili?
• Bakit sulit ang pamumuhay na may pagsasakripisyo sa sarili?
[Larawan sa pahina 11]
“Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon”
[Larawan sa pahina 13]
Ano ang nakahadlang sa binatang tagapamahala na sumunod kay Jesus?
[Mga larawan sa pahina 15]
Pag-ibig ang nag-uudyok sa mga Saksi ni Jehova upang maglingkod bilang masisigasig na tagapaghayag ng Kaharian