PAGBABAGONG-ANYO
Isang makahimalang pangyayari na nasaksihan nina Pedro, Santiago, at Juan, kung saan ang “mukha [ni Jesus] ay suminag na gaya ng araw, at ang kaniyang mga panlabas na kasuutan ay nagningning na gaya ng liwanag.” (Mat 17:1-9; Mar 9:2-10; Luc 9:28-36) Sinabi ni Marcos na nang pagkakataong iyon, ang mga panlabas na kasuutan ni Jesus ay naging “lalong higit na maputi kaysa sa magagawang pagpapaputi ng sinumang tagapaglinis ng damit sa ibabaw ng lupa,” at iniulat naman ni Lucas na “nag-iba ang kaanyuan ng kaniyang mukha.” Ang pagbabagong-anyo ay naganap sa isang bundok ilang panahon pagkaraan ng Paskuwa ng 32 C.E. ngunit bago ang huling paglalakbay ni Jesus patungong Jerusalem.
Bago maganap ang pagbabagong-anyo, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay nasa rehiyon ng Cesarea Filipos, ang makabagong-panahong nayon ng Banyas. (Mar 8:27) Malayong mangyari na lumayo pa si Kristo at ang kaniyang mga apostol sa rehiyong iyon noong magtungo sila sa “napakataas na bundok.” (Mar 9:2) Mula pa noong mga ikaapat na siglo C.E., kinikilala na ang Bundok Tabor bilang ang lugar ng pagbabagong-anyo, ngunit yamang ito ay mga 70 km (40 mi) sa TTK ng Cesarea Filipos, maliit ang tsansa na dito iyon naganap.—Tingnan ang TABOR Blg. 1.
Samantala, ang Bundok Hermon ay mga 25 km (15 mi) lamang sa HS ng Cesarea Filipos. Ito ay may taas na 2,814 na m (9,232 piye) mula sa kapantayan ng dagat anupat “isang napakataas na bundok.” (Mat 17:1) Kaya naman maaaring ang pagbabagong-anyo ay naganap sa isang tagaytay ng Bundok Hermon. Ito ang pangmalas ng maraming makabagong iskolar, bagaman hindi pa rin matiyak ang eksaktong lokasyon dahil hindi ito binanggit ng Bibliya.
Malamang na naganap sa gabi ang pagbabagong-anyo, sapagkat “nag-aagaw-tulog” noon ang mga apostol. (Luc 9:32) Mas magiging matingkad ang pangyayaring ito kung sa gabi magaganap, at talaga namang nagpalipas sila ng gabi sa bundok, sapagkat noong sumunod na araw pa sila bumaba. (Luc 9:37) Gayunman, hindi sinasabi ng Bibliya kung gaano katagal ang pagbabagong-anyo.
Bago umakyat sa bundok, tinanong ni Kristo ang lahat ng kaniyang tagasunod: “Sino ako ayon sa sinasabi ng mga tao?” Sumagot si Pedro: “Ikaw ang Kristo.” Sa gayon ay sinabi ni Jesus sa kanila na siya’y mamamatay at bubuhaying-muli (Mar 8:27-31), ngunit nangako rin siya na ang ilan sa kaniyang mga alagad ay ‘hindi makatitikim ng kamatayan’ hanggang sa makita muna nila “ang Anak ng tao na dumarating sa kaniyang kaharian,” o “ang kaharian ng Diyos na dumating na sa kapangyarihan.” (Mat 16:28; Mar 9:1) Natupad ang pangakong ito “pagkaraan ng anim na araw” (o ‘walo’ ayon kay Lucas, dahil lumilitaw na isinama niya ang araw nang bitiwan ang pangako at ang araw nang matupad iyon) noong sina Pedro, Santiago, at Juan ay sumama kay Jesus sa “isang napakataas na bundok” (Mat 17:1; Mar 9:2; Luc 9:28) kung saan nagbagong-anyo si Jesus sa harap nila habang nananalangin siya.
Noong magbagong-anyo si Jesus ay nakita rin sina Moises at Elias “nang may kaluwalhatian.” (Luc 9:30, 31; Mat 17:3; Mar 9:4) Nag-uusap-usap sila tungkol sa isasagawa ni Kristo na “pag-alis [isang anyo ng salitang Griegong eʹxo·dos] na itinalagang tuparin niya sa Jerusalem.” (Luc 9:31) Maliwanag na ang eʹxo·dos o pag-alis na iyon ay may kinalaman kapuwa sa kamatayan ni Kristo at sa kaniyang pagkabuhay-muli tungo sa buhay bilang espiritu.
Ipinapalagay ng ilang kritiko na ang pagbabagong-anyo ay panaginip lamang. Gayunman, malayong mangyari na sina Pedro, Santiago, at Juan ay magkaroon ng iisang panaginip. Ang naganap ay tinawag ni Jesus mismo na isang “pangitain” (Mat 17:9), ngunit hindi iyon ilusyon lamang. Aktuwal na naroroon si Kristo, bagaman sina Moises at Elias, na mga patay na, ay hindi literal na naroroon. Isinalarawan lamang sila sa pangitaing iyon. Ang salitang Griego na ginamit sa Mateo 17:9 para sa “pangitain” ay hoʹra·ma, isinalin ding “tanawin.” (Gaw 7:31) Hindi ito nagpapahiwatig ng isang bagay na di-totoo, na para bang ang mga nagmamasid ay nakakakita ng isang guniguni. Alam din nila kung ano ang nangyayari, sapagkat gising na gising sila nang masaksihan nila ang pagbabagong-anyo. Aktuwal nilang nakita at narinig ng kanilang literal na mga mata at mga tainga kung ano ang nangyayari noong pagkakataong iyon.—Luc 9:32.
Habang inihihiwalay kay Jesus sina Moises at Elias, si Pedro, palibhasa’y “hindi niya natatanto kung ano ang kaniyang sinasabi,” ay nagmungkahing magtayo ng tatlong tolda, anupat tig-iisa sina Jesus, Moises, at Elias. (Luc 9:33) Ngunit habang nagsasalita ang apostol, isang ulap ang namuo (Luc 9:34), maliwanag na sumasagisag (gaya sa tolda ng kapisanan sa ilang) sa presensiya ni Jehova doon sa bundok ng pagbabagong-anyo. (Exo 40:34-38) Mula sa ulap ay narinig ang tinig ni Jehova, na nagsasabi: “Ito ang aking Anak, ang isa na pinili. Makinig kayo sa kaniya.” (Luc 9:35) Pagkaraan ng maraming taon, may kinalaman sa pagbabagong-anyo, tinukoy ni Pedro ang makalangit na tinig na narinig noon bilang tinig ng “Diyos na Ama.” (2Pe 1:17, 18) Bagaman noong nakalipas na mga panahon ay nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ng mga propeta, ipinahiwatig niya na isasagawa na niya iyon sa pamamagitan ng kaniyang Anak.—Gal 3:24; Heb 1:1-3.
Itinuring ng apostol na si Pedro na ang pagbabagong-anyo ay isang kamangha-manghang katibayan na mapananaligan ang makahulang salita, at palibhasa’y aktuwal niyang nasaksihan ang karingalan ni Kristo, naipabatid niya sa kaniyang mga mambabasa ang tungkol sa “kapangyarihan at pagkanaririto ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” (2Pe 1:16, 19) Naranasan ng apostol ang katuparan ng pangako ni Kristo na ang ilan sa kaniyang mga tagasunod ay “hindi nga makatitikim ng kamatayan hanggang sa makita muna nila ang kaharian ng Diyos na dumating na sa kapangyarihan.” (Mar 9:1) Sa Juan 1:14, maaaring ang pagbabagong-anyo rin ang tinutukoy ng apostol na si Juan.
Sinabi ni Jesus sa kaniyang tatlong apostol: “Huwag ninyong sabihin ang pangitain sa kaninuman hanggang sa ang Anak ng tao ay ibangon mula sa mga patay.” (Mat 17:9) At talagang hindi nila ikinuwento kaninuman ang kanilang nakita, lumilitaw na kahit sa ibang mga apostol. (Luc 9:36) Habang bumababa sila sa bundok, pinag-usapan ng tatlong apostol kung ano ang ibig sabihin ni Jesus na “pagbangong ito mula sa mga patay.” (Mar 9:10) Ayon sa isang relihiyosong turo ng mga Judio noon, kailangang magpakita muna si Elias bago ang pagkabuhay-muli ng mga patay na siyang pasimula ng paghahari ng Mesiyas. Kaya naman nagtanong ang mga apostol: “Bakit, kung gayon, sinasabi ng mga eskriba na kailangan munang dumating si Elias?” Tiniyak sa kanila ni Jesus na dumating na si Elias, at naunawaan nila na si Juan na Tagapagbautismo ang tinutukoy niya.—Mat 17:10-13.
Ang pagbabagong-anyo ay waring nagpatibay kay Kristo para sa kaniyang mga pagdurusa at kamatayan. Nagbigay din ito ng kaaliwan sa mga tagasunod niya at nagpalakas ito ng kanilang pananampalataya. Ipinakita nito na taglay ni Jesus ang pagsang-ayon ng Diyos, at nagsilbi itong pangitain tungkol sa kaniyang panghinaharap na kaluwalhatian at kapangyarihan sa Kaharian. Patiuna nitong inilarawan ang pagkanaririto ni Kristo, kapag ganap na ang kaniyang makaharing awtoridad.