Linangin ang Tunay na Kapakumbabaan
“Ang mapagpakumbabang bayan ay ililigtas mo.”—2 SAMUEL 22:28.
1, 2. Ano ang pagkakatulad ng marami sa mga tagapamahala ng sanlibutan?
ANG mga piramide ng Ehipto ay nagpapatotoo tungkol sa mga lalaking namahala noon sa lupaing iyan. Ang iba na napabantog sa kasaysayan ay si Senakerib ng Asirya, si Alejandrong Dakila ng Gresya, at si Julio Cesar ng Roma. Ang lahat ng tagapamahalang ito ay magkakatulad sa isang bagay. Hindi sila nakapag-iwan ng rekord na sila’y tunay na mapagpakumbaba.—Mateo 20:25, 26.
2 Maguguniguni mo ba na ang sinuman sa nabanggit na mga tagapamahalang ito ay naghahanap ng mga maralitang nangangailangan ng kaaliwan na sakop ng kanilang kaharian? Hinding-hindi! Ni maguguniguni mo na pupunta sila sa hamak na mga tirahan ng nasisiil na mga mamamayan upang patibayin ang loob ng mga ito. Kaylaki nga ng pagkakaiba ng kanilang saloobin sa maralitang mga nilalang na tao kung ihahambing sa saloobin ng Kataas-taasang Tagapamahala ng uniberso, ang Diyos na Jehova!
Ang Pinakadakilang Halimbawa ng Kapakumbabaan
3. Paano pinakikitunguhan ng Kataas-taasang Tagapamahala ang mga taong nasasakupan niya?
3 Hindi masaliksik ang pagiging dakila at matayog ni Jehova, gayunman, “ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” (2 Cronica 16:9) At ano ang ginagawa ni Jehova kapag nakakasumpong siya ng maralitang mga mananamba na may espiritung nasisiil bunga ng iba’t ibang pagsubok? Sa diwa, siya ay “tumatahan” kasama ng gayong mga indibiduwal sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu “upang ipanumbalik ang espiritu ng mga maralita at upang ipanumbalik ang puso ng mga sinisiil.” (Isaias 57:15) Sa gayon, lalong nasasangkapan ang kaniyang napanumbalik na mga mananamba na muling maglingkod sa kaniya nang may pagsasaya. Talaga ngang mapagpakumbaba ang Diyos!
4, 5. (a) Ano ang nadama ng salmista tungkol sa paraan ng pamamahala ng Diyos? (b) Ano ang kahulugan ng “nagpapakababa” ang Diyos upang tulungan “ang maralita”?
4 Walang sinuman sa uniberso ang nagpakumbaba sa antas na kagaya ng Soberanong Panginoon upang tulungan ang makasalanang mga tao. Maisusulat nga ng salmista: “Si Jehova ay naging mataas nang higit sa lahat ng mga bansa; ang kaniyang kaluwalhatian ay nasa ibabaw ng langit. Sino ang tulad ni Jehova na ating Diyos, siya na tumatahan sa kaitaasan? Siya ay nagpapakababa upang tumingin sa langit at lupa, ibinabangon ang maralita mula sa mismong alabok; itinataas niya ang dukha mula sa hukay ng abo.”—Awit 113:4-7.
5 Si Jehova ay dalisay at banal kaya walang “kapalaluan” sa kaniya. (Marcos 7:22, 23) Ang “magpakababa” ay maaaring mangahulugan ng makipantay sa isang may mas mababang katayuan sa lipunan o bumaba mula sa isang ranggo o dignidad kapag nakikitungo sa isang nakabababa. Kay-inam nga ng pagkakalarawan ng Awit 113:6 sa personalidad ng ating mapagpakumbabang Diyos na nagbibigay ng maibiging atensiyon sa mga pangangailangan ng kaniyang di-sakdal na mga mananambang tao!—2 Samuel 22:36.
Kung Bakit Mapagpakumbaba si Jesus
6. Ano ang pinakadakilang gawa ng kapakumbabaan ni Jehova?
6 Ang pinakadakilang gawa ng kapakumbabaan at pag-ibig ng Diyos ay ang pagsusugo sa kaniyang minamahal na panganay na Anak upang maisilang sa lupa at lumaki bilang isang tao para sa kaligtasan ng sangkatauhan. (Juan 3:16) Itinuro sa atin ni Jesus ang katotohanan tungkol sa kaniyang makalangit na Ama at pagkatapos ay ibinigay niya ang kaniyang sakdal na buhay bilang tao upang alisin ang “kasalanan ng sanlibutan.” (Juan 1:29; 18:37) Si Jesus, na sakdal na nagpaaninag ng mga katangian ng kaniyang Ama, lakip na ang kapakumbabaan ni Jehova, ay handang tumupad sa ipinagagawa ng Diyos sa kaniya. Iyan ang pinakadakilang halimbawa ng kapakumbabaan at pag-ibig na ipinakita kailanman ng isa sa mga nilalang ng Diyos. Hindi lahat ay nagpahalaga sa kapakumbabaan ni Jesus, itinuring pa nga siya ng kaniyang mga kaaway bilang “ang pinakamababa sa mga tao.” (Daniel 4:17) Gayunman, napag-unawa ni apostol Pablo na ang kaniyang mga kapananampalataya ay dapat tumulad kay Jesus at sa gayo’y maging mapagpakumbaba sa kanilang pakikitungo sa isa’t isa.—1 Corinto 11:1; Filipos 2:3, 4.
7, 8. (a) Paano natutong maging mapagpakumbaba si Jesus? (b) Anong panawagan ang ginawa ni Jesus sa mga posibleng maging alagad niya?
7 Itinawag-pansin ni Pablo ang namumukod-tanging halimbawa ni Jesus, nang isulat niya: “Panatilihin ninyo sa inyo ang pangkaisipang saloobing ito na nasa kay Kristo Jesus din, na siya, bagaman umiiral sa anyong Diyos, ay hindi nag-isip na mang-agaw, samakatuwid nga, na siya ay maging kapantay ng Diyos. Hindi, kundi hinubad niya ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at napasawangis ng tao. Higit pa riyan, nang masumpungan niya ang kaniyang sarili sa anyong tao, nagpakababa siya at naging masunurin hanggang sa kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos.”—Filipos 2:5-8.
8 Maaaring itanong ng ilan, ‘Paano kaya natutong maging mapagpakumbaba si Jesus?’ Iyon ang kamangha-manghang resulta ng kaniyang matalik na pakikipagsamahan sa kaniyang makalangit na Ama sa loob ng di-mabilang na panahon, anupat sa yugtong iyon ay naglingkod siya bilang “dalubhasang manggagawa” ng Diyos sa paglalang sa lahat ng bagay. (Kawikaan 8:30) Pagkatapos ng paghihimagsik sa Eden, nakita ng Panganay ng Diyos ang mapagpakumbabang pakikitungo ng kaniyang Ama sa makasalanang mga tao. Kaayon nito, nang nasa lupa si Jesus, ipinaaninag niya ang kapakumbabaan ng kaniyang Ama at nanawagan: “Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa.”—Mateo 11:29; Juan 14:9.
9. (a) Ano ang napansin ni Jesus sa mga bata na nakaakit sa kaniya? (b) Sa pamamagitan ng isang bata, anong aral ang itinuro ni Jesus?
9 Dahil tunay na mapagpakumbaba si Jesus, hindi takót sa kaniya ang maliliit na bata. Sa halip, malapít sila sa kaniya. Sa kaniyang bahagi naman, nagpakita siya ng pagkagiliw sa mga bata at nagbigay-pansin sa kanila. (Marcos 10:13-16) Ano ang napansin ni Jesus sa mga bata na lubhang nakaakit sa kaniya? Walang alinlangan na mayroon silang kanais-nais na mga katangian na hindi laging ipinamamalas ng ilan sa kaniyang adultong mga alagad. Alam nating lahat na sa pangmalas ng maliliit na bata, ang mga adulto ay nakatataas. Mapapansin mo ito sa marami nilang itinatanong. Oo, kung ihahambing sa maraming adulto, mas madaling turuan ang mga bata at hindi sila mahilig magmapuri. Minsan, pumili si Jesus ng isang bata at sinabi sa Kaniyang mga tagasunod: “Malibang kayo ay manumbalik at maging gaya ng mga bata, hindi kayo sa anumang paraan makapapasok sa kaharian ng langit.” Sinabi pa niya: “Ang sinumang magpapakababa ng kaniyang sarili na tulad ng batang ito ang siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.” (Mateo 18:3, 4) Sinabi ni Jesus ang tuntunin: “Ang bawat isa na nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa at siya na nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.”—Lucas 14:11; 18:14; Mateo 23:12.
10. Anu-anong tanong ang isasaalang-alang natin?
10 Nagbabangon ng mahahalagang tanong ang katotohanan. Sa isang bahagi, ang ating pag-asang magtamo ng buhay na walang hanggan ay nakasalalay sa paglilinang natin ng tunay na kapakumbabaan, ngunit bakit kaya nahihirapan kung minsan ang mga Kristiyano na magpakumbaba? Bakit isang hamon para sa atin na lunukin ang ating pride, wika nga, at tumugon nang may kapakumbabaan sa mga pagsubok? At ano ang tutulong sa atin upang magtagumpay sa paglilinang ng tunay na kapakumbabaan?—Santiago 4:6, 10.
Kung Bakit Mahirap Magpakumbaba
11. Bakit hindi kataka-taka na mahirapan tayong magpakumbaba?
11 Kung nahihirapan kang magpakumbaba, hindi ka nag-iisa. Noong 1920, tinalakay ng babasahing ito ang payo ng Bibliya hinggil sa pangangailangang maging mapagpakumbaba, anupat nagkomento: “Ngayong nakita na natin ang malaking pagpapahalaga ng Panginoon sa kapakumbabaan, dapat itong magpasigla sa lahat ng tunay na mga alagad na linangin ang katangiang ito sa araw-araw.” Pagkatapos ay sinundan ito ng tahasang pag-amin: “Sa kabila ng lahat ng payong ito mula sa Kasulatan, gayon na lamang ang likas na kasamaan ng tao anupat yaong mga napapabilang sa bayan ng Panginoon at nagpapasiyang sundin ang landasing ito ay waring higit na nahihirapan, higit na nakikipagpunyagi, hinggil sa bagay na ito kaysa kung tungkol sa ibang katangian.” Itinatawag-pansin nito ang isang dahilan kung bakit nahihirapang magpakumbaba ang tunay na mga Kristiyano—ang makasalanang kalikasan ng tao na taglay natin ay naghahangad ng di-nararapat na kaluwalhatian. Ito ay dahil sa inapo tayo ng makasalanang mag-asawa, sina Adan at Eva, na nagpadaig sa makasariling mga hangarin.—Roma 5:12.
12, 13. (a) Bakit isang hadlang ang sanlibutan sa kapakumbabaang Kristiyano? (b) Sino ang lalong nagpapahirap sa atin na malinang ang kapakumbabaan?
12 Ang isa pang dahilan na maaaring magpahirap sa atin na ipamalas ang kapakumbabaan ay ang pamumuhay natin sa isang sanlibutan na nag-uudyok sa mga tao na magsikap na maging nakatataas sa iba. Kabilang sa pangkaraniwang mga tunguhin ng sanlibutang ito ang paghahangad na masapatan “ang pagnanasa ng [makasalanang] laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa.” (1 Juan 2:16) Sa halip na mapangibabawan ng gayong makasanlibutang mga pagnanasa, dapat panatilihing simple ng mga alagad ni Jesus ang kanilang mata at ituon ang kanilang pansin sa paggawa ng kalooban ng Diyos.—Mateo 6:22-24, 31-33; 1 Juan 2:17.
13 Ang ikatlong dahilan kung bakit mahirap linangin at ipamalas ang kapakumbabaan ay sapagkat ang pinagmulan ng kapalaluan, si Satanas na Diyablo, ang namamahala sa sanlibutang ito. (2 Corinto 4:4; 1 Timoteo 3:6) Itinataguyod ni Satanas ang kaniyang masasamang ugali. Halimbawa, sinikap niyang sambahin siya ni Jesus kapalit ng “lahat ng mga kaharian ng sanlibutan at [ng] kanilang kaluwalhatian.” Palibhasa’y laging mapagpakumbaba, tahasang tinanggihan ni Jesus ang alok ng Diyablo. (Mateo 4:8, 10) Sa katulad na paraan, tinutukso ni Satanas ang mga Kristiyano na maghangad ng kaluwalhatian para sa kanilang sarili. Sa halip na gawin iyon, ang mapagpakumbabang mga Kristiyano ay nagsisikap na sundin ang halimbawa ni Jesus, anupat iniuukol ang kapurihan at karangalan sa Diyos.—Marcos 10:17, 18.
Linangin at Ipamalas ang Tunay na Kapakumbabaan
14. Ano ang “pakunwaring kapakumbabaan”?
14 Sa kaniyang liham sa mga taga-Colosas, nagbabala si apostol Pablo laban sa pakitang-taong kapakumbabaan upang pahangain ang mga tao. Inilarawan ito ni Pablo bilang “pakunwaring kapakumbabaan.” Yaong mga nagkukunwari lamang na mapagpakumbaba ay hindi espirituwal na mga tao. Sa halip, isinisiwalat nila nang di-namamalayan na sila, sa katunayan, ay “nagmamalaki.” (Colosas 2:18, 23) Itinawag-pansin ni Jesus ang mga halimbawa ng gayong huwad na kapakumbabaan. Tinuligsa niya ang mga Pariseo dahil sa kanilang pakitang-taong pananalangin at paraan ng pag-aayuno na may malungkot at pinasamáng anyo ng mukha upang mapansin ng mga tao. Sa kabaligtaran, upang maging mahalaga sa Diyos ang ating personal na mga panalangin, dapat itong bigkasin nang may kapakumbabaan.—Mateo 6:5, 6, 16.
15. (a) Ano ang magagawa natin upang mapanatili ang kababaan ng pag-iisip? (b) Sinu-sino ang ilang mabubuting halimbawa ng kapakumbabaan?
15 Natutulungan ang mga Kristiyano na manatiling may tunay na kababaan ng pag-iisip sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa pinakamaiinam na halimbawa ng kapakumbabaan, ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo. Para magawa ito, kailangan ang regular na pag-aaral ng Bibliya at ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na inilalaan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45) Napakahalaga ng gayong pag-aaral para sa mga tagapangasiwang Kristiyano, “upang ang [kanilang] puso ay hindi magmataas sa [kanilang] mga kapatid.” (Deuteronomio 17:19, 20; 1 Pedro 5:1-3) Bulay-bulayin ang napakaraming halimbawa ng mga pinagpala dahil sa kanilang mapagpakumbabang saloobin, tulad nina Ruth, Hana, Elisabet, at marami pang iba. (Ruth 1:16, 17; 1 Samuel 1:11, 20; Lucas 1:41-43) Isipin din ang maraming maiinam na halimbawa ng prominenteng mga lalaki na nanatiling mapagpakumbaba sa paglilingkod kay Jehova, tulad nina David, Josias, Juan na Tagapagbautismo, at apostol Pablo. (2 Cronica 34:1, 2, 19, 26-28; Awit 131:1; Juan 1:26, 27; 3:26-30; Gawa 21:20-26; 1 Corinto 15:9) At kumusta naman ang maraming makabagong-panahong mga halimbawa ng kapakumbabaan na nakikita natin sa kongregasyong Kristiyano? Sa pagbubulay-bulay sa mga halimbawang ito, matutulungan ang tunay na mga Kristiyano na magkaroon ng “kababaan ng pag-iisip sa pakikitungo sa isa’t isa.”—1 Pedro 5:5.
16. Paano tayo tinutulungan ng ministeryong Kristiyano na maging mapagpakumbaba?
16 Ang regular na pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano ay makatutulong din sa atin na maging mapagpakumbaba. Ang kababaan ng pag-iisip ay makatutulong sa atin na maging mabisa kapag lumalapit tayo sa mga hindi natin kilala na nasusumpungan sa pagbabahay-bahay at sa iba pang lugar. Lalo na itong totoo kapag sa pasimula ay walang-pagpapahalaga o hindi maganda ang pagtugon ng mga may-bahay sa mensahe ng Kaharian. Madalas na kinukuwestiyon ang ating mga paniniwala, at makatutulong ang kapakumbabaan sa isang Kristiyano upang laging masagot ang mga tanong “taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.” (1 Pedro 3:15) Ang mapagpakumbabang mga lingkod ng Diyos ay lumilipat sa bagong mga teritoryo at tumutulong sa mga taong may iba’t ibang kultura at pamantayan ng pamumuhay. Baka kailangang harapin ng gayong mga ministro ang mahirap na atas na mag-aral ng bagong wika upang higit na makapaglingkod sa mga nais nilang mapaabutan ng mabuting balita. Kapuri-puri nga ito!—Mateo 28:19, 20.
17. Anu-anong pananagutang Kristiyano ang nangangailangan ng kapakumbabaan?
17 Dahil sa kapakumbabaan, natupad ng marami ang kanilang mga tungkuling Kristiyano, anupat inuuna ang mga kapakanan ng iba kaysa sa kanila. Halimbawa, kailangan ang kapakumbabaan para ang isang Kristiyanong ama ay makakuha ng panahon mula sa kaniyang personal na mga gawain upang makapaghanda at makapagdaos ng mabisang pag-aaral sa Bibliya kasama ng kaniyang mga anak. Tumutulong din ang kapakumbabaan upang parangalan at sundin ng mga anak ang kanilang di-sakdal na mga magulang. (Efeso 6:1-4) Ang mga asawang babae na may di-sumasampalatayang asawa ay madalas na napapaharap sa mga situwasyong nangangailangan ng kapakumbabaan habang sinisikap nilang mawagi ang kanilang asawa sa pamamagitan ng “malinis na paggawi na may kalakip na matinding paggalang.” (1 Pedro 3:1, 2) Mahalaga rin ang kapakumbabaan at pagsasakripisyo kapag maibigin tayong nangangalaga sa mga pangangailangan ng may-sakit at matanda nang mga magulang.—1 Timoteo 5:4.
Lumulutas ng mga Problema ang Kapakumbabaan
18. Paano makatutulong sa atin ang kapakumbabaan upang malutas ang mga problema?
18 Ang lahat ng mga taong lingkod ng Diyos ay hindi sakdal. (Santiago 3:2) Kung minsan, maaaring bumangon ang di-pagkakasundo o di-pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang Kristiyano. Baka may makatuwirang dahilan ang isa para magreklamo laban sa iba. Karaniwan na, ang gayong mga situwasyon ay malulutas kung ikakapit ang payong ito: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.” (Colosas 3:13) Totoo, hindi madaling sundin ang payong ito, ngunit tutulong ang kapakumbabaan upang maikapit ito ng isang indibiduwal.
19. Ano ang dapat nating tandaan kapag nakikipag-usap tayo sa isang nagkasala sa atin?
19 Kung minsan, baka madama ng isang Kristiyano na makatuwiran ang dahilan sa pagrereklamo at napakabigat nito para palampasin. Kung gayon, tutulong sa kaniya ang kapakumbabaan upang lapitan ang diumano’y nagkasala sa layuning maibalik ang kapayapaan. (Mateo 18:15) Ang isang dahilan kung kaya nagtatagal ang mga problema sa pagitan ng mga Kristiyano ay sapagkat ang isa o marahil ang magkabilang panig ay masyadong mapagmapuri anupat hindi maamin na sila’y nagkamali. O baka naman ang isa na naunang lumapit ay gumawa nito sa paraang mapagmatuwid-sa-sarili at mapamintas. Sa kabaligtaran, napakalaki ng magagawa ng tunay na mapagpakumbabang saloobin sa paglutas sa maraming di-pagkakasundo.
20, 21. Ano ang isa sa pinakamabisang pantulong sa pagiging mapagpakumbaba?
20 Ang isang susing hakbang sa paglinang ng kapakumbabaan ay ang pananalangin ukol sa tulong at espiritu ng Diyos. Ngunit tandaan, “nagbibigay [ang Diyos] ng di-sana-nararapat na kabaitan [pati na ng kaniyang banal na espiritu] sa mga mapagpakumbaba.” (Santiago 4:6) Kaya kung mayroon kang di-makasundo na isang kapananampalataya, manalangin kay Jehova na tulungan ka na mapagpakumbabang aminin ang anumang maliit o malaking pagkakamaling nagawa mo. Kung nasaktan ka at ang nakasakit sa iyo ay taimtim na nagsabi ng, “Pasensiya ka na,” mapagpakumbabang magpatawad. Kung nahihirapan kang gawin ito, may-pananalanging hilingin ang tulong ni Jehova upang maalis sa iyong puso ang anumang namamalaging kapalaluan.
21 Kapag nauunawaan natin ang maraming pakinabang na dulot ng kapakumbabaan, magpapakilos ito sa atin na linangin at panatilihin ang napakahalagang katangiang ito. Sa layuning iyan, tunay ngang mayroon tayong kamangha-manghang mga halimbawa mula sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo! Huwag kalimutan kailanman ang katiyakang ibinigay ng Diyos: “Ang bunga ng kapakumbabaan at ng pagkatakot kay Jehova ay kayamanan at kaluwalhatian at buhay.”—Kawikaan 22:4.
Mga Punto Para sa Pagbubulay-bulay
• Sinu-sino ang pinakamaiinam na halimbawa ng kapakumbabaan?
• Bakit mahirap linangin ang kapakumbabaan?
• Ano ang makatutulong sa atin na maging mapagpakumbaba?
• Bakit napakahalaga na manatiling mapagpakumbaba?
[Larawan sa pahina 26]
Si Jesus ay tunay na mapagpakumbaba
[Larawan sa pahina 28]
Ang sanlibutan ay nag-uudyok sa mga tao na magsikap na maging nakatataas sa iba
[Credit Line]
WHO photo by L. Almasi/K. Hemzǒ
[Larawan sa pahina 29]
Tumutulong sa atin ang kapakumbabaan upang lapitan ang mga hindi natin kilala sa ating ministeryo
[Mga larawan sa pahina 30]
Madalas na nalulutas ang mga di-pagkakasundo sa pamamagitan ng mapagpakumbabang pagtatakip natin dito udyok ng pag-ibig
[Mga larawan sa pahina 31]
Ipinakikita ng mga Kristiyano ang kapakumbabaan sa maraming paraan